Mga kapatid, dapat nating malaman na ang pagsamba ay tungkulin ng lahat ng mga Muslim na may tamang pag-iisip at may tamang gulang. Ang pagsasagawa ng mga haligi ng Islam ay daan sa pagpasok sa Paraiso pagkaraan ng habag ng Allah .
Ang Propeta ay nagsabi sa isang 'bedouin' na nagtanong sa kanya;
"'O Propeta ng Allah', sabihin mo kung ano ang tungkuling ipinag-uutos ng Allah sa akin sa larangan ng pagdarasal (Salaah)'. Siya ay sumagot; 'Ang limang beses na pagdarasal, maliban kung nais mong magsagawa pa ng karagdagang kusang loob na pagdarasal.' Siya ay nagtanong ulit;'Sabihin mo kung ano ang tungkuling ipinag-uutos ng Allah sa akin sa larangan ng pag-aayuno'. Ang Propeta ay sumagot; 'Ang mag-ayuno sa buwan ng Ramadhan, maliban kung nais mong magsagawa ng kusang-loob at karagdagang pag-aayuno'. Siya ay nagtanong ulit; 'Sabihin mo (O Propeta ng Allah) kung ano ang tungkuling ipinag-uutos sa akin ng Allah sa larangan ng 'Zakaah'. (Ang nag-ulat) ay nagsabi na; 'ipinaliwanag ng Propeta ang mga batas tungkol dito. Ang 'bedouin' ay nagsabi; 'Sa Ngalan Niya (ng Allah) na nagbigay ng parangal sa iyo, hindi ako gagawa ng mga kusang-loob at karagdagang mga gawain, datapwa't hindi ako mag-iiwan ng kahit ano sa mga tungkulin na ipinag-uutos sa akin ng Allah'. Ang Propeta ng Allah ay nagsabi; 'Siya ay magtatagumpay (papasok sa Paraiso) kung totoo (at gagawin niya) ang kanyang sinabi.'"
(Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Mga Pansarili at Panlipunang Bunga ng Pagsamba sa Allah
1) Ang mga Mananampalataya ay magtatamo ng kaligayahan at tagumpay sa buhay dito sa mundo at sa Kabilang Buhay.
Ang Allah ay nagsabi,
"Katotohanan, magtatagumpay ang sinumang nagpapakadalisay. At nakaaalaala (at nagbibigay papuri) sa Ngalan ng kanyang Rabb at (siya ay) nananalangin."
Qur'an, Kabanata Al-A'laa, 87:14-15;
2) Magtatamo ng lakas pisikal at ispirituwal kung lagi nang nakikipag-ugnayan nang taimtim at tapat sa Allah .
Ang Allah ay nagsabi;
"Katotohanan, Ang Allah ay nasa panig ng mga may (taglay na) Taqwa (takot) sa Kanya (tumutupad ng kanilang tungkulin sa Kanya) at (siya ay kasama ng mga Muhsin (mapaggawa ng kabutihan)."
Qur'an, Kabanata An-Nahl, 16:128;
3) Ang tulong ng Allah ay iginagawad sa mga Mananampalataya at ginagawang matatag ang kanilang pamamahala at pamumuhay sa daigdig.
Ang Allah ay nagsabi,
"Katotohanan, itataguyod (tutulungan) ng Allah yaong nagtataguyod (tumulong) sa Kanyang Landas. Tunay nga na ang Allah ay Ganap na Malakas, ang Ganap na Makapangyarihan. Silang (mga pinuno ng pamayanang Muslim) na kapag sila ay pinagkalooban ng kapangyarihan (mamahala) sa (mga) lupain, (sila ay) nag-uutos ng (pagsasagawa ng) As-Salaah, pagbabayad ng Zakah at sila ay nag-uutos ng gawaing Al Ma'ruf (kabutihan) at nagbabawal ng gawaing Al-Munkar (kasamaan). At sa Allah ang hantungan ng lahat ng pangyayari (o gawain)."
Qur'an, Kabanata Al-Hajj, 22:40-41;
4 ) Pinatitibay ang ugnayan ng mga magkakapatid, ang kanilang pagtutulungan, ang bigkis o pagmamahalan at ang katiwasayan at kapayapaan sa pagitan ng bawa't tao sa Islamikong pamayanan.
Ang Allah ay nagsabi,
"Ang mga Mananampalataya, mga kalalakihan at mga kababaihan ay Auliya (tagapagtaguyod, tagapagtanggol) ng bawa't isa, sila ay nag-uutos ng Al Ma'ruf (lahat ng uri ng kabutihan) at nagbabawal ng Al Munkar (lahat ng uri ng kasamaan) at sila ay nagsasagawa ng As-Salaah, at nagbibigay ng Zakah at sumusunod sa Allah at sa Kanyang Sugo. Ang Allah ay magbibigay ng Kanyang Habag sa kanila. Katotohanan, ang Allah ay Ganap na Makapangyarihan, Tigib ng Karunungan."
Qur'an, Kabanata At-Tawbah, 9:71
5) Makakamtan ang patnubay at ang tagumpay na ang Allah lamang ang nagkakaloob.
Ang Allah ay nagsabi,
"O kayong mga Mananampalataya (mga Muslim)! Kung kayo ay maging masunurin at may (taglay na takot) Taqwa sa Allah, ipagkakaloob Niya sa inyo ang Furqan (ang pamantayan ng paghatol sa pagitan ng katotohanan at kamalian), at papawiin sa inyo ang inyong mga kasalanan, at patatawarin kayo; at ang Allah ay Siyang Nagmamay-ari ng Dakilang Biyaya."
Qur'an, Kabanata Al-Anfaal, 8:29;
6) Makakamtan ang kasaganaan ng panustos mula sa Allah at magbibigay ng lunas sa lahat ng mga kahirapan.
Ang Allah ay nagsabi,
"…At sinuman ang mangamba sa Allah at panatilihin ang kanyang tungkulin sa Kanya, Siya ang magbibigay sa kanya ng lunas sa lahat ng kahirapan. At ipagkakaloob Niya sa kanya mula (sa panggagalingan) na hindi niya napag-aakala…"
Qur'an, Kabanata At-Talaaq, 65:2-3;
7) Ang pagpaparami ng gantimpala mula sa pagsamba at ito ay nabibilang kabayaran ng mga kasalanan.
Ang Allah ay nagsabi,
"(At tandaan) sa Araw na kayo ay Kanyang pagsasama-samahin (lahat) sa Araw ng Pagtitipon, yaon ang Araw ng Taghabun(1) (kawalan sa Kafirun sapagka’t sila ay itatapon sa Impiyerno at kapakinabangan sa mga Mananampalataya sapagka’t sila ay paroroon sa Paraiso). At sinuman ang manalig sa Allah at gumawa ng mga kabutihan, ang kanyang mga kasalanan ay papawiin Niya at siya ay tatanggapin sa mga Hardin (ng Paraiso) na sa mga ilalim nito ay may mga ilog na umaagos at doon, sila ay mananahan magpakailanman; at yaon ang Dakilang Tagumpay."
Qur'an, Kabanata At-Taghaabun, 64:9;