Ang lahat ng papuri ay para sa Allah lamang, ang Tanging Nagpapatawad ng mga kasalanan, ang Tumatanggap ng pagsisisi, ang Mahigpit sa parusa, ang Nagbubukas sa mga pintuan ng pagsisisi para sa mga naghahangad ng kapatawaran, at ang Nagpapagaan ng mga paraan sa mga taong nais magsisi. Nawa’y itampok ng Allah ang pagbanggit kay Propeta Muhammad na isinugo bilang habag sa sangkatauhan. Ating idalangin sa Dakilang Allah na nawa'y igawad Niya kay Propeta Muhammad, sa kanyang butihing pamilya at mga kasamahan ang Kanyang Pagpapala at Mabuting Gantimpala sa Kabilang Buhay. Ameen. Minamahal na kapatid! Karamihan sa tao ay hindi nakababatid sa kabutihang dulot ng tapat na pagsisisi o kaya’y hindi alam maging ang katotohanan hinggil dito. Kaya naman, ito ay hindi nila binibigyang pagpapa-halaga upang maging matapat sa pagsasakatuparan nito. At kung sakali mang nababatid nila ang kahalagahan at kabutihan ng tapat na pagsisisi, hindi naman nila nababatid ang tamang paraan tungo sa pagsasakatuparan nito. At kung nababatid man nila ang tamang paraan, magkagayunman, hindi nila nalalaman kung paano ito simulan. Minamahal na kapatid! Halina’t alamin natin ang katotohanan tungkol sa pagsisisi at ang paraan tungo rito. Nawa ’y marating natin ang mithiing ito. (Inshallah, sa kapahintulutan ng Dakilang Allah). Lahat Tayo ay Nagkakamali Minamahal na kapatid! Tayong lahat ay nagkakasala at nakagagawa ng mga pagkakamali. May mga pagka-kataon na tayo ay nagpupunyagi para sa Allah, at sa ibang pagkakataon nama’y tayo ay lumalayo sa Kanya. May panahon na tayo ay nagiging masunurin sa Allah, at kung minsan nama’y nakalilimot sa Kanya. Kailanma’y hindi tayo magiging malaya sa kasalanan, lagi tayong nakagagawa ng mga pagkukulang! Hindi tayo yaong hindi nagkakamali katulad ng sinabi ng Propeta: Lahat ng anak ni Adan ay nakagagawa ng pagkakamali subali’t ang pinakamahusay sa mga nagkakamali ay yaong lagi nang nagsisisi. (Tirmidhi) Likas na sa tao ang pagiging pabaya at pagkakaroon ng pagkukulang. Kaya naman, nang dahil sa habag ng Allah, Kanyang binuksan ang pintuan ng pagsisisi para sa sangkatauhan, at ipinag-utos sa atin na magbalik-loob tungo sa Kanya nang may pagtalima sa tuwing tayo ay pinangingibabawan ng mga kasalanan. Kung hindi dahil sa Kanyang habag, ang sangkatauhan ay mamamalagi sa malubhang katayuan. Kung hindi binuksan ng Allah ang pintuan ng pagsisisi, hindi natin magagawang maging malapit sa Kanya at tayo’y mawawalan ng pag-asang magbalik-loob at humingi ng kapatawaran. Nasaan ang Landas Tungo sa Kaligtasan? Maaaring sabihin ng sinuman na siya ’y naghahanap ng kaligayahan at kaligtasan at umaasang siyaay patawarin. Subali’t hindi niya nababatid ang pamamaraan tungo rito at hindi rin niya www.islamhouse.com 4 nababatid kung papaano ito simulan. Ang katulad niya ay isang taong nalulunod na nagnanais na may sumagip at magligtas sa kanya. Siya’y katulad ng isang taong naligaw ng landas na naghihintay ng isang maggagabay sa kanya. Kailangan niyang makita ang liwanag ng pag-asa. Subali’t nasaan ang landas tungo sa kaligayahan at kaligtasan? Minamahal na kapatid! Ang pamamaraan ay malinaw at hayag. May isang tanging pamamaraan ng pagsisisi. Ito ang pamamaraan tungo sa kaligtasan at tagumpay. Ito ay ginawang magaan at bukas sa bawa’t sandali. Ang nararapat lamang gawin ay lapitan ito, at iyong matutunghayan ang kasagutan, katulad ng ipinahayag ng Allah: At katotohanan, Ako ay katiyakang lubos na mapagpatawad sa sinumang nagsisisi, naniniwala (sa Aking Kaisahan, at hindi nagbibigay ng katambal sa pagsamba sa Akin) at gumagawa ng kabutihan, at nananatili sa pagsagawa nito (hanggang sa kanyang kamatayan). (Ta Ha 20:82) Nanawagan ang Allah sa lahat ng Kanyang alipin na magsisi maging sila man ay mananampalataya at di-mananampalataya. Ipinaalam Niya sa tao na Kanyang pinatatawad ang lahat ng mga kasalanan ng sinumang magsisi gaano man ang laki at bigat ng mga kasalanang nagawa. Ang Allah ay nagpahayag: Sabihin: O Aking mga alipin na nagmalabis laban sa kanilang mga sarili (sa pamamagitan ng paggawa ng mga kasamaan at mga kasalanan)! Huwag mawalan ng pag-asa sa Habag ng Allah. Katiyakan, pinatatawad ng Allah ang lahat ng mga kasalanan. Katotohanan, Siya ay Lubos na Mapagpatawad, ang Lubos na Mahabagin. (Az-Zumar- 39:53) Ano ang Pagsisisi? Ang pagsisisi ay paglisan o pag-iwas sa lahat ng mga kinasusuklaman ng Allah, lihim man at hayag, tungo sa lahat ng kaibig-ibig sa Kanya, maging ito man ay lihim o hayag. Ito ang pinakamataas sa lahat ng mga antas. Ito ay pagtalikod sa lahat ng mga kasalanan nang dahil sa takot sa Allah at ang pagkaunawa sa masamang idudulot ng mga kasalanan. Ito ay isang damdaming taos na pagkalungkot nang dahil sa kasalanang nagawa, at ang pagkakaroon ng isang matibay na hangaring hindi na muling gawin ito. Ito ang pagbabalik-loob tungo sa Allah para sa mga nalalabing panahon sa buhay ng tao. Bakit Kinakailangang Magsisi? Minamahal na kapatid! Marapat na magsisi sapagka't ang pagsisisi ay: • Isang uri ng pagsunod (o pagtalima) sa iyong Panginoon, sapagka’t ito ay Kanyang ipinag-utos, Siya ay nagpahayag: O kayong nananampalataya! Magbalik-loob sa Allah nang may tapat na pagsisisi. (At-Tahreem-66:8) • Isang dahilan para sa iyong tagumpay sa mundong ito at sa kabilang buhay. Ang Allah ay nagpahayag: www.islamhouse.com 5 At magsumamo sa Allah na patawarin kayong lahat, O mga nananampalataya, upang kayo ay maging matagumpay. (An-Nur-24:31) • Isang dahilan upang makamit ang pagmamahal ng Allah. Ang Allah ay nagpahayag: Katotohanan, minamahal ng Allah ang lagi nang nagbabalik-loob (nanunumbalik) sa Kanya sa pagsisisi at minamahal yaong pinada-dalisay ang kanilang mga sarili. (Al Baqarah-2: 222) Wala nang kaligayahang madarama na hihigit pa kung nababatid mong ikaw ay mamahalin ng Allah kapag ikaw ay tapat na magsisi. • Isang dahilan upang makapasok sa Paraiso at maligtas sa Apoy ng Impiyerno. Ang Allah ay nagpahayag: At may mga sumunod na sali’t saling lahi pagkaraan nila na nagpabaya sa AsSalaah (Pagdarasal) [halimbawa, ang kanilang mga Salaah ay hinayaang mawala (ipinagwalang-bahala), maaaring dahil sa hindi pagsagawa nito o sa hindi pagaalay nito sa itinakdang mga oras.] at sinunod ang (kanilang) mga (maling) pagnanasa. Kaya, matatagpuan nila na sila’y itatapon sa Impiyerno (Ghayy). Maliban sa (mga taong) nagsisi at naniwala (sa Kaisahan ng Allah at sa Kanyang Sugo na si Muhammad), at gumawa ng kabutihan. Sila yaong papapasukin sa Paraiso at hindi sila gagawan ng kamalian kahit kaunti. (Maryam 19:59-60) Mayroon pa kayang ibang layunin na nanaising makamit ng isang tao na hihigit pa kaysa sa makapasok sa Paraiso? • Isang dahilan upang makamtan ang kasaganahang hatid ng ulan, ang pagkakaroon ng karagdagang lakas at pagkakaroon ng mga anak at yaman. Ang Allah ay nagpahayag: At (sinabi ni Propeta Hood) O aking angkan! Humingi ng kapatawaran sa inyong Panginoon at pagkatapos ay magsisi sa Kanya. Padadalhan Niya kayo (mula sa langit) ng masaganang ulan, at daragdagan ng lakas ang inyong (dating) lakas. Kaya huwag tumalikod katulad ng Mujrimun (mga makasalanan at dinananampalataya sa Allah). (Hood-11:52) At Siya rin ay nagpahayag: (Si Propeta Noah ay nagsabi): Aking sinabi (sa kanila): Humingi ng kapatawaran sa inyong Panginoon. Katiyakan, Siya ay Lagi nang Mapagpatawad. Padadalhan Niya kayo ng masaganang ulan, at bibigyan kayo ng karagdagang yaman at mga anak, at pagkakalooban kayo ng mga hardin at mga ilog.” (Nooh-71:10-12) • Isang paraan upang mapatawad ang mga kasalanan at upang mapalitan ang mga ito ng gantimpala. Ang Allah ay nagpahayag: Maliban, yaong mga nagsisisi at naniniwala (sa Kaisahan ng Allah), at gumagawa ng mga kabutihan; para sa kanila, papalitan ng Allah ng mabubuting gawa ang lahat ng kanilang mga kasalanan, at ang Allah ay Lagi nang Mapagpatawad, ang Lubos na Maawain. (Al Furqaan-25:70) www.islamhouse.com 6 Minamahal na kapatid! Sa palagay mo kaya’y hindi pa sapat na dahilan ang lahat ng mga kabutihang ito at maging ang marami pang hindi nabanggit para magsisi? Bakit mo ipinagdaramot sa iyong sarili ang isang bagay na makapagdudulot ng kaligayahan? Bakit mo inaabuso ang iyong sarili at ipinagkakait dito ang pagkakaroon ng kasiyahan at pagtanggap ng Allah? Paano Ba Ako Magsisisi? Minamahal na Kapatid! Pakiwari ko’y nais mong sabihin: “Nais kong magbalik-loob sa aking Panginoon. Nais kong magsisi. Aking napagtanto na ang kaligayahan ay hindi sa pagsunod sa aking mga kagustuhan at pagnanasa o sa pagsasagawa ng mga kasalanan.” O kaya nama’y maaaring hindi mo alam ang pamamaraan ng pagsisisi, o kung paano ito sisimulan. Kapag hinahangad ng Allah ang kabutihan sa isa sa Kanyang mga alipin, ginagawa Niyang magaan ang mga paraan upang ito ay makatulong sa pagkamit nito. Ang mga sumusunod ay ilang mga bagay na makatutulong sa pagsisisi: • Ang pagiging tapat sa layunin at makatotohanan (buong-puso) sa pagsisisi upang makamit ang tulong ng Allah at ilayo ang mga balakid na maaaring humadlang sa sinumang nais magsisi. Ang Allah ay nagpahayag: Sa gayon nga, upang Aming ilayo sa kanya ang kasamaan at ang (gawaing) pakikiapid. Katiyakan, siya ay isa sa Aming piling (ginabayang) mga alipin. (Yoosuf-12:24) • Dapat mong malaman na may pananagutan ka sa anumang iyong mga nagawa. Ang pagsusuri sa sarili ay nagbibigay lakas-loob upang gumawa ng mabuti. Ito ay nakatutulong upang umiwas sa kasamaan at upang mapunuan ang mga pagkukulang na nagawa noong mga nakaraan. • Ang pagbibigay-paalaala sa sarili, at ang pagbibigay-babala sa sariling kaluluwa, at ang pagbibigay pangamba mula sa kaparusahan sa pagsasabi nang ganito: “Ikaw ay magsisi bago bawian ng buhay sapagka’t ang kamatayan ay dumarating nang biglaan.” Pagpapaalaala sa sarili tungkol sa mga kakilalang nangamatay na. Dapat tandaan na ang kamatayan ay iyong makatatagpo kahit ano pa ang ginagawa. Ang libingan ang iyong magiging tirahan, ang alabok ang magiging higaan, at mga uod ang iyong magiging kasama. Hindi ba nakatatakot na kapag ang Anghel ng kamatayan ay darating sa iyo habang ikaw ay gumagawa ng kasalanan? May magagawa pa kayang kabutihan ang pagsisisi sa gayong pagkakataon? May dulot pa kayang kabutihan ang pag-iyak, panghihinayang at paghihinagpis? • Ilayo ang iyong sarili sa mga pook na nagiging ugat ng iyong pagkakasala. Ang paglayo sa mga pook na dating pinupuntahan sa paggawa ng masama ay makatutulong sa sinumang nais magsisi. • Ang paglayo sa mga masasamang kasamahan. May malaking impluwensiya ang masasamang kasama lalo na sa kanilang pag-uugali. Dapat tandaan na ang Satanas ang namumuno sa kanila, at kadalasa’y itinutulak silang gumawa ng kasamaan. Gawin ang lahat ng paraan upang sila ay iyong maiwasan. Kung kailangang magpalit ng www.islamhouse.com 7 numero ng telepono o tirahan, dapat gawin ito. Ibahin ang dating dinaraanan kung kinakailangan. • Alalahanin ang masamang maidudulot ng pagkakasala. Kung ito ay iisipin sa simula pa lamang, ito ay makatutulong sa pagtalikod sa paggawa ng kasalanan na kadalasang pinagsisihan sa bandang huli. • Ilarawan sa isip ang Paraiso sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa sarili hinggil sa kadakilaan ng Paraiso at kung ano ang inilaan ng Allah na naririto para sa mga matutuwid na may takot sa Allah. Gayundin naman, ang pagpapaalaala sa iyong sarili hinggil sa Impiyerno at kung ano ang inihanda ng Allah dito para sa mga sumusuway sa Kanya. • Manatiling abala sa mga bagay na kapaki-pakinabang at umiwas sa kawalang-ginagawa. Kapag hindi pinanatiling abala ang sarili sa paggawa ng kabutihan, ito ay magbibigay daan upang maging abala sa paggawa ng kasamaan. Karagdagan nito, ang kawalangginagawa ay humahantong sa pagnanais na may makakasama kahit ang mga ito ’y masasama. • Ang pagsalungat sa iyong mga pagnanasa, sapagka’t ang mga pagnanasa ang pinakamapanganib na bagay. Hinggil dito, ang Allah ay nagpahayag: Nakita mo ba (O Muhammad) yaong nagturing sa kanyang walang kabuluhang pagnanasa bilang kanyang ilaah (diyos)? (Al-Furqaan-25:43) Ano ang mga Patakaran Para sa Isang Tapat na Pagsisisi? 1. Ang Katapatan sa Allah Ang pagsisisi ay nararapat gawin nang dahil sa pagmamahal sa Allah, sa pagdakila sa Kanya, sa paghahangad ng Kanyang gantimpala at kapatawaran, at sa takot sa Kanyang kaparusahan. Ang pagsisisi ay hindi dapat gawin dahil sa hangaring mapalapit sa isang tao at sa hangaring humanap ng mga makamundong bagay. Ang Allah ay nagpahayag: Maliban sa mga nagsisisi (mula sa pagkukunwari), gumagawa ng mga kabutihan, umaasa sa Allah, at pinadadalisay ang kanilang relihiyon para sa Allah (na walang ibang sinasamba maliban sa Kanya, at gumagawa ng kabutihan para sa Kanya lamang, hindi upang magpakitang-tao), magkagayon sila’y makakasama ng mga mananampalataya. At igagawad ng Allah ang malaking gantimpala sa mga mananampalataya. (An-Nisaa-4:146) 2. Ang Pag-iwas Mula sa Kasalanan Ang pagsisisi ay hindi magiging makatotohanan at katanggap-tanggap kapag ang isang tao ay patuloy pa rin sa paggawa ng mga kasalanan habang siya’y kasalukuyang nagsisisi. Sa kabilang banda, ang paggawa muli ng katulad na kasalanan matapos ng tapat na pagsisisi ay di-makapagwawalang bisa sa unang pagsisisi, subali’t kinakailangan niyang magsising muli. www.islamhouse.com 8 3. Ang Pag-amin sa Kasalanan Walang sinuman ang makagagawang magsisi mula sa mga bagay na hindi niya itinuturing na kasalanan. 4. Ang (Damdaming ng) Pagkalungkot sa mga Kasalanan Ang pagsisisi ay maituturing na tapat lamang kapag ikinalulungkot ng tao ang kanyang naga-wang kasalanan at dahil ditonakadarama siya ng labis na kalungkutan. Hindi tinatanggap ang pagsisisi ng isang taong ipinagyayabang ang kanyang mga kasalanan. Dahil dito ang Propeta nagsabi, Ang labis na pagkalungkot ay pagsisisi. (Ahmad at ibn Majah) 5. Ang Katatagang Hindi na Babalikang Muli ang Nagawang Kasalanan Ang pagsisisi ay hindi tinatanggap mula sa isang taong may hangaring bumalik muli sa kasalanang pinagsisihan, bagkus marapat siyang magkaroon ng layuning huwag gawing muli ang naturang kasalanan sa darating na panahon. 6. Ang Pagsauli sa Tao ng Kanilang Karapatan Kapag ang kasalanan ay may kaugnayan sa karapatan ng ibang tao, magkagayo’y dapat isauli ang karapatang ito sa mga taong pinagkunan kung nais na ituwid ito at maging katanggap-tanggap ang pagsisisi. Ang Propeta ay nagsabi: Sinumang kumuha ng karapatan ng ibang tao, magkagayo’y hayaan niya ngayong maging malaya ang kanyang sarili mula rito bago dumating ang Araw na walang makukuhang pakinabang sa ginto at pilak. Kung ang isang tao ay may (dalang) mga gantimpala (sa Araw na iyon), kukunin mula sa kanyang mga gantimpala ang katumbas na sukat sa kanyang pang-aapi at ibibigay sa kanyang mga inapi. Kung wala na siyang mga gantimpala, magkagayo’y ang kasalanan ng kanyang mga inapi ang idadagdag sa kanya. (Al-Bukhari) 7. Ang Panahon na ang Pagsisisi ay Tinatanggap Ang pagsisisi ay tinatanggap bago dumating ang mga sandali ng kamatayan at bago sumikat ang araw sa kanluran. Ang Propeta ay nagsabi: Bukas-palad ang kamay ng Allah sa gabi (sa paraang naaayon sa Kanyang Kadakilaan) upang ang mga makasalanan sa umaga ay makapagsisi, at bukas-palad ang Kanyang Kamay sa umaga, upang ang mga makasalanan sa gabi ay makapagsisi, hanggang sa ang araw ay sumikat sa kanluran. (Muslim) Siya rin ay nagsabi: Walang pagsisising tatanggapin sa sandali ng kamatayan. (Ahmad at Tirmidhi) www.islamhouse.com 9 Ano ang mga Palatandaan na ang Pagsisisi ay Tinanggap? • Ang pagiging mabuti kaysa dating kalagayan bago ang pagsisisi. • Ang patuloy na pangamba na muling masadlak (o malulong) sa nagawang kasalanan, sapagka’t walang sinumang dapat makadama ng kaligtasan sapagka't walang nakababatid sa anumang itinadhana sa kanya ng Dakilang Allah. Dapat lamang manatili sa sarili ang damdamin ng pangamba hanggang sa marinig ang mga Anghel na nagsasabi, katulad ng ipinahayag ng Allah: Huwag kayong mangamba o malungkot man lang! Bagkus, inyong tanggapin ang magandang balita ng Paraiso na sa inyo ay ipinangako! (Fussilat-41:30) Sa ganito lamang maaaring mawala ang takot at pag-aalala. • Ang damdamin ng bigat at sidhi ng kanyang nagawang pagkakasala bagaman siya ay nagsisi na. Si Ibn Mas’ood ay nagsabi: Bunga ng (bigat ng) kanyang kasalanan, ang isang mananampalataya ay nakadarama na tila siya ay nakaupo sa ilalim ng isang bundok na pinangangambahan niyang ito ay mahulog sa kanyang ulo. Sa kabilang dako, ang nadarama naman ng isang makasalanan sa kanyang mga kasalanan ay tila ba isang langaw lamang na dumapo sa kanyang ilong at ito ay kanyang itinataboy sa galaw ng kanyang kamay. • Ang kababaang-loob at pagpapakumbaba ng iyong puso sa iyong Panginoon. Wala nang kalugud-lugod pa sa Allah kundi ang makita Niya ang Kanyang aliping nagpapakumbaba at nagpapakaaba sa Kanya, nalulungkot at nagsisisi, at walang-tigil sa pagbanggit ng Kanyang mga Pangalan. • Ang pagiging maingat sa mga kilos ng mga bahagi ng katawan. Marapat na pangalagaan ang dila sa pagsisinungaling, paninirang-puri at panlilibak. Marapat na gawing abala ang sarili sa pag-alaala at pagbanggit sa Pangalan ng Allah at pagbigkas ng Qur’an. Marapat na bantayan ang sikmura mula sa pagkain na nagmula sa nakaw na yaman. Marapat na bantayan ang paningin at huwag tumingin sa mga ipinagbabawal na mga bagay. Marapat na bantayan ang pandinig at huwag makinig ng musika, sa mga pagsisinungaling at paninirang-puri. Marapat na bantayan ang kamay at paa laban sa anumang ipinagbabawal. Marapat na bantayan ang pagsunod sa Allah at gawin itong tapat at iwasan ang pagpapakitang-tao. Babala sa Pagpapaliban Minamahal na kapatid! Walang sinuman ang nakaaalam kung kailan siya mamamatay o kung gaano pa ang nalalabi sa kanyang panahon. Nakalulungkot makita na ang ibang tao ay ipinagpapaliban ang pagsisi at sinasabi: “Hindi pa ito ang panahon para riyan. Hayaan kaming magpakasaya muna sa aming buhay, at kami’y magsisisi kapag kami ay matanda na”. Ito ay mula sa bulong ng Satanas at ang pagsunod sa mga pagnanasa ng panandaliang ligaya ng buhay na ito. Nangangako ang Satanas sa tao samantalang wala siyang kapangyarihang magkaloob ng anumang bagay. Sa gayong dahilan, marapat na magmadali sa pagsisisi at www.islamhouse.com 10 mag-ingat sa pagpapawalang-bahala, pagpapaliban, at ang paniniwalang may panahon pa upang mabuhay nang mahaba. Minamahal na kapatid! Magmadali sa pagsisisi at mag-ingat sa pagpapaliban ng pagsisisi, sapagka’t ang pagpapaliban nito ay kasalanan din na kinakailangan ng pagsisisi. Ang dagliang pagsisisi ay lubhang kailangan. Gawin ang pagsisisi bago bawian ng buhay, bago dumating ang sandaling wala nang kabuluhan pa ang pagsisisi para sa iyo. Hindi natin batid kung kailan magtatapos ang buhay. Tayo ay magsisi bago pangibabawan ng kadiliman ang puso at makagawian ang mga kasalanan. Kaagad nating hingin ang kapatawaran ng Allah bago magkasakit at baka hindi na tayo magkaroon pa ng pagkakataong magsisi kung sakali mang bawian tayo ng buhay. Huwag Malinlang sa mga Biyaya ng Allah Minamahal na kapatid! May mga taong walang pakundangan sa paggawa ng mga kasalanan at pagsuway. Kapag sila ay sinikap na kausapin hinggil sa pagsisisi, kanilang sasabihin, “Napakaraming tao ang hayagang sumusuway sa Allah sa araw at gabi, ang kanilang mga kasalanan ay napupuno ang mundo, subali’t sila ay mayayaman at sila ay pinagkalooban ng masaganang biyaya.” Yaong mga nagsasabi ng mga ganitong mga salita ay nakalimot na ang mga makamundong pakinabang na ito ay ipinagkakaloob ng Allah sa sinumang Kanyang minamahal at hindi minamahal. Ito ay maaaring isang paraan na sila ay unti-unting maparusahan, at Kanyang ipinagpapaliban ito. Nguni’t kapag sila ay Kanyang parurusahan, ito ay sadyang matindi. Ang Propeta ay nagsabi: Kung nakita ninyo na ang Allah ay nagkaloob ng biyaya sa isang tao bagaman siya ay nagkakasala, magkagayon alamin ninyo na ito ay isang paraan na unti-unti siyang pinarurusahan. (Ahmad) Kanyang binasa ang mga talata na kung saan ang Allah ay nagsabi: Kaya, nang kanilang nalimutan (ang babala) na siyang ipinaalala sa kanila, Aming binuksan sa kanila ang mga pintuan ng bawa’t (kaaya-ayang) bagay, hanggang sa gitna ng kanilang kasayahan na ipinagkaloob sa kanila, bigla Namin silang hinablot ng kaparusahan. At masdan! Sila ay nasadlak sa kapariwaraan nang may masidhing panlulumo (at kalungkutan). Kaya pinutol ang pinag-ugatan (pinagmulan) ng mga mamamayang gumagawa ng kamalian. At ang lahat ng mga papuri at pasasalamat ay sa Allah lamang, ang Panginoon ng ‘Aalameen (sangkatauhan, Jinn, at ang lahat ng nilikha.) (Al-An’am-6:44-45)