Mga Artikulo

 Panimula


Nauna na nating natalakay ang mga kahulugang nilalaman ng unang bahagi ng Shahadah, “Laa ilaaha ill-Allah”. Sa serye ng mga araling ito, ating tatalakayin ang pangalawang bahagi, “Muhammadun Rasool-Allah”. Ating makikilala kung sino ang taong nagngangalang Muhammad, ang habag at pagpapala ni Allah ay mapasakanya, at ating matututunan kung ano talaga ang siyang kinakailangan sa pagsaksi ng kanyang pagkapropeta.





Sino si Muhammad? (ang habag at pagpapala ni Allah ay mapasakanya)


Si Muhammad, ay isinilang sa isang marangal na angkan sa lugar ng Mecca sa peninsula ng Arabya noong taong 570 CE.  Ang kanyang kanunu-nunuan ay nagmula pa kay Propeta Ismael, isa sa dalawang anak ni Propeta Abraham.  Ang kanyang ama ay binawian ng buhay bago pa man siya maisilang at ang kanyang ina naman ay binawian ng buhay noong siya ay anim na taong gulang. Ang unang nag-alaga sa kanya ay isang tagapangalaga sa disyerto, kasunod sa nakasanayan noong kapanahunang yaon, pagkatapos noon napunta siya sa pangangalaga ng kanyang lolo at pagkatapos ay sa kanyang tiyuhin. Sa kanyang kabataan, kilala siya bilang isang mabuting tao, tapat sa kanyang salita, kailanma’y hindi siya tumalikod sa kanyang salita.  Sa edad na 40, hinirang siya ng Diyos bilang propeta, gaya ng nabanggit ng mga naunang propeta tulad nina Moses at Hesus, at si Anghel Gabriel ang nagdala sa unang kapahayagan ng Diyos, noong siya ay nagnilay sa kwueba ng Hira sa Mecca.  Kasunod noon, ang Diyos ay nagpadala ng kapahayagan kay Propeta Muhammad sa loob ng dalawampu’t tatlong taon.  Itong aklat ng mga kapahayagan ay tinawag na Qur’an - ito ang kanyang pinaka-milagro na nananatili at patunay ng kanyang katapatan.





Tulad ng lahat ng mga protetang nauna, siya ay taong hinirang ng Diyos upang mag-paabot ng Kanyang mensahe tungo sa Kanyang mga nilikha.  Siya ay kumakain, umiinom, natutulog, at namuhay tulad ng ibang mga tao.  Ang kanyang kaalaman sa mga mangyayari palang ay limitado sa kung ano ang ipinahayag sa kanya ng Diyos.  Sa madaling salita, siya ay walang anumang-bahagi  sa pamamahala sa sanlibutan. Hindi siya banal, hindi siya diyos, at ang mga Muslim ay hindi sumasamba sa kanya.  Siya ay propeta at sugo, isa sa mahabang hanay ng mga propeta na kinabibilangan nina Abraham, Moses, mga propetang Hebreo, at Hesus. Kanyang idineklara ang pagkakapatiran ng lahat na mga propeta na mula sa iisang ama:





“Ang mga propeta lahat ay magkakapatid mula sa iisang ama. Ang kanilang mga ina ay magkakaiba, subalit ang  kanilang relihiyon ay iisa. ” (Al-Bukhari, Muslim)





Mahalaga para sa isang tao na kanyang alamin at kilalanin si Propeta Muhammad, ang kanyang buhay, talambuhay, kanyang mga pag-uugali at pamumuhay. Sa pagsagawa nito, ito’y magiging kapaki-pakinabang sa isang tao sa mga sumusunod na paraan:





(1)  Siya ay mamahalin at rerespetuhin ng tao. Ang pagmamahal sa Propeta ay mahalagang bahagi ng paniniwala, tulad ng kanyang sinabi: (ayun sa salin ng kahulugan)





“Hindi magiging tunay na naniniwala ang isa sa inyo hanggang ako ay maging mas kamahal-mahal sa kanya kaysa sa kanyang anak at magulang at lahat ng tao.. (Muslim)





Imposible na magmahal ang isang tao ng hindi niya kilala, at nadaragdagan ang pagmamahal ng isang tao kapag nalaman niya ang mga mabubuting katangian na tinataglay ng taong ito.





(2)  Madaragdagan ang paniniwala ng isang tao sa mensaheng kanyang ipinarating. Kung malalaman ng tao ang pagkakasunod-sunod ng pangyayari ng kanyang buhay at kapanahunan, hindi sila magkakaroon ng pagdadalawang-isip na ang relihiyon na kanyang ipinangaral ay siyang katotohanan, at tunay na siya ay sugo na may pagtataguyod mula sa nasa pinaka-kataastaasan.





Ang Ating Kamahal-mahal na Propeta


“Noong Tumingin ako sa kanya at sa kabilugan ng buwan, may suot siyang kapang pula, sa aking pagtingin siya ay mas maganda  pa kaysa sa buwan.” (Al-Tirmidhi)





Ganito inilarawan ni Jabir ibn Samura ang Huling Propeta, ang Taluktok ng mga Sugo, ang Pinuno ng mga Maka-diyos, ang Prinsipe ng mga Mananampalataya, ang Hinirang ng Pinakamahabaging Diyos.





Siya ay may maamong mukha na bilog, puti, at maganda.  Ang kanyang buhok ay dumadalayday sa pingol ng kanyang tainga. Ang kanyang balbas ay makapal at maitim. Kapag siya ay nalugod nagliliwanag ang kanyang mukha. Ang kanyang tawa ay hindi lalayo sa pag-ngiti. Ang kanyang mata ay itim, at ang kanyang mga pilik-mata ay mahahaba. Ang kanyang mga kilay ay nakaukit ng pakurba. Noong ang paningin ni Abdullah ibn Salam, isang hudyo na kilalang dalubhasa sa kaalaman sa Medina sa kapanahunang yaon, ay namasdan ang kanyang mukha, kanyang nasabi na ito ay mukha ng taong hindi nagsisinungaling!





Siya ay may katamtamang taas, hindi matangkad o maiksi.  Kapag siya'y lumakad ay inklinado paharap. Siya ay nakasuot ng sandalyas na balat. Ang kanyang pang-ibabang kasuotan ay umaabot sa kalagitnaan ng kanyang binti o minsa'y sa ibabaw ng kanyang bukong-bukong.





Sa kanyang likod, malapit sa kanyang kanang balikat ay ang 'Selyong palatandaan ng Pagkapropeta'.  Ito'y kasing laki ng itlog ng kalapati na may mga tuldok na parang mga nunal. Nailarawan na ang kanyang mga palad ay mas malambot pa kaysa sa sutla.





Kung siya ay paparating, makikilala na ang kanyang presensya mula pa sa distansya dahil sa kanyang halimuyak. Ang patak ng kanyang pawis ay inilarawang tulad sa mga perlas. Ang kanyang mga kasamahan ay naiulat na tinitinipon ang kanyang pawis para ihalo sa kanilang mga pabango na syang nagdadagdag ng bango nito.





Ang  Doctrina ng Islam ay naglalaman ng aral na ang demonyo ay hindi maaring makita sa panaginip na magpapanggap bilang siya. Na kung sinuman ang makakakita sa kanya sa panaginip sa tunay niyang anyo ayon sa pagkakalarawang nabanggit, kung gayon pinaniniwalaang tunay na ang kagalang-galang na Propeta nga mismo ang kanyang nakita.





Siya ay tatahimik ng mahabang sandali at siya ay lubos na kagalang-galang sa kanyang pananahimik.





Kapag siya ay nagwika, hindi siya nagbibitiw ng salita liban nalang kung ito ay pawang katotohanan sa tinig na kaayaayang pakinggan. Hindi siya nagsasalita ng mabilis; bagkus ang kanyang sinasabi ay malinaw at ang bawat salita ay maliwanag na ang mga nakinig ay maaalala nila ito. Sa katunayan, nailarawan na sinumang gustuhing bilangin ang kanyang mga salita ay madali itong magagawa. Ang kanyang mga kasamahan ay nagsalaysay na siya ay hindi magaspang o imoral. Kailanman hindi niya minura ang sinuman o nag-abuso sa kanila. Kanya lamang sasabihin ang ganito: 





“Ano ang problema ni ganito at ni ganyan?” (Saheeh Al-Bukhari)





Ang pinaka-ayaw niyang pag-uugali ay ang pagsisinungaling. Paminsan-minsan ay inuulit niya ang kanyang sinasabi ng dalawa o tatlong beses para maunawaang mabuti ng mga nakikinig sa kanya. Nagbibigay siya ng maiiksing talumpati. At sa paghahayag niya ng talumpati mamumula ang kanyang mga mata, tataas ang kanyang boses, ang kanyang emosyon ay magiging kapansin-pansin na para bagang nagbibigay babala sa paparating na paglusob ng kaaway.


Pinangunahan niya ang isang simpleng buhay ng walang anumang karangyaan o pagmamalabis! Tinalikuran niya ang mga makamundong buhay at lumayo dito. Itinuring niyang kulungan ang mundo, hindi Paraiso.





Kung kanyang naisin, ay maaari siyang magkaroon ng anumang bagay na kanyang gustuhin dahil sa susi ng mga kayamanan na ipinakita sa kanya, nguni't tumanggi siyang tanggapin ang mga ito.





Hindi niya ipinagpalit ang kanyang bahagi sa Kabilang buhay para sa makamundong buhay na ito. Alam niya na ito ay isa lamang pasilyo, at hindi permanenteng tirahan. Naintindihan niya ng lubusan na ito ay isang himpilan, hindi isang lugar libangan. Ginamit niya ito sa kanyang tunay na kahalagahan - tulad ng isang ulap sa tag-init na kakalat ng mabilis.





Gayunpaman, sinabi ng Allah na siya ay Kanyang pinagyaman mula sa kahirapan:





"Hindi ka ba Niya nakitang naghihirap at pinagyaman ka?" (Mula sa Qur'an- 93:8)





Si Aisha (Kalugdan nawa siya ng Allah), ang kanyang maybahay, ay nagsabi:





" May isang buwan na lumipas na ang pamilya ni Propeta Muhammad (SAW) ay hindi nagningas o nagsindi ng apoy sa kanilang mga tahanan. Sila ay nabuhay sa dalawang mga bagay - mga datiles at tubig. Ang ibang Ansar na kanyang mga kapitbahay ay nagpapadala ng gatas mula sa kanilang tupa, kung saan ay kanyang iinumin at pagkatapos ay ibibigay sa kanyang pamilya." (Saheeh Al Bukhari at Saheeh Muslim)





Kanyang sinabi na ang pamilya ni Propeta Muhammad (Sumakanya nawa ang Habag at Pagpapala ng Allah), ay hindi kumain ng tinapay na sapat sa kanilang pangangailangan o kasiyahan sa loob ng tatlong magkakasunod na araw mula sa panahon ng pagdating niya sa Madina hanggang sa siya ay mamatay, sa kabuuan ng halos 10 mga taon!





Sa kabila ng mga ito, siya ay tumatayo sa kalagitnaan ng gabi upang mag-alay ng kanyang pasasalamat sa kanyang Nag-iisang Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal, ang dasal sa gabi o Tahajjud. Siya ay magdarasal ng matagal na hanggang ang kanyang mga paa ay mamaga! Nang siya ay tanungin kung bakit siya sumasamba sa Allah ng labis, ang kanyang tugon ay:





"Hindi ba ako dapat na maging isang mapagpasalamat na alipin sa Allah?" (Saheeh Al-Bukhari at Saheeh Muslim)





Si Omar (Kalugdan nawa siya ng Allah), isa sa malapit niyang kaibigan, ay ginunita ang mga araw niya na lumipas na siya ay  gutom, at nagsabi na kung minsan ang Propeta (SAW) ay wala kahit na lumang datiles upang mapawi ang kanyang gutom!





Si Abdullah Ibn Mas'ud, isa pang kasamahan ng Propeta (SAW), ay minsang nagsabi, na kapag ang Propeta (SAW) ay gumising mula sa kanyang pagtulog, ang mga marka ng higaan na yari sa mula sa dahon ng puno ng datiles na kanyang ginagamit sa kanyang pagtulog ay nakaukit sa kanyang katawan, si ibn Mas'ud ay naghinanakit:





"Ang aking ama at ina ay maaring tumulong sa iyo! Bakit hindi mo kami hayaang maghanda ng isang bagay na (mas malambot) para sa iyo, kung saan maaari mong pangalagaan ang iyong sarili.?





Siya ay tumugon:





'Wala akong magagawa sa mundong ito. Ako ay nasa mundong ito tulad ng isang manlalakbay na hihinto sa ilalim ng lilim ng puno sa isang maikling panahon at, pagkatapos ay magpapahinga, muling magpapatuloy sa kanyang paglalakbay, na iiwan ang puno pagkaraan." (Al-Tirmidhi)





Ang iba't-ibang mananakop sa mga salaysay ng kasaysayanay ay kilala sa pagpapadanak  ng dugo  at pagtatayo ng mga mataas na baytang ng mga bungo. Si Propeta Muhammad (SAW) ay kilala sa kanyang pagiging mapagpatawad. Kailanman siya ay hindi naghiganti mula sa sinuman na nagkamali sa kanya, sa punto na siya ay hindi kailanman nanakit ng kahit sino gamit ang kanyang mga kamay, maging isang babae o isang alipin, maliban na lamang kung siya ay nakikipaglaban sa landas ng Nag-iisang Tagapaglikha (Allah) upang ipagtanggol ang pananampalataya.





Ang kanyang kapatawaran ay makikita sa araw na siya ay pumasok sa Makkah bilang isang mandirigma pagkatapos ng walang taong pagkakatapon sa ibang lugar.





Pinatawad niya ang marami sa mga umusig o umapi sa kanya, at ang sapilitang nagpatapon sa kanya at sa kanyang pamilya sa loob ng tatlong taon, sa mga tumawag sa kanya na isang baliw, isang manunula, at sinasanibang tao. Pinatawad niya si Abu Sufyan, isa sa pinakamasamang tao na nagplano ng pag-uusig sa kanya, araw at gabi, kasama ang kanyang asawa, si Hind na pumutol-putol sa bahagi ng patay na katawan ng tiyuhing Muslim ng Propeta (SAW) at kumain sa hilaw na atay pagkatapos mag-utos kay Wahshi, isang mabangis na alipin na kilala sa kanyang mga kasanayan sa pakikipaglaban, upang siya ay patayin, na sa kalaunan ay humantong sa kanila na tanggapin ang Islam. Sino pa ang maaaring magkaroon ng tulad ng isang may mataas na pamantayan ng pag-uugali maliban sa pinaka-marangal at pinaka-matapat na Sugo ng Allah (SAW)?





Si Wahshi, isang alipin mula sa Makkah, ay nakamit ang kanyang kalayaan sa mga unang taon ng Islam mula sa kanyang amo o nagmamay-ari kapalit ng pagpatay kay Hamza, ang tiyuhin ni Propeta (SAW), kung saan ang katawan ay pinutol-putol. Nang ang Islam ay dumating sa Makkah, siya ay tumakas papunta sa ibang lungsod, ang Taif. Sa huli ang Taif ay sumuko din sa mga Muslim. Sinabi sa kanya na pinapatawad ni Propeta Muhammad (SAW) ang sinumang tumatanggap sa Islam. Kahit na ang nagawang pagkakasala ay lubhang malaki. Tinipon ni Wahshi ang kanyang tapang at pumunta sa kanya (Propeta) at ipinahayag ang kanyang pagpasok sa Islam, at siya ay pinatawad ni Muhammad (SAW). pinatawad din niya ang dating nagmamay-ari kay Wahshi, na si Hind, ang babae na pumutol-putol sa patay na katawan ni Hamza at kumain sa kanyang puso at atay dahil sa kanyang labis na galit sa Islam!





Ang kanyang pagpapatawad ay umabot hanggang kay Habbar. Noong panahon na ang kanyang sariling anak na babae, na si Zaynab (Kalugdan nawa siya ng Allah), ay mangingibang-bayan mula Makkah hanggang sa Madina, sinubukan ng mga paganong taga-Makkah na pwersahan siyang patigilin. Si Habbar ay isa sa kanila. Ginawa niyang paglakbayin ang buntis na anak na babae ng Propeta (SAW) mula sa Kamelyo. Bilang resulta, nawala ang kanyang dinadalang sanggol! Upang makatakas  mula sa pag-uusig sa kanyang ginawang mga krimen, umalis si Habbar papuntang sa Iran, nguni't binuksan ng Allah ang kanyang puso pabalik sa Propeta (SAW). Kaya nagpakita  siya at inamin at pingsisihan ang kanyang mga kasalanan (SAW) , nagpahayag ng pagpapatotoo o paniniwala, at siya ay pinatawad ng Propeta (SAW)!





Itinuro niya  ang kanyang daliri sa buwan, nahati ito ni Muhammad (SAW) sa dalawa. Sa loob ng isang gabi, ay nilakbay niya mula Makkah hanggang sa Jerusalem, pinamunuan ang lahat ng mg Propeta sa pagdarasal, at pagkatapos ay umakyat lagpas sa ikapitong Langit upang makipagkita sa kanyang Nag-iisang Panginoon. Pinagaling niya ang may sakit at ang bulag. Iniwanan ng mga demonyo ang kanilang sinapian sa pamamagitan ng kanyang utos, ang tubig ay umagos mula sa kanyang mga daliri, at ang kanyang pagkain ay maririnig na nagpagpupuri sa Allah.





Sa kabila nito, siya ang pinaka-mapagpakumbaba sa lahat ng tao.





Umuupo siya sa sahig o sa lupa, kumakain sa lapag, at natutulog sa sahig.





Isinalaysay ng isang kasamahan na kapag may isang dayuhan na darating sa isang pagtitipon  kung saan siya naroroon, ay hindi niya makikilala kung sino ang Propeta (SAW) mula sa kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang pagka-mapagpakumbaba.





Si Anas, ang kanyang tagapaglingkod, ay sumumpa na sa loob ng siyam na taon niyang paglilingkod, kailanman ang dakilang Propeta (SAW) ay hindi siya pinarusahan o sinisi sa kahit na anong bagay..





Ang kanyang mga kasamahan ay inilarawan siya bilang isang labis na mapagpakumbaba na kahit na ang isang maliit na batang babae ay mahahawakan ang kanyang kamay at madadala siya kahit saan niya naisin. Palagi siyang pumupunta sa mga mahihina kasama ang mga Muslim upang bisitahin ang maysakit at dumalo sa mga prusisyon ng kanilang libing. Palagi siyang nananatili sa likod ng grupo ng mga tao o karawan upang gamutin ang mahihina at manalangin para sa kanila. Hindi siya nag-aatubiling lumakad kasama ng isang balo at isang mahirap na tao, o kahit na ang isang alipin hanggang sa matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Tumutugon siya kahit na sa paanyaya ng mga alipin na kumain ng hindi hihigit sa tinapay na gawa sa sebada o barley na sila ay kasama.





Siya ang pinaka-mabuting tao sa  kanyang pamilya. Inilarawan ni Aisha (Kalugdan nawa siya ng Allah) ang kanyang kababaang-loob:





"Nananatili siyang abala sa paglilingkod at pagtulong sa kanyang buong pamilya, at kapag dumating ang oras ng pagdarasal o Salah, ay magsasagawa siya ng paghuhugas o Wudhu at aalis para magdasal. Tinatagpian niya ang kanyang sariling mga tsinelas at tinatahi ang kanyang sariling mga damit. Siya ay isang pangkaraniwang tao... na ginagatasan ang kanyang tupa, at ginagawa ang sarili niyang mga gawain." (Saheeh Al-Bukhari)





Tunay na siya ay pinaka-mabuti sa kanyang pamilya. Ganito ang  kanyang mga  katangian na ang mga tao ay di lumalayo mula sa kanya!





Siya ang pinaka-matapang, ang pinaka-walang takot, at ang pinaka-malakas ang loob sa lahat ng kalalakihan sa larangan ng digmaan. Ang mandirigma ng Ansar, si Al-Bara ay nagulat at napasigaw:





"Nang tumindi ang labanan, ay hinangad namin ang proteksyon sa tabi ng Propeta (SAW) at siya ang pinaka-matapang sa amin sa   mabilis na bugso ng pagsalakay." (Saheeh Al-Bukhari at Saheeh Muslim)





Ang matapang na lalaki ng Arabya, Si Ali - ang mandirigma ng Khaybar - inilarawan ang kagitingan ng Propeta (SAW):





"Sana'y  nakita  mo ako sa araw ng Labanan ng Badr, ng hinangad namin ang proteksyon sa tabi ng Propeta (SAW). Siya ang pinaka-malapit sa amin sa kalaban at siya ang may pinaka-masidhing kagustuhan sa pakikipaglaban sa araw na iyon!" (Mula sa Shar Al-Sunnah)





Ganito ang dakilang Propeta ng Allah na dapat nating mahalin ng higit kaysa sa ating mga sarili at ganito  siya inilarawan ng Nag-iisang Panginoon:





"Katotohanan, sa pamamagitan ng Sugo ng Allah (SAW), ikaw ay mayroong isang mabuting halimbawa para sundin." (Qur'an - 33:21)





Sumumpa  ang Allah para sa kanyang perpektong pag-uugali:





"Nūn. Sa pamamagitan ng panulat at kung ano ang isinulat ng mga Anghel.





Ikaw (O Muhammad) ay hindi (sa tagapagkaloob sayo  ng biyaya) isang baliw!





katotohanan, mapapasaiyo ang  isang walang katapusang gantimpala - pagmasdan, ikaw ay nasa mataas na pamantayan ng pag-uugali." (Qur'an - 68:1-4)





Ang lahat ng tungkol sa kanya - kanyang mga katangian, pag-uugali, mga pahayag, at kapuri-puring pamumuhay - ay humihimok sa isang tao na magkaroon ng pananampalataya gaya ng ipinahayag sa Qur'an:





"Katotohanan, sa pamamagitan ng Sugo ng Allah (SAW) ikay ay mayroong isang mabuting halimbawa para sundin." (Qur'an - 33:21)





Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay ang lalaking minamahal ng higit sa 1.5 bilyong mga Muslim sa buong mundo. Siya rin ay iginagalang ng mga iba pang may iba’t-ibang pananampalataya at mga paniniwala. Sa buong kasaysayan at sa buong mundo ang mga di-Muslim ay nagpakita ng malaking paggalang at nagbigay ng karangalan kay Propeta Muhammad (SAW) at siya ay itinuturing na pinaka-maimpluwensya sa parehong relihiyon at walang kaugnayan sa relihiyon na mga bagay. Ang Banal na Qur'an ay ipinahayag kay Propeta Muhammad ng Allah at ang mga Muslim ay hinihikayat na tularan ang kanyang pag-uugali at mabuting pamantayan. Ito ay dahil ang buhay ni Propeta Muhammad (SAW) ay ang Quran. Nauunawaan niya ito, minamahal ito at isinabuhay niya ang kanyang buhay batay sa mga pamantayan nito. Kapag ipinahayag ng mga Muslim ang kanilang pananampalataya sa Allah, ipinahayag din nila ang kanilang paniniwala na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo.





Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Allah, ay minamahal ng marami, ang kanyang pag-uugali ay pinag-aaralan at sinusunod, ngunit sino talaga ang taong ito? Saan siya nanggaling, saan at kailan siya ipinanganak, kung ano ang tunay na kanyang ginawa upang tawagin siya na isang  tao na pinahahalagahan o iginagalang ng higit sa iba pang mga tao. Tinawag siya ng Allah na isang habag sa sangkatauhan kaya't mas makabubuti  na malaman natin hangga't maaari ang tungkol sa taong ito. Sa araling ito at sa mga sumusunod na aralin ay maikli nating tatalakayin ang buhay at panahon ni Propeta Muhammad (SAW). Ang buhay ni Propeta Muhammad (SAW) ay maaaring nahahati sa dalawang natatanging mga panahon, ang panahon ng Makkah at ang panahon ng Madinah.





Ang Panahon ng Makkah 


Si Propeta Muhammad (SAW) ay ipinanganak sa Makkah sa taong 570 CE (Karaniwang Panahon) sa lungsod ng Makkah sa Peninsula ng Arabya, ang bahagi ng makabagong panahon ng bansang Saudi Arabia. Ang kanyang ama, si Abdullah ay namatay ilang sandali matapos ang kanyang kasal kay Aminah ang anak na babae ni Wahb, kaya ang pangangalaga kay Propeta Muhammad (SAW) ay napunta sa kanyang lolo na si Abdul-Muttalib na isang iginagalang at kilalang pinuno ng parehong angkan ng Hashim at ng maimpluwensiyang tribo ng Quraysh





Tulad ng kaugalian sa mga panahong iyon, pagkatapos na ipinanganak si Muhammad ay ipinagkatiwala siya  sa isang tagapag-alaga ng sanggol na nagngangalang Halima mula sa lagalag (nomadic) na tribo ni Sa'd ibn Bakr. Kaya ginugol niya ang kanyang mga unang taon sa kabundukan, pinag-aralan ang pamumuhay ng mga Bedouin at ang dalisay na wikang Arabik. Nang si Muhammad (SAW) ay nasa lima o anim na taon ay dinala siya ng kanyang ina sa Yathrib, isa sa pinanggalingang bayan sa hilaga ng Makkah, upang manirahan sa mga kamag-anak at bisitahin ang libingan ng kanyang ama doon. Habang pabalik mula sa paglalakbay, si Aminah ay nagkasakit at pumanaw. Sa puntong ito si Muhammad ay ibinalik sa Makkah at inilagay sa tanging pangangalaga at proteksyon ng kanyang lolo na si Abdul-Muttalib. Sa pangangalaga ng kanyang lolo, sinimulan ni Muhammad na matutunan ang mga pamantayan ng mahusay na pamamahala.





Ang Makkah ay pinakamahalagang sentro ng paglalakbay sa Arabiya at si Abdul-Muttalib ang pinakamahalagang pinuno nito. Iginagalang at pinahahalagahan ni Abdul-Muttalib ang mga kasunduan at ipinapakita ang pinaka-mabuting pag-uugali. Mahal niya ang mga mahihirap at pinakakain sila sa panahon ng taggutom; tinutulungan niya ang mga naglalakbay at hinahadlangan niya ang mga gumagawa ng mali. Natutunan ni Muhammad sa kanyang murang edad na ang mga mabuting asal at pag-uugali ay maaaring gawin kahit na sa  panahon at lugar kung saan ang matinding pang-aapi sa mahina, at sa babaing balo at ang mga ulila ay walang magawa.





Noong si Muhammad ay walong taong gulang ang kanyang lolo ay pumanaw din at iniwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiyuhin na si Abu Talib. Nagpunta si Abu Talib upang pangalagaan, paglingkuran, ipagtanggol at igalang si Muhammad sa panahon ng mga pagsubok ng pagiging Propeta at hanggang sa araw na siya ay pumanaw. Sa ilalim ng kanyang pangangalaga si Muhammad ay lumaki bilang isang mabuting binata na kilala sa kanyang mabuting pag-uugali at katapatan. Si Muhammad ay tinukoy bilang as-Sadiq (Ang isa na Tapat) at al-Amin (Ang Isa na Mapagkakatiwalaan).





Noong kanyang  kabataan si Muhammad ay laging sumasama sa kanyang tiyuhin sa kanyang mga paglalakbay upang makipag-kalakalan sa bansang Syria. Sa gayon niya  natutunan ang kasanayan sa pagbili, pagbebenta at pangangalakal, at kaya sa edad na 25 siya ay bihasa na  sa mga bagay na ito. Siya ay madalas na inuupahan ng mga tao upang magbenta ng kanilang mga  kalakal gamit ang mga magagandang karawahe  sa mga lungsod. Sa panahong ito si Muhammad ay inupahan ng babaeng mangangalakal ng Makkah na si Khadijah.





Kinikilala at hinahangaan ni Khadijah si Muhammad sa walang maipipintas na pag-uugali at mga kasanayan at nag-alok na magpakasal sa kanya kahit na siya ay mas matanda ng humigit-kumulang sa 15 taong gulang kaysa sa kanya. Ito ay tinanggap ni Muhammad (SAW) at sila ay namuhay ng magkasama sa halos dalawampu't limang taon, hanggang sa pagkamatay ni Khadijah, kalugdan nawa siya ng Allah, mga 8-9 na taon pagkatapos ng pagpapahayag ng Quran. Sa panahong ito, bagama't ito ay pinahihintulutan, si Muhammad ay hindi nagpakasal sa iba pang mga babae. Ang kanilang buhay na magkasama ay isang magandang kasaysayan ng pag-ibig na nagbunga ng anim na mga anak, dalawang anak na lalaki at apat na anak na babae.





Si Muhammad ay isang tao na laging nagnanais na mag-isip nang malalim at magmuni-muni sa mga kababalaghan ng sansinukob. Sa loob ng edad na apatnapu siya ay nagsimulang tumigil ng madalas sa isang kuweba sa labas ng Makkah na kilala bilang Hira.  Sa kuwebang ito, noong taong 610 CE, unang ipinahayag ang talata ng Qur'an kay Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah. Ang kabuuan ng Quran ay patuloy na inihayag sa mga sumunod na 23 taon, sa iba't ibang lugar at sa iba't-ibang mga pamamaraan.





Sa sumunod na dalawa hanggang tatlong taon pagkatapos ng unang paghahayag, si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay palihim na itinuro ang Islam sa mga mapagkakatiwalaang tao. Nguni't, nang magsimula siyang manawagan sa Islam ng hayagan, ang poot ng mga sumasamba sa idolo ay dumami at si Propeta Muhammad (SAW) at ang kanyang mga tagasunod ay napasa-ilalim sa pagmamalupit  at panliligalig. Ang tribo ng Quraysh ay ang mga tagapangalaga ng Kabah, ang banal na tahanan na kung saan ang lahat ng mga Arabo ay naglalakbay, at ito ay pinagmumulan ng malaking karangalan at kita, samakatuwid sila ay naging agresibo at si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nais nilang patayin nguni't dahil sa katayuan at mataas na katungkulan ng kanyang tiyuhin na siAbu Talib ito ay naging imposible o napakahirap gawin.





Gayunpaman ang mga plano ay ginawa upang puksain ang tinatawag na  salot  at ang mga tagasunod ng Islam ay ginipit, pinahirapan at pinatay. Ang panahong ito ng pagpapahirap ay nangyari sa loob ng tatlong taon na mga panunungkulan sa panlipunan at pang-ekonomiyang pagpaparusa na nagbunga ng matinding pagsakop at pagkamatay dahil sa gutom. Humigit-kumulang isang taon pagkatapos ng pagpataw ng mga parusa si Khadijah, kalugdan nawa siya ng Allah, ay pumanaw. Gayundin sa taong iyon, ay kinillala ito bilang taon ng kalungkutan, si Abu Talib ay pumanaw, na naiwan ang mga taga-Makkah na malayang bumuo ng masamang balak at magplano na lipulin ang mga Muslim. Bilang tugon sa kanilang kahila-hilakbot na kalagayan, si Propeta Muhammad  (SAW) ay nagpadala ng isang grupo ng mga Muslim sa Abyssinia upang humingi ng proteksyon sa makatarungang Kristiyanong Hari ng Negus.





Ang pagpapahirap sa Makkah ay naging mas mabigat, at si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay humingi ng proteksyon mula sa kalapit na lungsod ng Taif. Dito siya ay tumanggap ng malaki at labis na poot at tumakas sa labis na pambubugbog na  duguan. Gayunpaman isang magandang kapalit ang kanyang natamo  dahil ang ilan sa mga tao mula sa lungsod ng Yathrib ay tinanggap ang Islam at si Propheta Muhammad (SAW) ay kanilang kinilala.





Ang mga nagbalik-loob sa Islam, at ang mga pinuno ng Yathrib ay gumawa ng isang lihim na pangako upang protektahan ang Propeta kung ang mga hindi naniniwala ay magtatangka na siya ay patayin. Dahil dito ay nagsimula ang unti-unting paglipat sa Yathrib. Inutusan ni Propeta Muhammad (SAW) ang kanyang mga tagasunod na umalis sa Makkah nang paisa-isa o sa maliliit na grupo. Ito ay labis na nakakagambalang balita para sa Quraysh, at sila ay nagpasya na walang  iba pang pagpipilian kung hindi ang patayin si Propeta Muhammad (SAW) at tapusin ang mga pagbabagong nagaganap sa anumang paraan.





Ipagpapatuloy natin ang maikling talambuhay na ito sa ikalawang (2) aralin, Ang Panahon ng Madinah, kung saan matutuklasan natin ang pamamagitan ng Allah na hahadlang sa planong pagpatay at ang lungsod ng Yathrib na sa kalaunan ay makikilala bilang al-Madina an-Nabawiyah (ang Lungsod ng Propeta), o Madinah.





Ang lungsod ng Yathrib, humigit sa 200 milya mula sa hilaga ng Makkah ay nangangailangan ng isang matapang na pinuno, at ang isa sa mga kinatawan mula sa Yathrib ay iminungkahi na si Muhammad ay gawing pinuno. Bilang kapalit, sila ay nangako na sasambahin lamang ang Allah, susundin si Muhammad at siya ay ipagtatanggol at ang kanyang mga tagasunod sa kamatayan. Si Propeta Muhammad, nawa’y mapasakanya ang habag at pagpapala ng Allah, ay gumawa ng plano upang makatakas patungong Yathrib.





Ang mga Muslim ay umalis  na kinabibilangan ng  maliliit na grupo o paisa-isa at nakaisip ang mga taga Makkah ng walang-saysay na paraan upang mapigilan silang lahat. Nagpasya silang isagawa ang kanilang plano na patayin si Propeta Muhammad (SAW). Ang mga tribu ay sumang-ayon na magsama-sama at patayin ang Propeta habang siya ay natutulog. Sa ganoong paraan ay walang sinuman o angkan ang masisisi na  maaaring maging sanhi ng pagsiklab ng isang digmaan ng paghihiganti.





Ang plano ay napigilan sa pamamagitan ng Allah; Ipinaalam ng Allah sa Kanyang Propeta ang panganib at inutusan siyang palihim na umalis sa Makkah at magtungo sa lungsod ng Yathrib. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang awa at pagpapala ng Allah, at ang kanyang malapit na kaibigan na si Abu Bakr (kalugdan nawa siya ng Allah) ay umalis sa Makkah sa kalaliman ng gabi at nagkubli sa isang yungib. Ang kanilang paglalakbay patungong Madinah ay isang napakahalaga at nakapagbibigay ng pag-asa na kasaysayan na tatalakayin ang bawat detalye sa mga susunod na aralin, sa Kalooban ng Allah. Ang lungsod ng Yathrib na kilala sa kasalukuyan bilang Madinah - ang lungsod ng liwanag, o ang iluminadong lungsod (illuminated city). Marahil  ay dahil sa  pagkilala  sa liwanag ng bansang Islamiko na nag bigay daan din sa buong mundo.





Nang tuluyang makarating si Propeta Muhammad (SAW) at Abu Bakr sa lungsod ng Yathrib, sila ay nagkaroon ng malaking pagdiriwang. Ang paglalakbay na ito ay kilala bilang ang Hijrah at ang tanda ng pagsisimula sa kalendaryo ng Islam. Marami sa mga naninirahan sa Yathrib ay nagbalik-loob sa Islam at pinagsama ni Propeta Muhammad (SAW) ang mga kalalakihan ng Madinah at kalalakihang   naglakbay mula sa Makkah para sa pagkakaisa at kapatiran. Ito ay isang perpektong halimbawa ng mahusay na Islamikong alituntunin, pagkilala sa bawat Muslim bilang sariling kapatid, na dapat isabuhay. Anumang mayroon ang mga Muslim ng Madinah, ay maligaya nila itong ibinahagi sa mga dayuhan, ang mga tao ng Makkah.





Sa ikalawang taon ng Hijrah, si Propeta Muhammad (SAW) ay gumawa ng kasulatan na kilala bilang ang Saligang Batas ng Madinah. Tinukoy nito ang mga ugnayan sa pagitan ng iba't-ibang grupo sa unang komunidad ng Islam sa pamamagitan ng pagsasama ng mga grupo ng panlipi at iba't ibang mga panlipunan at pang-ekonomiyang mga pangkat. Ito ay isang kasulatan na puno ng mga konsepto ng Islamikong Katarungang Panlipunan at pagpapahintulot sa relihiyon. Sa parehong taon, ang direksyon ng pang-araw-araw na panalangin ay pinalitan sa utos ng Allah mula sa Jerusalem patungo sa Makkah, gayundin ang pagkilala sa Islam bilang isang relihiyon na naniniwala at sumasamba sa Nag-iisang Diyos na naiiba mula sa Hudaismo at Kristiyanismo.





Ang ilang mga pamilya sa Madinah at ilang mga kilalang tao ay nagdalawang isip,  ngunit  paunti-unti ang karamihan sa  mga Arabo sa Madinah ay yumakap sa Islam. Gayunpaman, nanatili ang pagkakahati-hati ng mga tribo at relihiyon. Dahil isinama ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ang bagong komunidad ng Islam (ang Muhajiroon at ang Ansar) ang puot  sa pagitan ng komunidad ng mga Hudyo ng Medina at ang bagong itinatag na Islamikong kautusan ay lumaki, kaya nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ng mga taga Makkah at mga Muslim. Gayunpaman, hindi ninais ni Propeta Muhammad (SAW) na gumawa ng anumang hakbang laban sa alinmang grupo hanggang sa magbigay ng pahintulot ang Allah.





Nang lumipat ang mga Muhajiroon mula sa Makkah patungo sa Madinah, marami sa kanila ang napilitang iwanan ang kanilang mga tahanan at ang kanilang mga ari-arian ay kinumpiska. Ginamit ng mga pinuno ng Makkah ang manga nakumpiskang salapi sa mga kalakalan at negosyo. Noong 624 CE, nalaman ng mga Muslim na ang isang karawahe ng kalakalan ay kabilang sa mga pinuno ng Makkah na dadaan sa isang ruta ng kalakalan malapit sa Madinah. Tinawag ni Propeta Muhammad (SAW) ang mga Muslim na kunin ang karawahe bilang kabayaran sa kanilang kayamanan na kinumpiska sa Makkah. Nauwi ito sa isang di mapag aalinlanganang  labanan sa isang lugar na tinatawag na Badr kung saan ang isang hukbo ng 1000 mga taga Makkah ay nakipaglaban sa isang kulang sa  kagamitan at isang mas maliit na puwersa na binubuo lamang ng 313 na  mga Muslim. Ang Labanan ng Badr ay isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Islam. Nakamit ng mga Muslim ang isang kahanga-hangang tagumpay; nguni't siyam sa pinakamalapit na kasamahan ng Propeta ang nasawi. Bagama't  ang pag ataking ito sa napakalayong disyerto ay tila walang halagaang digmaan  ito ay nakapagpabago sa kasaysayan ng mundo.





Gayunpaman, ang mga taga Makkah ay hindi sumuko sa kanilang pakikipagsapalaran na sirain ang pamayanan ng Islam at noong 625 CE ay nagpadala sila ng isang hukbo na binubuo ng 3,000 mga kalalakihan; nakita ng puwersang ito ang mga Muslim malapit sa bundok ng Uhud, malapit sa Madinah. Ang mga Muslim ay nagkamit ng tagumpay sa mga naunang pakikipaglaban, ngunit sa panahon ng labanang ito ay marami sa mga tagasunod ni Propeta Muhammad (SAW) ang tumakas sa pag-iisip na ang Propeta ay napatay. Ito ay walang katotohanan, bagama't nasugatan, si Propeta Muhammad (SAW)  ay protektado at dinala sa ligtas na lugar, gayunpaman ang maraming bilang ng mga tanyag na Muslim ay nawalan ng buhay sa Labanan ng Uhud.





Ang mga Hudyo sa Madinah, na napatapon (exile) sa bayan ng Khaybar pagkatapos ng Uhud, ay hinimok ng Quraysh na ipagpatuloy ang digmaan laban sa komunidad ng Madinah. Isang hukbo na binubuo ng 10,000 mga kalalakihan ang nagmartsa sa Madinah nguni't ito ay nahadlangan ng mga  kanal na hinukay ng mga Muslim sa paligid ng lungsod. Hindi makatawid sa kanal, ang paglusob ng hukbo ng Makkah sa lungsod ng Madinah ay hindi nagtagumpay. Ang sumalakay na hukbo ay unti-unting naghiwa-hiwalay, na nag-iwan ng tagumpay sa mga Muslim sa Labanan sa Kanal.





Noong 628 CE, nang ang komunidad ng Islam ay naging mas matatag, si Propeta Muhammad (SAW) ay namuno sa isang malaking grupo ng mga tao at maraming mga hayop ang inihanda para sa sakripisyo, patungo sa Mecca upang magsagawa ng Umrah. Yamang ang isang pangkat ng mga taga Makkah ay nakaharang sa kanilang daanan patungo sa Makkah, sila ay pansamantalang tumigil sa isang lugar na tinatawag na Al-Ḥudaybiyah at nagpadala ng kasamahan upang talakayin ang isang mapayapang pagdalaw. Habang naghihintay sa kahihinatnan ng pakikipagkasundo, pinulong ni Propeta Muhammad (SAW) ang kanyang mga tagasunod at pinanumpa sila ng isang pangako ng katapatan na siya ay susundin sa ilalim ng lahat ng mga kondisyon hanggang kamatayan. Ang kasamahan ay bumalik na may kasamang isang partido na mula sa mga pinuno ng Makkah at isang kompromiso at isang sampung taon na pansamantalang kasunduan ang itinatag, sa kalaunan ito ay nakilala bilang Kasunduan sa Hudaybiyah.





Kinilala ng kasunduang ito ang mga Muslim bilang isang bagong puwersa sa Arabya at binigyan sila ng kalayaang gumalaw ng ligtas sa buong Arabya. Nilabag ng mga taga Makkah ang kasunduan pagkalipas ng  isang taon, at pagkatapos nito ang pantay na karapatan ay binago. Sa maagang taon ng 630, ang mga Muslim ay nagmartsa sa Makkah at habang nasa daan ang bawat tribo ay isa-isang sumama. Sila ay pumasok sa Makkah nang walang naganap na pagdanak ng dugo at mga paratang. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay pinatawad ang mga pagkakamaling nagawa sa mga sambayanang Muslim at ang mga taga Makkah ay nagsimulang sumapi sa Islamikong nasyon. Ito ay kilala bilang ang Pagsakop sa Makkah.





Noong 632 CE, ginawa ni Propeta Muhammad (SAW) ang kanyang una at tanging Islamikong paglalakbay sa Banal na lugar o Hajj. Sa panahong ito, sa kanyang paglalakbay sa Makkah ibinigay niya ang kanyang tanyag na Huling Pangaral at ang huling mga talata ng Qur'an ay ipinahayag, na bumuo sa banal na libro. "... sa araw na ito ay ginawa Kong ganap ang iyong relihiyon at tinupad ang Aking pabor sa iyo, at pinili ang Islam para sa iyo bilang iyong relihiyon ..." (Quran5: 3). Sa loob ng taong iyon si Propeta Muhammad (SAW) ay nagdusa mula sa isang mataas na lagnat, at pumanaw noong 632 CE. Ang kanyang pagpanaw ay ikinagulat ng bagong tatag na islamikong nasyon at ang kalungkutan ay bumalot sa kanyang pamilya at inilibing ng mga kaibigan ang kanilang minamahal na Propeta sa tahanan ng kanyang asawa na si Aisha, kalugdan nawa siya ng Allah.





Sa loob lamang  ng isang daang taon na kanyang pagkamatay, ang pamana ni Propeta Muhammad (SAW), ang pagkatatag ng isang bagong relihiyon at isang bagong kautusan, ay  kumalat mula sa Atlantiko hanggang sa Dagat ng Tsina at mula sa bansang Pransiya hanggang sa India. Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay isang tagapagpabuti, isang politiko, isang pinuno ng hukbo, isang tagapagbigay ng batas, at isang rebolusyonaryo. Ang taong mapagpakumbaba, mabait at mapagparaya ay nagdala ng isang panlipunang pagbabago at nagtatag ng isang relihiyon na ngayon ay may higit sa 1.5 bilyong mga tagasunod.








 








💎 Lamartine, Histoire de la Turquie, Paris 1854, Vol II, pp. 276-77:





 "Kung ang kadakilaan ng hangarin, ang liit ng paraan, at ang nakakagulat na mga resulta ay ang tatlong pamantayan ng henyo ng tao, sino ang maaaring maglakas-loob na ihambing ang sinumang dakilang tao sa modernong kasaysayan kay Muhammad?  Ang pinakatanyag na kalalakihan ay lumikha lamang ng mga armas, batas at emperyo.  Itinatag nila, kung mayroon man, hindi hihigit sa mga materyal na kapangyarihan na madalas na gumuho sa harap ng kanilang mga mata.  Ang taong ito ay hindi lamang ang lumipat ng mga hukbo, mga batas, emperyo, mga tao at dinastiya, ngunit milyon-milyong mga kalalakihan sa isang-katlo ng natirang mundo noon;  at higit pa rito, inilipat niya ang mga dambana, mga diyos, mga relihiyon, mga ideya, paniniwala at kaluluwa ... ang pagtitiis sa tagumpay, kanyang ambisyon, na kung saan ay buong nakatuon sa isang ideya at sa anumang paraan na nagsisikap para sa isang emperyo;  ang kanyang walang katapusang mga panalangin, ang kanyang mistiko na mga pakikipag-usap sa Diyos, ang kanyang kamatayan at ang kanyang tagumpay pagkatapos ng kamatayan;  lahat ng ito ay nagpapatunay hindi sa isang imposture ngunit sa isang matibay na paniniwala na binigyan siya ng kapangyarihang ibalik ang isang dogma.  Ang dogma na ito ay dalawa, ang yunit ng Diyos at ang pagiging immateriality ng Diyos;  ang dating nagsasabi kung ano ang Diyos, ang huli ay nagsasabi kung ano ang hindi Diyos;  ang isa ay nagpapatalsik sa mga maling diyos ng tabak, ang isa ay nagsisimula ng isang ideya sa mga salita. "








"Pilosopo, orator, apostol, mambabatas, mandirigma, mananakop ng mga ideya, nagpapanumbalik ng mga makatuwirang dogma, ng isang kulto na walang mga imahe;  ang nagtatag ng dalawampu't mga terrestrial na emperyo at ng isang espiritwal na emperyo, iyon ay si Muhammad.  Tungkol sa lahat ng pamantayan na maaaring masukat ang kadakilaan ng tao, maaari nating tanungin, mayroon bang ibang tao na higit sa kanya? ”








Edward Gibbon at Simon Ocklay, Kasaysayan ng Saracen Empire, London, 1870, p.  54:





 "Hindi ang pagpapalaganap ngunit ang pagiging permanente ng kanyang relihiyon ang nararapat nating pagtataka, ang parehong dalisay at perpektong impresyon na inukit niya sa Mecca at Medina ay napanatili, pagkatapos ng mga rebolusyon ng labindalawang siglo ng mga Indian, Africa at Turkish proselytes ng  ang Quran ... Ang Mahometans [1] ay pantay na nakatiis ng tukso na bawasan ang bagay ng kanilang pananampalataya at debosyon sa isang antas na may pandama at imahinasyon ng tao.  'Naniniwala ako sa Isang Diyos at Mahomet na Apostol ng Diyos', ay ang simple at walang paltos na propesyon ng Islam.  Ang intelektuwal na imahe ng Diyos ay hindi kailanman napasama ng anumang nakikitang idolo;  ang mga parangal ng propeta ay hindi kailanman lumabag sa sukat ng kabutihan ng tao, at ang kanyang buhay na mga tuntunin ay pumigil sa pasasalamat ng kanyang mga alagad sa loob ng hangganan ng pangangatuwiran at relihiyon. "








Bosworth Smith, Mohammed at Mohammadanism, London 1874, p.  92:





 "Siya ay si Cesar at Papa sa iisa;  ngunit siya ay Papa na walang pagkukunwari ni Papa, si Cesar nang walang mga lehiyon ni Cesar: walang nakatayong hukbo, walang tanod, walang palasyo, walang takdang kita;  kung mayroon mang may sinumang may karapatang sabihin na namuno siya sa tamang banal, ito ay si Mohammed, sapagkat mayroon siyang lahat ng kapangyarihan nang wala ang mga instrumento nito at walang mga suporta nito. "








Annie Besant, Ang Buhay at Mga Turo ni Muhammad, Madras 1932, p.  4:





 "Imposible para sa sinumang nag-aaral ng buhay at katangian ng dakilang Propeta ng Arabia, na alam kung paano siya nagturo at kung paano siya namuhay, na makaramdam ng anumang paggalang sa paggalang sa Propetang iyon, ang isa sa mga dakilang messenger ng Kataas-taasan.  At bagaman sa inilagay ko sa iyo ay sasabihin ko ang maraming mga bagay na maaaring pamilyar sa marami, ngunit nararamdaman ko sa tuwing binabasa ko ulit ito, isang bagong paraan ng paghanga, isang bagong pakiramdam ng paggalang sa makapangyarihang guro ng Arabian. "








W. Montgomery, Mohammad at Mecca, Oxford 1953, p.  52:





 "Ang kanyang kahandaan na sumailalim sa mga pag-uusig para sa kanyang mga paniniwala, ang mataas na moral na katangian ng mga kalalakihan na naniniwala sa kanya at tumingin sa kanya bilang pinuno, at ang kadakilaan ng kanyang panghuli na nakamit - lahat ay nagtatalo ng kanyang pangunahing integridad.  Ipagpalagay na si Muhammad isang impostor ay nagtataas ng maraming mga problema kaysa sa malulutas nito.  Bukod dito, wala sa mga dakilang pigura ng kasaysayan ang hindi gaanong pinahahalagahan sa Kanluran tulad ni Muhammad. "





 James A. Michener, 'Islam: The Hindi Maunawaan na Relihiyon' sa Reader's Digest (American Edition), Mayo 1955, pp. 68-70:





 "Si Muhammad, ang inspiradong tao na nagtatag ng Islam, ay isinilang noong A.D. 570 sa isang Arabian



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG