Hindi bago ang relihiyong Islam sapagka’t ang Islam (ang pagsuko sa kalooban ng Diyos) ay tanging relihiyon sa paningin
ng Diyos. Sa ganitong kadahilanan, ang Islam ay tunay at likas na relihiyon, at ito ang dating walang hanggang mensahe
na ipinahayag sa pagdaloy ng panahon sa lahat ng Propeta ng Diyos katulad nina Abraham, Noah, Moses, Hesus at
Muhammad (SAS). Silang lahat ay nagturo ng isang magkakatulad na Mensahe: Ang dalisay na Monoteismo.
Hindi nagtatag ng bagong relihiyon si Propeta Muhammad (SAS) katulad ng maling pag-aakala ng marami, bagkus siya ang
pinakahuling Propeta ng Islam. Sa pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang huling mensahe kay Muhammad (SAS), na
sadyang walang-hanggan at para sa lahat ng sangkatauhan, binigyang kaganapan ng Diyos ang kasunduan na Kanyang
ibinigay kay Abraham, na isa sa mga nauna at bantog na Propeta. Sapat nang sabihin na ang panuntunan ng Islam ay siya
ring panuntunan ni Propeta Abraham, sapagka’t kapwa Bibliya at Qur’an ay nagpapakilala kay Abraham bilang isang
matayog na huwaran ng sinumang buong-pusong isinusuko ang sarili sa kalooban ng Diyos, at siya ay tuwirang
sumasamba sa Diyos na walang isinaalang-alang na tagapamagitan. Sa oras na maunawaan ito, magiging maliwanag na
ang Islam ang siyang pandaigdigan at walang hanggang mensahe kaysa sa lahat ng relihiyon, sapagka’t lahat ng Propeta
at Sugo ng Diyos ay mga “Muslim” (sila’y sumusuko sa kalooban ng Diyos), at kanilang itinuro ang “Islam” (pagsunod sa
kalooban ng Makapangyarihang Diyos)