Mga Artikulo

Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ang Propeta ng Islam na pumanaw noong 632, ay nagsalaysay:





"Si Gabriel ay pumarito sa akin at nagsalita, ‘O Muhammad, mamuhay ka ayon sa nais mo, sapagkat ikaw ay mamamatay kalaunan. Mahalin ang sinumang naisin mo, sapagkat sa kalaunan ay lilisan ka.  Gawin ang nais mo, sapagkat ikaw ay magbabayad. Unawain mo na ang panalanging pang-gabi[1]  ay karangalan ng mananampalataya, at ang kanyang dangal ay malaya sa iba.’" (Silsilah al-Saheehah)





Kung mayroon mang isang bagay na tiyak tungkol sa buhay, ay, ito ay magtatapos.  Ang malinaw na katotohanang ito ay kusang nakapagbibigay ng katanungan na sa karamiha'y nakapagpapaligalig nang minsan sa kanilang buhay: Ano ba ang naghihintay sa kabila ng kamatayan?





Sa pisyolohikal na antas, ang paglalakbay ng isang namatay ay lantad upang masaksihan ng lahat.  Kung ang sanhi ng pagkamatay ay sa natural na paraan lamang,[2]  ang puso ay hihinto sa pagtibok, ang mga baga ay hihinto sa paghinga, at ang mga selula ng katawan ay mawawalan ng dugo at oksihena.  Ang paghinto ng daloy ng dugo sa mga paa at kamay sa kalaunan ay magdudulot sa mga ito ng pamumutla.  Sa pagkawala ng oksihena, ang mga selula ay bahagyang hihinga ng sandali, na makagagawa ng lactic acid na nagiging sanhi ng rigor mortis – ang paninigas ng mga kalamnan ng bangkay.  Pagkatapos, habang nagsisimulang maagnas ang mga selula, ang paninigas ay mawawala, ang dila ay uusli, ang temperatura ay bababa, ang balat ay mawawalan ng kulay, ang laman ay mabubulok, at pagpipyestahan ng mga uod - hangang sa matira na lamang ang natuyong ngipin at buto.





Tungkol naman sa paglalakbay ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, magkagayon hindi ito isang bagay na maaaring masaksihan, o hindi rin maaaring masuri sa pamamagitan ng pang-agham na pagtatanong.  Kahit na sa isang buhay na katawan, ang kamalayan, o kaluluwa ng isang tao ay hindi maaaring mapasailalim sa eksperimentong emperikal.  Ito ay hindi abot sa kakayanan lamang ng tao.  Kaugnay nito, ang konsepto ng Kabilang Buhay - isang buhay na lampas pa sa kamatayan, muling pagkabuhay, at ang Araw ng Pagsusulit; bukod pa sa pag-iral ng Banal, Makapangyarihan na Tagapaglikha, ang Kanyang mga anghel, tadhana, at iba pa - ay nasa ilalim sa paksa ng paniniwala sa nakalingid.  Ang tanging paraan lamang kung saan malalaman ng tao ang anuman sa hindi nakikitang mundo ay sa pamamagitan ng banal na rebelasyon.





"At nasa Diyos ang mga susi ng hindi nakikita, walang sinuman ang nakakaalam sa mga ito maliban sa Kanya.  At batid Niya kung anuman ang nasa kalupaan at nasa karagatan; wala ni isa mang dahon ang malalaglag nang hindi Niya batid.  Wala ni isa mang butil sa kadiliman ng kalupaan, o anumang bagay na sariwa o tuyo, na hindi nakasulat sa Malinaw na Talaan." (Quran 6:59)





Habang anumang dinala sa atin mula sa Torah, ang Mga Awit, ang Ebanghelyo - ang mga banal na kasulatan na ipinahayag sa mga naunang propeta - lahat ay nagsasalaysay tungkol sa Kabilang Buhay, na sa pamamagitan lamang ng Huling kapahayagan ng Diyos sa sangkatauhan, ang Banal na Quran, na ipinahayag sa Kanyang Huling Propeta, Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), na ating natututunan ang marami patungkol sa kabilang buhay.  At ang Quran ay, mananatili magpakailanman, napangalagaan at hindi nabago ng mga kamay ng tao, ang pananaw na ibinibigay nito sa atin tungkol sa nakalingid na mundo ay, para sa mananampalataya, kasing totoo, tunay at tama ng anumang maaaring matutunan sa pamamagitan ng anumang pang-agham na pagsisikap (at walang puwang ang kamalian!).





"…Wala Kaming nakaligtaan sa Aklat; at sa kanilang Panginoon silang lahat ay titipunin." (Quran 6:38)





Kasabay sa tanong kung ano ang mangyayari pagkatapos nating mamatay, ay ang tanong na: Bakit tayo narito? Sapagka't kung talagang walang higit na layunin sa buhay (iyon ay, mas higit kaysa sa simpleng pamumuhay mismo), ang tanong na kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan ay magiging akademiko, di kaya ay walang kahulugan.  Ito ay kung tatanggapin muna ng sinuman na ang ating intelihenteng disenyo, ang paglikha sa atin, ay nangangailangan ng katalinuhan at taga-disenyo sa likod nito, isang Tagapaglikha na siyang hahatol sa atin sa mga ginawa natin, na ang buhay sa mundo ay nagdadala ng anumang makabuluhang kahulugan.





"Kayo ba ay nag-aakala na Amin lamang nilikha kayo sa paglalaro at kayo ay hindi muling magbabalik sa Amin? Samakatuwid kadakilaan sa Diyos,  ang Tunay na Hari, ang katotohanan; walang ibang diyos maliban sa Kanya, ang Panginoon ng Dakilang Trono." (Quran 23:115-116)





Kung mayroon man, isang taong nakakaunawa ay mapilitang ipagpalagay na ang buhay sa mundo ay puno ng kawalang-katarungan, kalupitan at pang-aapi; na ang batas ng kagubatan, na matira ang matibay, ang mahalaga; na kung ang isa ay hindi mahanap ang kaligayahan sa buhay na ito, maging dahil sa kawalan ng materyal na ginhawa, pisikal na pag-ibig, o iba pang mga masasayang karanasan, kung gayon ang buhay ay walang kwenta.  Sa katunayan, ito ay tumpak sapagkat ang isang tao na nawalan ng pag-asa sa mundong ito na may maliit, wala, o di-sakdal na pananampalataya sa kabilang buhay, ay maaari silang magpakamatay.  Sa kabila ng lahat, ano pa ba ang mawawala sa hindi maligaya, hindi mahal at hindi kanais-nais; ang nasiraan ng loob, (desperadong) nalulumbay at nawalan ng pag-asa?![3]





"At sino naman ang nawalan ng pag-asa sa Habag ng kanyang Panginoon maliban lamang sa mga naligaw?" (Quran 15:56)





Kaya tatanggapin ba natin na ang ating kamatayan ay limitado lamang sa pisyolohikal na pagtatapos, o ang buhay ay produkto lamang ng bulag, na makasariling ebolusyon? Katiyakan, mayroong higit pa sa kamatayan, at saka sa buhay, kaysa dito.


Mundo ng Libingan


Ngayon ay atin namang tutunghayan sandali ang paglalakbay ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan.  Ito ay tunay na kamangha-manghang kwento, higit sa lahat dahil ito ay totoo at isang bagay na lahat tayo ay dapat pag-ukulan.  Ang napakalalim na kaalaman natin patungkol sa paglalakbay na ito, ang katumpakan at detalye nito, ay isang palatandaan na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay tunay na Huling Sugo ng Diyos sa sangkatauhan.  Ang kapahayagan na natanggap niya at pagkatapos ay ipinabatid sa atin mula sa Kanyang Panginoon ay malinaw sa paglalarawan nito ng kabilang buhay sa kumpleto at malawak nitong saklaw.  Ang ating sulyap sa kaalamang ito ay magsisimula sa isang maikling pagsusuri sa paglalakbay ng kaluluwa ng mananampalataya mula sa sandali ng kamatayan hanggang sa huling kapahingahan nito sa Paraiso.





Kapag ang isang mananampalataya ay malapit nang umalis sa mundong ito, ang mga anghel na may mapuputing mukha ay bumababa mula sa langit at nagsasabi:





"O payapang kaluluwa, ika'y lumabas sa kapatawaran mula sa Diyos at sa Kanyang pagkalugod." (Hakim at iba pa)





Ang mananampalataya ay mag-aasam na makatagpo ang kanyang Tagapaglikha, tulad ng ipinaliwanag ng Propeta, ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya nawa:





"…kapag ang oras ng kamatayan ng isang mananampalataya ay papalapit na, kanyang natatanggap ang mabuting balita ng pagkalugod sa kanya ng Diyos at ang Kanyang pagpapala sa kanya, at sa oras na iyon ay wala nang mas mahalaga sa kanya kaysa sa kung ano ang nakalaan para sa kanya.  Kaya nga ibig niyang makatagpo ang Diyos, at ang Diyos ay ibig na makatagpo siya." (Saheeh Al-Bukhari)





Ang kaluluwa ay mapayapang lumalabas mula sa kanyang katawan tulad ng patak ng tubig na lumalabas mula sa lalagyan ng tubig na gawa sa balat ng hayop, at ang mga anghel ay hawak ito:





Malumanay na kinukuha ito ng mga anghel, na nagsasabi:





"…Huwag kayong mangamba at huwag malumbay, datapuwa't iyong tanggapin ang magandang balita ng Paraiso na sa iyo ay ipinangako.  Kami ang iyong naging mga kapanalig sa buhay sa mundong ito at [gayundin] sa Kabilang Buhay, at dito ay mapapasaiyo ang lahat ng inyong maibigan, at dito ay mapapasaiyo ang lahat ng iyong hihilingin [o minimithi], na isang mabiyayang gantimpala mula sa ang Lagi nang Nagpapatawad at ang Pinakamaawain." (Quran 41:30-32)





Kapag nakuha na mula sa katawan, binabalot ng mga anghel ang kaluluwa sa isang tela na amoy musk at inaakyat sa langit.  At pagkabukas ng mga Tarangkahan ng Kalangitan, ang mga anghel ay bumabati rito:





"Isang mabuting kaluluwa ang dumating mula sa lupa, nawa'y pagpalain ka ng Diyos at ang katawan na dati mong tinatahanan."





…ipinakikilala siya sa mga pinakamainam na pangalan na itinawag sa kanya sa buhay na ito. Ipinag-uutos ng Diyos ang kanyang "aklat" na maitala, at ang kaluluwa ay ibabalik sa mundo.





Pagkatapos ay mananatili ang kaluluwa pansamantala sa isang lugar ng limbo sa libingan nito, na tinatawag na Barzak, na naghihintay sa Araw ng Paghuhukom.  Dalawang nakakatakot, mababagsik na mga anghel na tinawag na Munkar at Nakeer ang bibisita sa kaluluwa upang tanungin siya tungkol sa kanyang relihiyon, sa Diyos, at sa propeta.  Ang kaluluwang mananampalataya ay matuwid na uupo sa libingan nito habang binibigyan ito ng Diyos ng lakas upang sagutin ang mga anghel ng buong pananampalataya at katiyakan.[1]





Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong relihiyon?"





Kaluluwang Mananampalataya: "Islam."





Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Panginoon?"





Kaluluwang Mananampalataya: "Allah."





Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Propeta?" (o "Ano ang iyong masasabi sa taong ito?")





Kaluluwang Mananampalataya: "Muhammad."





Munkar at Nakeer: "Paano mo nalaman ang mga bagay na ito?"





Kaluluwang Mananampalataya: "Binasa ko ang Aklat ni Allah (ang Quran) at ako ay nanampalataya."





Pagkatapos, kapag ang kaluluwa ay pumasa sa pagsubok, isang tinig mula sa kalangitan ang tatawag:





"Ang Aking alipin ay nagsabi ng katotohanan, bigyan siya ng mga kasangkapang mula sa Paraiso, bihisan siya ng mula sa Paraiso, at magbukas ng isang tarangkahan para sa kanya sa Paraiso."





Ang libingan ng mananampalataya ay gagawing malawak at maluwang at puno ng ilaw.  Ipapakita sa kanya kung ano sana ang magiging tahanan niya sa Impiyerno - kung namuhay siya na isang suwail na makasalanan - bago buksan ang lagusan para sa kanya tuwing umaga at gabi na ipinapakita sa kanya ang kanyang tunay na tahanan sa Paraiso.  Tuwang-tuwa at puno ng masayang pag-asam, ang mananampalataya ay patuloy na magtatanong: ‘Kailan darating ang Oras (ng Pagkabuhay)?! Kailan darating ang Oras?!’ hanggang sa siya ay sabihang huminahon.[2]


Ang Araw ng Paghuhukom


“Sa Araw na iyon, ang tao ay tatakas mula sa kanyang sariling kapatid; sa kanyang ina at sa kanyang ama; sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Sapagkat sa Araw na iyon, ang bawat tao ay mababahala lamang sa kanyang sarili at hindi makakapagbigay ng pansin sa iba.” (Quran 80:34-7)





Ang Oras ng Pagkabuhay na Mag-uli ay isang kakila-kilabot, at kagila-gilalas na kaganapan. Gayunpaman, sa kabila ng kagimbalan nito, ang mananampalataya ay malulubos ang kasiyahan, tulad ng pagkakahayag ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, mula sa kanyang Panginoon: 





Sinabi ng Diyos, “Sa pamamagitan ng Aking Kaluwalhatian at Kamahalan, hindi Ko bibigyan ang Aking alipin ng dalawang mga kapanatagan at dalawang mga pagkatakot. Kung sa pakiramdam niya sa mundo ay ligtas mula sa Akin[1], ilalagay Ko sa kanya ang takot sa Araw na titipunin Ko ng sama-sama ang Aking mga alipin; at kung kinatakutan niya Ako sa mundo, ay ipararamdam Ko sa kanya na ligtas siya sa Araw na titipunin Ko ng sama-sama ang Aking mga alipin.”[2]





"Walang alinlangan, sa mga kapanalig ng Diyos ay walang pangamba na sasapit sa kanila, gayundin sila ay hindi malulumbay: sila na sumasampalataya at may pagkatakot sa Diyos (sa buhay na ito); sasakanila ang Mabuting Balita dito sa mundo at sa Kabilang Buhay.  Walang mababago sa mga salita ng Diyos.  Ito ang tunay na dakilang tagumpay." (Quran 10:62-64)





Kapag ang lahat ng tao na nilikha ay tinipon na nakatayong hubad at hindi tuli sa isang napakalawak na kapatagan sa ilalim ng matinding nakakapasong init ng Araw, isang piling pangkat ng mga relihiyosong kalalakihan at kababaihan ay lililiman sa ilalim ng Trono ng Diyos.  Hinulaan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) kung sino ang mga magiging mapapalad na mga kaluluwang ito, sa Araw na iyon na walang ibang lilim na makukuha:[3]





·       isang makatarungang pinuno na hindi inabuso ang kanyang kapangyarihan, ngunit itinatag ang hustisya na may banal na pahayag sa mga tao





·       isang binata na lumaking sumasamba sa kanyang Panginoon at nagtimpi sa kanyang mga pagnanasa upang manatiling malinis





·       sila na ang mga puso ay nakakapit sa mga Moske, na nagnanais na bumalik sa tuwing sila ay aalis





·       sila na may pagmamahalan sa isa't-isa alang-alang sa Diyos





·       silang mga tinukso ng mga mapang-akit na magagandang babae, ngunit ang kanilang takot sa Diyos ay pumigil sa kanila na magkasala





·       ang taong gumugol sa kawanggawa nang taimtim para sa kapakanan ng Diyos, na pinapanatiling lihim ang kanilang kawanggawa





·       ang taong umiyak sa takot sa Diyos sa kanyang pag-iisa





Ang mga natatanging gawaing pagsamba ay magpapanatili ring ligtas sa mga tao sa araw na iyon, ang mga iyon ay:





·       mga pagsisikap sa mundong ito upang maibsan ang mga problema ng nabalisa, tumulong sa mga nangangailangan, at patawarin ang mga pagkakamali ng iba ay makapapawi sa sariling pagkabagabag ng mga tao sa Araw ng Paghuhukom[4]





·       pagbibigay-luwag sa mga nagkakautang[5]





·       ang makatarungan na patas sa kanilang mga pamilya at mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila[6]





·       pagtitimpi sa galit[7]





·       sinumang nananawagan sa panalangin[8]





·       tumatanda habang nasa kalagayan ng Islam[9]





·       pagsasagawa ng ritwal na paghuhugas (wudu’) nang palagian at nasa tama[10]





·       silang mga nakipaglaban na kaagapay ni Hesus na anak ni Maria laban sa Anti-Kristo at ng kanyang hukbo[11]





·       pagkamartir





Dadalhin ng Diyos ang mananampalataya sa malapit sa Kanya, pasisilungin siya, tatakpan, at tatanungin siya tungkol sa kanyang mga kasalanan.  Matapos aminin ang kanyang mga kasalanan ay aakalain niyang siya'y mapapahamak, subalit sasabihin ng Diyos:





"Itinago ko ito sa mundo para sa iyo, at pinatawad ko ito para sa iyo sa Araw na ito."





Siya ay pagagalitan dahil sa kanyang mga pagkukulang,[12]  ngunit pagkatapos ay ibibigay ang kanyang talaan ng mabubuting gawa sa kanyang kanang kamay.[13]





"At sinuman ang bibigyan ng kanyang talaan sa kanyang kanang kamay, katiyakan na tatanggap siya ng magaan na pagsusulit at siya ay magbabalik sa kanyang pamayanan na lubhang nagagalak." (Quran 84:7-8)





Masaya niyang titingnan ang kanyang talaan, na ipapahayag ang kanyang kagalakan:





"Kaya't sa kanya na ibinigay ang kanyang talaan sa kanyang kanang kamay, siya ay magsasabi, ‘Tingnan ninyo, basahin ang aking talaan!  Tunay ngang natitiyak ko na aking kakaharapin ang aking pagsususulit.’  Sa gayon siya ay mapupunta sa magandang buhay–sa mataas na Halamanan, na [ang mga bunga] ay abot-kamay sa pagpitas. [Siya ay sasabihan], ‘Kumain at uminom nang ganap na nasisiyahan bilang gantimpala sa iyong ginawa sa mga panahong nagdaan.’" (Quran 69:19-24)





Ang talaan ng mabubuting gawa ay literal na titimbangin, upang matukoy kung hihigit ba ito sa talaan ng masasamang nagawa ng isang tao, at ng sa gayon ang gantimpala o parusa ay maigawad nang naaayon. 





"At itatatag Namin ang timbangan ng katarungan sa Araw ng Pagkabuha, kaya't walang sinuman ang tuturingan ng walang katarungan sa lahat ng bagay.  At kung mayroon [mang gawa] na katulad ng bigat ng isang buto ng mustasa, ito ay Aming itatambad.  At Kami ay sapat na bilang Tagapagsulit." (Quran 21:47)





"Kaya't sinumang gumawa ng mabuting gawa na katumbas ng bigat ng isang atomo ay makakamalas nito (ang mga mabuting bunga ng kanyang ginawa)." (Quran 99:7)





"Ang pinakamabigat na bagay na ilalagay sa Timbangan ng isang tao sa Araw ng Pagkabuhay [pagkatapos ng patotoo ng Pananampalataya] ay mga mabubuting asal, at kinamumuhian ng Diyos ang malaswang imoral na tao." (Al-Tirmidhi)





Ang mga mananampalataya ay papawiin ang kanilang uhaw mula sa isang espesyal na imbakan ng tubig na nakalaankay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).  Sinumang uminom mula dito ay hindi na muling makakaranas ng pagkauhaw.  Ang kagandahan nito, lawak nito, tamis, at masarap na lasa ay inilarawan nang detalyado ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).





Ang mga mananampalataya sa Islam – kapwa ang makasalanan sa kanila at ang matuwid – pati na rin ang mga mapagkunwari ay maiiwan sa napakalawak na kapatagan pagkatapos na dalhin ang mga hindi mananampalataya sa Impiyerno. Isang mahabang tulay na bumabagtas sa Impiyernong apoy at nababalot ng kadiliman ay naghihiwalay sa kanila mula sa Paraiso.[14]  Ang matatapat ay kukuha ng lakas at aliw sa kanilang mabilis na pagtawid sa mga nag-aalab na apoy ng Impiyerno at sa 'ilaw' na ilalagay ng Diyos sa kanilang harapan, na pinapatnubayan sila sa kanilang walang hanggang tahanan:





"Sa Araw na iyong mapagmamasdan ang mga nananampalatayang lalaki at mga nananampalatayang babae, kung paano ang kanilang liwanag ay gumagalaw sa kanilang harapan at sa kanilang kanang kamay, [ito ay sasabihin], ‘Magandang balita sa inyo sa araw na ito! Mga halaman na sa ibaba nito ay may mga ilog na nagsisidaloy, upang kayo ay manirahan dito magpakailanman.’  Katotohanang ito ang pinakadakilang tagumpay." (Quran 57:12)





Panghuli, pagkatapos tumawid sa tulay, ang mga matatapat ay lilinisin bago sila ipasok sa Paraiso.  Ang lahat ng mga marka sa pagitan ng mga mananampalataya ay aayusin upang walang sinuman ang magtatanim ng sama ng loob laban sa isa't-isa.[15]





Paraiso


Ang mga mananampalataya ay dadalhin patungo sa naglalakihang walong pintuan ng Paraiso.  Doon, sila ay tatanggapin ng masayang pagsalubong ng mga anghel at ng pagbati sa mapayapa nilang pagdating at pagkakaligtas mula sa Impiyerno.





"Ngunit sila na may pagkatakot sa kanilang Panginoon ay aakayin sa Paraiso sa mga pangkat, hanggang kanilang sapitin at mamasdan ito, ang mga tarangkahan nito ay ibubukas at ang mga bantay ay magsasabi, ‘Ang kapayapaan ay sumainyo; kayo ay naging dalisay na; kaya't inyong pasukin ito upang kayo ay manahan dito nang walang hanggan." (Quran 39:73)





(Sa matuwid na mananampalataya ay ipagbabadya): "O (ikaw na) mapayapang kaluluwa!  Magbalik ka sa iyong Panginoon, na nalulugod at kinalulugdan Niya!  Pumasok ka sa lipon ng Aking mararangal na alipin.  Pumasok ka sa Aking Paraiso!" (Quran 89:27-30)





Ang pinakamahusay sa mga Muslim ay ang unang papasok sa Paraiso.  Ang pinaka matuwid sa kanila ay aakyat sa pinakamataas na mga antas.[1]





"At sinumang makarating sa Diyos na isang mananampalataya (sa Kanyang Kaisahan, at iba pa) at nagsigawa ng mga kabutihan; sasakanila ang matataas na Antas (sa Kabilang Buhay)." (Quran 20:75)





"At ang nangunguna (sa pananampalataya) ay mangunguna (sa Kabilang Buhay); Sila ang magiging pinakamalapit sa Diyos sa Halamanan ng Kaligayahan; papasok sila sa isang ranggo na may maliwanag na mukha." (Quran 56:10-12)





Ang paglalarawan ng Quran sa Paraiso ay nagbibigay sa atin ng isang pananaw kung ano ang kamangha-manghang lugar na ito.  Isang walang hanggang tahanan na matutupad ang lahat ng ating mabubuting naisin, mapang-akit sa lahat ng ating mga pandama, na ipagkakaloob sa atin ang lahat ng maaari nating hangarin at marami pang iba.  Inilarawan ng Diyos ang Kanyang Paraiso bilang isang mundo na yari sa pinong pulbos na musk,[2]  lupa na sapron,[3]  mga laryo na ginto at pilak, at maliliit na batong mga perlas at rubi.  Sa ilalim ng mga hardin ng Paraiso ay mga batis na dumadaloy na nagniningning ang tubig, matamis na gatas, malinaw na pulot, at alak na hindi nakalalasing.  Ang mga tolda sa kanilang mga pampang ay mga simboryo na perlas na may guwang.[4]  Ang lahat ng lugar ay napupuno ng kumikinang na liwanag, kaaya-ayang mala-amoy na mga halaman at mga humahalimuyak na bango na maaaring maamoy mula sa malayo.[5]  Mayroong mga matatayog na palasyo, malalaking mansyon, mga ubasan, mga palmera ng datiles, mga puno ng granada,[6]  lotus at mga puno ng akasya na ang mga katawan nito ay yari sa ginto.[7]  Hinog, masasaganang prutas ng lahat ng uri: mga beri, sitrus, sirwelas, ubas, melon, pome (halimbawa nito at mansanas); lahat ng uri ng prutas, tropikal at eksotiko; anumang bagay na maaaring naisin ng mga matapat!





"…At naroroong lahat ang anumang naisin ng bawat kaluluwa at anumang makapagpapaligaya sa paningin..." (Quran 43:71)





Ang bawat mananampalataya ay magkakaroon ng isang pinakamaganda, banal at dalisay na asawa, may suot na napakagandang damit; At marami pang iba sa isang bagong mundo ng walang hanggan, na nagniningning na kasiyahan.





"At walang kaluluwa na nakakaalam kung ano ang kaginhawahan ng mga mata na inililingid sa kanila, bilang gantimpala sa mga bagay na kanilang ginawa." (Quran 32:17)





Pati na rin ang pisikal na kasiyahan, ang Paraiso ay magbibigay din ng pagkakaroon ng emosyonal at sikolohikal na kaligayahan sa mga maninirahan dito, tulad ng sinabi ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala):





"Sinumang papasok sa Paraiso ay pinagpala ng isang buhay ng kagalakan; hindi siya makakaramdam ng kapighatian, ang kanyang mga kasuotan ay hindi maluluma, at ang kanyang kabataan ay hindi kukupas.  Maririnig ng mga tao ang isang banal na tawag: 'Ipinagkakaloob ko sa iyo na ikaw ay magiging malusog at hindi kailanman magkakasakit, mabubuhay ka at hindi mamamatay, ikaw ay babata at hindi kailanman tatanda, magagalak ka at hindi makakaramdam ng kapighatian.’" (Saheeh Muslim)





At ang pinakahuli, ang bagay na higit sa lahat na kalugod-lugod sa mga mata ay ang mismong Mukha ng Diyos.  Para sa tunay na mananampalataya, ang makita ang mapagpalang larawan na ito ng Diyos ay ang pinakadakilang gantimpalang nakamit.





"Sa Araw na ito, ang ibang mukha ay magniningning sa kislap at kagandahan, na nagmamalas sa kanilang Panginoon." (Quran 75:22-23)





Ito ang Paraiso, ang walang hanggang tahanan at panghuling patutunguhan ng matuwid na mananampalataya. Nawa'y ang Diyos, na Kataas-taasan, ay gawin tayong karapat-dapat dito.


Habang papalapit ang kamatayan sa suwail na hindi mananampalataya, siya ay ginawaran na maramdaman ang bagay na mainit sa Impiyernong Apoy. Ang malasap itong bagay na darating ay nagiging dahilan upang siya ay humingi ng pangalawang pagkakataon sa mundo upang gawin ang kabutihang alam niya na dapat niyang ginawa. Naku! Ang kanyang pakiusap ay mauuwi sa walang kabuluhan.





“Hanggang ang kamatayan ay sumapit sa isa sa kanila, siya ay magsasabi: ‘O aking Panginoon. Ako ay muli ninyong ibalik (sa mundo) upang ako ay makagawa ng kabutihan sa mga bagay na aking napabayaan.’ Hindi! Ito ay isa lamang salita na kanyang ipinangungusap. At sa harapan nila ay may hadlang (na pinipigilan silang bumalik: ang buhay ng libingan) hanggang sa Araw (ng Pagkabuhay) na sila ay muling ibabangon.” (Quran 23:99-100)





Ang banal na poot at kaparusahan ay ipinapahayag sa suwail na kaluluwa sa pamamagitan ng ubod ng pangit, maiitim na mga anghel na nakaupo sa malayo mula rito:





"Tanggapin ang masayang balita ng kumukulong tubig, katas ng sugat, at marami pa, na magkakaparehong pagdurusa ." (Ibn Majah, Ibn Katheer)





Ang kaluluwang hindi nanampalataya ay hindi naghahangad na makaharap niya ang kanyang Panginoong Diyos, tulad ng ipinaliwanag ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala):





"Kapag ang oras ng kamatayan ay papalapit na sa hindi mananampalataya, ay kanyang natatanggap ang mga masasamang balita ng parusa ng Diyos at ang Kanyang Ganti, na kung saan ay walang higit na kasuklam-suklam sa kanya maliban sa kung ano ang kinakaharap niya.  Samakatuwid, kinamumuhian niya ang pakikipagtagpo sa Diyos, at gayundin ang Diyos, kinamumuhian ang pakikipagtagpo sa kanya." (Saheeh Al-Bukhari)





Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi rin:





"Ang sinumang ibig makatagpo ang Diyos, ang Diyos ay ibig makatagpo siya, at sinumang namumuhing makatagpo ang Diyos, ang Diyos ay namumuhing makatagpo siya." (Saheeh Al-Bukhari)





Ang Anghel ng Kamatayan ay nakaupo sa ulo ng hindi mananampalataya sa kanyang libingan at nagsasabi: "Suwail na kaluluwa, lumabas ka sa hindi pagkalugod ni Allah" habang hinahablot niya ang kaluluwa sa katawan.





"At kung iyo lamang mamamasdan na kung ang mga suwail ay nasa kasakit-sakit na daing ng kamatayan habang ang mga anghel ay humahatak sa kanilang mga kamay, na nagsasabi, ‘Iligtas ninyo ang inyong mga sarili!  Sa araw na ito, kayo ay babayaran ng kaparusahan ng matinding pagkaaba dahilan sa inyong sinasambit hinggil kay Allah na taliwas sa katotohanan, at kayo ay nahirati sa pagtatakwil sa kanyang kapahayagan na walang paggalang." (Quran 6:93)





"At kung inyo lamang mapagmamasdan kung ang mga anghel ay kumukuha ng kaluluwa ng mga hindi sumasampalataya … humahampas sa kanilang mukha at likuran at sinasabing, ‘Lasapin ninyo ang kaparusahan ng Naglalagablab na Apoy.’" (Quran 8:50)





Ang masamang kaluluwa ay umaalis sa katawan nang may kahirapan, hinuhugot ng mga anghel na para bang ang pinagdikit-dikit na pantuhog na bakal ay kinaladkad sa basang lana[1]  Susunggaban ng Anghel ng Kamatayan ang kaluluwa at ilalagay sa isang sako na hinabi sa buhok na may masangsang na amoy, na mabaho at nakakasulasok na tulad ng pinakamabahong amoy ng nabubulok na bangkay na matatagpuan sa mundo.  Pagkatapos ay dadalhin ng mga anghel ang kaluluwa sa ibang pangkat ng mga anghel na magtatanong: "Sino ang masamang kaluluwa na ito?"  kung saan sila ay tutugon: "Si ganito at ganoon, na anak ni ganito at ganoon?" - gamit ang pinakamasamang pangalan ng mga pangalan na siya ay tinawag sa kanyang panahon sa mundo.  Kung magkagayon, kapag dinala na siya sa pinakamababang langit, isang kahilingan ang gagawin na ang pintuan nito ay buksan para sa kanya, ngunit ang kahilingan ay tatanggihan.  Habang ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay naglalarawan ng mga kaganapang ito, nang maabot niya ang puntong ito, ay kanyang binigkas:





"Ang mga tarangkahan ng langit ay hindi bubuksan para sa kanila at sila ay hindi makakapasok ng paraiso hanggang ang kamelyo ay makapasok sa butas ng karayom." (Quran 7:40)





Sasabihin ng Diyos: "Itala ang kanyang aklat sa Sijjeen sa pinakamababang mundo."





…at ang kanyang kaluluwa ay ibinaba. Sa oras na ito, ang Propeta, nawa ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay nagsabi:





"Siya na magtalaga ng katambal kay Allah ay wari ba na siya ay nahulog mula sa himpapawid at ang mga ibon ay umaagaw sa kanya, o ang hangin ay nagtatapon sa kanya sa isang malayong lugar." (Quran 22:31)





Ang masamang kaluluwa ay ibabalik sa kanyang katawan at ang dalawang nakakatakot at mga mababagsik na anghel, sina Munkar at Nakeer, ay lalapit para sa mga katanungan nito.  Matapos siyang paupuin, sila ay magtatanong:





Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Panginoon?"





Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."





Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong relihiyon?"





Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."





Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong masasabi sa tao na ito (Muhammad) na isinugo sa iyo?"





Kaluluwang Hindi Mananampalataya: "Naku, naku, hindi ko alam."





Pagkaraan na mabigo sa mga katanungan, ang ulo ng hindi mananampalataya ay pupukpukin ng martilyong bakal na may lakas na marahas na magpapaguho sa isang bundok.  Ang pagsigaw ay maririnig mula sa langit: "Siya ay nagsinungaling, kaya't ilatag ang karpet ng Impiyerno para sa kanya, at buksan para sa kanya ang lagusan patungong Impiyerno."[2]  Kaya't ang sahig ng kanyang libingan ay pinagningas ng ilang nakatutupok na apoy ng Impiyerno, at ang kanyang libingan ay ginawang makitid at masikip na ang kanyang mga tadyang ay napilipit habang nadudurog ang kanyang katawan.[3]  Pagkatapos, ay isang ubod ng pangit na nilalang, na may pangit na kasuotan at naglalabas ng napakabaho at nakakasulasok na amoy ang lalapit sa hindi nananampalatayang kaluluwa at magsasabi: "Tumangis ka sa kung ano ang hindi kasiya-siya sa iyo, sapagkat ito ang iyong araw na ipinangako sa iyo."  Ang hindi mananampalataya ay magtatanong: "Sino ka, na may ubod ng pangit na mukha at may dalang kasamaan?"  Ang pangit na iyon ay sasagot: "Ako ang iyong masasamang gawa"  Pagkatapos ay pinangyari na malasap ng hindi mananampalataya ang mapait na pagsisisi dahil sa ipapakita sa kanya kung ano sana ang kanyang magiging tirahan sa Paraiso- kung namuhay lamang siya ng matuwid na pamumuhay - bago binuksan ang lagusan para sa kanya tuwing umaga at gabi na ipinapakita sa kanya ang kanyang tunay na tahanan sa Impiyerno.[4]  Binanggit ni Allah sa Kanyang Aklat kung paano ang mga suwail na tao ni Paraon, na sa sandaling ito, ay nagdurusa mula sa gayong pagkakalantad sa Impiyerno mula sa loob ng kanilang mga libingan:





"Sa Apoy: sila ay nakalantad dito, sa umaga at sa hapon, at sa Araw na ang Takdang Oras ay lilitaw (ang mga anghel ay pagsasabihan): ‘(Ngayon) hayaan na ang pamayanan ni Paraon ay pumasok sa pinakamatinding kaparusahan!’" (Quran 40:46)





Dahil pinangibabawan ng takot at pagkapoot, pagkabalisa at kawalan ng pag-asa, ang hindi mananampalataya sa kanyang libingan, ay patuloy na magsusumamo: "Panginoon ko, huwag mong dalhin ang huling oras.  Huwag mong dalhin ang huling oras."





Ang Kasamahan, na si Zaid b. Thabit, ay nagsalaysay kung paano, nang si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) at ang kanyang mga Kasamahan ay minsang napadaan sa ilang mga libingan ng mga mapagsamba sa diyus-diyosan, ang kabayo ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay kumaripas at halos mawala siya sa pagkakaupo.  Ang Propeta, nawa ang awa at pagpapala ng Diyos sa sumakanya, pagkatapos ay nagsabi:





"Ang mga taong ito ay pinahihirapan sa kanilang mga libingan, at kung hindi dahil sa ititigil ninyo ang paglilibing sa inyong mga patay (dahil sa kagimbal-gimbal na mga maririnig sa libingan), ay aking hihilingin sa Diyos na mapakinggan ninyo ang kaparusahan sa libingan na naririnig ko (at ng kabayong ito)." (Saheeh Muslim)





Isang kahindik-hindik na takot ang sasapit sa binuhay na muli sa dakilang Araw ng Pagkabuhay:





"…Kanyang binibigyan sila ng palugit hanggang sa Araw na ang mga mata ay tititig (sa pagkagimbal)." (Quran 14:42)





Ang di-mananampalataya ay bubuhaying muli mula sa kanyang 'libingan' tulad ng inilarawan ng Diyos:





"Sa Araw na sila ay magsisilabas sa kanilang libingan na nagmamadali, na katulad ng pag-uunahan na marating ang punong pananda.  Na ang kanilang mga mata ay nakatungo sa lupa sa pangamba at pagka-aba, ang kahihiyan ang lulukob sa kanila.  Ito ang Araw na sa kanila ay ipinangako." (Quran 70:43)





Ang puso ay manginginig, nalilito tungkol sa kung anong masamang kaparusahan ang nakahanda para dito:





"At ang (ibang) mga mukha, sa Araw na iyon, ay may bahid ng alikabok.  Kadiliman ang lalambong sa kanila.  Sila ay ang mga di-mananampalataya, ang mga mapag-gawa ng katampalasan." (Quran 80:40-42)





"At huwag ninyong akalain na ang Diyos ay hindi nakababatid ng mga ginagawa ng mga mapag-gawa ng kamalian.  Datapuwa't Kanyang binibigyan sila ng palugit (sa kanilang kabayaran) hanggang sa Araw na ang mga mata ay tititig (sa pagkagimbal).  Sila ay humahangos sa unahan, na ang kanilang mga ulo ay nakatuon sa itaas, ang kanilang tingin ay hindi bumabalik tungo sa kanila, at ang kanilang mga puso ay walang laman." (Quran 14:42-43)





Ang mga di-mananampalataya ay titipunin na tulad nang sila'y isinilang - mga hubad at hindi tuli – sa isang malawak na kapatagan, isinusubasob ang mga mukha, mga bulag, bingi, at pipi:





"Aming titipunin sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay (na nakasubasob) sa kanilang mukha – bulag, pipi, at bingi.  Ang kanilang pananahanan ay Impiyerno; sa tuwing ito ay humuhupa, Aming daragdagan para sa kanila ang paglalagablab ng apoy." (Quran 17:97)





"At sinumang sumuway sa Aking paala-ala – katotohanan, sasakanya ang buhay ng kahirapan, at siya ay bubuhayin Naming muli na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay." (Quran 20:124)





Sila ay tatlong ulit na "haharap" sa Diyos.  Sa unang pagkakataon ay susubukan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa walang saysay na pagtatalo laban sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nagsasabi ng mga bagay na tulad ng: "Ang mga propeta ay hindi nakarating sa amin!" Bagaman ay ipinahayag ni Allah sa Kanyang Aklat:





"…At kailanman ay hindi Kami magpaparusa malibang Kami ay magpadala muna ng sugo ." (Quran 17:15)





"…kaya huwag ninyong sabihing: ‘Walang dumating sa amin na nagdala ng mabuting balita at tagapababala….’" (Quran 5:19)





Sa ikalawang pagkakataon, ilalahad nila ang kanilang mga dahilan habang inaamin ang kanilang pagkakasala.  Maging ang mga demonyo ay susubukang mangatwiran sa kanilang mga ginawang kasamaan na humantong sa pagkaligaw ng mga tao:"Ang kanyang (tao) personal na demonyo ay magsasalita: ‘Aming Panginoon!  Hindi ko siya itinulak na sumuway.  Sa halip, siya mismo ay nasa kamalian, na malayong pagkaligaw.’" (Quran 50:27)



Kamakailang Mga Post

BIYAYA NG PAG-AAYUNO ...

BIYAYA NG PAG-AAYUNO NG ANIM NA ARAW NG SHAWAL

KINIKILALA NG MGA KRI ...

KINIKILALA NG MGA KRISTIYANONG ISKOLAR ANG MGA PAGKAKASALUNGAT SA BIBLIYA

Muhutasari wenye faid ...

Muhutasari wenye faida kwa muislamu mpya