Hindi tulad ng mga paglalarawan ng diyablo sa doktrina ng Kristiyano, si Shaytan ay hindi isang bumagsak na anghel; sa halip siya ay isang Jinn na kayang mag-isip, magdahilan at may malayang kalooban. Pinahintulutan siya ni Allah na manirahan na kasama ng mga Anghel, ngunit dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamayabang na maaaring basahin sa kuwento ni Propeta Adan sa website www.islamreligion.com, nawalan siya ng pag-asa gayung nalalaman niya ang awa ni Allah at nanumpa na siya ay mananatili sa kailaliman ng Impiyerno nang hindi nag-iisa. Nais ni Satanas na kunin ang maraming tao kasama niya sa Impiyerno hanggang sa makakaya niya. Huwag kayong magkamali tungkol dito; Si Satanas ay mortal na kaaway ng sangkatauhan. Siya ay tuso, manlilinlang at mapagmataas. Ang Quran ay nagbabala sa atin ng kanyang (Satanas) poot nang paulit-ulit.
"O mga anak ni Adan. Huwag kang palinlang kay Shaytan ... "(Quran 7:27)
"Tunay na si Shaytan ay isang kaaway sa iyo kaya turingin siya bilang isang kaaway ..." (Qur'an 35: 6)
"... At sinuman ang kumuha kay Shaytan bilang isang tagapagtanggol o katulong sa halip na kay Allah, ay tiyak na magdudusa ng hayagang pagkaligaw." (Quran 4: 119)
Mahalaga na maunawaan na kahit na si Satanas mismo ay kumikilala sa kaisahan ni Allah at ng Kanyang karapatan na sambahin. Ipinaalam sa atin ni Allah na ang mga pangako ni Satanas ay walang anuman kundi panlilinlang at kasinungalingan, at si Satanas ay sumang-ayon, sapagkat wala siyang maibibigay.
"At sasabihin ni Shaytan na ang bagay na ito ay napagpasyahan na:" Katotohanang ipinangako sa iyo ni Allah ang pangako ng katotohanan, at ipinangako ko rin sa iyo, ngunit ipinagkanulo ko kayo. Wala akong kapangyarihan sa iyo maliban na tumawag lang ako sa iyo, at tumugon ka kaya't huwag mo akong sisihin, ngunit sisihin mo ang sarili mo... "(Qur'an 14:22)
Ang bawat pagsuway na kinasusuklaman ni Allah ay minamahal ni Shaytan, minamahal niya ang imoralidad at kasalanan. Bumobulong siya sa mga tainga ng mga mananampalataya, sinisira niya ang panalangin at pag-alaala kay Allah. Ang isa sa pinakadakilang iskolar ng Islam, si Ibn ul Qayyim, kaawaan nawa siya ng Diyos, ay nagsabi: "Ang isa sa kanyang mga plano (ni Satanas) ay palaging niyang ginugulo ang mga isip ng mga tao hanggang sa sila ay malinlang, ginagawa niyang kaakit-akit sa isipan kung ano ang makakasama".
Si Satanas ay may malawak na karanasan sa larangan ng panlilinlang; siya ay may mga pandaraya at panunukso at siya ay bumubulong ng walang pagliliban. Si Satanas ay nag-uudyok at nagtutulak, naglalagay sa kaisipan ng pagnanasa. Subalit hindi pinabayaan ni Allah ang sangkatauhan. Ibinigay niya sa atin ang mga sandata at ang pinakadakilang impormasyon. Si Satanas ang ating mortal na kaaway at upang labanan ang kanyang mga panloloko at ilusyon kailangan natin siyang makilala nang lubos. Ang pangmatagalang layunin ni Satanas ay upang alisin ang maraming mga tao hangga't maaari sa Paraiso at dalhin sila sa Impiyerno. Upang makamit ang layuning ito, siya ay nagtakda ng maraming mga layunin sa maikling termino. Ang pagkakaroon ng kamalayan sa mga layuning ito ay nangangahulugan na nagkaroon tayo ng mga sandata laban dito.
Maikling Terminong Layunin
1. Upang maging sanhi na ang mga tao ay gumawa ng kasalanang shirk. Ang bawat isa na sumasamba sa kahit ano maliban kay Allah, ito man ay isang idolo, estatwa, araw, buwan, isang tao o isang alituntunin, ay sa kakanyahan sumasamba kay Satanas.[1]
2. Upang hikayatin ang mga tao na gumawa ng mga kasalanan at mga gawang pagsuway. Kapag si Satanas ay nawalan ng pag-asa na sambahin, siya ay kuntento na lamang na sundin sa mga bagay na mukhang hindi gaanong mahalaga. [2] Gusto niya ang imoralidad at kasalanan dahil ito ay may direktang epekto sa relihiyon ng isang tao.
3. Upang pigilan ang mga tao na gumawa ng mga mabubuting gawa. Si Satanas ay hindi lamang nagsasanhi sa mga tao na gumawa ng kasalanan at mga gawa ng pagsuway, siya rin ay nasisiyahan sa pagpigil sa kanila na gumawa ng mga gawang mabuti. Si Satanas ay matiyaga; siya ay naghihintay, pinupuno ang ating mga isip ng mga pagdududa, at mga pamahiin. Kapag ang isang tao ay nagnais sa paggawa ng mabuting gawa o pagkilos, binubulongan niya ito upang maiwasan ito at magtanim ng maliliit na pag-aalinlangan sa kanilang isip.
4. Upang sirain ang mga gawa ng pagsamba. Kung hindi mapigilan ni Satanas ang mga tao na sumunod kay Allah at gumawa ng matuwid na mga pagkilos, magsusumikap siyang gawing masama ang kanilang mga pagsamba. Kapag ang isang tao ay nananalangin ay bumubulong at binabalisa siya. Ang pagnanais ni Satanas ay upang pigilan ang isang tao na kunin ang kanilang gantimpala para sa pagdarasal na may khushoo at sa huli ay dadalhin siya palayo kay Allah.
5. Upang maging sanhi ng pinsala sa isip at pisikal. Bilang karagdagan sa nagiging sanhi sa mga mananampalataya upang gumawa ng mga gawaing shirk, si Satanas ay nagnanais magsanhi ng pisikal at mental na pinsala sa tao. Halimbawa, nagpapadala siya ng masasamang panaginip upang maging sanhi sa tao ng pagkabalisa at takot. Ginagambala niya ang mga tao mula sa panahon na sila ay ipinanganak hanggang sa sandali ng kanilang kamatayan. Sa kanilang mga huling sandali, patuloy siya sa pagbulong at panliligalig upang pigilan ang isang tao na tumawag kay Allah at pagtibayin ang kanilang paniniwala sa Diyos lamang.
Ang mga bagay na ginagamit ni Shaytan upang iligaw ang mga tao
Ang pagsasagawa ng kasinungalingan at panlilinlang ay lumalabas na kaakit-akit. Si Shaytan ay ginagawa ang kasinungalingan na magmukhang totoo at ang totoo na magmukhang kasinungalingan sa pamamagitan ng pagkukunwari. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga pag-aalinlangan sa isip ng mga tao sa eksaktong paraan nang kanyang tinukso ang ating Ama at Ina na sina Adan at Eva. Ang mga bulong, pagdududa at delusyon ay mga bahagi ng kanyang bayong o ng mga panlilinlang. Sa kasalukuyan nakakakita tayo ng mga labag sa batas na mga gawain na ginagawa ng marami; ang mga ito ay pinapalabas na kaakit-akit at binibigyan ng mga pangalan upang ang mga tao ay maakit dito. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng isang mahusay na panlaban o depensa; sa sandaling maarmasan natin ang ating mga sarili ng mga kaalaman ng mga batas ng Islam, ilalantad nito ang mga masasamang balak ni Satanas at magiging malinaw sa atin ang kanyang layunin.
Ang pang-aakit sa mga tao na maging radikal (extremist) o maging pabaya. Kapag makita ni Satanas ang isang tao na seryoso at maingat, na palaging sinusubukan na gawin ang tamang bagay, inaakit niya itong magsikap ng sobra. Bumubulong siya, huwag kang matulog kapag natutulog ang iba, huwag mong sirain ang iyong ayuno gaya ng ginagawa ng iba at marami pang iba. Kapag makita ni Shaytan ang isang tao na tamad o laging naghahanp ng madaling paraan ay aakitin niya ito na maging walang pakialam o pabaya. Hinihikayat niya ang pagpapaliban at katamaran. Upang maprotektahan ang sarili mula rito, ang isang tao ay dapat na manatiling malapit sa Sunnah ni Propeta Muhammad, purihin nawa siya ni Allah.
Ang gumawa ng mga huwad na pangako. Ang Quran ay nagbibigay-diin sa kasamaang ito nang maraming beses nang may malaking pagdiin. “Siya [ang satanas] ay nangangako sa kanila, at pinupukaw sa kanila ang masasamang hangarin ngunit ang satanas ay walang ipinapangako sa kanila maliban sa ang panlilinlang lamang.”(Quran 4:120) Pinupuno ni Satanas ang mga kaisipan ng mga tao ng walang kabuluhang mga pagnanasa at hangarin at pinapanatili silang abala sa pagkilos para sa mga huwad na pangarap at gantimpala. Ito ay nakakagambala sa kanila mula sa mga mas mahalagang bagay at pagkilos para sa Kabilang Buhay. Tinatawag niya ang sangkatauhan sa kasalanan at pagsuway ngunit nagpapanggap siya (satanas) na nagbibigay ng taos-pusong pagpapayo.
Unti-unting nililigaw ang mga tao. Ginagawa ni Satanas na ang mga maliliit na kasalanan ay lumabas na walang anuman hangga't ang mga ito ay maging santambak na ang taas sa pagkakapatong-patong. Sa tuwing nilalansi ni Satanas ang isang tao sa paggawa ng kasalanan, inaakay niya ito sa isa pang kasalanan, at pagkatapos ay isa pa at sa bawat oras ang mga kasalanan ay dumarami hanggang sa huli ay ginagawa niya na ang tao ay gawin ang pinakamalaking kasalanan sa lahat, ang hindi maniwala kay Allah, o ang pagtatambal sa Kanya.
At maging dahilan na ang mga tao ay makalimot sa kung ano ang mas makabubuti sa kanila. Ang mga tao ay malilimutin. Ito ay isang katangian na nasa ating lahat at nalalaman ito ng husto ng ating Tagapaglikha. “At katiyakan Kami ay gumawa ng kasunduan kay Adan noon pa man, ngunit siya ay nakalimot, at wala Kaming nakitang katatagan sa kanya.” (Quran 20:115) Ginagawa ni satanas ang hakbang na ito sa pamamagitan ng pagbulong hanggang sa ang isang tao ay ganap na makalimot sa kung ano ang mabuti para sa kanya at kung ano ang humahantong sa kasalanan. Ang isang halimbawa kung saan ito maaaring mangyari ay kung saan ang relihiyon ni Allah ay kinutya at ginawang katawa-tawa. Pinag-iingat tayo ni Allah na huwag makibahagi sa gayong mga usapan. Sinabi Niya:
“At kung iyong makikita yaong mga nakikipagtalo ng may panunuya hinggil sa Aming kapahayagan (ang Quran), ikaw ay lumayo sa kanila hanggang kanilang baguhin ang paksa. At kung ipag-adya ni satanas na ikaw ay makalimot, huwag kang manatiling nakikiupo sa mga mapaggawa ng kamalian pagkaraan mong maalala.” (Quran 6:68)
Ang matakot ang mga tao sa kanyang mga kaalyado. Ang isa pang paraan ng pagliligaw ni Satanas sa mga tao ay ang takutin sila sa kanyang mga hukbo at mga kaalyado. Siya ay napalibutan ng mga masasamang minyons, jinns at mga tao. Itinatanim niya sa mga kaisipan na sila ay makapangyarihan at nakakatakot, at kapag hindi sila sinunod ay maaari nila tayong saktan.
“Si satanas lamang ang nananakot [sa inyo] mula sa kanyang mga kaibigan at taga suporta; subalit sila ay huwag ninyong katakutan bagkus Ako lamang ang katakutan, kung tunay nga na kayo ay naniniwala.” (Quran 3:175)
Nililigaw ni Satanas ang isang tao sa pamamagitan ng kung ano ang iniibig nito at mga hinahangad. Nakikita ni Satanas kung ano ang iniibig o hinahangad natin at ginagamit niya ang mga ito laban sa atin. Ipinapasa din niya ang mga impormasyong ito sa kanyang mga katulong at inaatake nila tayo sa mga bagay na kung saan nakatuon tayo. Gaano kadalas na nagugulo ang ating mga pagdarasal dahil sa pag-iisip sa ating mga anak o asawa? Tayo ba ay nagkasala sa ating pamimili at ipinagpaliban ang ating pagdarasal? Alam ni Satanas kung ano ang gusto natin at pagkatapos ay sinisimulan niyang baluktutin ang ating mga iniisip.
Sa pamamagitan ng pagtatanim sa mga isipan natin ng mga pagdududa. Hindi gusto ni Shaytan ang sinuman na bumaling kay Allah sa pagsisisi, ang pagsisihan (ang mga nakaraang pagkakamali) at pagbabalik patungo sa kung ano ang tama at mabuti. Sa halip ay nais niyang ilihis ang mga tao mula kay Allah sa pamamagitan ng paggamit ng maraming uri ng mga tukso at walang basehang mga argumento. Nagtatanim siya ng mga pagdududa upang madama ng isang tao ang pagkabalisa at pag-aalinlangan.
Sa pamamagitan ng alak, pagsusugal, pagsamba sa diyos-diyosan, pangkukulam at panghuhula. Bagama't si Allah ay nagbabala sa atin laban sa mga gawaing ito, ang mga tao ay mahina at sinasamantala ito ni Satanas sa pamamagitan ng paggawa sa mga gawaing ito na magmukhang kaakit-akit o kapaki-pakinabang. Hinihikayat niya ang mga tao na makisali sa mga gawaing ito sapagkat madali silang maakay sa mga masasamang kahihinatnan at masamang resulta. Ang mga tao ay maaaring maakit sa ganitong uri ng gawain na iniisip na ito ay magiging masaya o kawili-wili at sa maiksing panahon ay makikita nila na ang mga kahihinatnan ay hindi naman pala gaya ng nasa isip. Ang pagsusugal ay isang malubhang pagkalulong na sumisira sa kayamanan at mga buhay; Ang alak ay ginagawa ang tao na kumilos na tulad ng mga ulol at naghihikayat sa isa na gumawa ng mapanganib na pag-uugali; Ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay puno ng masasamang kahihinatnan, ang pinakamasamang kasalanan ng pagsamba sa iba maliban kay Allah; ang paniniwala sa pangkukulam at panghuhula ay isang tanda ng di-makatwirang pag-iisip at ang isang taong hindi makatwiran ay walang kontrol sa kanyang sarili. Madali siyang madala sa mga masasamang sitwasyon na hinihila siya palayo nang palayo kay Allah.
“O kayong mga naniwala, ang [lahat ng mga inuming nakalalasing, sugal at ang pag-aalay sa mga altar sa iba bukod kay Allah at ang Al-Azlam ay mga dungis na nagmula sa gawang-kamay ng satanas. Kaya, [mahigpit na] iwasan ito upang sakali kayo ay magsipagtagumpay. ” (Quran 5:90)
Naghihikayat sa pagpapabaya. Kung ang mananampalataya ay kumakapit ng mahigpit sa tuwid na landas at nanawagan kay Allah upang maprotektahan ang kanyang sarili, si Shaytan ay pinigilan na mapariwara niya at maakay sa maling landas ang taong ito. Gayunpaman, kung siya ay pabaya o tamad, si Shaytan ay mayroong ganap na pagkakataon sa pag-atake habang ang depensa ng mananampalataya ay mahina. Ang ilublob (alamin ang lahat) ang sarili sa lahat ng aspeto ng Islam ay ang paraan upang maging ligtas mula kay Shaytan. Ang pagiging pabaya sa ating mga obligasyon sa Islam ay naglalayo sa atin mula sa mga walang tigil na daloy ng habag ni Allah.
Kapag ang isang tao ay lumalaking matibay sa Islam at ang kanyang pananampalataya ay matatag na nakabaon sa kanyang puso, si Shaytan ang siyang matatakot.