Mga Terminolohiyang Arabik
· Aalim - (pangmaramihan: Ulama) isang Muslim na may kaalaman. Ang termino ay karaniwang tumutukoy sa isang relihiyosong Muslim na iskolar.
· Faqeeh - (pangmaramihan: fuqaha) Muslim na dalubhasa sa mga batas, i.e isa na may malalim na pang-unawa sa Islam, sa mga panuntunan nito, at sa batas nito.
· Ijtihad - pangkaisipang pagsisikap sa pamamagitan na kung saan ang isang dalubhasa sa mga batas / iskolar ay kinukuha ang mga batas ng Islam na ang batayan ay ang Qur'an at Sunnah.
· Mujtahid - isang taong karapat-dapat na magsagawa ng ijtihad.
· Usool - mga alituntunin, ugat, pundasyon o mga batayan ng isang bagay.
· Fiqh – Mga Alituntunin ng Pagbabatas sa Islam.
· Isnad - kadena ng mga tagapaghatid ng anumang ibinigay na hadith.
· Hadith - (pangmaramihan - ahadith) ay isang piraso ng impormasyon o isang kuwento. Sa Islam ito ay isang talaan ng salaysay ng mga kasabihan at mga pagkilos ni Propeta Muhammad at ng kanyang mga kasamahan.
· Sahabah -ang pangmaramihang anyo ng "Sahabi," na isinasalin sa salitang mga Kasamahan. Ang sahabi, bilang ang salita na karaniwang ginagamit ngayon, ay isang taong nakakita kay Propeta Muhammad, naniwala sa kanya at namatay bilang isang Muslim.
· Shariah – Mga batas ng Islam.
· Ummah - Ang tumutukoy sa buong komunidad ng mga Muslim na walang pagsasaalang-alang sa kulay, lahi, wika o nasyonalidad.
· Fatwa – (pangmaramihan: fatawa) alintuntunin sa bahagi ng batas ng Islam na ibinigay ng isang kinikilalang awtoridad.
· Sunnah - Ang salitang Sunnah ay may ilang mga kahulugan depende sa lugar ng pag-aaral gayunpaman ang kahulugan nito ay karaniwang tinatanggap na, anumang iniulat na sinabi ng Propeta , ginawa, o naaprubahan.
· Dawah - minsan sinusulat itong Da'wah. Ang ibig sabihin nito ay tumawag o mag-anyaya ng iba tungo sa Islam.
Role-of-a-Muslim-Scholar-1.jpgAng isang taong tumatawag sa mga tao sa Islam o nagtuturo kung ano ang kaalaman niya ng may dalisay na intensyon ay makakasigurado na may malaking gantimpala. Si Propeta Muhammad ( ang awa at pagpapala ni Allah ay sumakanya), ay nagsabi "Magpaabot ka mula sa akin, kahit na ito ay isang taludtod." Hindi niya sinabi na ang tao ay dapat na magkaroon ng malawak na kaalaman; sa halip ay sinabi niya na dapat mayroon siyang kaalaman sa kung ano ang itinuturo niya. Ang mga nagtuturo ay hindi awtomatik na mga iskolar. Ang mga iskolar ay nagtataglay ng ilang mga katangian at kagalingan at mayroong napakataas na antas ng edukasyon sa Islam.
Sa wikang Arabe ang isang iskolar ay tinatawag na Aalim. Ito ay isang salita na nagtataglay ng isang kaparehong kahulugan sa salitang faqeeh at mujtahid; lahat sila ay nagsisikap na maabot ang isang Shariah sa pamamagitan ng mga katibayan na ipinakita. Sa pangkalahatan ito ay isang tao na gumugol ng maraming taon sa pagkuha ng mga magagamit at mga kinakailangan upang gumawa ng ijtihad.
Ang isa sa mga pinaka-kilalang iskolar ng ika-20 siglo, inilarawan ni Sheikh Ibn Uthaymeen ang isang simpleng pamantayan ng edukasyon na dapat makamit ng isang Muslim upang maituring na isang iskolar.[1] Ang kanyang mga salita ay binanggit sa ibaba. Kahit na ang salitang 'siya' ay ginagamit, na ito ay dapat na maunawaan na ang mga kinakailangang ito ay inilalapat sa parehong mga lalaki at babae na mga iskolar.
Una, siya (ang mujtahid) ay dapat magkaroon ng kaalaman sa mga ebidensiya na kailangan niya para sa layunin ng ijtihad, tulad ng mga talata ng Quran at ahadith na nagsasabi ng mga alituntunin. Dapat siyang magkaroon ng kaalaman tungkol sa katumpakan o kahinaan ng hadith, tulad ng isnad, at ang mga tagapagsalaysay sa isnad. Sunod ay dapat niyang malaman kung ano ang napawalang-bisa at kung ano ang mga isyu na pinagkasunduan. Dapat siyang magkaroon ng kaalaman tungkol sa iba't -ibang mga bagay na nakakaapekto sa mga alituntunin, tulad ng mga ulat na may tiyak na kahulugan, mga ulat na may itinakdang limitasyon, at iba pa. Dapat din siyang magkaroon ng kaalaman sa wikang Arabe at Usool al-fiqh (Mga Alituntunin ng Pagbabatas sa Islam) na may kinalaman sa pandiwang katibayan, tulad ng kung ano ang pangkalahatan at kung ano ang tiyak, kung ano ang walang pag-aalinlangan at kung ano ang pinaghihigpitan, kung ano ang binanggit sa maikli at kung ano ang binanggit nang detalyado, at iba pa, upang ang kanyang mga desisyon ay alinsunod sa kung ano ang ipinahiwatig ng mga katibayan na iyon. Ang huli ay nararapat na siya ay magkaroon ng kakayahang gamitin ang kaalaman na ito upang suriin ang mga katibayan at kunin ang kapasyahan.
Dapat itala na ang mga tuntuning ito, ang aalim, faqeeh at mujtahid, ay hindi dapat gamitin upang ilarawan lamang ang sinumang nagsasalita tungkol sa mga batas sa Islam o nagtuturo ng islamikong materyal sa mga paaralan, unibersidad, o mga sentro ng kultura, at hindi dapat itong gamitin para sa lahat ng nagtatrabaho sa larangan ng dawah. Ang mga terminong ito ay tumutukoy sa antas ng iskolarship na hindi madaling makuha at madalas na tumatagal ng mga dekada ng pag-aaral.
Si Propeta Muhammad ay nagsalita ng napakaliwanag tungkol sa pagiging mataas ng mga maalam na tao o iskolar. "Ang pagiging mataas ng isang aalim ng taos-puso ay tulad ng aking pagiging mas mataas sa isang mananamba o tulad ng buwan sa gabi kapag ito ay bilog, ng higit pa sa mga bituin, at tunay na ang mga iskolar ay ang mga tagapagmana ng mga propeta, at tunay na ang mga propeta ay hindi iniiwan ang ginto o pilak sa kanila , kundi iniiwan lamang nila ang kaalaman bilang kanilang pamana. Kaya't sinuman ang makakakuha ng kaalaman ay makakakuha ng mabuting kapalaran.”[2]
Ang alamin kung sino ang isang iskolar at sino ang hindi ay isang bagay na dapat na alamin ng bawat Muslim upang ito ay kanyang maunawaan. Sa digital na panahon na ito kung saan ang mga impormasyon ay malayang magagamit at madaling makuha, ito ay napakadali para sa mga taong hindi kwalipikado upang itakda ang kanilang sarili bilang mga Iskolar ng Islam at ang pinsala na maaari nilang magawa sa mga puso at isip ay minsan hindi naaayos. Kapag ang isang hindi kwalipikadong tao ay nagbigay ng isang paghahatol na pangrelihiyon ay maaring maligaw ng landas ang mga tao. Ang pagbabasa ng libro, na madalas na isinalin mula sa wikang Arabe ay hindi gumagawa sa mambabasa na isang iskolar. Siya ay hindi maaaring gumawa ng mga pagbabatas. Ang mahusay na pagsasalita sa harap ng camera at pag-post nito sa YouTube ay hindi isang tanda ng isang Iskolar.
Ang papel na ginagampanan ng isang Iskolar ng Islam ay upang gabayan ang mga tao sa tamang landas at upang matulungan ang mga tao na maramdaman at maging mas malapit kay Allah. Kailangan nilang maisalin hindi lamang ang Quran at Sunnah kundi ang kabuuan ng pagiging Iskolar na nalinang simula pa nang pagsisimula ng Islam. Ito ay hindi isang posisyon na kukunin nang basta-basta. Sa katunayan ito ay may napakalaking responsibilidad na iniiwasan ng mga sahabah at ng mga tagasunod nila ang pagbibigay ng mga pagbatas sa Islam ng hanggat maaari.
Sinasabi na ang isa sa mga dakilang iskolar ng Shariah, na si Abdur-Rahman ibn Abu Laila, ay nagsabi, "Nakipagkita ako sa isang daan at dalawampu na Sahabah. Ang bawat isa sa mga kasamahan na ito ay tinanong hinggil sa mga partikular na isyu ng Shariah, na naghahanap ng isang hatol, ngunit iniwasan nila ang pagpapasiya ng isang desisyon sa halip ay tinuturo sa isa pang kasamahan upang magbigay ng sagot. Sila ay natatakot na magbigay ng kasagutan na maaaring hindi tama na kung saan sila ay mananagot sa harap ni Allah. " Ikumpara sa mga hindi karapat-dapat na nagbibigay ng mga paghahatol sa araw na ito at panahon na ito.
Dahil sa kanyang antas ng pag-aaral, ang isang Iskolar ay may mataas na kalagayan sa komunidad ng mga Muslim. Ito ang kanyang tungkulin upang tulungan at hikayatin ang mga tao na sundin ang mga batas ni Allah at manatili sa gitna ng landas sa lahat ng bagay, paniniwala, pagsamba, etika, moralidad, pag-uugali, at pakikipag-ugnayan sa lipunan.
Mahalaga rin na maunawaan na ang mga iskolar ay maaari ding magkamali. Maaaring sila ang mga tagapagmana ng mga Propeta ngunit sila rin ay mga tao na may mga kahinaan at hindi perpekto na kabilang sa sangkatauhan. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga iskolar ay hindi gaanong nagsasagawa ng mga paghahatol o fatawa.
Si Imam Malik[3] ay isang beses tinanong tungkol sa dalawampu't-dalawang iba't ibang mga isyu sa batas. Tumugon lamang siya sa dalawa. Sa pagsagot sa mga ito ay nanalangin siya at humiling ng suporta mula kay Allah at hindi siya nagmamadali sa kanyang mga pagtugon. Sinasabi na "ang isa sa inyo na nagmamadali sa paggawa ng fatwa, ay tulad ng isang taong tumatakbo upang itapon ang kanyang sarili sa apoy." Ang ganitong mga kasabihan ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng malalim na pagsasaalang-alang kapag gumagawa ng isang desisyon. Ang isang iskolar ay mapagpasensya at maalalahanin.
Mayroong maraming mga kataga ang nauugnay sa katayuan ng isang iskolar at marami sa mga ito ay tinukoy sa seksiyon ng mga katagang Arabe ng leksyong ito. Dalawang mga kataga gayunpaman ay nangangailangan ng higit na malalim na kahulugan at pang-unawa. Ang Fatwa at mufti ay dalawang salita na ginagamit ng madali subalit minsan ay walang tunay na pang-unawa sa kahulugan nito.
Ang fatwa ay isang Islamikong matuwid na kapasyahan, na inilalabas ng isang dalubhasa sa relihiyosong batas. Ito ay kadalasang tumutukoy sa isang partikular na usapin at ibinibigay sa kahilingan ng isang indibidwal, grupo o hukom at gagamitin upang lutasin ang usapin. Ang mga fatwa ay kinakailangan kung ang isang punto ng batas o ang mga pangyayari ay hindi malinaw. Ang Fatawa ay kinakailangan din kapag ang mga bagong bagay ay nagbabago tulad ng sumusulong na teknolohiya at agham. "Maaari bang ang isang Muslim na lumahok sa kloning?" ay, halimbawa, isang tanong na mangangailangan ng mga fatwa.
Sa mga bansang sumusunod sa Islamikong batas, ang fatawa ay ang mahigpit na pinagtatalunan bago ipinapalabas sa madla. Ito ay pinagtitibay sa pamamagitan ng pagkakasundo ng isang kataas-taasang relihoyosong konseho. Sa mga bansang ito, ang fatawa ay bihirang magkasalungat, at ipinatutupad ng batas. Sa mga bansang hindi kinikilala ang Islamikong batas, ang mga Muslim ay madalas na nahaharap sa nagkakatalong fatawa. Kung ganito ang kaso ang isang tao ay maaaring pumili kung aling kapasyahan ang susundin.
Maliban kung ang isang tao ay lubhang napaka edukado sa Islamikong batas sinuman ay walang awtoridad na magpalabas ng mga fatwa. Ang ganitong edukadong tao ay kilala bilang mufti. Ang isang mufti ay itinuturing na pinakamataas na iskolar dahil sa kinakailangang maagap na pagsasanay. Siya ay isang dalubhasa sa Islamikong batas na karapat-dapat na magbigay ng mga mapananaligang matuwid na opinyon (fatawa); kadalasan ay isang kasapi ng itinatag na ulama at mas mataas ang antas sa qadi. Ang qadi, sa kabilang dako, ay naglalabas ng paghatol sa partikular na mga kaso o mga pangyayaring may kinalaman sa isang indibidwal o mga grupo. Karaniwan ang ganitong mga kaso ay kinabibilangan ng dalawang magkalaban. Sa ilalim ng karaniwang kalagayan ang magkabilang panig (ang mufti at qadi) ay nagtutulungan. Ang mufti ay nagtatayo ng punto ng batas at ang qadi ay naglalapat nito.
Upang makapaglabas ng mga fatwa ang mufti ay dapat malaman ang ilang mga bagay na maaari lamang maunawaan pagkatapos ng pagpapasailalim ng mga taon ng komprehensibong relihiyosong edukasyon. Halimbawa, dapat ay nalalaman niya ang mga talata ng Qur'an na may kinalaman sa agarang kapasyahan - kailan ang bawat isa ay naihayag at kung bakit, pati na rin ang makilala ang pagitan ng anumang mga nagpapatibay at sumasalungat na mga talata. Siya ay kailangang maging pamilyar sa lahat ng ahadith na may kinalaman sa kapasyahan at ang kawastuhan ng mga kawing ng paghahatid nito, at maging pamilyar sa mga matuwid na legal na tuntunin, kabilang ang mga argumento at anumang pinagkasunduang naabot ng naunang mga iskolar. Siya ay kailangan ding maging mahusay sa palaugnayan, balarila, pagbigkas, kawikaan, natatanging paggamit ng wika, mga kaugalian at kultura na laganap sa panahon ng Propeta at sa mga sumunod na dalawang henerasyon.
Nakasusulit tandaang ang fatawa na inilabas ng mga hindi kwalipikado at o hindi awtorisadong mga indibidwal ay walang matuwid na katayuan. Hindi ipinahihintulot na maglabas ng mga fatwa kapag siya ay walang kaukulang kaalaman. Bilang karagdagan dito ang isang kapasyahan ng isang Mufti ay hindi binigyang puwersa ng batas. Ito ay isang tugon sa isang usapin at nasa sa mga indibidwal na kung susundin ang kapasyahan o hindi. Ang batas sa kabilang dako, ay ipinapatupad sa pamamagitang ng mga hatol ng indibidwal ng hukuman.
Ang Islamikong batas na tinatawag ding Shariah ay tinatawag ang mga tao sa gitnang landas, sa lahat ng mga bagay, kabilang ang paniniwala, pagsamba, etika, moralidad, pag-uugali, pakikipag-ugnayan, at pag-unawang pangkaisipan. Ito ay maaaring tawaging batayan ng Shariah, kung saan ang mahahalaga at gabay na prinsipyo ay kahinahunan. Ang Islam ay pinaiiral ang balanse sa pagitan ng mga kalabisan.
Ang Propeta Muhammad ay nagsabi, "O mga tao pag-ingatan ang humantong sa kalabisan sa relihiyosong mga bagay sapagkat yaong mga nauna sa inyo ay napahamak dahil humantong sa kalabisan sa relihiyosong mga bagay."[1] Sa relihiyong Islam ay hindi hiwalay mula sa pang-araw-araw na pamumuhay; Ang isang Muslim ay nagsusumikap upang gawin ang bawat aspeto ng kanyang pang-araw-araw na pamumuhay na isang uri ng pagsamba. Sa gayon ang Propetang Muhammad ay binalaan ang kanyang mga tagasunod na maging katamtaman, na sundin ang isang gitnang paraan at piliin ang higit na madaling mga pagpipilian na nahuhulog sa loob ng mga hangganan ng Shariah. Ang isa sa mga tungkulin ng isang Muslim na iskolar ay ang gabayan at turuan ang iba sa kung saang mga hangganang yaon napapaloob.
“Kami ay ginawa kayong [mga mananampalataya] sa isang makatarungang komunidad (isang gitnang bansa)..." (Quran 2:143)
Ang pinakamamahal na maybahay ng Prophet Muhammad na si Aisha ay nagsabing, "Sa tuwing ang Propeta ay kailangang magpasya sa pagitan ng dalawang mga pagpipilian, lagi niyang pinipili ang mas madaling bagay, maliban kung ito ay makasalanan, na kung saan, iiwasan niya ito."[2] Kaya bahagi ng tungkulin ng isang Muslim na iskolar ay gawin ang Islam na magaan para sa iba at upang pigilan ang mga taong humantong sa kalabisan.
Si Allah ay nagsabi sa Prophet Muhammad, "Bahagi ng awa ni Allah na makitungo ka ng banayad sa kanila. Kung ikaw ay mabagsik at malupit, sila ay maaaring umiwas sa inyo," (Qur'an 3:159). At kaya nang ipinadala niya si Mu'adh bin Jabal, nawa'y si Allah ay malugod sa kanya, upang ituro ang Islam sa mga mamamayan ng Yemen, binigyan sila nito ng sumusunod na payo, "Pagaangin ang mga relihiyosong bagay sa mga tao at huwag gawin ang mga bagay na mahirap. Sundin ang bawat isa at huwag magkaiba [sa pagitan ng inyong mga sarili]."
Ang Islam ay pinaiiral din ang balanse sa pagkuha ng kaalaman mula sa Islamikong mga iskolar. Ang isang Muslim ay hindi dapat isipin na kaya niya mag-isa at kanyang balewalain ang lahat ng mga sinasabi ng mga iskolar - ito ay isang tiyak na landas na mahulog sa mga ligaw na ideolohiya. At sa kabilang dako ay hindi niya dapat ituring ang Islamikong mga iskolar na malaya sa pagkakasala; ang pagkuha sa kanilang mga salita bilang malaya sa pagkakasala ay bahagi ng mga pagmamalabis na ang mananampalataya ay hinihiling na ito ay layuan. Ang isang Muslim ay mapagpakumbabang kumikilala sa kanyang antas ng kaalaman at natutunan ang kanyang Islam mula sa yaong may kakayahan at mapagkakatiwalaan.
Ang mga Muslim na iskolar, yaong mga edukado upang magpayo at magbigay ng relihiyosong kapasyahan, ay ginagawa ang buo nilang makakaya upang matulungan ang mga mananampalatayang manatiling matatag sa tamang landas, ang gitnang landas. Sila mismo ang pinakauna sa lahat na sumasailalim sa mataas na pagpapakadalubhasang relihiyosong pagsasanay at edukasyon; ang lalim ng kanilang kaalaman ay hindi nakamit sa pamamagitan ng lahat ng impormasyon na madaling nakukuha sa internet ngayon. Ang isang iskolar ay isang taong nakakaalam, at gumugol ng napakaraming mga oras at mga taon, maging dekada, sa pagkakamit ng kaalamang yaon.