Ika-11 ng Marso taong 2011 ang mitsa ng aking kompletong pagsubmita sa Diyos. Isinagawa ko ang aking shahadah (pagsaksi) matapos ang ilang buwan na pag-unawa sa katuruan ng Islam. Ang mga pangyayari na nagdala sa akin patungo sa Islam ay hindi naging madali. Ngunit Alhamdulillah (Ang Papuri at Pasasalamat ay mapasa Dakilang Tagapaglikha), ako ngayon, sa wakas ay isa ng Muslimah (isang babaeng Muslim).
Hayaan niyo akong ibahagi sa inyo ang aking pagtahak tungo sa landas ng Islam.
Ako ay isang Romano Katoliko mula sa pagkapanganak. Ang aking ina ay isang madre sa loob ng ilang taon bago niya iwanan ang kumbento at pinalaki niya kami sa buhay na puno ng pagdarasal. Sa murang edad na pito, ipinaunawa na nya sa akin ang kabutihan ng pagsuko sa Diyos at pagtingin sa lahat ng mga nangyayari na itong mga ito ay paraan ng Diyos na paghahanda sa akin para sa mas mainam na bagay na paparating.
Sa pagkakahubog sa aking sarili ng personal na relasyon sa Diyos, lubos akong nakibahagi sa mga apostolikong gawain. Nagturo rin ako ng katekismo at pinarangalan ng Catechist of the Year Award noong ako ay nagtapos sa sekondarya. Kung saan pagkatapos, ang buhay ay naging walang tigil na paglalakbay sa pananampalataya.
Sa isang mahalagang punto ng aking buhay, ako ay nakapagtrabaho para sa isang pundasyong pang makatao na nakatuon tungo sa mga proyektong naglalayon na mapagkaisa ang mga Pilipino sa pagdarasal kahit ano pa man ang kanilang relihiyon. Pinanghahawakan ng pundasyong ito ang paninindigan na 'tayong lahat ay magkakapatid, babae man o lalaki sa ilalaim ng pagiging ama ng Diyos'. Bago pa man ako mapasama sa pundasyong ito, ang aking buhay sa pananalangin ay nakasentro sa Pinaka Dakila at Makapangyarihang Diyos. Gayunpaman, syempre, bilang dumaan sa Katolikong kapamamaraanan ng pagpapalaki sa tahanan at paaralan, nabuo sa akin ang partikular na debosyon sa ilang mga santo ng simbahan, pagkilala sa kanila hindi bilang mas nakakababang diyos, kundi bilang kasama sa pananalangin sa aking mga layunin. May pagkakataon na tatanungin ko ang aking sarili kung sino sa mga santo ang mas mabisa na magdala ng paparating na mga biyaya. Kaya, sa huli ang mangyayari'y direkta na lamang akong magdarasal sa Diyos – ang Pinaka-Kataas taasan, ang Pinaka-Makapangyarihan, dahil alam ko na Siya naman talaga ang Pinaka-Pinagmumulan ng lahat na mga biyaya.
Noong natuklasan na mayroong Leukemia ang aking ina at sa huling bahagi ng kanyang karamdaman, ito’y punto ng purong paghihirap. Sa isang punto, gigising ako at magdarasal sa Diyos na pagpalitin na lamang kami ng posisyon ng aking ina nang sa gayon, ako na lang ang magdala ng kanyang karamdaman. ‘Yon ay walang katapusang paghahanap ng mapagkukunan sa pag-asa na magagamot ang aking ina ng makabagong medisina. Hanggang sa ang pari ng aming parokya at malapit na kaibigan ay nagsabi – ISUKO MO...ISUKO MO SA DIYOS. Matapos noon, naalala kong muli na isuko ang aking sarili, lalo na sa mga panahon na hindi na tinatanggap at tumutugon ang katawan ng aking ina sa chemotherapy.
Ang kamatayan ng aking ina ay isang mahalagang yugto sa aking buhay. Mula ng panahon na ‘yon, ang buhay ko ay naging patuloy na pakikibaka sa kompletong pagsuko at pagsubmita sa Diyos. Ang pagkamaka-ako ay nagtutulak sa akin na mas umasa ako sa aking mga plano – magsumikap para sa mga katuparan nito at matigas na ipagpatuloy kung ano ang aking kagustuhan sa kabila ng mga palatandaan at pahiwatig ng Diyos. Sa mga sandaling ‘yon natatagpuan ko lamang ang kapayapaan sa tuwing ako’y sumusuko. Ngunit bilang ako ay tao, palagi akong nahuhulog pabalik sa mga patibong ng pagnanais ng mga bagay sa aking sariling paraan.
Matapos ang pagkamatay ng aking ina, nakatanggap ako ng alok para sa isang trabaho sa bansang Qatar. Ito ay noong 2003. Marahil, hindi pa ako handa ng mga panahon na ‘yon. Kumuha ako ng ibang trabaho sa Pilipinas yamang wala namang saysay ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil patay na ang aking ina. Ano pa ang maging silbi sa pagkamit ng kita na aking ninanais noong panahong siya ay buhay pa upang matustusan ko ang kanyang mga pangangailangang medical at dalhin siya sa iba’t-ibang lugar? Wala na.
Noong 2006, isang hindi inaasahang tawag ang dumating para sa isang interbyu mula sa isang Germanong amo na may malaking proyekto sa Qatar. Ang Qatar ay muling nagpa-anyaya at may pag-aalinlangan man, ako'y pumunta sa interbyu dahil na rin sa payo ng aking ama na sumubok. Hindi ako umaasa na matatanggap sa trabahong 'yon ngunit ang mga senyales habang nagaganap ang interbyu ay pinaniwala ako na ang naturang trabaho nga ay para sa akin. Sa loob ng isang buwan, pagkalipas ng araw na ‘yon, dumating ako sa Qatar. Inakala ko na tanging ang oportunidad na kumita ng mas malaki ang maibibigay ng Qatar. Nakakagulat, ito ay nagbigay sa akin ng isang bagay na mas malalim pa roon.
Sa aking pagkakahubog bilang Katoliko, nakatatak na sa aming mga isipan na ang layunin ng buhay ay para KUMILALA, MAHALIN, at MAGLINGKOD SA DIYOS. Katotohanan, likas na sa tao ang magpatuloy sa paghahanap ng kabuluhan ng buhay. Ang walang hanggang paghahanap sa bantog na 'bukal ng buhay' ay nag-ugat sa pag-asam ng tao sa kabuluhan at layunin ng buhay. Liban na lamang kung matagpuan na ng tao ang kanyang hinahanap, siya ay hindi titigil kailanman. Kaya naman, siya ay hindi kailanman titigil sa anuman at bibili ng oras at kalusugan para maipagpatuloy ang kanyang pakikibaka. Ang milyong mangbabasa na nagdala sa aklat na “The Purpose Driven Life” sa kalagayan nito bilang isa sa pinakamabiling aklat, ay ang mismong patotoo kung gaano karaming tao ang tunay na nasa paghahanap ng patutunguhan at layunin sa buhay.
Sa edad na 8 o 9, tinanong ko ang aking ina - “Nasaan ang Diyos bago ang pagkakalikha?”. Sinabi ko sa kanya na ako'y naglalaan ng oras habang ang mata'y nakapikit at basang-basa sa pawis dahil sa lubos na konsentrasyon para lamang mailarawan sa aking isipan ang mga sumusunod ng nasa ayos - ang aking posisyon at kinalalagyan, ang mga ulap, ang bughaw na langit, ang buwan, ang siyam na mga planeta, sa labas ng Milky Way para lamang matagpuan ang malawak na kalawakan. Sa luwag at lapad ng kalawakang ito, ang Diyos ay nakahihigit pa rito at nasa ibabaw nito...”Noong wala pa ang kahit anuman, saan Siya naroroon?” udyok ko pa. At napabulalas ang aking ina nang may ngiti sa labi at ako'y niyakap – “Nag-iisip ka na nang ganyan?” tanong niya. At sinabi niya pagkatapos, “Ganyan anak, ganyan kadakila at kawalang hanggan ang ating Diyos. Siya ay lagpas sa kapasidad ng ating isipan ngunit maniwala ka sakin, Siya ay naroon sa Kanyang Kinaroroonan”.
Ang paghahangad at pag-asam ng tao - mapa bata man o matanda, ay hindi para sa mga materyal na bagay, o emosyonal at pisikal na kasiyahan...kundi ito'y para sa lahat ng mga ito at higit pa rito. Lahat tayo simula pa sa pagkasilang ay nasa paghahanap sa Diyos. Tayo ay ginawa upang kumilala, mahalin, at maglingkod at ngayon, bilang isang Muslimah, hayaan niyong idagdag ko ang isa pa – upang sumamba sa Diyos na may pagtatangi sa Kanya.
Sa aking paghahanap sa Diyos sa buong buhay ng aking paglalakbay, ako ay nagpupuri sa Kanya para sa Kanyang paggabay sa akin tungo sa landas ng Islam.
Dinala ako ng Allah dito sa Qatar para sa layuning ito, na matapos ko na ang aking paghahanap at igugol ang natitirang mga araw ng aking buhay na nagsasamba sa Kanya alinsunod sa pamamaraan ni Propeta Muhammad, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Dakilang Tagapaglikha.
Ang mga pamamaraan ng Allah ay hindi maikukumpara sa ating pamamaraan dahil Siya ang Mas Nakakaalam. Katotohanan, sa ikot ng mga pangyayari sa buhay ko dito sa Qatar, binalikan ko at nakita kung gaano kamangha-mangha ang pagkakahabi Niya ng landas na nagdala sa akin patungo sa Kanya.
Noong 2009, ang kompanya na nagdala sa akin sa Qatar ay kumaharap sa mga problema at nag-umpisang magbawas ng tao at nagbigay ng mga opsyon para maghanap ng ibang trabaho. Kung paano ako nakarating sa kompanyang aking pinagtatrabahuhan sa kasalukuyan ay isa sa mga magagandang surpresa ng Allah na inilaan Niya para sa akin. Ang aking paglipat mula sa dati kong kumpanya tungo sa kasalukuyang pinagtatrabahuhan ay sadyang mabilis. Ang institusyon kung saan ako kasulukuyang nagtatrabaho ay isang Islamikong institusyon na pinamamahalaan ng Shari'a (mga batas at alituntuning Islamiko) at ang departamentong kinabibilangan ko ay nagbigay ng oportunidad sa akin na makarating sa pinapangarap kong trabaho - komunikasyong pang-korporasyon. Yamang ako ay babad sa paghahanda ng mga pangpahayagang kasulatan at mga sangkap sa pangangalakal, kinailangan kong makibalita patungkol sa mga pangunahing paniniwala ng isang negosyo na naka-angkla sa patnubay ng Shari'a, na syang nagdala sa akin sa mas malalim na pagbabasa patungkol sa Islam. Sa puntong iyon, natagpuan ko ang aking sarili na nasisiyahan sa aking ginagawa at nagbabasa ng kung anumang mahawakan ng aking kamay.
Sa unang bahagi ng 2010, ako ay may nakakilalang pilipinong Muslim. Kailanman ay walang anumang pag-uusap patungkol sa aming relihiyon. Alam niya kung gaano ako ka madalasalin kasama ang aking rosaryo at mga maliliit na aklat pang-novena. Sinabi niya, na sa kanyang pamilya ay mayroon ding mga Muslim at Kristiyano. Siniguro niya sa akin na hindi ako dapat makaramdam ng pagkaasiwa patungkol doon. Nakita ko sa kanya ang mga katangiang hinahanap ko. Ang kanyang pananaw patungkol sa isang relasyon ay katulad ng sa akin. Kaya, ang relihiyon ay hindi kailanman naging usapin at nirespeto naming pareho ang paniniwala ng bawat isa.
Isang beses, nagtungo ako sa Fanar (Qatar Islamic Cultural Center) kasama ang aking amo habang may pagtatanghal ng sining ng kaligrapiya para bumili ng ilang mga bagay para sa aming kompanya. Nakakuha ako ng kopya ng librong THE IDEAL MUSLIM at sinimulan itong basahin tatlong buwan matapos kong makuha ang aklat habang wala sa Qatar ang aking kasintahan ng mga panahong 'yaon. Naramdaman ko ang mga talata ng Quran na direktang nakikipag-usap sa akin. Habang binabasa ko ang mga katangian ng isang ulirang Muslimah (babaeng Muslim), aking napagtanto na ang pamamaraan ko sa pamamahala ng aking buhay ay nasa pagsunod rin pala sa katuruan ng Islam. Pagkatapos, nagkaroon ako ng kopya ng salin ng Quran sa wikang Tagalog at nakaramdam ng partikular na uri ng lubos na kapayapaan sa aking puso na nagbubunsod ng mga luha. Sinabi ko sa aking sarili, darating ang araw ay kailangan ko itong ipagpatuloy. Humingi ako ng gabay mula sa departamento ng Shari'a at mula sa aking mga kasamahan sa trabaho na may mabubuting-loob patungkol sa kung aling mga babasahin ang dapat kong piliin. Naghahanap ako sa web at babasahin lahat ng maari kong mabasa. Hanggang isang araw, tumigil ako. Huminto ako sa pagsasaliksik ng kaalaman dahil hindi ko nais ipagpatuloy ang anuman hanggang nakikita ko ang aking kasintahan na kababalik lamang mula sa Pilipinas. Kahit na hindi niya ipinasok ang usapin patungkol sa aking relihiyon, sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong pag-isipan ng mabuti kung naiimpluwensyahan lamang ba ako ng kanyang presensya sa aking buhay o kung ang pagyakap ba sa Islam ay mula sa aking sariling pagpapasya...mula sa kailaliman ng aking puso at kaluluwa.
Sa panahong iyon na tumigil ako sa pagpapatuloy ng dagdag na pag-aaral, ako ay may pinagdaraanan ding problema. Patuloy na nagpatong-patong ang mga problema at ako ay nalilito kung paano isasagawa ang pagdarasal. Dapat ba akong magdasal gamit ang rosaryo at mga debosyon o dapat ko bang isagawa ang salah (espesyal na pagdarasal na ginagawa ng mga Muslim) na wala akong ideya kung paano gagawin? Sa ilang buwan, ako ay tila nakalutang sa pagkalito, hanggang isang gabi, ako ay gumising at nakipag-usap sa Diyos at nagsabing - "Diyos ko, ako ay naguguluhan. Hindi ko na alam kung paano ako magdarasal. Basahin mo ang puso ko. Isinusuko ko ang sarili ko sayo! ". Matapos noon, ako ay nakaramdam ng tunay na kapayapaan.
Nagsimula ang pangangalaga ng Diyos. Ang aking kasintahan ay umuwi sa Pilipinas ng mas maaga kaysa sa napagplanuhan. Ibinigay sa akin ng Diyos ang oras na kinakailangan ko para mas maunawaan pa ang Islam.
Hindi ko inaasahan na ang araw kung kailan may malaking tsunami na tumama sa Japan ang magiging araw na isasagawa ko ang aking Shahadah (mga salita ng panunumpang binabanggit bilang pagsisimula na maging Muslim). Naramdaman ko na lamang na sobrang tahimik ang aking puso. Nagpunta ako sa Fanar na may paninindigang dumalo sa mga pag-aaral ng mga pangunahing kaalaman sa Islam. Ang hakbang na ito ay nabuo nang nagawa ko ng sagutin ang mga huling katanungan ko para sa aking sarili. Una, kung ako at ang aking kasintahan ay magkakatuluyan sa huli, mapaninindigan ko ba ang pagiging isang Muslim? Kapag ako ay namatay, paano aasikasuhin ng aking pamilya ang aking mga labi? At pagkatapos, nakita ko sa aking isipan ang mga katrabaho kong babaeng Muslim at nakaramdam ng tunay na pag-unawa mula sa kanila. At sinabi ko sa aking sarili, marahil ay may mawawalang tao, ngunit mas marami ang darating. Pangalawa, bakit ang mga lalaking Muslim ay pinahintulutang makapag-asawa hanggang sa apat? Hindi ba nila alam na masakit para sa isang babae na mayroong isang babae na gusto kaysa sa kanya? Ang katanungang ito ay nanatiling walang kasagutan sa loob ng ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na hinahanda ko ang aking sarili sa pagpunta sa Fanar. Sa katunayan, ang katanungang ito ay palaging pumipigil sa akin na tanggapin ng buo ang mga nabasa ko patungkol sa Islam at umaasa ako na masagot ito kapag nabigyan ako ng pagkakataon na sumailalim sa mga pag-aaral sa Fanar. Sa wakas, nang umagang inihahanda ko ang aking sarili patungo sa Fanar, tinanong kong muli ang aking sarili ng ilang mga katanungan - ang pakiramdam ba ng selos at pagka-inggit ang syang pipigil sa akin mula sa Allah? Ang isang makamundong bagay ba ang pipigil sa akin sa pagkilala sa Allah? Hindi ko na sinagot ang aking sarili. Sa halip, nagmadali ako sa paghahanda ng aking sarili para umalis. Ang aksyon na yon mismo ang naging kasagutan.
Sa pagdating ko sa Fanar, nagkaroon ako ng pagkakataon na magkaroon ng pribadong pag-uusap kasama ang dalawa sa kanilang mga tagapagturo - si Sister Zarah at si Sister Maryam. Ang hinahangad ng aking puso ay nag-umpisang mailahad. Sinabi ni Sister Maryam na tila naman ako'y handa na. Nang ako'y kanyang tinanong kung nais ko na bang gawin ang shahadah, sinagot ko lamang ito sa pagsasabing - MERON BANG TAO NA MAKAKATULONG SA AKIN NA MAGAWA ITO? Muli, ang pakiramdam ng katiyakan - hindi lamang ito basta OO o HINDI, ito ay patungkol sa 'mayroon bang maaring tumulong sa akin na maisagawa ito'.
Matapos kong banggitin ang Shahadah, nagsimulang bumalong ang mga luha. Noong yakapin ako ni Sister Maryam at sabihing ako'y isa nang muslim, ako'y umiiyak na nagpasalamat sa kanya. Tinanggap ng aking pamilya ang aking pagiging Muslimah at nagpapasalamat ako sa Allah dahil doon. Kahit pa nanatili sila bilang mga debotong Katoliko, ang kanilang pagtanggap, suporta at pagmamahal ang nagpatuloy sa akin. Sa aking kasintahan naman, siya ay nagulat sa pagkakatanggap ng text message mula sa akin ilang minuto matapos ang aking pagyakap sa Islam. Hindi niya inaasahang makatanggap ng ganoong balita mula sa akin.
Ang aking pagyakap patungo sa Islam ay bunsod ng naganap na malaking tsunami. Itinuturing ko ito bilang simbolo ng paghugas at paglinis sa akin ng Allah mula sa aking mga kasalanan. Ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako sumuko sa Kanya? Nasaan kaya ako?