Ngunit ang Diyos, na Kataas-taasan at Makatarungan, ay hindi malilinlang. Kanyang sasabihin:
"Huwag kayong magtalo sa Aking harapan. Ako ay nagparating na sa inyo ng babala noon pa mang una. Ang salita na nanggaling sa Akin ay hindi magbabago. At Ako ay hindi nag-gagawad ng di-makatarungan (ni katiting man) sa mga alipin." (Quran 50:28-29)
Sa ikatlong pagkakataon, haharap ang masamang kaluluwa sa kanyang Lumikha upang tanggapin ang kanyang Aklat ng mga Gawa[1], isang talaan na walang nabawas.
"At ang talaan [ng mga gawa] ay ilalagay [na bukas], at inyong mamamasdan ang mga masasama na natatakot sa anumang nakapaloob dito, at kanilang sasabihin: ‘O, kasawian sa amin! Anong uri na aklat ito na hindi nakaligta ng anuman maging maliit man o malaking bagay, datapuwa't nagtala ito sa maraming bilang?’ At kanilang matatagpuan ang lahat ng kanilang ginawa na inilantad [sa kanilang harapan]. At ang inyong Panginoon ay hindi nakikitungo sa sinuman ng walang katarungan." (Quran 18:49)
Sa oras na matanggap nila ang kanilang mga talaan, ang mga masasama ay pagagalitan sa harap ng buong sangkatauhan.
"At sila ay itatambad sa harapan ng inyong Panginoon sa mga hanay, (at Siya ay magpapahayag), ‘Katotohanang kayo ay dumating sa Amin, na katulad ng paglikha Namin sa inyo noong una.’ Datapuwa't inyong inangkin na Kami ay hindi nagtakda ng pakikipagharap sa inyo!" (Quran 18:48)
Ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi: "Ito ang mga taong hindi nanampalataya sa Diyos!"[2] At sa mga ito itatanong ng Diyos ang patungkol sa mga biyayang kanilang ipinag-walang bahala. Bawat isa ay tatanungin: ‘Inisip ba ninyo na Tayo ay maghaharap?’ At habang ang bawat isa ay sumasagot: ‘Hindi!’ Sasabihin sa kanya ng Diyos: ‘Kalilimutan kita tulad ng paglimot mo sa Akin!’[3] At habang ang hindi mananampalataya ay tatangkaing magsinungaling sa kanyang pangangatwiran upang makalusot, ay tatakpan ng Diyos ang kanyang bibig, at sa halip ay ang mga bahagi ng kanyang katawan ang sasaksi laban sa kanya.
"Sa Araw na ito, Aming tatakpan ang kanilang mga bibig, at ang kanilang mga kamay ay mangungusap sa Amin, at ang kanilang mga paa ay magbibigay-saksi patungkol sa kanilang ginawa." (Quran 36:65)
Maliban sa sarili niyang mga kasalanan, ang di-mananampalataya ay magpapasan din ng mga kasalanan ng kanyang mga nailigaw.
"At noong ito ay sinabi sa kanila: ‘Ano baga ang ipinarating ng inyong Panginoon?’ Sila ay nagsasabi: ‘Mga kathang kuwento lamang ng mga tao ng sinaunang panahon,’ nang sa gayon ay kanilang dalhin nang lubos ang kanilang mga pasanin (kasalanan) sa Araw ng Muling Pagkabuhay at gayundin ang mga pasanin ng iba na kanilang iniligaw na walang kaalaman. Katiyakan, kasamaan ang kanilang tatamasahin." (Quran 16:24-25)
Ang sikolohikal na sakit ng pangungulila, kalungkutan at pag-abandona ay nasa pisikal na pagpapahirap lahat.
"…at ang Diyos ay hindi mangungusap sa kanila o titingin sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, gayundin ay hindi Niya dadalisayin sila; at sila ay tatanggap ng kasakit-sakit na kaparusahan." (Quran 3:77)
Habang ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay mamamagitan para sa lahat ng mananampalataya, walang tagapamagitan na mahahanap ang hindi mananampalataya; siya na sumamba sa mga maling diyos maliban sa Nag-iisa, na Tunay na Diyos.[4]
"…At ang mga mapag-gawa ng katampalasan ay walang magiging tagapangalaga o katulong." (Quran 42:8)
Ang kanilang mga santo at espiritwal na tagapayo ay maglalayuan sa kanila, at ang hindi mananampalataya ay nanaising makabalik sa buhay na ito at gawin din ang ginawa sa mga taong kinakaila siya ngayon:
"(At dapat nilang isaalang-alang na) kung sila na kanilang sinunod ay ilalayo ang kanilang sarili sa mga sumunod (sa kanila), at kanilang mamasdan [lahat] ang kaparusahan, ang lahat ng kanilang pinagsamahan ay mapuputol. At ang mga sumunod ay magsasabi, ‘Kung mayroon man lamang kami kahit na isang pagkakataon na makabalik [sa makamundong buhay] ay aming itatatwa sila kung paano kami ay kanilang itinatwa.’ Sa ganyang paraan ay ipakikita ng Diyos ang bunga ng kanilang mga gawa na sila ay nagdadalamhati. At sila ay hindi makakaalis mula sa Apoy." (Quran 2:166-167)
Ang kalungkutan ng kaluluwang kinubabawan ng kasalanan ay napakatindi na talagang mananalangin siya: ‘O Diyos, maawa ka sa akin at huwag mo akong ilagay sa Apoy.’[5] Siya ay tatanungin: ‘Ninanais mo bang magkaroon ng isang buong mundo na puno ng ginto upang ipambayad mo, nang sa gayon ay mapalaya ang iyong sarili?’ Sa gayon, siya ay sasagot: ‘Oo.’ Kung saan siya ay sasabihan: ‘Ikaw ay hiningan para sa isang bagay na mas madali pa kaysa doon - ang sambahin ang Diyos lamang.’[6]
"At sila ay hindi pinag-utusan maliban lamang na kanilang sambahin si Allah (na nag-iisa), na may katapatan sa matuwid na relihiyon (na Islam)…." (Quran 98:5)
"At sa mga hindi mananampalataya – ang kanilang mga gawa ay tulad ng mirahe (huwad na tubigan) sa disyerto na ang isang nauuhaw ay nag-aakala na ito ay tubig, hanggang ito ay kanyang narating, at dito ay wala siyang natagpuang tubig, datapuwa't nasumpungan niya ang Diyos sa kanyang harapan, na Siyang magbabayad nang ganap ng sa kanya ay nakalaan; at ang Diyos ay maagap sa pagsusulit." (Quran 24:39)
"At itatambad Namin sa kanila ang anumang kanilang ginawa, at gagawin Namin ang mga gawaing iyon na tulad ng alikabok na kumalat." (Quran 25:23)
Ang kaluluwang hindi nanampalataya ay ibibigay sa kanyang kaliwang kamay at mula sa kanyang likuran, ang kanyang nakasulat na talaan na pinangalagaan ng mga anghel na nagtala sa bawat gawa ng kanyang buhay sa lupa.
"At siya na pagkakalooban ng kanyang talaan sa kanyang kaliwang kamay, siya ay magsasabi: ‘O, sana'y hindi na ako pinagkalooban ng aking talaan, at hindi ko na sana nalaman kung ano ang nasa aking pagsusulit.’" (Quran 69:25-26)
"Datapuwa't siya na bibigyan ng kanyang talaan sa kanyang likuran, siya ay tatangis ng malakas sa kanyang pagkawasak." (Quran 84:10-11)
At sa huli, siya ay ipapasok na sa Impiyerno:
"At ang mga hindi nanampalataya ay itataboy sa Impiyerno sa mga pangkat, hanggang sa kanilang marating ito, ang mga tarangkahan nito ay biglang bubukas at ang mga tagapagbantay nito ay magsasabi: ‘Hindi ba dumating sa inyo ang mga sugo mula sa lipon ninyo, na dumadalit sa inyo ng mga talata ng inyong Panginoon at nagbabala sa inyo ng inyong pakikipag-harap sa Araw na ito?’ Sila ay magsasabi ‘Oo, datapuwa't ang salita ng kaparusahan ay ginawang makatarungan laban sa mga hindi nanampalataya.’" (Quran 39:71)
Ang unang papasok sa Impiyerno ay ang mga pagano, kasunod ay ang mga Hudyo at Kristiyano na sumira sa totoong relihiyon ng kanilang mga propeta.[7] Ang ilan ay kakaladkarin sa Impiyerno, ang iba ay mahuhulog dito, na hinablot ng mga kawit.[8] Sa pagkakataong iyon, ang hindi nanampalataya ay nanaisin na kung maari ay maging isa na lamang siyang alikabok, sa halip na umani ng mga mapait na bunga ng kanyang masasamang gawa.
"Katotohanan, Kami ay nagbabala sa inyo ng nalalapit na kaparusahan sa Araw na ang tao ay makapagmamalas (sa gawa) ng kanyang mga kamay kung saan siya inihantong at ang hindi nananampalataya ay magsasabi: ‘O, sana ay naging alikabok na lamang ako!’" (Quran 78:40)
Ang mga walang pananampalataya ay tatanggapin ng Impiyerno na may pagngangalit at dagundong:
"…at Kami ay naghanda para sa mga nagtatakwil sa Oras, ng nag-aalimpuyong Apoy. Na kung ito [Impiyernong-apoy] ay nakikita sila mula sa kalayuan, ay kanilang maririnig ang pagngangalit at dagundong nito." (Quran 25:11-12)
Kapag malapit na sila rito, aantabayanan nila ang kanilang mga gapos na bakal at ang kanilang kapalaran bilang panggatong:
"Katotohanan, Kami ay naghanda para sa mga hindi mananampalataya ng mga kadena at mga gapos na bakal at naglalagablab na apoy." (Quran 76:4)
"Katotohanan, nasa Amin ang mga panggapos na bakal at naglalagablab na apoy." (Quran 73:12)
Ang mga anghel ay magmamadali sa utos ng Diyos na sakmalin at gapusin siya:
"Sakmalin siya at igapos." (Quran 69:30)
"…at Kami ay maglalagay ng mga panggapos na bakal sa mga leeg ng mga hindi sumampalataya." (Quran 34:33)
Nakagapos sa mga kadena…
"...kadena na ang haba nito ay pitumpong kubiko." (Quran 69:32)
…siya ay kakaladkarin:
"Kung ang mga kuwelyong bakal ay ipupulupot na sa kanilang mga leeg, at ang mga kadena, sila ay hahataking kasama nito." (Quran 40:71)
Habang sila ay nakatali, nakakadena, at kinakaladkad upang itapon sa Impiyerno, ay kanilang maririnig ang matinding poot nito:
"At sa mga hindi nanampalataya sa kanilang Panginoon, ay sasakanila ang kaparusahan ng Impiyerno, at pagkasama-sama ang gayong patutunguhan. Kung sila ay ihulog na rito, kanilang mapapakinggan ang [kalagim-lagim] na pagngangalit habang ito ay kumukulo. Na halos sumabog na sa pagkagalit...." (Quran 67:6-8)
Dahil sa sila ay itataboy mula sa malaking kapatagan ng pagtitipon, na hubad at gutom, magmamakaawa silang hihingi ng tubig sa mga naninirahan sa Paraiso:
"At ang mga nagsisipanirahan sa Apoy ay tatawag sa mga nagsisipanirahan sa Paraiso: ‘Buhusan ninyo kami ng kaunting tubig, o anumang bagay na ipinagkaloob sa inyo ng Diyos.’ Sila ay magsasabi: ‘Katotohanan ang mga ito ay kapwa ipinagbawal ng Diyos sa mga hindi mananampalataya.’" (Quran 7:50)
Kasabay nito'y ang matatapat sa Paraiso ay tatanggapin ng may karangalan, ginawaran ng kaginhawaan, at paghahandaan ng masarap na mga piging, ang hindi mananampalataya ay kakain sa Impiyerno:
"Kung magkagayon, katotohanang kayo, na mga naligaw, na mga nagtatatwa, ay kakain sa mga puno ng zaqqoom at inyong pupunuin ang inyong sikmura ng mga ito." (Quran 56:51-53)
Ang Zaqqoom: ay isang puno na ang mga ugat ay nasa ilalim ng Impiyerno at ang mga sanga nito ay nasa iba't ibang palapag; ang bunga nito ay hawig sa mga ulo ng mga demonyo:
"Iyon ba (na Paraiso) ay higit na mainam na tirahan o ang puno ng zaqqoom? Katotohanan, Aming ginawa ito na parusa sa mga makasalanan. Katotohanan, ito ay isang puno na tumutubo sa kailaliman ng Impiyernong-apoy, na ang sumusulpot nitong bunga ay wari bang mga ulo ng mga demonyo. At katotohanang, sila ay kakain nito at ang kanilang tiyan ay mapupuno ng mga ito." (Quran 37:62-66)
Ang masasama ay magkakaroon ng iba pang pagkain na kakainin, ang iba ay nakakapagpabara ng lalamunan,[1] at ang ilan ay tulad ng tuyo, na matinik na mga halaman.[2]
"At wala siyang anumang pagkain maliban sa mabahong nana mula sa pinaghugasan ng mga sugat; walang ibang magsisikain nito maliban sa mga makasalanan." (Quran 69:36-37)
At upang malulon ang kanilang mga pagkaing mapanglaw, isang napakalamig na may kahalong sarili nilang nana, dugo, pawis at katas ng sugat[3] pati na rin ang kumukulo, na nakatutupok na tubig na tumutunaw ng kanilang bituka:
"…at bibigyan dito ng maiinom ng nakababanling tubig na humihiwa sa kanilang mga bituka." (Quran 47:15)
Ang kasuotan ng mga naninirahan sa Impiyerno ay gawa sa apoy at alkitran:
"...ngunit sa mga hindi nanampalataya, sila ay tatabasan ng mga damit na gawa sa apoy." (Quran 22:19)
"Ang kanilang kasuotan ay alkitran at ang kanilang mga mukha ay nababalutan ng Apoy." (Quran 14:50)
Ang kanilang mga sandalyas,[4] higaan, at ang mga tabing ay gagawin ding mga gawa sa apoy;[5] isang parusa na bumabalot sa buong katawan, mula sa hindi nag-iingat na ulo hanggang sa makasalanang paa:
"Kaya't ibuhos sa kanyang ulo ang kaparusahan ng kumukulong tubig." (Quran 44:48)
"Sa Araw na ang kaparusahan ay lulukob sa ibabaw nila at sa ilalim ng kanilang mga paa at sa kanila ay sasabihin : ‘Lasapin ninyo ang inyong mga gawa.’" (Quran 29:55)
Ang kanilang parusa sa Impiyerno ay magkakaiba ayon sa hindi nila pagsampalataya at iba pang mga kasalanan.
"Hindi! Katotohanang siya ay ihahagis sa Dumudurog na Apoy. At paano mo malalaman kung ano ang Dumudurog na Apoy? Ito ang Apoy ng Diyos, [walang hanggan] na pinaglalagablab ang ningas, na ang init nito ay sasadlak sa puso. Katotohanan, ito [Impiyernong Apoy] ay lulukob sa kanila, (na sila ay nakatali) sa mga mahabang haligi ng Impiyerno." (Quran 104:5-9)
Sa tuwing masusunog ang buong balat, ay papalitan ito ng panibagong balat:
"Katotohanan, ang mga hindi sumampalataya sa Aming mga ayat – Sila ay Aming isasadlak sa Apoy. At sa bawat sandali na ang kanilang balat ay nalilitson nang ganap, ito ay Aming papalitan ng bago upang malasap nila ang kaparusahan. Katotohanang, ang Diyos ay sukdol sa Kapangyarihan at Tigib ng Karunungan." (Quran 4:56)
Ang napakasaklap pa nito sa lahat ay, patuloy na nadaragdagan ang pagpaparusa:
"Kaya't lasapin ninyo [ang bunga ng kasamaan], at kayo ay hindi Namin bibigyan ng anuman maliban sa kaparusahan." (Quran 78:30)
Ang sikolohikal na epekto ng parusang ito ay napakatindi. Kaparusahang napakasakit kaya ang mga nagdurusa ay magsusumamo para ito ay maparami sa mga nagligaw sa kanila:
"Kanilang sasabihin: ‘Aming Panginoon, kung sinuman ang nagdala sa amin sa katayuang ito, idagdag Ninyo sa kaniya ang dalawang ulit na kaparusahan sa Apoy.’" (Quran 38:61)
Ang mapangahas ay gagawa ng kanilang unang pagtatangka na tumakas, ngunit:
"At sa kanila ay ipangpaparusa ang mga piraso ng tuwid na bakal na may sima. Sa bawat oras na naisin nilang makawala rito dahil sa pagkahapis, sila ay muling ibabalik dito, at [ito ay sasabihin]: ‘Lasapin ninyo ang kaparusahan ng Naglalagablab na Apoy!’" (Quran 22:21-22)
Matapos mabigo ng maraming beses, hihingi sila ng tulong kay Iblees, ang Dakilang Satanas mismo.
"At si Satanas ay mangungusap kapag ang kahatulan ay napagpasyahan na: ‘Tunay ngang nangako ang Diyos sa inyo ng pangako ng katotohanan. At ako rin ay nangako sa inyo, ngunit aking ipinagkanulo kayo. At ako ay walang kapangyarihan sa inyo maliban na kayo ay aking inakit, at kayo ay sumunod sa akin. Kaya't ako ay huwag ninyong sisihin; bagkus ay sisihin ninyo ang inyong sarili. Kayo ay hindi ko matutulungan, gayundin ako ay hindi ninyo matutulungan. Katotohanan, na itinatanggi ko ang inyong ginawang pagtatambal sa akin [sa Diyos]. Katotohanan, sa mga mapaggawa ng kasamaan ay may kasakit-sakit na kaparusahan.’" (Quran 14:22)
Sa paglubay nila kay Satanas, lalapit sila sa mga anghel na nagbabantay sa Impiyerno upang mabawasan ang kanilang pagdurusa, kahit na sa isang araw lamang:
"Sila na nasa Apoy ay magsasabi sa mga tagapagbantay ng Impiyerno: ‘Manalangin kayo sa inyong Panginon na pagaangin sa amin ang kaparusahan ng Apoy kahit na sa isang araw (lamang).’" (Quran 40:49)
Habang naghihintay ng tugon sa kapahintulutan ng Diyos, ang mga bantay ay babalik at magtatanong:
"‘Hindi baga nakarating sa inyo ang inyong mga Sugo na may dalang maliwanag na katibayan?’ Kanilang sasabihin, ‘Oo.’ Sila (mga Tagapagbantay ng Impiyerno) ay sasagot: ‘Kung gayon ay manalangin kayo, datapuwa't ang panalangin ng di-mananampalataya ay walang kabuluhan maliban sa (pagsagawa ng) kamalian.’" (Quran 40:50)
Sa kawalan ng pag-asa na mabawasan ang kaparusahan, hahanapin nila ang kamatayan. Sa pagkakataong ito, sila naman ay tutungo sa Punong Tagabantay ng Impiyerno, ang anghel na si Malik, na humihiling sa kanya sa loob ng apatnapung taon:
"At sila ay magsisitaghoy: ‘O Malik, Hayaan na ang iyong Panginoon ay magbigay-wakas sa amin!...’" (Quran 43:77)
Ang kanyang maigsing di-pagsang-ayon na sagot pagkalipas ng isang libong taon ay:
"…Katotohanan, kayo ay mananatili magpakailanman." (Quran 43:77)
Sa kalaunan, babalik sila sa Kanya na kanilang tinanggihang pagtuonan sa mundong ito, na hihiling ng isang huling pagkakataon:
"Sila ay magsasabi, ‘Aming Panginoon, ang aming kabuktutan ay nakapanaig sa amin, at kami ay mga taong naligaw. Aming Panginoon, kami ay hanguin mula rito, at kung kami ay sakaling magbalik [sa kasamaan], kami nga ay tunay na mga suwail.’" (Quran 23:106-107)
Ganito ang tugon ng Diyos:
"Manatili kayo riyan na kinamumuhian at huwag kayong mangusap sa Akin." (Quran 23:108)
Ang sakit mula sa tugon na ito ay mas masahol pa kaysa sa kanilang nagniningas na pagdurusa. Sapagkat malalaman ng hindi mananampalataya na ang kanyang pananatili sa Impiyerno ay magpasa walang-hanggan, ang pagtanggi sa kanya mula sa Paraiso ay ganap at huli na:
"Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya at nagsisigawa ng kabuktutan – hindi sila patatawarin ng Diyos, gayundin naman na sila ay hindi Niya papatnubayan sa landas maliban sa landas ng Impiyerno; sila ay maninirahan dito magpakailanman. At ito ay napakadali sa Diyos." (Quran 4:168-169)
Ang pinakamatinding pangungulila at kalungkutan para sa isang hindi mananampalataya ay magiging espirituwal: siya ay tatalukbungan mula sa Diyos at pipigilan na makita Siya:
"Hindi! Katotohanan, mula sa Panginoon, sa Araw na iyon, sila ay tatalukbungan." (Quran 83:15)
Tulad ng kanilang pagtanggi na "makita" Siya sa buhay na ito, sila naman ay ihihiwalay sa Diyos sa susunod na buhay. Ang matatapat ay manunuya sa kanila.
"Kaya sa Araw na ito, ang mga sumampalataya ay hahalakhak sa mga hindi mananampalataya, sa mga napapalamutihang luklukan, ay namamasdan nila. Hindi ba ginantihan [sa Araw na ito] ang mga hindi mananampalataya dahil sa kanilang mga ginagawa?" (Quran 83:34-36)
Ang buong kawalan ng kanilang pag-asa at kalungkutan ay magtatapos kapag ang kamatayan ay dinala na sa anyo ng isang tupa at pinatay sa harap nila, kaya alam nila na wala ng kanlungan ang mahahanap sa huling pagtataboy sa kanila.
"At sila ay iyong bigyan ng babala, (O Muhammad), ng Araw ng Dalamhati at Pagsisisi, kung ang pangyayari ay napagpasyahan na; at gayunpaman, sila ay nagsasa-walang bahala, at sila ay hindi sumasampalataya!" (Quran 19:39)
Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ang Propeta ng Islam na pumanaw noong 632, ay nagsalaysay:
"Ang mundong ito ay bilangguan para sa mananampalataya, ngunit sa di-mananampalataya, ito ay isang Paraiso. Habang sa di-mananampalataya, ang Kabilang-buhay ay magiging bilangguan, ngunit sa mananampalataya, ito ay ang kanyang magiging Paraiso."
Minsan, noong mga panahon na bago pa lamang ang Islam, isang Kristiyanong mahirap ang hindi inaasahang makatagpo ang isang tanyag na pantas ng Islam, na sa mga panahon na iyon ay nakasakay sa isang magarang kabayo na nabibihisan ng magarang mga kasuotan. Ang Kristiyano ay binigkas sa Muslim ang hadeeth na nabanggit sa itaas , bago siya nagkomento ng ganito: "Subalit ako ay nakatayo sa harapan mo, na isang hindi Muslim, mahirap at salat sa mundong ito, habang ikaw ay isang Muslim, mayaman at sagana sa buhay." Ang pantas ng Islam ay sumagot: "Tunay nga. Ngunit kung alam mo ang katotohanan ng kung ano ang maaaring naghihintay sa iyo (na walang hanggang kaparusahan) sa Kabilang-buhay, ituturing mo ang iyong sarili na nasa Paraiso ngayon sa pamamagitan ng paghahambing. At kung alam mo ang katotohanan ng kung ano ang maaaring naghihintay sa akin (na walang hanggang kaligayahan) sa Kabilang-buhay, ituturing mo ako ngayon na nasa bilangguan kung iyong paghahambingin."
Kaya nga, ito ay nagmula sa dakilang awa at hustisya ng Diyos na nilikha niya ang Langit at Impiyerno. Ang kaalaman sa Impiyernong-apoy ay nagsisilbi upang pigilan ang tao mula sa maling gawain habang ang pagsulyap sa mga kayamanan ng Paraiso ay naghihimok sa kanya patungo sa mabubuting gawa at katuwiran. Ang mga tumatanggi sa kanilang Panginoon, gumagawa ng kasamaan at hindi nagsisisi ay papasok sa Impiyerno: isang lugar na tunay na puno ng pasakit at pagdurusa. Habang ang gantimpala para sa kabutihan ay isang lugar na hindi maisalarawan na kagandahang pisikal at pagiging perpekto at ito ang Kanyang Paraiso.
Kadalasan, ang mga tao ay nagpapatotoo sa kabutihan ng kanilang sariling mga kaluluwa sa pamamagitan ng pag-aangkin sa anumang kabutihan na kanilang ginagawa ay puro at tanging para lamang sa isang tunay na pag-ibig sa Diyos o mamuhay sa pangkalahatang moral at alituntunin ng kabutihan, at dahil diyan, hindi na nila kailangan ng anumang mga patpat o riles na magiging gabay. Ngunit kapag ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao sa Quran, ginagawa Niya ito na batid ang pagiging salawahan ng kaluluwa ng tao. Ang mga kasiyahan sa Paraiso ay totoo, pisikal, na nalalasap na kasiyahan. Ang tao ay maaaring magsimulang pahalagahan kung gaano kanai-nais ang perpekto, sagana at walang hanggang pagkain, damit at mga tirahan ng Paraiso na maaaring tugma sapagkat alam niya kung gaano kasiya-siya at kasarap ang mga bagay na iyon sa kasalukuyang umiiral na buhay.
"Ginawang kahali-halina sa mga tao ang pagmamahal sa mga bagay na kanilang hinahangad: mga babae, mga anak, higit na maraming mga ginto at pilak, mga magagarang kabayo, mga bakahan at mga sakahing lupa. Ito ang kaligayahan ng pangkasalukuyang buhay; datapuwa't si Allah ay may mahusay na Sukli (sa Paraiso)." (Quran 3:14)
Gayundin, ang tao ay maaaring magsimulang pahalagahan kung gaano kahirap at nakakatakot ang Impiyernong-apoy at ang mga matatagpuan dito marahil ay maaaring tugma sapagkat alam niya kung gaano kakila-kilabot ang isang nagliliyab na apoy sa mundong ito. Kaya ang paglalakbay ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, tulad ng inilarawan sa atin sa malinaw na detalye ng Diyos at ng Kanyang Propeta, na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ay dapat at kailangang magsilbi na isa lamang pangganyak para sa anumang tunay at totoong kinikilala ng sangkatauhan na siyang marangal na layunin: ang pagsamba at paglilingkod sa kanyang Tagapaglikha sa isang di makasariling pagmamahal, paggalang at pasasalamat. Pagkatapos ng lahat.
"…sila ay hindi pinag-utusan maliban lamang na kanilang sambahin si Allah (na nag-iisa), na may katapatan sa matuwid na relihiyon (na Islam)." (Quran 98:5)
Ngunit, para doon sa karamihan na kabilang sa sangkatauhan na, sa buong panahon, ay nagpabaya sa kanilang moral na tungkulin sa kanilang Panginoong Diyos at sa kanilang kapwa tao, huwag hayaang kalimutan na:
"Ang bawat kaluluwa ay makakalasap ng kamatayan, at kayo ay mabibigyan lamang ng ganap na kabayaran sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Kaya't ang sinumang inilayo mula sa Apoy at tinanggap sa Paraiso, katotohanang siya ay matagumpay. At ano ang buhay sa mundong ito maliban lamang sa maling akalang pagsasaya." (Quran 3:185)