ANG KARAPATAN NG KAPITBAHAY
الخطبة الأولى:
Mga alipin ng Allah, kabilang sa mabubuting katuruan ng Islam ay ang pag-uutos nito ng mabuting pakikipag-kapwa sa ating mga kapitbahay, ang paghihikayat na ating ibigay ang kanilang mga karapatan, at nang tratuhin natin sila ng mabuti. At katotohanan na napakaraming mga Daleel o pruweba mula sa Qur’an at Sunnah ang magpapatunay sa katuruang ito. Sinabi ng Allah sa Qur’an:
“Sambahin ninyo ang Allah at huwag kayong magtambal ng anupaman sa Kanya. At gumawa ng mabuti sa inyong mga magulang, at sa mga kamag-anakan, sa mga ulila, sa mga mahihirap, sa mga malalapit na kapitbahay, sa mga malalayong kapitbahay, sa inyong mga kasamahan, sa mga manlalakbay, at sa mga (aliping) taglay ng inyong kanang kamay (sa ilalim ng inyong pangangasiwa). Katotohanan, ang Allah ay hindi nagmamahal sa mga mapagmagaling (sa kapwa-tao) at mapagyabang.”
At sa sobrang pagpapahalaga ng Islam sa mabuting pakikitungo sa mga kapitbahay ay naisama ang pag-uutos nito sa mga dakila at importanteng mga kautusan sa Islam tulad ng Tawheed, at ang pagbabawal ng Shirk. At ito nga ang pinakamalaking Daleel na nagpapatunay sa kahalagahan ng ating mga kapitbahay.
At hanggang sa ang Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, sa lubos na pagbibigay halaga ng Islam sa mga kapitbahay ay kanyang nabanggit:
"ما زال جبريل يوصيني بالجار، حتى ظننت أنه سيورثه"
“Lagi akong pinapayuhan ni Jibreel (ng kabutihan) sa kapitbahay, hanggang sa inakala kong mamanahin niya (ng isang tao) ang kanyang kayamanan(ng kanyang kapitbahay”
At katotohanan na ang pagtrato ng mabuti sa kapitbahay ay tanda ng Imaan o paniniwala. Sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:
"من كان يؤمن بالله واليوم الآخر فليكرم جاره"
“Sinuman ang naniniwala sa Allah at sa kabilang buhay ay kanyang pagsilbihan ang kanyang kapitbahay”
At magagawa natin ito, ang pagsisilbi at pakikitungo ng maayos sa ating mga kapitbahay sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng maraming mabubuting asal at ugali sa abot ng ating makakaya; tulad ng pagbibigay ng Salam sa kanila, pag-ngiti o ang pagharap sa kanila ng may maaliwalas na mukha, ang pagtanong sa kanilang kalagayan, ang pagbibigay sa kanila ng regalo, ang pagtulong sa kanila kung sila’y may kailangan, ang pagpapayo sa kanila, at ang pagpapaalaala o pagtuturo sa kanila ng mga bagay na nakalimutan nila o di nila alam.
Kasama sa mga karapatan ng iyong kapitbahay sa iyo ay ang mag-Salam ka sa kanila kapag makasalubong mo sila, ang tumugon ka o paunlakan mo ang kanilang imbitasyon o paanyaya, ang bisitahin mo sila kapag sila’y nagkasakit, ang gawin mo o gampanan mo ang pagtulong sa kanila sa pamamagitan ng pag-alalay o pagtayo ng mga gawaing kanilang di kayang gawin; tulad ng matatanda, babaeng balo, at iba pa. At ang mga ito’y para rin sa’yo upang makatanggap ka ng mabuting papuri at gantimpala mula sa Allah.
At isang Hadith ang umabot sa atin patungkol sa mabuting pakikitungo sa kapitbahay na magpapalambot ng ating mga puso at magpapamahal sa ating mga kapitbahay,
hanggang sa tayo’y maging tulad ng iisang pamilya. At ito ay ang Hadith na sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:
"إذا طبخت مرقة فأكثر ماءها وتعاهد جيرانك"
“Kapag naglutoka ng sinabawang pagkain ay paramihin mo ang tubig (sabaw) nito at bigyan mo ang iyong kapitbahay.”
Ang Hadith na ito ay magpapatunay ng totoong pagmamahal ng isang tao sa kanyang kapitbahay. Kung saan, kanyang pinapasama o pinapasalo ang kanyang kapitbahay sa kanyang pagkain o anumang biyaya na binigay sa kanya ng Allah. At hindi naman importante na ang kanyang kapitbahay ay gutom o nangangailangan ng pagkain, ngunit ito’y isang gawain na nagpapakita ng mabuting kalooban ng isang tao; na hindi niya magagawang kalimutan ang kanyang kapitbahay. Nais lamang niya na kahit papaano ay pasayahin o ipakita sa kanyang kapitbahay na mahalaga sila para sa kanya.
Ngunit, naisip ba natin na bigyan sila o padalhan sila ng pagkain; para umusbong at lumago ang pagmamahalan at pag-aayos sa pagitan natin at ng ating mga kapitbahay?
Katunayan nga, na ang pinakamabuting kasama at kapitbahay ay silang mga mabubuti sa kanilang mga kasama at sa kanilang mga kapitbahay. Tulad ng sinabi ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم:
"خَريرُ ارلَْ ر صحَابِ عِنردَ ا ه للَِّ خَريرهُُرم لِصَاحِبِهِ، وَخَريرُ ا ر لجِيرَانِ خَريرهُُرم لجَِارِهِ "
“Ang pinakamabuting kasama para sa Allah ay sila yaong mabubuti sa kanilang mga kasama. At ang pinakamabuting kapitbahay ay sila yaong pinakamabuti sa kanilang mga kapitbahay.”
At ang mabuting pagsisilbi sa ating mga kapitbahay ay walang limitasyon, na kung saan dapat na magsumikap ang isang Muslim na maghanap ng anumang mga paraan na kaya niyang gawin upang mapakitunguhan niya ng maayos ang kanyang kapitbahay. At isipin niya habang ginagawa niya ito ay mas napapalapit siya sa Allah at sa kanyang pagkalugod sa Kanya. At isipin rin niya na siya ay mananatiling nasa kabutihan habang siya ay minamahal at nagugustuhan ng kanyang mga kapitbahay, dahil sa mabubuting ugali at asal niya sa kanila. At dahil katotohanan, na ang mga kapitbahay ay sila ang unang saksi at testigo sa kung anumang pagkatao ang meron ang isang tao.
Dumating ang isang lalaki sa Propeta صلى الله عليه وسلم, at siya’y nagtanong; “O Sugo ng Allah, paano ko malalaman na kapag gumawa ako ng isang mabuting bagay ay mabuting bagay nga ito, at kapag gumawa ako ng masamang bagay ay masama nga ito? At sagot ng Propeta sa kanya:
إذا قال جيرانُك: قد أحسنت، فقد أحسنت, وإذا قالوا: إنك قد أسأت فقد أسأت"
“Kapag sabihin ng iyong mga kapitbahay na ‘tunay na naging mabuti ka, tunay na naging mabuti ka’. At kapag kanilang sabihin: ‘tunay na naging masama ka, tunay na naging masama ka’”
At sinabi rin ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم, na ang mabuti o masamang pamumuhay dito sa mundo ay depende rin sa kung sino ang magiging kapitbahay ng isang tao. Kanyang sinabi sa isang Hadith:
"من سعادة ابن آدم ثلاثة، ومن شقوة ابن آدم ثلاثة، من سعادة ابن آدم: المرأة الصالحة، والمسكن الصالح، والمركب
الصالح، ومن شقوة ابن آدم: المرأة السوء، والمسكن السوء، والمركب السوء"
“Kabilang sa kasiyahan ng anak ni Adan ay tatlo, at kabilang sa kabiguan/kalungkutan ng anak ni Adan ay tatlo. Kabilang sa kasiyahan ng anak ni Adan ay; Mabuting asawa, maayos na tirahan, at maayos na sasakyan. At kabilang
sa kabiguan/kalungkutan ng anak ni Adan ay; Masamang asawa, masamang tirahan, at masamang sasakyan”
At katunayan na ang isang tirahan ay hindi masusukat ang pagiging maganda o mabuti nito sa pisikal nitong anyo. Bagkus ito’y nakadepende sa kung sinu-sinong mga kapitbahay ang mga nakapaligid rito. Kaya naman, nararapat sa isang Muslim na kapag gusto niyang magpatayo o pumili ng isang bahay ay kanyang isaisip ang mga taong magiging kanyang kapitbahay, dahil nakasalalay rin sa kanila ang kanilang magiging pamumuhay sa bahay na iyon, mabuti man o masama. At sabi nga sa isang tula:
اطلب لنفسك جيراناً تجاورهم *** لا تصلح الدارُ حتى يصلحَ الجا ر
“Humanap ka para sa sarili mo ng kapitbahay na magiging kapitbahay mo, hindi magiging maayos ang pamamahay hanggat maayos ang kapitbahay”
At kung sa hindi inaasahan na ika’y sinubok, dahil sa pagiging masama o mapaminsala ng iyong kapitbahay, ay magtiis ka hanggang sa dumating sa’yo ang pasya o tulong ng Allah. Dahil katotohanan na ang mabuting pakikitungo sa kapitbahay ay ang pagtitiis mo sa kanyang kasamahan.
الخطبة الثانية :
Mga kapatid sa Islam, tratuhin ninyo ng mabuti ang inyong mga kapitbahay at huwag ninyo silang perwisyuhin. At alamin ninyo at tandaan ninyo na ang mga Salaf o ang mga mabubuting tao na nauna sa inyo ay nakapagbigay ng mabubuting halimbawa kung paano pakitunguhan ng mabuti ang kanilang mga kapitbahay.
Si Abu Bakr radiyallahu anhu ay siyang kumukuha ng gatas mula sa mga kambing ng kanyang kapitbahay para sa kanila. Ginagawa niya ito hanggang sa siya ay naging Khalifa, ngunit siya’y pinatigil ng mga tao upang hindi siya mapagod ng husto.
At si Abu Jahmin Al-‘Adawi noong kanyang ibenta ang kanyang bahay sa halagang isandaang-libong Dirham ay kanyang sinabi, “At magkano niyo naman bibilhin ang pagiging kapitbahay ko kay Sa’eed bin Al-‘Aas?” Sagot ng mga tao, “Bakit, nabibili ba ang iyong kapitbahay?” At sagot naman ni Abu Jahmin, “Ibalik ninyo sa akin ang (binili ninyong) bahay ko, at eto, kunin ninyo ang ibinayad ninyo. Dahil hindi ko iiwan ang pagiging magkapitbahay ko sa taong kapag nawala ako ay hahanapin niya ako, kapag makita niya ako ay sasalubongin niya ako, kapag wala ako sa aking bahay ay hindi niya ako pagsasalitaan ng masama, kapag nakita niya ako ay lalapit siya sa akin, kapag nagpatulong ako sa kanya ay tutulongan niya ako, at minsan pa ay kusa siyang tutulong sa akin, at kapag nalungkot ako ay papasayahin niya ako.” At pagkatapos ay umabot ang mga salitang ito kay Sa’eed na kanyang kapitbahay at binigyan niya si Abu Jahmin ng isandaang-libong Dirham.
At si Imam Abdullah bin Al-Mubaarak naman ay may isang kapitbahay na Hudyo at gusto nitong ibenta ang kanyang bahay sa halagang dalawang-libong Dirham. Ngunit sinabi sa kanya, “Hindi aabot sa dalawan-libong Dirham ang halaga ng bahay mo!” At ang kanyang sagot, “Oo, tama kayo. Ngunit isang-libong Dirham para sa bahay, at isang-libong Dirham dahil kapitbahay ko si (Imam) Abdullah bin Al-Mubaarak.” At nabalitaan ito ni Imam Abdullah at kanyang tinawag ang kapitbahay niyang hudyo, at binigyan siya ng halaga ng kanyang bahay, at sinabihan siyang huwag ibenta ang kanyang bahay.
Mga alipin ng Allah, katotohanan na ang paggawa ng masasamang bagay sa kapitbahay ay isa sa mga masasamang ugali at asal na kailanman ay hindi nararapat na ugaliin ng isang Muslim. Habang ang pagpapahalaga sa kapitbahay at pagtrato sa kanila ng mabuti ay isa sa mga tanda ng pagiging kumpleto ng Imaan o paniniwala
ng isang Muslim. At katotohanan nga na tulad sa ibang Hadith, ay sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:
"من كان يؤمن بالله واليوم الآخر فلا يؤذ جاره "
“Sinuman ang naniniwala sa Allah at sa kabilang buhay ay huwag niyang saktan ang kanyang kapitbahay”
At sa isang Hadith naman na naiulat ni Abu Hurairah radiyallahu anhu na may isang lalaki ang pumunta sa Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم na kanyang nirereklamo ang kanyang kapitbahay. Sinabi sa kanya ng Propeta na magtiis, ngunit bumalik ang lalaki na nagrereklamo pa rin hanggang umabot sa dalawang beses o tatlo. At doon ay sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم sa lalaking nagrereklamo na itapon niya ang kanyang mga gamit sa daan, at ginawa nga ito ng lalaki. Kalaunan ay tinanong ng mga tao ang lalaki kung bakit niya tinapon ang kanyang mga gamit sa daan, at kinuwento niya sa kanila ang nangyari. Kaya, nagsimulang pagsusumpain at pagsabihan ng mga tao ng masasamang salita ang kapitbahay ng lalaking iyon. Hanggang sa ang kapitbahay ng lalaki ay pumunta sa kanya at sinabi sa kanya na bumalik na sa kanyang bahay at ititigil na niya ang pananakit at pamimirwesyo sa kanya.
At sa ibang Hadith naman ay lubos na nagbabala ang Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم sa mga taong kanilang napeperwisyo ang kanilang mga kapitbahay. Sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:
"والله لا يؤمن, والله لا يؤمن, والله لا يؤمن "
Sumpa sa Allah, siya’y hindi nananampalataya! siya’y hindi nananampalataya! siya’y hindi nananampalataya!
“Sino, O sugo ng Allah?” tanong sa Propeta. At kanyang sagot:
"الذي لا يأمن جارُه بوائقه "
“Siyang hindi ligtas ang kanyang kapitbahay mula sa kanyang kasamaan”
Kaya katakutan mo ang Allah, O ikaw na Muslim, sa pamamagitan ng pag-iwas mo na makasama sa iyong kapitbahay. At paalalahanan mo rin ang iyong asawa at mga anak na iwasang magawa ito. Iwasan ninyong makasama o makapanakit ng inyong kapitbahay gamit ang inyong salita o gawa. At huwag na huwag ninyong samantalahin ang pagiging mahina o mahirap ng inyong mga kapitbahay, dahil katotohanan na ang Allah na lubos na may kakayanan sa lahat ng bagay, ay baka sakaling iganti sila sa mga gumagawa ng masasama at nang-aalipusta sa kanila.