Ang paniniwala sa Allah, ang tamang pangalan sa Arabik ng nag iisa at tanging Diyos, ay binubuo ng apat na bagay:
(a) Paniniwala sa pag-iral ni Allah.
(b) Ang Allah ay ang Panginoon.
(c) Ang Allah ay may karapatan sa pagsamba.
(d) Ang Allah ay kilala sa Kanyang mga Magagandang Pangalan at Katangian.
(a) Paniniwala sa Pag Iral ng Allah
Hindi kinakailangan na ang pag iral ng Allah ay mapatunayan sa pamamagitan ng siyentipiko, matematiko, o pilosopiko na mga argumento. Ang kanyang pag-iral ay hindi isang 'pagkatuklas' na gagawin sa siyentipiko na pamamaraan o isang teorya ng matematika na kailangang mapapatunayan. Ang bawat tao ay may likas na paniniwala sa Dakilang Lumikha. Ang paniniwala na ito ay hindi resulta ng pag-aaral o pansariling deduksyon. Ito ay mga impluwensya sa labas na nakakaapekto sa likas na paniniwala na nakakalito sa isang tao tulad ng sinabi ng Propeta:
“Walang anak, na hindi isinilang na may natural na paniniwala sa Allah, subalit ang kanyang mga magulang ang siyang nagnais na sila ay maging Hudyo, isang Kristiyano o isang Magian” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
Gayundin, ang karaniwang kaisipan ay nagpapatotoo sa pag-iral ni Allah. Mula sa isang barko malalaman na may taga-gawa ng barko, mula sa kosmos malalaman na may Lumalang nito. Ang pag-iral ng Allah ay malalaman din sa pamamagitan ng mga sagot sa mga panalangin, mga himala ng mga propeta, at mga katuruan sa lahat ng inihayag ng mga banal na kasulatan.
(b) Ang Allah ay ang Panginoon
Ang Allah ay ang tanging Panginoon ng kalangitan at kalupaan. Siya ang Panginoon ng pisikal na kalawakan at ang Tagapagbigay ng Pagbabatas para sa buhay ng tao. Siya ang Pinuno ng pisikal na mundo at Tagapangasiwa sa ugnayan ng mga tao. Ang Allah ay ang Panginoon ng bawat lalake, babae, at bata.
(i) Ang Allah ay ang bukod-tanging Panginoon at Tagapamahala ng pisikal na mundo. Ang terminong 'Panginoon' dito ay partikular na nangangahulugang Siya ang Tagapaglikha, Namamalakad; ang Kaharian ng langit at ng lupa ay bukod-tanging sa Kanya, at Siya ang nagmamay-ari nito. Siya lamang bukod tangi ang naglikha mula sa kawalan at ang lahat ay nakasalalay sa Kanya para sa kanilang pananatili at pagpapatuloy. Hindi niya nilikha ang sanlibutan at hinayaan ito na magpatuloy sa sarili nitong kaparaanan alinsunod sa mga nakatakdang pagbabatas at titigil sa pagpapatuloy ng anumang layunin dito. Ang kanyang kapangyarihan ay kinakailangan sa lahat ng panahon upang tustusan ang lahat ng mga nilalang. Ang mga nilikha ay walang ibang Panginoon maliban sa Kanya.
"Sabihin (O Muhammad): 'Sino ang nagkakaloob sa iyo mula sa kalangitan at sa kalupaan? O sino ang nagmamay-ari ng pandinig at paningin? At sino ang nagdudulot ng buhay mula sa mga walang buhay at nagdudulot ng kamatayan sa mga may buhay? At sino ang nagtatakda ng mga pangyayari? 'Sasabihin nila: 'Allah'. Sabihin: 'Hindi ba kayo natatakot sa kaparusahan ng Allah (dahil sa pagtatambal o pagsamba sa iba maliban pa sa Kanya)?" (Qur'an 10:31)
Siya ang magpakailanmang-masusunod na Hari at ang Tagapagligtas, ang Buhay na Diyos, na puno ng karunungan. Walang makapagpapabago ng Kanyang mga desisyon. Ang mga anghel, mga propeta, mga tao, at mga kaharian ng hayop at halaman ay nasa ilalim ng Kanyang pangangasiwa. Sa kasaysayan, ilang mga tao ang nagtatwa sa pagkakaroon ng Panginoon; Sa kasaysayan, iilan lamang ang tumanggi sa pag iral ng Panginoon, sa buong kapanahunan ng pagkakalikha, karamihan sa mga tao ay naniwala sa Isang Diyos, ang Nakahihigit sa lahat, isang hindi pangkaraniwan na Tagapaglikha.
(ii) Ang Allah ang bukod-tanging Tagapamahala sa ugnayan ng mga tao. Ang Allah ay ang Kataas-taasan na Tagapagbatas, ang Ganap na Hukom, ang Tagagawa ng batas, Ang naglilinaw mula sa mali. Katulad ng pisikal na mundo na sumusunod sa kanyang Panginoon, ang mga tao ay dapat magpasakop sa moral at matuwid na katuruan ng kanilang Panginoon, ang Panginoon na nagtatakda ng tama mula sa mali para sa kanila. Sa madaling sabi, ang Allah lamang ang may kapamahalaan na gumawa ng mga batas, matukoy ang mga gawain ng pagsamba, magpasya sa moral, at magtakda ng mga pamantayan ng pakikipag-ugnayan at pag-uugali ng tao. Sa Kanya ang lahat ng pagaatas:
“Siya lamang ang Bukod-Tanging Lumikha ng lahat at gayun din ang lahat ng Pag-aatas.” (Quran 7:54)
(c) Ang Allah ay may Karapatan sa Pagsamba
Ang Allah ay may tanging karapatan na sambahin sa panloob at sa panlabas, sa pamamagitan ng mga gawa at pagsasapuso. Hindi lamang na walang dapat sinasamba bukod sa Kanya, ganap na walang sinuman ang maaaring sambahin kasama Niya. Wala siyang katambal o kasama sa pagsamba. Ang pagsamba, sa kanyang komprehensibong kahulugan at sa lahat ng aspeto nito, ay para sa Kanya lamang.
"Walang tunay na diyos na karapat-dapat sambahin kundi Siya, ang Pinakamaawain, ang Pinakamahabagin." (Quran 2:163)
Ang karapatan ni Allah na sambahin ay hindi maaaring higitan. Ito ay ang mahahalagang kahulugan ng Laa ilaaha ill-Allaah. Ang isang di-Muslim ay pumasok sa Islam sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa nag-iisang karapatan ng Allah upang sambahin. Ito ang pinakabuod ng Islamikong paniniwala sa Allah, kahit na sa kabuuan ng Islam. Ito ang sentrong mensahe ng lahat ng mga propeta at mga mensahero na ipinadala ng Allah. Malinaw Nilang ipinahayag:
“Sambahin ang Allah! Wala kayong ibang Diyos maliban sa Kanya.” (Quran 7:59, 60, 73, 85; 11: 50, 61, 84; 23, 32)
Ito ang sentro ng mensahe ni Abraham, Isaac, Ismael, Moises, mga Hebreong propeta, Jesus, at Muhammad, sumakanila nawa ang kapayapaan. Kung ang Allah lamang ang lumilikha, nagbibigay buhay at kamatayan, nagbibigay ng pagkain at seguridad, nagbibigay ng pandinig at paningin, kung gayon Siya lamang ang dapat sambahin.
Ang pagsamba sa Islam ay binubuo ng bawat kilos, paniniwala, pahayag, o damdamin ng puso. Ang Allah ay nag-papahintulot at nagmamahal, sa lahat ng nagdudulot sa isang tao na mas mapalapit sa Kanyang Lumikha. Kabilang dito ang lahat ng ipinaguutos ng Allah sa Quran o sa pamamagitan ng Sunnah ng Kanyang Propeta. Kasama dito ang 'panlabas' na pagsamba tulad ng mga pang-araw-araw na ritwal na panalangin, pag-aayuno, kawanggawa, at pilgrimahe gayundin sa 'panloob' na pagsamba tulad ng paniniwala sa anim na mga artikulo ng pananampalataya, paggalang, pagsamba, pag-ibig, pasasalamat, at pagsalig. Ang isang gawaing pagsamba ay hindi tatanggapin maliban kung ito ay sumangayon sa mga sumusunod:
(i) Ito ay isinagawa para lamang sa Allah at walang dapat makibahagi dito, kabilang ang kanyang sarili. Ang pagsamba ay hindi dapat gawin upang pagbigyan ang sariling pithaya, tulad ng pagtanggap ng papuri o pagpapakitang-tao. Ito ang kahulugan ng Laa ilaaha ill-Allaah.
(ii) Dapat itong umayon sa mga katuruan ni Propeta Muhammad. Dapat itong isagawa sa tamang paraan na inihalimbawa niya, nang walang anumang karagdagan o kukulangan. Ito ang implikasyon ng Muhammad Rasool-Allaah.
Ang Allah ay may karapatan sa lahat ng uri ng pagsamba, pagsamba ng katawan, kaluluwa, at puso. Hindi ito magiging kumpleto kung ito ay hindi nagmula sa paggalang at takot kay Allah, sa banal na pag-ibig at pagsamba, pagasam sa gantimpala ng Diyos, at labis na pagpapakumbaba. Ang pag-aalay - sa mga propeta, sa mga anghel, Jesus, Maria, rebulto, o sa kalikasan - ng bahagi ng pagsamba na laan lamang sa Allah ay itinuturing na Shirk ang pinakadakilang kasalanan sa Islam.
(d) Ang Allah ay Kilala sa Kanyang Magagandang Mga Pangalan at Katangian
Ang Allah ay kilala sa Kanyang Mga Magagandang Pangalan at Katangian na matatagpuan sa Quran at Sunnah, na hindi mapabubulaanan o maitatanggi ang malinaw na kahulugan, sa pag-iisip "kung paano," o ipaliwanag sa ganang kakayahan ng tao.
“at ang Allah ay nagtataglay ng mga Pinakamagagandang Pangalan, na kung kaya, humiling kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga Pangalang ito.” (Quran 7:180)
Samakatuwid, hindi angkop na gamitin ang Unang Sanhi, May-akda, Sangkap, Pagkamakaako, Ganap, Purong Ideya, Lohikal na Konsepto, Walang-Pagkakakilanlan, Walang Malay, Kaakuhan, Ideya, o Malaking Nilalang bilang mga banal na pangalan. Anumang pagnanais ninuman na hanapan ng pagpapatibay ang mga pangalan kay Allah ay dapat naaayon sa naipinahayag sa Quran o Sunnah.
Ang Mga Pangalan ng Allah ay nagpapahiwatig ng Kanyang pagiging perpekto at kalayaan mula sa mga kakulangan. Ang Allah ay hindi nakakalimot, natutulog o napapagod. Ang kanyang paningin, tulad ng lahat ng iba pang mga katangian, ay hindi katulad ng paningin ng tao. Siya ay makatarungan, at walang anak, ina, ama, kapatid, kasama, o katulong. Siya ay hindi ipinanganak at hindi nagkaanak. Siya ay hindi nangangailangan sapagkat Siya ay perpekto. Hindi niya kailangang maging katulad ng mga tao o maging tao upang "maunawaan" ang paghihirap ng tao. Ang Allah ay ang Makapangyarihan (al-Qawee), ang Walang Katumbas (al-'Ahad), ang Tagatanggap ng Pagsisisi (al-Tawwab), ang PinakaMahabagin (al-Raheem), Ang Walang-Hanggan (al-Hayy), Ang Tagapagtaguyod- (Al-Qayyoom), Ang Pinakamaalam (al-'Aleem), Ang Dumidinig (al-Samee '), Nag Nakakakita ng Lahat (al-Baseer), ang Nagpapatawad (al-'Afuww), Ang Nagbibigay ng Tulong (al-Naseer), at ang Tagapagpagaling ng Karamdaman (al-Shaafi '). Marami pang ibang mga pangalan na nabanggit sa Quran at Sunnah.
Ang lahat ng papuri at kaluwalhatian ay tanging sa Kanya para sa Kanyang lubos na pagiging perpekto at kamahalan.
Ang salitang Arabic na shirk ay ang kabaligtaran ng tawheed, ang kaisahan ng Allah, na higit pa sa polytheismo at idolatrya ang kinapapalooban. Nangangahulugan ito na iniuugnay ang Allah sa ibang mga diyos. Ang Shirk ay ang iugnay ang iba sa Allah sa ilang mga aspeto na itinakda bilang ganang Kanya at tanging sa Kanya na nasasaad sa Quran at Sunnah.
Walang pagtatalo sa pagiging mahigpit ng Islam sa monoteismo (tawheed). Ang pagtatambal sa Diyos (shirk) ay karima rimarim na kasalanan, ang pinakamalaking paglabag na lantarang itinatanggi ang Panginoon ng langit at ng lupa. Ang mamatay sa kalagayang ng shirk ay lubhang nagdudulot sa tao ng permanenteng kawalan ng habag mula sa Dakilang Lumikha:
“Katiyakan, ang Allah ay hindi Niya pinatatawad ang sinumang sumamba ng iba bukod pa sa Kanya (i.e. ang pagkakasala ng shirk), at pinapatawad ang lahat maliban sa sinuman ang Kanyang naisin.” (Quran 4:48)
Ang Shirk ay maraming mga anyo, ilan sa mga ito ay tatalakayin sa ibaba.
Ang Malaking Shirk
Ang mga gawaing nabibilang sa kategoryang ito ng shirk ay itinuturing na walang kapatawaran. Hindi sila patatawarin ng Allah maliban kung pagsisihan nila ito.
“Katotohanan, hindi pitatatawad ng Allah ang shirk, Ngunit pinatatawad Niya ang sinuman na Kanyang kalugdan.”
Sinasalungat ng kategoryang ito ang pinakalayunin ng paglikha, tulad ng ipinahayag ng Allah:
“at hindi Ko nilikha ang jinn at tao maliban sa sambahin lamang Ako.” (Quran 51:56)
Sa kategoryang ito ng shirk, ang mga gawain ng pagsamba ay itinutuon sa mga tao maliban sa Allah o sa kung sa anu pa man, bilang kanilang mga gantimpala. Ang ganitong uri ay binigyang halimbawa ng Allah sa Quran, Kanyang sinasabi:
“at kung sila ay nakasakay sa barko, Sila ay nagsusumamo sa Allah, at taos-pusong nananalig sa Kanya, subalit kapag sila ay nakadaong na sa kalupaan, pagmasdan, sila ay nanunumbalik sa pagtatambal sa kanilang Panginoon.” (Quran 29:65)
Ipinapahiwatig sa Quran ang maraming talata na nagsasabing ang Allah ay hindi nagbabahagi ng Kanyang kapangyarihan sa sinumang itinatambal sa Kanya. Nagbibigay rin ito ng babala sa mga naniniwala na ang kanilang mga Diyos-diyosan ay mamamagitan para sa kanila, na sila, kasama ang kanilang mga rebulto, ay magiging panggatong sa Impiyerno sa Araw ng Paghuhukom.
Kasama sa mas malaking shirk ang pagtawag o pagsamo sa huwad na diyos, propeta, anghel, santo, idolo, o anumang bagay bukod kay Allah. Ang mga Kristiyano ay nananalangin sa isang taong pinaniniwalaan nilang kabahagi ng kabanalan ng Allah, ang Propeta ng Allah na si Hesus, mapasakanya nawa ang kapayapaan, Itinuturo ng mga Katoliko ang ilang uri ng pagsamba sa mga banal, mga anghel, at maging kay Maria, mga gawaing itinuturing nila bilang "pagsamba". Ang lahat ng ito ay itinuturing na shirk.
Itinuturing din na shirk ang manalangin kay Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, o sa mga libingan ng mga banal na tao.
Ang paniniwala sa batas ng iba, maging ang mga pamahalaan o mga pinuno ng relihiyon na sumasalungat sa malinaw na mga aral ng Islam ay isang pangunahing anyo rin ng shirk, Ang Allah ang nagwika:
“Sila (Mga Hudyo at Kristiyano) na nagtuturing sa kanilang mga rabbi at monghe bilang Diyos maliban pa kay Allah.” (Quran 9:31)
Itinuring nila sila bilang mga panginoon bukod sa Allah hindi sa pamamagitan ng pagdarasal nang direkta sa kanila, ngunit sa pamamagitan ng kusang pagtanggap sa kanilang pagpapalit sa mga bagay na pinahintulutan sa ipinagbabawal at ang ipinagbabawal sa pinahintulutan sa relihiyon ni Allah. Inangkin nila ang kapamahalaan na tanging ang Allah lamang ang nagtataglay - ang magtakda ng kautusan.
Isa pang anyo ng mga pangunahing shirk ay ang pagbibigay sa sinumang nilikha ng anumang bahagi ng banal na pag-ibig na nakalaan lamang para sa Allah.
“At mayroong mga tao na nagtuturing pa ng iba (sa pagsamba) bukod sa Allah bilang mga katambal (kay Allah). Minamahal nila ang mga ito nang katulad din ng pagmamahal nila kay Allah. Ngunit ang mga mananampalataya ay mas higit ang pagmamahal sa Allah. ...” (Quran 2:165)
Mababang uri ng Shirk
Ang panunumpa maliban sa Allah at pagsasagawa ng kabutihang pang-relihiyon para sa makamundong pakinabang, tulad ng pagpapakitang-tao o magkamit ng simpatya o pabor ay dalawa sa mas mababang uri ng shirk. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:
"Ang bagay na lubha kong pinangangambahan sa inyo ay ang 'mas maliit na shirk.' Ang mga kasamahan ng Propeta ay nagtanong 'Oh! Sugo ng Allah, ano ang "mas maliit na shirk?" Ang pagpapakitang-tao tugon niya, sapagkat tiyak na sasabihin ng Allah sa Araw ng Pagkabuhay na muli habang tinatanggap ng mga tao ang kanilang mga gantimpala, 'Humayo kayo doon sa inyong mga ipinagmamalaki na makamundong buhay at alamin kung makakakita kayo ng anumang gantimpala mula sa kanila. '" (Ahmad, at-Tabarani, al-Baihaqi)
Minsan, inihayag ng Propeta:
“O mga tao, mag-ingat sa mga nakatagong shirk! Ang mga tao ay nagtanong, 'O sugo ng Allah, ano ang nakatagong shirk?' Sumagot siya, 'Kapag ang isang lalaki ay bumangon upang manalangin at nagsisikap na pagandahin ang kanyang panalangin dahil ang mga tao ay nakatingin sa kanya; iyon ang nakatagong shirk.’” (Ibn Khuzaymah) .
Ang pagpapakitang-tao (riyaa sa Arabik) ay ang pagsasagawa ng alinman sa iba't ibang uri ng pagsamba upang makita at purihin ng iba. Ang pagkilos ng maayos upang mapabilib ang ibang tao lalo na sa mga gawaing pang-relihiyon ay sumisira sa mga benepisyong espirituwal mula sa mga mabubuting gawa at nakapagdudulot pa ng kasalanan sa tao. Minsan, kahit na ang pinaka-relihiyoso ay hindi ligtas dito dahil ito ay napakatago at lubhang malakas at malalim ang nagtutulak na dahilan, upang makaiwas dito ay nararapat ituon ang sarili sa pagunawa na ang pagsamba ay para sa ikalulugod ng Allah lamang, at hindi sa kasiyahan ng mga tao.
Dapat mag-ingat ang isang Muslim upang matiyak na ang mga intensiyon ay magsisimulang dalisay at manatiling dalisay kapag ang mga gawaing matuwid ay isinasakatuparan. Upang matiyak ito, inutos sa Islam ang pagbigkas ng pangalan ng Allah bago isakatuparan ang anumang mahalagang gagawin. Ipinayo rin ng Propeta ang ilang mga panalangin (du'a) bago at pagkatapos ng lahat ng mga gawain upang ang mga ito ay maging gawaing pagsamba at maging daan upang maalala ang Allah.
Mga Halimbawa ng Palagiang o Pang Araw Araw na Shirk
Astrolohiya at Horoscopes
Ang paghula sa hinaharap sa pamamagitan ng paghahambing sa mga posisyon ng mga bituin at mga konstelasyon, kasabay ng kapanganakan ng isang tao ay isang uri ng shirk. Ang Allah lamang ang tanging nakakaalam sa hinaharap, kaya imposibleng mahulaan ang mga pangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga bituin. Ito ay isang anyo ng shirk dahil ipinapalagay na ang astrologo ay nagtataglay ng kaalaman sa hinaharap ayon sa paniniwala sa astrolohiya, pati na ang pagaakibat ng kapangyarihan sa ilang nilikhang-bagay - bituin - na hindi itinalaga ng Allah o ng agham man.
Panghuhula
Pagbasa sa pamamagitan ng palad, pagtingin sa bolang kristal, at iba pang mga anyo na ginagamit upang hulaan ang hinaharap ay mga paraan ng shirk gaya ng mga nabanggit na dahilan sa itaas.
Ang Numero 13
Isang karaniwang halimbawa ng shirk ay ang paniniwala na ang bilang na labintatlo/trese ay malas na numero, lalo na sa Kanluran, kung saan hindi magandang lagyan ang mga matataas na gusali ng ikalabintatlong palapag. Ito ay shirk dahil nagtatalaga ito ng kakayahang magdala ng masamang kapalaran sa isa lamang na numero!
Suwerte at Malas na Nilalang
Kaugalian sa maraming lugar sa mundo sa nakalipas na mga siglo ang paguugnay sa ilang mga hayop o bagay sa mabuti o masamang kapalaran. Halimbawa, ang mga itim na pusa, magpies, paa ng kuneho, paa ng rabbits, at sapatos ng kabayo ay ipinapalagay na magdadala ng suwerte. Ang lahat ng mga ito ay shirk dahil ang kakayahang magdala ng mabuti o masamang kapalaran ay nakatalaga sa nilikha ng Allah.
Dapat iwasan ng mga Muslim ang lahat ng anyo ng shirk, at ang tanging paraan upang masiguro ito ay pagaralan ang ibat-ibang anyo nito at unawain nang mabuti ang konsepto ng tawheed. Ang Shirk ay ang pinaka malaking kasalanan sa Islam, higit kaysa sa iba pang malaking mga kasalanan tulad ng pagpatay at pangangalunya, sapagkat tinatapatan nito ang bukod-tanging karapatan ng Allah na sambahin. Kaya,nararapat na ang mga Muslim ay gumawa ng abot ng kanilang makakaya na maiwasan ang shirk upang maging karapat-dapat na pumasok sa Hardin ng Paraiso.