Sa katunayan, sa Islam ang katulong na babae ay may mga karapatan, at may mga tungkulin na dapat niyang gampanan, at sa papel na ito tayo ay magbibigay diin ng pagpapaliwanag tungkol sa mga tungkulin na siyang dapat pangalagaan at gampanan ng katulong....
Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah lamang, at ang pagpapala at kapayapaan ay mapasa Sugo ng Allah (Muhammad (SAS)).
Sa katunayan, sa Islam ang katulong na babae ay may mga karapatan, at may mga tungkulin na dapat niyang gampanan, at sa papel na ito tayo ay magbibigay diin ng pagpapaliwanag tungkol sa mga tungkulin na siyang dapat pangalagaan at gampanan ng katulong.
Ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang pag-ukol ng pansin sa Allah maging sa lihim at hayag, pagkatakot at pangamba sa Kanya maging nakatago man at lantad.
2. Ang pagtaguyod at pagsasaayos ng mga gawaing pambahay ayon sa ipinag-uutos. Batay sa sinabi ng Propeta (SAS): [Katotohanan, nais ng Allah na kapag ang isa sa inyo ay tumupad ng isang gawain, kanyang pinahuhusay ito].
3. Panatilihin ang ganap at wastong pagtatakip, kahinhinan at paglalagay ng halang lalung-lalo na sa harap ng mga kalalakihan.
4. Ang pangangalaga sa pagsasagawa ng mga Salah sa takdang mga oras nito, at huwag unahin ang trabaho kaysa sa Salah na siyang dahilan ng pagkaalintana ng Salah sa takdang oras nito.
Sinabi ng Allah
At yaong sila sa kanilang pagdarasal ay pinangangalagaan
Surah Al-Maarij 70:34
5. Huwag makihalubilo nang sarilihan sa sinumang lalaki na di kaanu-ano, maging sino man sila, at huwag makikiupo sa kanila.
Batay sa sinabi ng Propeta (SAS): [Walang pansarilihang pakikiupo ng isang lalaki sa isang babae kundi ang kanilang pangatlo ay ang demunyo].
6. Ang pag-iwas sa paglalantad ng kagandahan sa pamamagitan ng pananamit at maging sa katawan. At ang paglayo sa mga pinagsisimulaan nito tulad ng pabango, pamahid sa mata, at ang katulad nito, upang maiwasan ang tukso.
7. Ang pag-iwas sa pagmamanman ng sekrito, panakaw na pakikinig, pagkalat ng mga sekrito ng iba at paghihimasok sa mga bagay-bagay na hindi dapat paghimasukan.
Sinabi ng Allah
At huwag maniktik ng lihim at huwag siraan ng puri ng bawat isa sa inyo ang isa’t isa
Surah Al-Hujurat 49:1
At sinabi ng Sugo (SAW)
Kabilang sa kagandahan ng pagka-muslim ng isang tao ay kanyang iwan ang anumang hindi niya dapat paghimasukan
8. Ang kagandahan ng pag-uugali at pakikitungo sa iba tulad ng nais mong gawin nilang pakikitungo sa iyo, at ang pagka-maaliwalas ng mukha at pagiging mahinahon sa kabutihan.
9. Ang pagiging makatotohanan at mapagkakatiwalaan at hindi pakikialam sa mga ari-arian ng iba maliban ayon sa kanilang kapahintulutan, at ang pag-iingat sa pagnanakaw at pagpigil ng paningin sa mga maseselang bahagi ng katawan na sadyang ipinagbabawal masilayan ng iba.
10. Ang pagpapasensiya, pagkamaawain at pagkahabag lalung-lalo na sa mga kabataan at matatanda, at ang pagiging matiisin at kawalan ng reklamo at paghahangad ng pagpapala.
11. Ang pagiging masigasig sa kalinisan at pagpuputol ng mga kuko anupa’t ito ay nagpapanatili sa iyong kalusugan at sa kalusugan ng iba.
12. Dalasan ang paggunita sa Allah lalong-lalo na ang mga Dhikr sa umaga at hapon, sa pagtulog at mga Dhikr sa pagkain.
13.Ang pagtakwil sa gayuma, salamangka at mga agimat na maka-shirk (pagbigay katambal sa kaisahan ng Allah). Walang makapagbibigay ng mga kabutihan kundi ang Allah at walang makapipigil ng mga kasamaan kundi ang Allah.
Sinabi ng Allah
At sinumang iukol ang pagtitiwala sa Allah, samakatuwid Siya ay makasapat sa kanya
Surah At-Talaq 65:3
14. Ang pananatili at pagtaguyod sa kautusan ng Allah at iyon ay sa pamamagitan ng pagsunod ng Kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.
Ang Magandang Asal ng Isang Tunay na Mananampalataya
sa pagkamit ng kaalamang ito ukol sa tunay na Diyos, ang tao ay nararapat na palagiang may pananalig sa Kanya, at nararapat na walang bagay ang maaaring maging daan upang talikdan ang katotohanang ito.......
Upang maging isang tunay na Muslim (taong isinusuko ang sarili sa Allah), nangangailangan na maniwala lamang sa tanging isang Diyos, sa pananaw ng Kanyang pagiging Tanging Isang Tagapaglikha, Tagapangalaga, Tagapanustos at iba pa. Nguni’t, ang paniniwalang ito, na sa katagalan ay tinawag na Tawhid Arruboobiyyah, ay hindi sapat. Sapagka’t, marami sa mga nang-iidolo ang naka-aalam at naniniwala na ang tanging Kataas-taasang Allah ang maaaring makagawa lamang nito. Kaya, hindi ito sapat upang sila ay tawaging Muslim sa tunay na kahulugan bagaman na sila ay naniniwala. Magkagayon, sa Tawhid Arruboobiyyah, dapat pang idagdag ang Tawhid Al’Uloohiyyah (ang pagtanggap ng katotohanan na ang Allah lamang ang nararapat pag-ukulan ng pagsamba), at sa gayon, dapat talikdan o iwasan ang pagsamba sa anupamang bagay o sa sinumang nilikha.
Sa pagkamit ng kaalamang ito ukol sa tunay na Diyos, ang tao ay nararapat na palagiang may pananalig sa Kanya, at nararapat na walang bagay ang maaaring maging daan upang talikdan ang katotohanang ito.
Kapag ang pananalig o pananampalataya ay pumasok sa puso ng tao, ito ay nagkakaroon ng magandang kaisipan na nagbubunga ng mga ibang mabubuting gawain. Ang magandang kaisipang ito kalakip ng mabubuting gawain ay mga patunay o tanda ng pagkakaroon ng tunay at tamang pananampalataya.
Ang Propeta ay nagsabi
Ang Pananampalataya (Iman) ay yaong nananatiling matatag sa puso at binibigyang patunay ng mga (mabubuting) gawa
Ang pangunahing bagay na matatagpuan sa isang magandang kaisipan ay ang pagkakaroon ng damdamin ng pasasalamat sa Allah, na maaaring tawagin bilang ang diwa ng pagsamba (Ibadah).
Ang damdamin ng pasasalamat ay lubhang mahalaga sapagka’t ang mga walang pananam-palataya ay tinatawag na Kafir na nangangahulugan ng “isang nagtatakwil ng katotohanan at walang pasasalamat (sa Allah).”
Ang tunay na mananampalataya ay nagmamahal at nagpapasalamat sa Allah sa mga pagpapala o biyaya na ipinagkaloob sa kanya, nguni’t dahil nababatid niya ang katotohanan na ang kanyang mabubuting gawa, maging ito man ay pangkaisipan o pisikal, ay malayo upang matumbasan ang mga pagpapala ng Allah sapagka’t siya ay lagi nang maingat sa pangambang maaari siyang parusahan sa kanyang mga gawain maging dito sa mundong ito o sa kabilang buhay. At dahil nga na siya ay may takot sa Kanya, kaya tapat at buong puso na isinusuko niya ang sarili sa Kanya at naglilingkod ng buong kababaang-loob. Hindi makakamit ng sinuman ang ganitong kalagayan kung walang pagbibigay alaala sa Allah. Ang pagbibigay alaala sa Allah ay siyang buhay na lakas ng pananalig, na kung wala ito, ang pananampalataya ay maglalaho at mawawala. Ang Qur’an ay nagtangkang itaguyod ang damdamin ng pasasalamat sa pamamagitan ng paulit-ulit o palagiang pagsambit ng mga katangian ng Allah. Ating matatagpuan ang karamihan sa Kanyang mga Banal na Katangian na binanggit sa mga talata ng Qur’an.
Siya ang Allah, walang tunay na diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya. Ang nakaaalam sa mga lingid at hayag. Siya ang Maawain, ang Mapagpala. Siya ang Allah, walang tunay na diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, ang Hari, ang Ganap na Banal, Ang (Pinagmumulan ng) Kapayapaan, ang Tagapagpatunay, ang Tagapag-bantay, ang Makapangyarihan, ang Kagila-gilalas (at di-Mapaglalabanan), ang Matayog. Luwalhati sa Allah, (Siya ay) malayo sa anupamang bagay na iniaakibat nila sa Kanya. Siya ang Allah, ang Tagapaglikha, ang Tagapaggawa, ang Nagbibigay Hugis at Anyo. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng naggagandahang mga Pangalan. Bawa’t bagay sa mga kalangitan at kalupaan ay nagbubunyi sa Kanya. At Siya ang Ganap na Makapangyarihan (at) ang Tigib ng Karunungan
Qur’an 59:22-24
Allah, walang tunay na diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, ang nananatiling buhay, ang (Tanging) Isang Tagapagpanatili (at Tagapanustos sa lahat ng nilalang). Ang idlip o antok ay hindi makapangyayari sa Kanya. Siya ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan. Sino ang makapamamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan? Batid Niya kung anong nangyari (sa Kanyang mga nilikha) sa mundong ito at kung ano ang mangyayari sa kanila sa kabilang buhay. At sino man ay walang makapang-aabot sa Kanyang Kaalaman maliban Kanyang naisin. Ang Kanyang Luklukan ay abot sa mga kalangitan at kalupaan at hindi Siya nakadarama ng kapaguran sa pangangalaga at pangangasiwa sa kanila. Sapagka’t Siya ang Kataas-taasan (sa Kaluwalhatian). Ang Dakila
Qur’an 2:255
O Angkan ng Kasulatan, huwag kayong lumagpas sa mga hangganan ng inyong relihiyon, at huwag kayong magsalita tungkol sa Allah maliban ang katotohanan. Ang Mesiyas Hesus, anak ni Maria ay (hindi hihigit pa sa) isang Sugo ng Allah lamang, at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria, at isang Ruh (espiritu) mula sa Kanyang (nilikha). Kaya maniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo, at huwag sabihin na: Tatlo (ang Diyos) (magsitigil kayo!) Iwasan, at ito (ay higit na) makabubuti sa inyo. Katotohanan, ang Allah ay isang tanging Diyos lamang. Luwalhati sa Kanya na sadyang malayo sa pagkakaroon ng anak. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng nasa mga kalangitan at lahat ng nasa kalupaan, at sapat na ang Allah bilang Tagapangasiwa
Qur’an 4:171
Source from: Katipunan ng mga Akda Hinggil sa Islam, ni Ahmad Jibril Salas