Mga Artikulo

Ang karaniwang gawain sa bawat araw ay maaaring maging kapaki-pakinabang na mga gawaing pagsamba kung ginagawa ito ng isang Muslim para sa ikalulugod ng Allah. Sa lahat ng mga ito, ang regular at palagiang ginagawa ay ang  pinakamainam. Ang Sugo ng Allah, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsabi, “Ang mga gawaing pagsamba na minamahal ng Allah ay ang mga isinasagawa nang palagian, kahit na ito ay saglit lang."[1]  Hindi kailangang gumawa ng anumang bagay na kakaiba upang  magkamit ng mga banal na gantimpala, ngunit dapat nating isabuhay ang ilang mga gawaing pagsamba maliban sa obligadong salah, kagaya ng pagbabasa ng Quran, pag-alaala sa Allah (adhkar), at iba pang simpleng mga gawain. Ito ay magdudulot ng kaluguran sa puso, magpapagaling ng kaluluwa, at pinapanatili ang mananampalataya sa Tuwid na Landas.





Marami sa atin ang mga mag-aaral o nagtatrabaho. Nagbibinata o nagdadalaga, mga solong ina, mga ulirang ina, o retirado mula sa pagtatrabaho. Ibat-iba ang pinanggagalingang mga Muslim, nangangahulugan ito na ang bawat isa ay may natatanging buhay at gawain, ngunit ang mga karaniwang gawaing pang-espirituwal sa Islam ang nagdudulot ng maayos at balanse na pamumuhay. Susubukan ng araling ito na ipaunawa ang espirituwal na aspeto sa pang araw-araw na buhay ng isang karaniwang Muslim na nag-ugnay sa kanyang mga gawaing pagsamba dito sa mundo na kapaki-pakinabang sa kabilang buhay.





Sa Umaga


(1)  Ang pinaka-unang ginagawa ng isang Muslim sa pag-gising sa umaga ay ang pasalamatan ang Allah para sa pagbibigay sa kanya ng buhay sa pamamagitan nang pagsasabi ng panalangin:





Al-Hamdu-lil-laa-hil ladhee Ah-ya-naa baa-da maa Amaa-tanaa wa ilay-hin nu-shoor.





“Ang lahat ng papuri ay para sa Allah lamang na binigyan tayo ng buhay pagkatapos na kunin ito mula sa atin at sa Kanya ang Pagkabuhay na Muli.”[2]





(2)  Ang pangalawa ay ang wudoo o pagsasagawa ng ghusl (kung kailangan) para sa pagdarasal sa Fajr, maliban sa mga kababaihang may buwanang dalaw o bagong panganak na hindi kinakailangang mag-alay ng salah. Bago pumasok ng palikuran, nararapat na magsabi ng “Bis-millah,” na susundan ng panalangin para sa pagpasok sa banyo:





Allah-humma in-nee aa’oodho-bi’ka min-al khub-thi wal-kha-baa’ith.





“Nagsisimula ako sa pangalan ng Allah. O Allah, ako ay nagpapakupkop sa iyo mula sa masama at masasamang bagay.”[3]





Pagkatapos ay papasok sila na una ang kaliwang paa.





(3)  Tiyaking gamitin ang kaliwang kamay sa banyo para sa paglilinis ng iyong sarili. Si Aisha, kinalulugdan ng Allah, ay nagsabi na ang kanang kamay ay ginamit ng Sugo ng Allah sa kanyang pagwudoo at sa pagkuha ng pagkain, at ang kaliwang kamay ay ginamit sa banyo at iba pa.[4]





(4)  Hinihikayat ang pagsisipilyo ng ngipin [5].  Ang Propeta ay nagsabi:





“Kung hindi ko lamang nakikitang mahirap para sa aking mga tagasunod, ipag uutos ko sa kanila na linisin ang kanilang mga ngipin sa bawat salah.”[6]





(5)  Ang panalangin matapos ang wudoo ay:





Ash-hadu ann la-i’laaha il’lalaah wah-da-hu la shareeka-lah wa ash-hadu an-naa Muhamma-dann ab-do-hu wa-rasooluh.





“Ako ay sumasaksi na walang dapat sambahin maliban sa Allah, lamang, walang katambal, at ako ay sumasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo.”[7]





 (6) Kapag lumabas ng banyo, ang sasabihin ng isang Muslim ay:





Ghufraa’nak.





“(Hinihingi ko) ang Iyong Kapatawaran.”[8]





(8)   Bago magtrabaho o magtungo sa paaralan, sinisimulan ng mga Muslim ang kanilang araw sa pamamagitan ng pagsasagawa ng obligadong Fajr salah kasunod ng dalawang rakah ng Sunnah (boluntaryong) pagdarasal. Dapat ugaliin ng isang Muslim na mag-alay agad ng salah ng maagap sa pagpitada ng oras nito. Ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay tinanong kung aling gawa ang pinakamahal sa Allah. Sinabi niya:





   “Salah na ginagampanan sa tamang oras nito.”[9]





Ang isang Muslim ay dapat mag-alay ng salah na may tamang pansin at konsentrasyon, dahil ang salah ang magiging unang bagay na pananagutan ng isang tao sa Araw ng Paghuhukom. Ang Propeta ay nagsabi:





“Kapag tumayo ka sa iyong salah, gawin itong tila ito na ang iyong huling salah; huwag kang magsalita na pagsisisihan mo pagdating ng araw; at huwag kang umasa sa  ibang  tao.”[10]





(9)  Ang tahimik na oras sa umaga ay isang magandang pagkakataon upang bigkasin ang Quran para sa mga may kakayahan. Ito ay nagbibigay-daan sa isang tao upang makapagnilay-nilay at magkamit ng pinaka-espirituwal na benepisyo. Ang Propeta ay nagsabi:





‘Ang pagbigklas  ng Quran sa bukang-liwayway ay palaging sinasaksihan - ang mga anghel ng gabi at ang mga anghel ng araw ang saksi nito.”[11]





Hindi ipinagbabawal sa sinuman na bumalik sa pagtulog pagkatapos ng Fajr salah.





Gitna at Huling Bahagi ng Umaga


(1)  Alam ng Allah kung ano ang pinakamainam para sa kanyang nilikha at binigyan tayo ng natural na pampalusog na pagkain para sa ating kalusugan. Ang Propeta ay kumakain ng malusog na pagkain na mayroon para sa kanya, tulad ng mga datiles, mga olibo, langis ng oliba, pulot, tinapay, karne, at gatas. Mas mainam kung maiiwasan ang naprosesong pagkain at kumain lamang ng natural na pagkaing mayroon. Ang pagnanais na sundin ang kanyang halimbawa sa ikalulugod ng Allah ay natural na magiging gantimpla bilang isang gawaing pagsamba. Sa ganitong pag-iisip, dapat pangalagaan ng mga Muslim na magulang na matugunan ang mga pangangailangang pangnutrisyon ng kanilang mga anak upang hindi sila maging ubod ng taba. Dapat ding bigyang pansin ang kalinisan sa lahat ng bagay, lalo na sa paghahanda at paghawak ng mga pagkain.





(2)  Sinisimulan ng Isang Muslim ang kanyang pagkain sa pagbanggit ng Pangalan ng Allah na sinasabi, “Bismillah hir-Rahman nir-Raheem,” kumakain at umiinom gamit ang kanyang kanang kamay. Itinuro ng Propeta ang kaasalan sa pagkain sa isang batang lalaki na kasama niyang kumakain.:





“... Banggitin ang pangalan ni Allah, at kumain ka sa iyong kanang kamay at kumain ng pagkain na malapit sa iyo.”[12]





 (3) Pagkatapos kumain, ang isang Muslim ay nagpapasalamat sa Allah sa ipinagkakaloob sa kanya sa pamamagitan ng pagsasabi ng:





Al-Hamdu-lil-laa-hil ladhi At-a’ma-ni hadtha wa-raza-qanee-hi min ghayri haw-linn min’ni wa la qoo-wa.





“Ang lahat ng papuri ay para sa Allah na nagpakain sa akin nito at ibinigay ito para sa akin nang walang anumang lakas o kapangyarihan mula sa aking sarili.”[13]





Ang pagkain ng sobra ay masama sa kalusugan. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:





“Ang anak ni  Adan ay hindi pinupunan ang sisidlan na lubos na hindi ikinasisiya ng Allah kaysa sa kanyang tiyan. Ang ilang subo ay dapat sapat para sa kanya upang mapanatili ang kanyang lakas. Kung kailangan niyang punan ito, dapat niyang hayaan ang isang ikatlo para sa kanyang pagkain, isang ikatlo para sa kanyang inumin at mag-iwan ng isang ikatlong walang laman para sa maluwag na paghinga.”[14]





(4)  Ang pagpapalaki ng mga bata ay isang mahalaga at marangal na tungkulin para sa isang babae. Ang isang Muslim na ina ay dapat maglaan ng sapat na oras sa kanyang mga anak. Lalo na, sa mga maliliit pa na nangangailangan ng karagdagang pag-aalaga ng isang ina. Mahalaga na isama o isali sila sa mga  pinagkaka-abalahang gawain araw-araw. Kabilang sa mga oras na ito ay maaaring tulad ng pagbabasa ng mga libro, pagtuturo ng mga pangunahing gawi at asal, pagbabasa ng Quran na magkakasama, paglalaro, pagpunta sa parke at aklatan, at marami pang iba. Ang pagpapahalaga sa espirituwal, intelektwal, emosyonal, at pisikal na pag-unlad ng mga bata ay nararapat ding pagtuunan ng pansin . Ang pagsasagawa nito ng maaga ay makapagbibigay din ng pagkakataon sa mga bata na sila ay malayang makapaglaro, na  makapagbibigay ng maraming oras sa iba pang mga gawain.





Ang mga ama ay dapat ding maglaan ng panahon kasama ang kanilang mga anak dahil mayroon silang mahalagang papel sa pagpapalaki sa kanila. Ang isang Muslim na ama ay dapat maglaan ng oras sa kanila sa gabi o tuwing linggo, makinig sa kanilang mga nais sabihin, at sumali sa kanilang mga gawain kasama ang kanyang mga anak. Ang mahalagang bagay, ay ang  paglalaan ng oras sa iyong mga anak ay hindi lamang para sa kanilang kapakanan o sa iyong sarili, manapa'y ginagawa mo ito upang hanapin ang gantimpala ng Allah.





(5)  Ang isang Muslim ay nililisan ang kanyang bahay na nagtitiwala sa Allah at nagsasabing:





Bismillah.  Tawak-kaltu ‘al-Allah wa la hawla wa la qoo-wata illah billah.





“Nagsisimula ako sa pangalan ni Allah, umaasa ako sa Allah, walang lakas at kapangyarihan kundi sa Allah”[15]





Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:





“Kapag ang isang tao ay umalis sa kanyang bahay, nabinabanggit ang mga kataga na ito, 'Nagsisimula ako sa pangalan ng Allah, umaasa ako sa Allah, walang lakas at kapangyarihan maliban sa Allah,' sinabi sa kanya sa oras na iyon, 'Ikaw ay ginabayan, ikaw ay pinangangalagaan. 'Ang mga Demonyo ay lumalayo mula sa kanya, at ang isa pang demonyo ay magsasabi,' Paano mo mapipinsala ang isang tao na ginabayan, ina-alagaan at pinoprotektahan? ?’”[16]


Sa Hapon


(1)  Ang isang Muslim ay kumakain ng isang malusog na tanghalian sa ilalim ng Islamikong mga alituntuning pandiyeta.





(2) Pagsasagawa ng 4 rakah ng Dhuhr salah: Dapat munang magdasal ng 4 o 2 rakah Sunnah [1] bago ito, at 2 rakah Sunnah pagkatapos nito. Ang mga lalaki ay dapat na magsagawa ng mga obligadong pagdarasal sa moske sa kongregasyon lalo na kung ang isang moske ay malapit sa kanyang trabaho/paaralan at sa bawat mga katapusan ng linggo (Byernes). Tungkol sa sama-samang panalangin (kongregasyonal), ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsabi:





“Ang panalangin sa kongregasyon ay nakahihigit sa panalanging isinagawa ng isang indibidwal ng dalawampu't pitong grado.”[2]





Hinggil sa panalangin ng Sunnah, si Aisha, kalugdan nawa siya ng Allah, ay nagsabi:





“Noong ang Propeta ay nasa bahay ko, nag-aalay siya ng apat na Sunnah rakah bago ang panalangin ng Dhuhr, pagkatapos ay nagtutungo at pinamumunuan ang kongregasyon, at pagkatapos ay bumabalik sa bahay at nag-aalay ng dalawang Sunnah rakah. Gayundin, pangungunahan niya ang Maghrib salah sa kongregasyon at bumabalik at mag-aalay ng dalawang Sunnah rakah. Gayundin, matapos pangunahan ang Isha salah, babalik siya sa aking tahanan at mag-aalay ng dalawang Sunnah rakah.”[3]





Mas mainam para sa mga kababaihan na gawin ang mga obligasyon at Sunnah na panalangin sa kanyang tahanan. Tungkol sa panalangin ng isang babae, ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsabi:





“Huwag pigilan ang mga kababaihan na pumunta sa mga moske, bagaman ang kanilang mga bahay ay mas mabuti para sa kanila.”





(3)  Ang Muslim ay nagsasagawa ng Asr salah (4 rakah) sa tamang oras na batid ang kahalagahan nito tulad ng sinabi ng Propeta:





“Siya na iwanan ang Asr salah ay tulad ng isang nawalan (ng ilan sa) kanyang pamilya at ari-arian.”[4]





“Hindi ipapadala sa Impiyerno ang sinumang tao na nagaalay ng kanyang Fajr at ng Asr salah.”[5]





(4) Maraming mga panalangin/pagsusumamo na dapat banggitin bago ang takip-silim, ngunit ang mga ito ay masyadong mahaba kaya't inilaan para sa isa pang aralin.





Sa Gabi


(1)  Ang isang Muslim ay pumapasok sa kanyang bahay sa Pangalan ng Allah sa pamamagitan ng pagsasabi ng panalangin/pagsusumamo:





Bismillahi wa-lajna, wa Bismillahi kharajna, wa-’ala Rabbinaa tawak-kalnaa.





“Sa pamamagitan ng pangalan ng Allah tayo ay papasok at sa pamamagitan ng pangalan ng Allah tayo ay aalis, at sa ating Panginoon ay ipinapaubaya natin ang ating buong pagtitiwala.”[6]





 (2)  Pagsasagawa ng 3 rakah Maghrib salah: Gawin ang 2 rakah ng Sunnah pagkatapos nito. Dapat gawin ng isang Muslim ang lahat ng pagsisikap na manalangin sa moske kung siya ay nakatira malapit dito. Ang mga bata ay dapat rin isama upang makasanayan nila ang pagsamba sa Allah sa moske. Para sa mga naninirahan na lubhang malayo sa moske, hanggat maaari ay subukan nilang mag-alay ng panalangin na magkakasama. Ito ay isang mahusay na paraan ng pagpapalakas ng pagkakaisa ng ugnayan ng pamilya at pagtatakda ng isang positibong halimbawa para sa mga bata.





(3)  Pagsasagawa ng pag-aaral sa loob ng tahanan. Ang gabi ay magandang panahon para sa mga miyembro ng pamilya upang magtipon-tipon para sa pag-aaral ng Quran, ahadith, Seerah (talambuhay ni Propeta Muhammad) at iba pang mga sangay ng kaalaman sa Islam. Ito ay isang bagay na maaaring gawing regular na bahagi ng pangaraw-araw o lingguhang iskedyul. Bagaman ang mga magulang ay ang siyang pangunahing responsable sa mga paksa at talakayan, ang mga nakatatandang bata ay maaaring bigyan ng mga takdang-aralin upang maghanda para sa grupo. Ang paghikayat sa kanila upang aktibong makibahagi ay makapagdaragdag ng kanilang kagalakan at interes sa pag-aaral.  Ang mga malikhain at makatawag pansin na mga pamamaraan ay maaaring gamitin upang mapanatili ang atensyon ng mga bata, bagaman hindi sila dapat piliting umupo sa mahabang oras. Tungkol sa kahalagahan ng pagtuturo, ang Propeta ay nagsabi:





“Ang bawat isa sa inyo ay tagapangalaga, at ang bawat isa sa inyo ay tatanungin tungkol sa inyong pangangalaga. Ang pinuno ay isang tagapangalaga, at ang lalaki ay tagapangalaga sa mga tao ng kanyang bahay, at ang babae ay tagapangalaga sa bahay at mga anak ng kanyang asawa. Kaya ang bawat isa sa inyo ay tagapangalaga, at bawat isa sa inyo ay tatanungin tungkol sa inyong pangangalaga.”[7]





Ang pagsisikap ng isang tao sa pagtuturo sa kanyang pinangangalagaan, kung ito ay isinagawa sa ikalulugod ng Allah at hindi para sa kanyang sarili at mahal sa buhay, ay itinuturing na pagsamba.





(4)  Ang isang Muslim ay dapat mag-ingat kung ano ang kanyang pinapanood sa TV at kung gaano karaming oras ang kanyang ginugugol sa Internet o sa chat room. Ang isang bahagi ng gabi ay dapat ilaan sa pakikipagusap sa pamilya dahil ito ay tamang oras para sa mga talakayang pangpamilya sapagkat karamihan sa mga miyembro ng pamilya ay malamang na naroroon. Ang isang ama ay dapat maglaan ng oras para sa mga miyembro ng kanyang pamilya, talakayin ang mga panuntunan, mga iskedyul, mga plano sa darating na  bakasyon, tugunan ang mga isyu ng kabataan, at iba pa. Ang regular na pagsasagawa nito ay magpapakintal ng pananagutan at respeto sa mga bata upang kanilang maramdaman na sila ay mahalagang bahagi ng pamilya at ang ama ay nagtataglay ng mahalagang tungkulin sa pagpapalaki ng kanyang mga anak. Habang lumalaki ang mga bata at umabot sa tamang gulang, kinakailangan na isama na sila sa mga talakayan, pagdedesisyon, kahit na pagpaplano sa pananalapi, lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa kanila. Ito ang tamang oras para sa kanila na malaman ang pagpapatakbo ng isang pamilya dahil sa kalaunan ay magsisimula na rin silang bumuo nito. Kung kaya't, ang mga magulang ay dapat magpamalas ng pagiging magandang huwaran upang tularan ng mga bata. Ang pagkontrol sa kanilang mga aktibidad sa paglilibang at ang pagtitipon-tipon ng pamilya sa ikalulugod ng Allah ay mapupunta sa positibong bahagi sa talaan ng buhay ng isang tao kapag tinawag na tayo para sa Paghuhukom.





Ang isang Muslim ay tinatapos ang anumang pulong o pagtitipon sa pamamagitan ng:





‘Subhanakal-laa’hum’ma wa be’ham’dik. Ash’hadu an laa e’laahah il’la anta astagh-fe’roka wa a’too-bo e’laik’





‘Sukdulan ka O Allah, at pinupuri Kita. Ako ay sumasaksi na walang ibang dapat sambahin maliban sa Iyo. Hangad ko ang iyong kapatawaran at nagpapakupkop ako sa Iyo ng buong pagsisisi..’ [8]





(5)  Pagsasagawa ng 4 rakah ng Isha salah: Kinakailangan mong magdasal ng 2 rakah Sunnah, at 3 o 1 rakah ng Witr pagkatapos nito.





Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:





“Wala ng mas mabigat pa  sa mga mapagkunwari kaysa sa Fajr salah at ang Isha salah, ngunit kung batid lamang nila kung anong biyaya mayroon ito tiyak na kukunin nila ito, kahit na sila ay gumapang.”[9]





(6)  Ang isang Muslim ay hindi dapat mag-aaksaya ng panahon sa panonood ng mga pelikula, paglalaro ng mga baraha, o iba pang mga hindi kailangang gawain sa gabi. Ang pag-iwas sa gayong mga bagay upang kalugdan ng Allah ay mabibilang bilang mabuting gawa. Ang pagpupuyat ay masama para sa kalusugan ng isang tao at ang pagbangon para sa Fajr salah ay nagiging mahirap.





Tuwing gabi kapag ang Propeta ay matutulog, pagdidikitin niya ang kanyang mga palad at kanya itong hihipan pagkatapos bigkasin ang Surat ul-Ikhlas, Surat ul-Falaq, at Surat un-Naas. [10]  Ihahaplos niya kapagdaka ang kanyang mga kamay sa buong katawan sa kung saan ang maabot niya, simula sa kanyang ulo, mukha, at sa harapan ng kanyang katawan. Ginagawa niya iyon nang tatlong ulit.[11]





Ang Propeta ay nagsabi: 





“Kapag ikaw ay matutulog, basahin ang talata ng Ang Trono (Ayat al-Kursi), ang  ‘Allah! ay walang ibang Diyos maliban sa Kanya, ang Walang Hanggan, ang Tagapanustos at Tagapangalaga sa lahat ng nilalang...’ (Quran 2: 255) hanggang sa wakas, dahil doon ay mananatili sa iyo ang isang tagapag-alaga mula kay Allah, at si Satanas ay hindi ka lalapitan hanggang umaga.”[12]





Kinakailangan din na magsagawa ng wudoo bago matulog at bumaling sa bandang kanan sa paghiga.



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG