Mga Terminolohiyang Arabik
· Adhan - isang Islamikong pamamaraan ng pagtawag sa mga Muslim sa limang beses na obligadong pagdarasal.
Paglipat patungong Madina
Ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagpahintulot sa mga mananampalataya na simulan ang paglipat patungong Yathrib, na pinalitan ng pangalang Madinat-un Nabī, ibig sabihin, lungsod ng Propeta, o sa madaling salita ay Madina. Sinubukan ng mga Quraysh na pigilan hanggat maari ang maraming bilang ng mga Muslim sa pag-alis na iyon. Sa loob lamang ng dalawang buwan halos lahat ng mga Muslim ay nakalipat na, habang ang Propeta mismo ay nanatili kasama ang ilan sa kanyang mga kasamahan. Sa wakas, matapos ang ilang mga araw na paglalakbay sa disyerto, tanaw na ang Madina. Ang misyon ng Islam ay pumasok sa unang yugto. Pagkaraan ay umalis din siya kasama ang kanyang malapit na kasamahan, Abu Bakr. Pagkatapos ng ilang araw na paglalakbay sa disyerto, tanaw na ang Madina. Ang misyon ng Islam ay pumasok sa unang yugto.
Pagdating sa Madina
Narinig ng mga tao ng Madina ang balita hinggil sa paglipat ng Propeta at nasa daan na. Ang unang lugar na hinintuan ng Propeta ay ang munting bayan na kung tawagin ay Quba. Ito ay isang mataas na pamayanan mga tatlong milya ang layo mula sa sa Madina. Isa sa mga unang bagay na ginawa ng mga Muslim dito, ay ang pagtatayo ng moske. Matapos makumpleto ang moske, Tumungo na siya sa lungsod. Pulu-pulutong na lumabas ang mga tao ng Madina upang salubungin siya. Noon ay buwan ng al-Rabi al-Awwal, labing-tatlong taon matapos tanggapin ng Propeta ang unang rebelasyon mula sa Allah. Ang paglipat na ito ang simula ng bagong yugto sa misyon ng Propeta at nang maglaon ay naging pananda kung saan magsisimula ang kalendaryo ng nga Muslim.
Unang Mosque ng Madina
Ang unang gawain na isinakatuparan ng Propeta ay ang pagtatayo ng isang moske kung saan ang lahat ng mga mananampalataya ay maaaring magtipon-tipon at magsagawa ng kanilang mga panalangin. Ang moske na ito ay naging kilala bilang “Moske ng Propeta”, ngunit ito ay isa lamang lugar na napapalibutan ng dingding na yari sa putik na binububungan ng mga sanga ng puno ng palma.
Sa Mecca, ang mga Muslim ay walang kakayahang magdasal na magkakasama sa kongregasyon dahil sa kinakaharap nilang panganib. Ngayon na naglaho na ang banta, ang limang beses na mga pagdarasal ay naisasagawa na nila nang sama-sama sa moske. Si Bilal ibn Rabah, ang dating alipin, ay napili upang magkaroon ng karangalan sa pagtawag ng Adhan. Sa tuwing isisigaw niya, “ang Allah ay dakila!” itinitigil ng mga tao anuman ang kanilang ginagawa at pumupunta sa moske.
Habang itinatayo ang moske, ang Propeta ay nanatili sa tahanan ni Abu Ayyub al-Ansari, dahil wala siyang sariling tahanan at tinaggihan ang pagtanggap ng maluhong mga regalo mula sa kanyang mga tagasunod.
Tunay na Kapatiran
Ang mga Muslim na lumipat ay binigyan ng kagalang-galang na titulong “Ang mga Migrante” (al-Muhajirun), sapagkat iniwan nila ang kanilang bayan sa kapakanan ng Islam. Ang mga Muslim sa Madina ay tinawag na “Ang mga Kaagapay” (al-Ansar), sapagkat umagapay sila sa nauna na manirahan sa kanilang bayan. Itinatag ng Propeta ang kasunduan ng pagkakapatiran sa pagitan ng dalawang grupo sa pamamagitan ng pagpapares sa isang Migrante at isang Kaagapay. Ang Kaagapay ay ibabahagi ang kanyang tahanan at ari-arian sa kanyang kapatid na Migrante.
Pagpapatuloy ng mga Labanan
Ang mga Muslim ay nakaligtas sa pang-aapi sa Mecca, ngunit ang mga Quraysh ay nakatuon pa rin sa pagsira sa Islam at sa mga Muslim. Ginamit ng Quraysh ang kanilang impluwensya sa Arabia upang harangan ang ilang mga tribo mula sa pagbisita sa Madina. Dahil walang sentro ng pamamahala sa Arabia, ang mga tribo at komunidad ay nakikipag-ugnayan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga alyansa at mga kasunduan. Sa kawalan ng alinman, ito ay nangangahulugan na sila ay nasa potensyal na digmaan. Ang isang tribo ay papasok lamang sa isang kasunduan kung may ilang insentibo para sa kanila. Ang Quraysh, na siyang may malakas na puwersa, ay walang mapapala kung makikipagkasundo sa mga Muslim.
Nauunawaang lubos ng Propeta ang sitwasyon ngunit hindi makagawa ng anumang hakbang hanggang sa wakas ay naipahayag ang talata: “Ang kapahintulutan upang makipaglaban ay iginawad sa kanila dahilan sa sila ay ginawan ng kamalian – Katotohanang ang Allah ay makapagkakaloob sa kanila ng tagumpay. [Sila na mga] yaong hindi makatarungang pinalayas sa kanilang mga tahanan, na walang anumang dahilan maliban sa kanilang pagpapahayag, ‘ang Allah ang aming Panginoon.’” (Quran 22:39)
Bago nito, ang mga Muslim ay hindi pinapahintulutang gumanti, kahit na sa pagtatanggol sa sarili. Ito ang dahilan kung bakit maraming mga Muslim ang pinahirapan at ipinahiya sa Mecca. Ngayon, ang pahintulot na lumaban ay ibinigay dahil nagbago ang mga pangyayari.
Labanan sa Badr
Ilang mga kasunduang pangkapayapaan ang natapos ng mga Muslim sa ibat-ibang mga tribo, ngunit ang hukbo ng Quraysh (1000 malalakas na kalalakihan) at ang mga Muslim (na higit sa 300 lamang) ay nagtagpo, harapan, sa kanilang unang labanan, sa Badr (isang maliit na bayan mga 80 milya ang layo mula sa Madina). Kulang sa pisikal na dami ang mga Muslim, ngunit sa tulong ng Allah, nagawa nilang talunin ang hukbo ng Quraysh na nagsimula ng umatras. Pitumpong mga sumasamba sa diyos-diyosan ang napatay habang karagdagang pitumpu ang bihag. Karamihan sa mga pinuno ng Quraysh ay napatay sa araw na iyon, kasama na ang kilalang si Abu Jahl. Ang mga Muslim ay nabawasan ng mga labing-apat na kalalakihan.
Paggamot ng mga Bilanggo
Ang mga bihag ng digmaan ay nakaposas at inilagay sa pangangalaga ng mga sundalong Muslim. Ipinag-utos ng Propeta na pakitunguhan at pakainin sila ng maayos. Ilan sa mga kasamahan ay seryosong pinanghawakan ang salita ng Propeta na binigyan nila ang kanilang mga bilanggo ng tinapay habang sila ay nagkasya na lamang sa datiles. Ang mga mayayamang bihag ay ipinatubos habang ang mga marurunong ay kailangang magturo ng sampung Muslim ng pagbasa at pagsulat upang makalaya. Samantalang sa Mecca, ang Quraysh ay nagluluksa sa kanilang mga patay at sumumpang maghihiganti.
Mga Bagong Kaaway sa Madina
Sa Madina, dalawang bagong kalabang puwersa ang lumitaw, lalo na noong matapos ang labanan sa Badr. Mayroong ilang mga Arabo sa Madina na nananatiling sumasamba sa mga rebulto at kinamumuhian ang Islam katulad ni ʿibn Ubayy at ang kanyang mga tagasunod. Gayunpaman, pagkatapos ng tagumpay sa Badr, karamihan sa kanila ay nagpahayag na maging isang Muslim, kahit na pakitang-tao lamang. Maliwanag sa kanilang kilos na hindi pumasok ang tunay na pananampalataya sa kanilang mga puso, ngunit nakita nila ang bentaheng pampulitika sa pagpapanggap na maging Muslim. Ilan sa mga talata sa Quran ay ipinahayag upang ipabatid sa mga totoong Muslim ang banta na maidudulot sa komunidad ng grupong ito ng mga mapagkunwari. Gayunpaman, ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay hindi kailanman nagturing sa sinuman at tinuruan ang kanyang mga tagasunod na hatulan ang mga tao sa ayon sa kanilang mga aksyon.
Ang ikalawang banta ay nagmula sa mga tribo ng Hudyo na nakatira kapwa sa loob at labas ng Madina sa loob ng maraming siglo. Sa pagdating sa Madina, ang Propeta ay gumawa ng kasunduan sa mga tribo ng Hudyo upang malinaw na tukuyin ang mga ugnayan sa pagitan nila at ng mga Muslim. Kabilang sa mga pangunahing elemento ng kasunduan ay: kapwa ang mga Muslim at Hudyo ay malayang magsagawa ng kanilang sariling pananampalataya, kapwa nila tutulungan ang isat-isa sakaling lumusob ang mga dayuhang kaaaway at walang anumang kasunduan ang gagawin sa Quraysh laban sa mga Muslim. Marami sa mga Hudyo ang mababa ang tingin sa Propeta dahil sa pagmamalaki sa kanilang mga ninuno. Ngunit ang Propeta ay patuloy na nagturo sa mga Muslim na manatiling may paggalang sa kanila. Sa paglaon ay dumating ang kapahayagan na ang mga Muslim ay pinapahintulutan na kumain ng mga karne na kinatay ng mga Tao ng Kasulatan at maging pakikipag-asawa sa kanila. Ang ilan sa mga Hudyo ay tinanggap din ang Islam. Isa sa mga nangungunang Rabbi ng Madina, ʿAbdullah ibn Salam, ay naniwalang ang Sugo ng Allah ang nabanggit sa Torah at tinanggap ang Islam.
Pagtataksil ng Qaynuqa
Ilang buwan pagkatapos ng Badr, ang Propeta ay nakatanggap ng intelihensiya na ang mga Hudyo mula sa tribo ng Qaynuqa, na naninirahan sa loob ng Madina, ay nagbabalak na sumira sa kanilang tipan. Ang Qaynuqa ay naghanda para sa pakikipaglaban, umaasa na ilan sa mga mapagkunwari ay makikipagtulungan gaya ng naipangako. Pagkalipas ng dalawang linggo na hindi nakakatanggap ng mga kagamitan o tulong mula sa labas, sila ay sumuko. Sila ay hiniling na umalis at nanirahan sa ibang mga tribo ng mga Hudyo sa palibot ng lugar.
Ang Labanan sa Uhud
Noong 3 AH, ang Propeta ay nakatanggap ng intelihensiya na mayroong paparating na 3000 mga sundalo na lulusob sa Madinah. Tinipon ng Propeta ang hukbo ng 1000 mga sundalo at sinangguni ang kanyang mga kasamahan kung sasalubungin ba ang hukbo sa labas o manatili sa lungsod at ipagtanggol ito. Ang Propeta ay bumigay sa kanilang kasigasigan at ang hukbo ay tumungo sa Bundok ng Uhud, mga dalawang milya ang layo mula sa Madina, kung saan nila sasalubungin ang kaaway. Habang nasa daan, Si ʿAbdullah ibn Ubayy (pinuno ng mga mapagkunwari) ay nagpasyang iwanan ang hukbo ng Muslim dahil hindi nasunod ang kanyang gusto at nanatili na lamang sa lungsod. Siya at ang kanyang mga tauhan, na bumubuo sa isang-katlo ng hukbo, ay umurong.
Itinalaga ng Propeta ang 50 na mga taga-pana sa kalapit na burol upang bantayan ang isang maliit na daanan sa burol na maaaring gamitin ng mga kaaway. Ang labanan ay nagsimula at ang mga Muslim ay nagsimulang magtagumpay sa Quraysh. Ang sagisag-pandigma ng Quraysh ay bumagsak at sila ay nagsimulang umatras, habang patuloy silang sinusugod ng mga sundalong Muslim. Sa sandaling iyon, karamihan sa mga mamamana na nakaposisyon sa burol ay nagpasyang umalis sa kanilang mga himpilan, na nakatingin sa mga samsam ng digmaan na kung saan sabik nilang makuha. Ang burol ay wala ng proteksyon at ang kabalyero ng mga kaaway ay sumalakay sa pagitan ng mga agwat at sinamantala ang nagkakasiyahang mga Muslim. Bilang resulta, 70 mga patay na Muslim ang nakahandusay sa lugar ng labanan habang 22 lamang na mga Quraysh ang napatay. Ang tagumpay sa Uhud ay nauwi sa mapait na pagkatalo. Ang mga talata ay ipinahayag sa Propeta upang maging malinaw na ang sakuna ay bunga ng espirituwal na sakit ng kasakiman
Pagpapaalis sa mga Nadir
Noong 4 AH, ang Sugo ng Allah ay nakatanggap ng intelihensiya na ang mga Hudyo ng Nadir ay nagtatangkang magtaksil sa mga Muslim. Dinalaw sila ng Propeta, ngunit pinagtangkaan nila ang buhay niya. Nilisan niya ang lugar at binigyan sila ng 10 araw upang umalis. Ngunit ipinilit nila ang pakikipagdigma at nagsimulang makipag-alyansa sa ilang mga lider ng Arabya. Ipinadala ang isang hukbo ng Muslim upang kubkubin ang kanilang kuta. Pagkalipas ng 10 araw, ipinag-utos ng Propeta na ilan sa kanilang mga puno ng palmera, ang pinakamahalaga nilang pagaari, ay putulin. Sumuko rin sila bandang-huli at pinalipat sa lubos na pinatibay na lungsod ng Khaybar, ilang daang milya sa hilaga. Muli, sa halip na magpasalamat, agad silang nagplano laban sa mga Muslim.
Labanan sa Bambang
Si Huyayy, ang pinuno ng Nadir, ay nagtungo sa Mecca upang mag-udyok ng huling paglusob laban sa Madina. Madali niyang nahimok ang mga Quraysh na panahon na upang maglunsad ng huling pagsalakay laban sa mga Muslim. Nagsimulang kumalap si Abu Sufyan ng mga kaalyado mula sa ibat-ibang panig ng Arabya. Nagawang tipunin ng Quraysh ang 4000 mga sundalo mula sa kanila at karagdagang 6000 mga sundalo mula sa silangang bahagi ng Arabya. Si Salman Al-Farsi, kasamahan ng Propeta na nagmula sa Persia, ay nagmungkahi ng taktikang pandigma ng dayuhan sa pamamagitan ng paggawa ng bambang o malaking kanal upang pagsamahin ang matatag na posisyong pandepensa sa pamamagitan ng mga patlang ng lava at sa pamamagitan ng pinatibay na mga gusali. Bagay na hindi pa narinig sa pakikidigmang Arabo, nagustuhan ng Propeta ang layunin ng plano at agad itong isinakatuparan. Ang Propeta mismo ay lumahok sa pagbubuhat mula sa kanyang likuran ng mga durog na bato. Nang dumating ang koalisyon ng hukbo, hindi pa nila nakitang ginamit ang estratihiyang pang-militar na iyon.
Si Huyyay, na kasama ng mga hukbo, ay binayaran ang natitirang tribo ng hudyo sa Madina, ang Qurayza, na naninirahan sa timog, at hinimok sila na tumalikod sa kasunduan sa mga Muslim.
Ang pagkubkob ng mga Muslim ay tumagal nang halos isang buwan. Bandang huli'y nagpasya si Abu Sufyan na sumuko at umatras, na hindi matagumpay. Sa tulong ng Allah, hindi lamang nakaligtas sa pakikipaglaban ang mga Muslim subalit ito ay simbolikong tagumpay na rin na maituturing para sa kanila.
Kasunduan sa Hudaybiya
Noong 6 AH, ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nakatanggap ng kapahayagan mula sa Allah, sa anyo ng panaginip, na siya ay dumalaw sa Kabah na ahit ang kanyang buhok. Tumungo siya kasama ang 1400 na mga Muslim upang magsagawa ng pilgrimahe sa Mecca. Isa iyon sa mga sagradong buwan
Kapag nais ng sinumang tribo ang dumalaw sa Mecca, karaniwan nilang ginagawa ito sa mga sagradong buwan kung saan ang labanan ay ipinagbabawal, naglakbay nang hindi nagdadala ng anumang espesyal na mga armas para sa digmaan, dala-dala nila ang mga hayop na iaalay sa Mecca.
Nang matuklasan ito ng mga Quraysh, naharap sila sa problema. Hindi nila mapapayagang makapasok sa Mecca ang isinusumpa nilang kaaway, ngunit sa kabilang banda ay hindi nila maaaring pigilan o saktan sila o manganib na mawalan ng dangal sa buong Arabya.
Ang mga Muslim ay nakarating sa isang kapatagan na kilala bilang Al-Hudaybiya, malapit lamang sa Mecca. Ang Propeta ay nagpadala ng isang tao upang ipaalam sa mga pinuno ng Quraysh na hindi sila dumating upang makipaglaban ngunit upang bisitahin lamang ang Kabah. Ipinahayag din niya na nais nilang pumirma ng kasunduan ng kapayapaan. Napagpasyahan ng Propeta na ipadala si Uthman ibn Affan, na marami pa ring mga koneksyon sa mga tribo sa Mecca, upang makipag-ayos ng kasunduan sa Quraysh. Nagkaroon ng usap-usapan na si Uthman ay napatay, na nangangahulugan ng hayagang deklarasyon sa pakikipagdigma. Ang Propeta ay umupo sa lilim ng isang puno kung saan ang bawat kasamahan ay nangako na susuportahan nila ang Propeta hanggang sa kamatayan. Gayunpaman, ang bulung-bulungan ay napatunayang hindi totoo.
Ang mga taga-Mecca ay nagpadala ng isang delegado na gumawa ng isang kasunduan ayon sa mga sumusunod na kondisyon:
1. Ang mga Muslim at Quraysh ay hindi makikipaglaban sa bawat isa sa loob ng sampung taon.
2. Ang mga Muslim ay babalik sa Madina at hindi papayagang bisitahin ang Kabah sa taong iyon. Gayunpaman, sila ay pinapayagang bisitahin ang Kabah sa susunod na taon sa loob ng tatlong araw lamang.
3. Kung ang isang Muslim mula sa Madina ay nagpasya na umalis sa Islam at bumalik sa Mecca, sila ay papayagan na gawin ito. Gayunpaman, kung ang sinuman mula sa Mecca ay nagpasya na tanggapin ang Islam at pumunta sa Madina, siya ay ibabalik sa Quraysh.
4. Ang kapwa partido ay maaaring gumawa ng mga alyansa sa anumang mga tribo na kanilang naisin, at sila rin ay sakop ng kasunduan.
Ang paglaganap ng Islam
Pagkatapos ng kasunduan na ito, ang mga Muslim at mga Arabong sumasamba sa diyos-diyosan ay nagsimulang magkaroon ng malayang ugnayan at regular na nagkikita-kita. Sa loob ng sumunod na dalawang taon, mas maraming mga tao ang tumanggap sa Islam kaysa noong nakaraang labing walong taon.
Nang sumunod na taon, ang Sugo ng Allah ay nagpadala ng kinatawan na may dalang liham para sa mga pinuno ng lahat ng pangunahing maykapangyarihan sa palibot ng Arabya. karamihan sa mga liham ay magkakatulad: nagsisimula ito sa pangalan ng Allah, ipinapahayag na si Muhammad ay Sugo ng Allah, inanyayahan ang mga pinuno na tanggapin ang Islam at binigyan sila ng babala na kung tatanggihan nila ay dapat nilang tanggapin ang pananagutan ng pagpigil na makarating ang mensahe sa kanilang mga tagasunod. Ang hari ng Abyssinia at ang hari ng Bahrayn ay tinanggap ang Islam habang si Kisra, ang emperador ng Persia, ay galit na pinunit ang liham at pinatay ang Muslim na kinatawan. Ang pinuno ng hilagang Arabya ay galit ring tumugon at nagbanta na sasalakayin ang Madina.
Ang hari ng Egypt, Muqawqas, ay magalang na tumanggi na tanggapin ang Islam ngunit nagpadala ng mga regalo sa Propeta bilang pagpapakita ng mabuting pakikitungo. Tinanggap ng Propeta ang gayong mga kaloob at pinanatili ang pakikipagkaibigan sa kanya.
Ekspedisyon ng Mu'tah
Ang isang pangkat ng mga Muslim na naglalakbay patungong Syria ay pinatay ng tribong Ghassan, na kaalyado ng mga Romano. Ang Propeta ay kailangang tumugon, kaya't siya ay nagpadala ng 3000 mga sundalo na pinangunahan ni Zayd ibn Thabit. Batid niya na ito ay malapit sa teritoryo ng Romano at lubos na nalalaman ang napakalaking puwersa na taglay ng mga Romano. Gayunpaman, ipinahayag niya na kung mamatay si Zayd, papalit si Ja'far ibn Abi Talib at, kung siya ay mapatay, si Abdullah ibn Rawaha ang papalit. Ang kanilang hukbo ay may bilang na mahigit sa isang daang libong mga sundalo. Ang labanan ay nagsimula at ang lahat ng tatlong pinuno ay napatay. Pagkatapos nito, itinalaga ng mga Muslim si Khalid ibn al-Walid na pamunuan ang hukbo na nagawang makaatras na hindi nalagasan ng maraming buhay. Nang marating nila ang Madina, labis na nalungkot ang Propeta na ang sarili niyang ampon na lalaki at pinsan ay napatay. Ngunit ang Propeta ay labis na ipinagmamalaki ang matalinong estratehiya ni Khalid at binansagan siya bilang 'ang tabak ng Allah'.
Pagsakop sa Mecca
Noong 8 AH, ang tribo ng Bakr ay nilusob ang isang tribo na kaalyado ng mga Muslim, isang paglabag sa kasunduan sa Hudaybiya. Agad na humingi ng tulong ang tribo sa Propeta, dahil ang Bakr ay kaalyado ng Quraysh. Nang maglaon ay napag-alaman na ang Quraysh ang nagtustos sa kanilang kaalyado ng mga arams upang ilunsad ang pag-atake. Alam ng mga Quraysh na sila ay nagkasala kaya't ipinadala si Abu Sufyan sa Madina upang subukan na muling isaayos ang kasunduan. Pagkalipas ng ilang linggo, ipinag-utos ng Propeta sa hukbo ng Muslim na palibutan ang Mecca na umaasang susuko sila na hindi lumalaban. Pinatawad niya ang lahat ng tao at marami ang tinanggap ang Islam dahil sa kanyang kabaitan. Tinanggal ng Propeta ang bawat rebulto sa Kabah at tinawag ni Bilal ang Adhan mula sa bubong nito.
Pilgrimahe ng Pamamaalam
Bago ang pagtatapos ng 9 AH, ipinabatid ng Propeta sa lahat ng tribo sa palibot ng Arabya na binabalak niyang personal na isagawa ang Hajj.
Habang ginagawa ang mga ritwal na nauugnay sa pilgrimahe, tumayo ang Propeta sa isang bundok sa Arafat at nagtalumpati sa madla na tinatayang nasa 150,000 na mga Muslim, na kilala bilang ‘sermon ng pamamaalam’. Ang pananalita ay binubuo ng mga sumusunod na rebolusyonaryong mga punto:
· Lahat ng interes sa mga pautang ay kanselado.
· Lahat ng mga paghihiganti ng tribo sa mga nakaraang mga pagpatay ay ipinapahinto.
· Ang mga kababaihan ay may karapatan sa mga kalalakihan, at ang kalalakihan ay dapat maging maingat upang matupad ang mga karapatang iyon.
· Ang dugo at ari-arian ng Muslim ay banal, kaya walang sinuman ang dapat lumabag sa kabanalan na walang katarungan.
· Walang Arabo ang nakakahigit sa hindi mga Arabo, at vice versa.
· Ang kulay ng iyong balat ay hindi tumutukoy sa kahigitan.
Pagpanaw ng Propeta
Mga dalawang buwan pagkatapos bumalik mula sa Mecca, ang sugo ng Allah ay tinamaan ng mataas na lagnat at pananakit ng ulo. Makalipas ang ilang araw, malubha ang kanyang karamdaman na maging ang pagpunta sa moske ay hindi na na niya magawa. Bawat sandali na siya ay naglilinis ng katawan at sinusubukang tumayo, siya ay nahihimatay. Samakatuwid, sa muli niyang pagbangon, sinenyasan niya si Abu Bakr na pamunuan ang mga tao sa panalangin, habang siya ay nagdarasal sa kanyang silid. Ito ay nagpatuloy ng ilang araw hanggang sa siya ay tuluyan ng pumanaw noong umaga ng ika- 12 ng al-Rabi al-Awwal. Ang kanyang misyon ay nakumpleto na. Naiparating na niya ang mensahe ng Islam at binunot ang idolatriya at mga panlipunang bisyo mula sa buong Peninsula ng Arabya.