Mga Artikulo

Ang Islam ay nagkakaloob ng maraming mga karapatang pantao para sa indibidwal. Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karapatang pantao na pinangangalagaan ng Islam.





Ang buhay at pag-aari ng lahat ng mga mamamayan sa isang Islamikong bansa ay itinuturing na sagrado, maging ang isang tao ay isang Muslim o hindi. Ang Islam ay pinangangalagaan din ang dangal. Kaya, sa Islam, ang manghamak ng iba o pagtawanan sila ay hindi ipinahihintulot. Ang Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay nagsabi: "Tunay na ang inyong dugo, ang inyong pag-aari, at ang inyong dangal ay sagrado."[1]





Ang rasismo ay hindi ipinahihintulot sa Islam, sapagkat ang Quran ay nagpapahayag ng pagkakapantay-pantay ng tao sa sumusunod na mga kataga:





"O sangkatauhan, kayo ay Aming nilikha mula sa lalaki at babae, at kayo ay Aming ginawang mga bansa at mga tribo upang kayo ay magkakilanlan sa isat isa. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa Diyos ay ang pinakamatatakutin.[2] Katotohanan, ang Diyos ay ang Nakakaalam ng lahat, Nakababatid ng lahat." (Quran 49:13)





Ang Islam ay itinatanggi ang ilang mga indibidwal o bansa na itangi dahil sa kanilang kayamanan, kapangyarihan, o lahi. Ang Diyos ay nilikha ang mga taong magkapantay na sila ay makikilala lamang ang bawat isa batay sa kanilang pananampalataya at pagkatakot. Ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagsabi: "O mga tao! Ang inyong Diyos ay nag-iisa at ang inyong ninuno (si Adan) ay iisa. Ang isang Arabo ay hindi mas mainam kaysa sa isang hindi Arabo at ang isang hindi Arabo ay hindi mas mainam kaysa sa isang Arabo, at ang pula (ibig sabihin ang puting nabahiran ng pula) na tao ay hindi mas mainam kaysa sa isang itim na tao at ang isang itim na tao ay hindi mas mainam kaysa sa isang pula na tao,[3] maliban sa pagkatakot."[4]





Ang isa sa mga pangunahing suliranin ng sangkatauhan sa kasalukuyan ay ang rasismo. Ang maunlad na daigdig ay maaaring makapagpadala ng tao sa buwan ngunit hindi maaaring mapigilan ang tao mula sa pagkapoot at pakikipaglaban sa kanyang kapwa tao. Mula pa noong mga araw ng Propeta Muhammad (pbuh), ang Islam ay nakapagdulot ng isang malinaw na halimbawa kung paano ang rasismo ay mawawakasan. Ang taunang paglalakbay (ang Hajj) sa Makkah ay nagpapakita ng tunay na Islamikong kapatiran sa lahat ng mga lahi at mga bansa, kapag ang dalawang milyong mga Muslim mula sa buong mundo ay nagtutungo sa Makkah upang isagawa ang paglalakbay.





Ang Islam ay isang relihiyon ng katarungan. Ang Diyos ay nagsabi:





"Katotohanan ang Diyos ay nag-utos sa inyo na ibalik ang mga ipinagkatiwala sa mga kinauukulan nito, at kung kayo ay maghahatol sa pagitan ng mga tao, kayo ay humatol nang may katarungan...." (Quran 4:58)





At Siya ay nagsabi:





"...At gumawa nang makatarungan. Katotohanan, ang Diyos ay nagmamahal sa mga makatarungan." (Quran 49:9)





Tayo ay dapat din maging makatarungan sa ating mga kinasusuklaman, tulad ng sinabi ng Diyos:





"...At huwag ninyong hayaang ang pagkasuklam sa iba ay pumigil sa inyo mula sa pagiging makatarungan. Maging makatarungan: yaon ay higit na malapit sa pagkakaroon ng takot...." (Quran 5:8)





Ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagsabi: "Mga tao, mag-ingat sa kawalang katarungan,[5] sapagkat ang kawalang katarungan ay magiging kadiliman sa Araw ng Paghuhukom."[6]





At silang mga hindi pa nakakuha ng kanilang mga karapatan (ibig sabihin kung ano ang mayroon silang makatarungang pag-angkin) sa buhay na ito ay tatanggap sila sa Araw ng Paghuhukom, tulad ng sinabi ng Propeta: "Sa Araw ng Paghuhukom, ang karapatan ay ipagkakaloob sa kanilang karapat-dapat dito (at ang mga kamalian ay pagbabayaran)...”[7]


“Ang Tagapaglikha ay nagsabi (na ang salin ng kahulugan): ‘Ano ang pumigil sayo (O Satanas) mula sa pagpapatirapa nang ikaw ay Aking pag-utusan?’ Si Iblees (Ang Satanas) ay sumagot: 'Ako ay nakahihigit kaysa sa kanya (kay Adan). Ako ay nilikha mo mula sa apoy, samantalang siya naman ay nilikha mo mula sa putik (lupa).” (Quran 7:12)





At nagsimula ang kasaysayan ng rasismo (ang pagmaliit at pagkutya sa ibang lahi).  Si Satanas ay nag-akala na siya ay mas nakatataas kay Adan dahil sa kanyang pinagmulan. Simula ng araw na yaon, si Satanas ay nakapagligaw ng marami sa mga angkan ni Adan sa pagpapaniwala sa kanilang mga sarili na sila ay mas nakahihigit kumpara sa iba, na naging dahilan para sila ay mang-usig at maging mapagsamantala sa kanilang kapwa. Madalas, ginagamit ang relihiyon upang bigyang-katwiran ang pagmaliit sa ibang lahi. Ang Judaismo, bilang halimbawa, sa kabila na ito ay nagmula sa Gitnang-Silangan, ito ay madaling naipasa bilang isang relihiyon sa Kanluran; ngunit ang pagpasok ng mga Hudyo sa lahat ng antas ng lipunan sa Kanluran ay nagkakanulo sa pagiging elitistiko ng Judaismo. Sa isang pagbasa mula sa talata sa bibliya:





“ ...Walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel.” (2 Mga Hari 5:15)





…ay pagmumungkahi na sa mga panahong iyon ang Diyos, o Diyos, ay hindi sinasamba maliban na lamang ng mga Israelita.  Gayunpaman, sa panahon ngayon, ang Judaismo ay nananatiling nakasentro sa pagmamalaki bilang 'napiling-lahi'.





“Sabihin mo [sa kanila O Muhammad] : ‘O kayong mga Hudyo! Kung inyong inaakala na kayo ay mga minamahal ng Allah (Dakilang Tagapaglikha) na namumukod-tangi sa sangkatauhan, kung gayon, naisin ninyo ang kamatayan, kung tunay ngang kayo ay makatotohanan.’” (Salin ng kahulugan ng Quran 62:6)





Sa kabila nito, habang ang karamihan sa mga Kristiyano ay hindi hudyo, si Hesus, bilang panghuli sa mga Propeta ng Israel, ay hindi isinugo liban na lamang sa mga Hudyo.[1]





“At (alalahanin) nang si Hesus, anak ni Maria, ay nagsabi:    ‘O angkan ng Israel!  Katotohanan, ako ay Sugo ng Allah sa inyo, nagpapatunay sa Torah [na ipinahayag] nang nauna sa akin at nagbibigay ng magandang balita tungkol sa darating na isang Sugo na darating pagkaraan ko, na ang pangalan ay Ahmad[2]...’” (Salin ng kahulugan ng Quran 61:6)





At gayon din ang bawat Propeta ay ipinadala lamang sa kanyang sariling nasyon,[3]  bawat isa sa mga Propeta, liban na lamang kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).





“Sabihin mo [sa kanila O Muhammad]: ‘O sangkatauhan! Katotohanan, ako ay Sugo ng Allah para sa inyong lahat…’” (Salin ng kahulugan ng Quran 7:158)





Bilang si Muhammad ang panghuling Propeta at Sugo ng Diyos, ang kanyang misyon ay isang pangkalahatan, inilaan hindi lamang para sa kanyang sariling nasyon, ang mga Arabo, kundi para sa lahat ng mga tao sa mundo. Sinabi ng Propeta (na ang salin ng kahulugan):





“Ang ibang naunang propeta ay ipinadala lamang sa kanyang sariling nasyon, subalit ako ay isinugo sa buong sangkatauhan.” (Saheeh Al-Bukhari)





“At hindi ka Namin isinugo (O Muhammad) maliban para sa buong sangkatauhan bilang isang tagapaghatid ng magandang balita at tagapagbabala. Ngunit karamihan sa tao ay hindi nakaaalam nito.” (Salin ng kahulugan ng Quran 34:28)





Ang Abyssinian na si Bilal


Isa sa mga naunang tumanggap sa Islam ay ang isang alipin mula sa Abbyssinia na nagngangalang Bilal.  Sa Nakagisnan, ang mga Aprikanong itim ay mababang uri ng tao sa mata ng mga Arabo na ang pananaw sa kanila ay hindi maaring pakinabangan liban bilang libangan o alipin.  Nang niyakap ni Bilal ang Islam, ang kanyang paganong amo ay malupit na nagparusa sa kanya sa nakakasunog na init ng disyerto hanggang sa si Abu Bakr, ang pinakamalapit na kaibigan ng Propeta ay sinagip siya sa pamamagitan ng pagbili ng kanyang kalayaan mula sa pagiging alipin.





Inatasan ng Propeta si Bilal na tawagin ang mga tao para sa pagdarasal.  Ang athan na naririnig mula sa mga minaret sa bawat sulok ng mundo, ay ang mismong mga salita rin na binigkas ni Bilal noon. Sa gayon, ang minsa'y naging mababang alipin ay nagkamit ng natatanging karangalan bilang unang muezzin (tagapagtawag ng athan) sa Islam. 





“At tunay nga na Aming pinarangalan ang mga anak ni Adan...” (Salin ng kahulugan ng Quran 17:70)





Ang mga romantiko mula sa Kanluran ay kumikilala sa sinaunang Gresya bilang pinagmulan ng demokrasya.[4]  Ang reyalidad ay, bilang mga alipin at kababaihan, ang karamihan sa mga taga-Athena ay tinanggalan ng karapatan na mamili ng kanilang pinuno. Ngunit, ang Islam ay nagtalaga na ang isang alipin ay maaring maging isa sa namumuno. Ang Propeta ay nag-utos (na ang salin ng kanyang sinabi):





“Sundin niyo ang sa inyo ay namumuno maging siya pa ay isang alipin mula sa Abyssynia.” (Ahmad)





Ang Persyanong si Salman


Tulad ng karamihan sa kanyang mga kababayan, si Salman ay pinalaki bilang isang debotong Zoroastriano. Gayunpaman, matapos makasalubong ang ilang mga Kristiyano sa pagsamba, tinanggap niya ang Kristiyanismo sa pag-aakalang ito ay ’mas mainam’.  Si Salman ay nagsagawa ng malawakang paglalakbay sa pagsasaliksik ng kaalaman, mula sa paglilingkod sa isang maalam na kristiyanong monghe at tungo sa isa pang monghe rin, kung saan ang huli ay nagsabi:  ‘O anak! Wala akong kilala na tulad sa atin (ang paniniwala). Gayunpaman, ang oras ng pagdating ng isang Propeta ay nalalapit na. Ang Propetang ito ay nasa pagsunod sa relihiyon ni Abraham.’ At nagpatuloy ang kristiyanong monghe sa paglalarawan sa naturang Propeta, ang uri ng kanyang katangian at kung saan siya lilitaw. Si Salman ay nangibang-bayan patungo sa Arabya, ang lupain kung saan binanggit na magmumula ang Propeta. At nang kanyang marinig ang patungkol kay Muhammad at kanya siyang makita, kaagad niya itong nakilala base sa pagkakalarawan ng kanyang guro at kanyang niyakap ang Islam. Si Salman ay naging tanyag sa kanyang kaalaman at ang pinaka-unang tao na nagsalin ng Quran sa ibang lenggwahe, ang lenggwaheng kanyang nakagisnan, wikang Persiano. May isang pagkakataon, habang ang Propeta ay kasama ng kanyang mga kasamahan, ang mga sumusunod ay inihayag sa kanya ng Tagapaglikha:





“Siya (Allah) ang naghirang ng Sugo (Muhammad) mula sa mga taong 'di-nagbabasa't di-nagsusulat (mga Arabo), mula sa kanilang lahi... at gayundin para sa iba sa kanila (hindi mga Arabo) na hindi pa sumama (bilang mga Muslim)...” (salin ng kahulugan ng Quran 62:2-3) 





Inilagay ng Sugo ng Tagapaglikha ang kanyang kamay kay Salman at nagsabi (na ang salin ng kahulugan):





“Kahit na ang Eeman (ganap na paniniwala) ay naroon sa kinalalagyan ng Thurayyah (grupo ng mga bituin sa langit na tinatawag nilang Pleiades), katiyakang makakamit pa rin ito ng mga taong mula sa mga ito (mga Persiano)” (Saheeh Muslim)





Ang Romanong si Suhayb 


Si Suhayb ay isinilang na may pribilehiyo sa marangyang tahanan ng kanyang ama, na isang gobernador sa ilalim ng Emperador ng Persia. Noong siya ay bata pa, si Suhayb ay naging bihag ng mga mananalakay mula sa Byzantine at ipinagbili bilang isang alipin sa Constantinople.





Kalaunan, si Suhayb ay nakatakas mula sa pagiging isang alipin at nagtungo sa Makkah, na noon ay tanyag bilang lugar na kanlungan ng mga takas, kung saan kalaunan siya ay naging isang maunlad na mangangalakal sa palayaw na 'Ar-Rumi', ang Romano, dahil sa kanyang tono na katulad sa mga taga-Byzantine at sa kanyang nakalakihan. Nang narinig ni Suhayb ang Propeta Muhammad na nangaral, siya ay agad na nakumbinsi sa katotohanang hatid ng mensahe ng Propeta at siya ay yumakap sa Islam. Katulad sa mga naunang mga Muslim, si Suhayb ay inusig ng mga pagano sa Makkah. Kaya naman, ikinalakal niya ang lahat ng kanyang kayamanan kapalit ng ligtas na paglalakbay upang makasama ang Propeta sa Madina, kung saan ang Propeta ay nasiyahan nang siya ay makita at siya ay binati ng tatlong beses (na ang salin ng kahulugan): 'Ang iyong pangangalakal ay naging mabunga [O Suhayb]!  Ang iyong pangangalakal ay naging mabunga!’ Ipinagbigay-alam ng Tagapaglikha sa Propeta ang patungkol sa magandang ginawa ni Suhayb bago pa man sila muling magtagpo sa paghahayag (na ang salin ng kahulugan):





“At meron sa mga tao na handa nilang ipagpalit ang kanilang mga sarili para sa mithiing kalugdan sila ng Panginoong Allah, at ang Tagapaglikha ay Puspos ng Kabaitan sa Kanyang mga tagapagsamba.” (salin ng kahulugan ng Quran 2:207)





Malaki ang pagmamahal ng Propeta kay Suhayb at kanya siyang inilarawan bilang nanguna sa mga Romano sa pagyakap sa Islam. Mataas ang pagkamaka-Diyos at katayuan ni Suhayb sa mga naunang Muslim na nang ang Khalifa na si Umar ay malapit nang bawian ng buhay, kanyang pinili si Suhayb para mamuno sa kanila hangga't hindi pa napagkasunduan ang magiging kahalili.





Ang Hebreong si Abdullah


Ang mga Hudyo ay isang pamayanan na kinasusuklaman ng mga Arabo sa panahon bago pa man dumating ang Islam sa kanila, (dahil sa pagiging suwail sa kautusan). Marami sa mga Hudyo at Kristiyano ang naghihintay sa isang bagong Propeta na magmumula sa Arabya sa kapanahunan ng Propeta Muhammad. Ang mga Hudyo, partikular na ang mga mula sa tribo ni Levi, marami sa kanila ang nanahan sa loob at palibot ng syudad ng Medina. Gayunpaman, nang dumating ang pinakahihintay na Propeta, hindi bilang isang Hebreo na anak ng Israel, kundi isang Arabo na mula sa hanay ni Ismael, ang mga Hudyo ay tumanggi sa kanya. Liban lamang sa iilan tulad ni Hussein ibn Salam. Si Hussein ang pinaka-maalam na rabbi at pinuno ng mga Hudyo na nasa Medina, ngunit siya ay tinuligsa at siniraan nang kanyang yakapin ang Islam. Si Hussein ay muling binigyang pangalan ng Propeta bilang 'Abdullah', na nangangahulugan na 'Tagapaglingkod ng Allah', at ipinaalam sa kanya ang magandang balita na siya'y kabilang sa mga mananahan sa Paraiso. Si Abdullah ay humarap sa kanyang mga katribo at nagsabi:





‘O kapulungan ng mga Hudyo! Maging mulat sa pagkamaka-Diyos at tanggapin kung ano ang dinala ni Muhammad. Sa 'ngalan ng Diyos! Tiyak na nalalaman niyo na siya ay Sugo ng Dakilang Tagapaglikha at makakahanap kayo ng mga propesiya patungkol sa kanya at binanggit ang kanyang pangalan at mga katangian sa inyong Torah. Aking ihinahayag na siya ay Sugo ng Dakilang Tagapaglikha. Ako ay naniniwala sa kanya at ako ay sumasang-ayon na siya ay makatotohanan. Ako ay kumikilala sa kanya.' At inihayag ng Dakilang Tagapaglikha patungkol kay Abdullah ang sumusunod na mga salita (na ang salin ng kahulugan):





“...samantalang ang isang saksi mula sa mga Angkan ng Israel ay sumasaksi na ang Qur'an ay mula sa Dakilang Tagapaglikha katulad sa Torah. At siya ay naniwala habang kayo ay tumanggi bilang pagmamataas...” (Quran 46:10)





Kaya, sa hanay ng mga kasamahan ni Propeta Muhammad ay matatagpuan ang mga Aprikano, Persiano, Romano at Israelita; mga kinatawan ng bawat kilalang kontinente. Kaugnay ng sinabi ng Propeta (na ang salin ng kahulugan):





“Katotohanan, ang aking mga kaibigan at mga kapanalig mula sa inyo ay hindi mula sa lipi ng sinuman. Sa halip, ang aking mga kaibigan at mga kapanalig ay ang mga tunay na maka-Diyos, sinuman at saan man sila naroon.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)


Itong pangkalahatang kapatiran na itinuturo sa Islam ay napagtagumpayang gawin ng mga kasamahan ng Sugo na sumunod sa kanya. Nang ang isa sa mga kasamahan ng Sugo, si Ubada ibn as-Samit, ay nanguna sa delegasyon patungo kay Muqawqis (pinuno ng sinaunang Ehipto), ang patriyarkang-Kristiyano ng Alexandria, ang huli ay napabulalas ng: ‘Ilayo niyo ang maitim na lalaking ito mula sa akin at dalhin niyo sa akin ang kanyang kapalit para makipag-usap sa akin! ... Paano kayo nakontento na isang itim ang manguna mula sa inyo? Hindi ba mas angkop na siya ay mas mababa sa inyo?’ ‘Sa katunayan ay hindi!’, sagot ng mga kasamahan ni Ubada, ‘Kahit na siya ay maitim katulad ng iyong nakikita, siya ang nangunguna sa amin sa posisyon, sa karunungan at kaalaman; ang pagiging itim ay hindi hinahamak sa amin.’





“Katotohanan, ang mga mananampalataya ang mga magkakapatid...” (Salin ng kahulugan ng Quran 49:10)





Ang Hajj, o paglalakbay patungong Makkah, na nananatiling tunay na sagisag ng pagkakaisa at kapatiran ng tao. Dito, ang mayaman at mahirap mula sa lahat ng nasyon ay tumitindig at nagpapatirapa ng sabay sa harap ng Dakilang Tagapaglikha sa pinakamalaking pagtitipon ng sangkatauhan; nagpapatotoo sa mga salita ng Propeta ng kanyang sinabi (ang salin ng kahulugan):





“Hindi mas nakakataas ang arabo kaysa sa hindi-arabo; at hindi ang di-arabo kaysa sa arabo; at hindi mas nakatataas ang puti kaysa sa itim; at hindi ang itim kaysa sa puti; liban nalang sa taglay nilang pagkamatakutin sa Allah.” (Ahmad)





At patotoo ito sa Quran, na nagsasaad:





“O sangkatauhan, kayo ay Aming nilikha mula sa isang lalaki at babae, at kayo ay Aming ginawang mga nasyon at mga tribu, upang kayo ay magkakakilanlan. Katotohanan, ang pinakamarangal sa inyo sa paningin ng Dakilang Tagapaglikhang Allah ay ang may taglay na takot sa Kanya…” (Salin ng kahulugan ng Quran 49:13)





Gaya ng sa nasyonalismo, sa paghihiwalay nito sa mga Muslim kasama ang mga linya ng etniko at tribu, ito ay itinuturing na masamang inobasyon.





”Sabihin mo (O Muhammad) kung ang inyong mga ama, ang inyong mga anak na lalaki, ang inyong mga kapatid na lalaki, ang inyong mga asawa, ang inyong mga kamag-anak, ang kayamanan na inyong kinita, mga kalakal na pinangangambahang mangawala, ang inyong mga ikinasisiyang mga tahanan ay higit ninyong minamahal kaysa sa Dakilang Tagapaglikha at sa Kanyang Sugo, at sa pagpupunyagi sa Kanyang landas, magkagayon, kayo ay magsipaghintay hanggang ipagkaloob ng Dakilang Tagapaglikha ang Kanyang kapasiyahan. At hindi pinapatnubayan ng Dakilang Tagapaglikha ang mga taong suwail.” (Salin ng kahulugan ng Quran 9:24)





Ang Propeta ay nagsabi (ang salin ng kahulugan):





“... Sinuman na makibaka sa ilalim ng bandila ng bulag (hindi nagpapansin at hindi mulat sa katotohanan), nagagalit dahil sa nasyonalismo, nananawagan tungo sa nasyonalismo, o tumutulong sa nasyonalismo, at siya'y namatay: siya ay namatay sa kamatayan ng isang ignorante (kawalan ng kaalaman sa Islam at kawalan ng paniniwala).” (Saheeh Muslim)





Bagkus nakasaad sa Quran (ang salin ng kahulugan):





“Nang ang mga di sumasampalataya ay naglagay sa kanilang mga puso ng masidhing kapalaluan at masidhing kayabangan - ang kapalaluan at kayabangan nang panahon ng kamangmangan, nagpapanaog ang Allah ng Kanyang Sakinah (katahimikan at kapanatagan) sa Kanyang Sugo at sa mga Sumasampalataya…” (Quran 48:26)





Sa katunayan, ang mga Muslim mismo ay bumubuo ng isang kabuuan at mataas na lipunan, tulad ng ipinaliwanag ng Propeta (ang salin ng kapaliwanagan):





“Ang kahalintulad ng mga mananampalataya sa pagmamahal at awa sa isa't-isa ay tulad sa isang buhay na buong katawan: kapag may bahagi na nasaktan: ang kabuuan ay magdurusa sa pagkabalisa at lagnat.” (Saheeh Muslim)





Kinumpirma ng Quran ang pagkakaisa na ito: 





“Kaya't ginawa nga Namin kayo (na tunay na may paniniwala) na isang matuwid at makatarungan na lipunan...” (Salin ng kahulugan ng Quran 2:143)





Marahil ang isa sa pinakamalaking hadlang/balakid na pumipigil sa maraming taga-Kanluran upang tanggapin ang Islam ay ang maling pag-unawa na ito daw ay relihiyong para lamang sa mga taong Orientals (Asiyano) o mga maiitim ang kulay ng balat. Walang duda, na ang kawalang-katarungan sa lahi laban sa mga itim, maging sila man ay mga sinaunang alipin mula sa Abyssinia (Etyopya) na napuntang Arabya noong wala pa ang Islam sa kanila, o mga Apro-Amerikano ng ika-20 siglo, ay ang siyang nag-udyok sa marami upang yakapin ang Islam. Ngunit malayo ito sa punto. Ang Propeta Muhammad mismo ay may maputing kulay ng balat, siya ay inilarawan ng kanyang mga Kasamahan bilang ‘maputi at mamula-mula’ - isang paglalarawan (patungkol sa kanya) na marami sa milyong mga nananampalatayang Arabo, Berbers at Persyano ang nagbahagi. Maging ang mga olandes na may asul na mga mata ay hindi ganoong kaiba sa mga taga dapit-Silangang Asya. Bukod dito, ang Europa ay maraming katutubong Muslim na puti kumpara sa mga 'ibang kulay' na nangibang-bayan doon. Ang mga taga-Bosnia, bilang halimbawa, na ang bilang ay bumaba sa huling ika-20 siglo ngunit sila, na dahil sa kanilang kabayanihan at kaugaliang matiisin, ay nakapag-ambag ng malaki sa kapayapaan at pagiging matatag ng Peninsula ng Balkan. Gayundin ang mga taga-Albania, na nagmula sa sinaunang mga Illyrian ng Europa ay karamihang mga Muslim. Sa katunayan, isa sa mga nangungunang iskolar na Muslim noong ika-20 siglo, si Imam Muhammad Nasir-ud-Deed-al-Abani, katulad ng nakasaad sa kanyang katawagan, ay taga-Albania.





“Katiyakan, Aming nilikha ang tao sa pinakamagandang hubog (katayuan).” (Salin ng kahulugan ng Quran 95:4)





Ang mga puti ay tinawag na ‘caucasian’ simula nang ipinahayag ng mga antropologo na ang bundok ng Caucasus, tahanan ng mga matataas na bundok sa Europa, bilang ‘Duyan ng Puting Lahi.’ Sa panahon ngayon, ang mga katutubo sa mga bundok na ito ay mga Muslim. Kabilang sa marami ay isang hindi gaanong kilalang tribo ng matatapang na taong-bundok at mapuputing kadalagahan ay ang mga Circassians na kilala sa kanilang katapangan at kagandahan at sila, bilang mga pinunong Mamuluke ng Syria at Egypt, ay tumulong na ipagtanggol ang sibilisadong mundo at protektahan ang mga sagrado nitong lupain mula sa pinsala na dulot ng paglusob ng mga hukbong Mongol. At nariyan ang napagmalupitang Chechen, marahil ang pinaka hindi natitinag sa lahat ng nilalang ng Diyos, na ang pagiging masigasig at matatag ay nakatulong sa kanila na maiwasan ang naitadhana sa mga Circassians. Samantala, higit sa 1,000,000 na mga Amerikano at mga puting taga-Hilagang Europa na Caucasian - mga Anglo-Saxon, mga Pranses, mga Germano, mga Scandinavian at kabilang ang Celts - ang ngayon ay naghahayag ng paniniwala sa Islam. Sa katunayan, mapayapang pinasok ng Islam ang mga bahagi ng Europa bago ang Kristiyanismo, noong: ‘Sa matagal nang lumipas na panahon, nang hindi pa nagsimulang magtayo ang Eslabong-Ruso ng mga Kristiyanong simbahan sa Oka o nasakop ang mga lugar na ito sa pangalan ng sibilisasyong Europa, ang mga Bulgars ay nakikinig na sa Quran sa mga pampang ng Volga at Kama.’ (Solov’ev, 1965) [Noong ika-16 ng Mayo taong 922, ang Islam ay naging opisyal na relihiyon sa estado ng Volga, sila na parehong lipi ang pinagmulan sa kasalukuyang kinikilalang mga Bulgarian.]





Bawat paniniwala maliban sa Islam ay nananawagan ng pagsamba sa mga nilikha sa anot' ano mang paraan, hugis at anyo.  Bukod dito, ang lahi at kulay ay parte ng sentro at pagkakahati sa halos lahat ng sistema ng paniniwala na labas sa Islam. Ang pagdakila ng isang Kristiyano kay Jesus at mga santo o ang pagdakila ng isang Budista kay Buddha at ang mga Dalai Lamas ay may mga taong mula sa partikular na lahi at kulay na sinasamba sa paghamak sa Diyos.  Sa Judaismo, ang kaligtasan ay ipinagkait mula sa isang hentil na hindi-hudyo. Gayundin ang caste system (pagkakategorya base sa kanilang antas sa lipunan) sa Hinduismo na sinusuri ang mga hangaring espiritwal, socio-politikal at pang-ekonomiya ng mga nasa 'marurumi' at mababang hanay. Ang Islam, sa kabilang banda, ay naghahangad na pagsamahin at mapagkaisa ang lahat ng mga nilalang sa mundo sa Kaisahan at Pagtatangi sa Tagapaglikha.  Kaya, tanging Islam ang nagbigay laya sa lahat ng mga tao, lahi at kulay sa pagsamba sa Natatanging Diyos na Tagapaglikha.





“At kabilang sa Kanyang mga palatandaan ay ang pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, at ang pagkakaiba ng inyong mga lengguwahe at ng inyong mga kulay. Katotohanan, naririto ang mga palatandaan para sa mga nagtataglay ng kaalaman.” (Salin ng kahulugan ng Quran 30:22)



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG