1- Alalahanin! na ang Pananampalataya (Islam) ay para sa Allah lamang, kaya’t nararapat na ang pagyakap (sa Islam) ay alang-alang sa Kanya, at hindi sa anumang pansariling kapakanan o layunin.
2- Kapag natagpuan ng tao ang katotohanan, tungkulin niyang panghawakan ito ng buong puso (at katapatan) at nararapat na ipagtanggol ito, kahit anuman ang magiging kahihinatnan nito, at gayon pa man, nararapat siyang maging matatag (sa anumang pagsubok na kanyang mararanasan) alang-alang sa pagpapanatili ng katotohanan (na kanyang natagpuan).
3- Isang bahagi ng pagtanaw ng utang-na-loob (at pasasalamat) sa Allah, ang Dakila at Makapangyarihan, nang dahil sa pagpapalang ipinagkaloob Niya (sa pamamagitan) ng pagyakap sa Islam, na iyong mahalin (o naisin) para sa kapwa ang anumang minamahal (o ninanais) para sa sarili. Samakatuwid, anyayahan ang iba upang makibahagi sa dakilang pagpapalang ito.
4- Ang Islam ay hindi pag-aari ng sinuman. Ito ay hindi lamang nakalaan para sa mga arabo, kundi sakop nito ang lahat ng uri o angkan ng tao, (at ito) ay hindi (rin) para sa mga mayayaman kundi kabilang din maging ang mga mahihirap. Katotohanan, ito ay isang larangang nakabukas para sa lahat. Sa gayon, ang sinumang mahigpit na tumatangan nito at tumutupad sa mga ipinag-uutos nito ang siyang nakahihigit sa karangalan mula sa kanila sa paningin ng Allah at nakahihigit sa antas ng pag-asa para sa isang dakilang kalagayan sa Araw ng Pagkabuhay muli.
5- Alalahanin! sa pagyakap mo sa Islam, katiyakan na ikaw ay magkakaroon ng bagong mga kapatid sa pananampalataya at maaari din namang ikaw ay makatagpo ng mga kaaway na pinangungunahan ni Satanas. At ikaw ay kanyang (satanas) hahadlangan mula sa Islam o maaaring ilayo ka niya (upang hindi mo mapaunlad ang iyong kaalaman sa pananampalataya) o antigin ang iyong kalooban sa pamamagitan ng pag-uudyok ng iba.
6- Ang Allah ang Siyang tunay na (karamay at) makakatulong sa iyo. Kaya’t alalahanin! na kapag nalalaman ng Allah na ikaw ay tapat sa iyong puso, samakatuwid Siya ang iyong gabay sa mundong ito at sa Huling Araw.
7- Ang Islamikong Pananampalataya ay isang banal na Pamamaraan ng Buhay at isang Saligan. At ang mga muslim na tagasunod nito ay tao lamang, (kaya,) sila ay nagkakamali at nakakagawa ng kawastuhan. Samantala, mayroon sa kanila ang tumatangan nang mahigpit sa Pananampalatayang ito at mayroon din namang nagkukulang sa kanilang tungkulin. Kaya’t sinuman ang nakagawa ng matuwid sa kanila, ito ay bunga ng tamang pang-unawa niya sa katuruan ng Islam at maayos na pagsasakatuparan at pagtalima. Samantala, ang sinumang gumawa ng kasamaan, samakatuwid, ang kanyang kasamaan ay laban sa kanyang sarili. Kaya’t hindi maaaring pasanin ng Islam ang pagkakamali ng isang tagasunod nang dahil sa hindi niya pagsunod o pagtupad ng maayos.
8- Maaaring dahil sa pagyakap mo sa Islam, ay mayroong mga taong lubos na matuwa sa iyo, at ikaw ay kanilang ipagbunyi sa unang pagkakataon, ito’y tanda ng kanilang pagmamahal sa iyo. Subalit, alalahanin! na ang pinakamahalaga ay ang matagpuan (at masilayan) ng Allah ang katapatan sa iyong puso, at maging sa iyong mga gawain at sa iyong pagtataguyod sa relihiyon.
9- Ang Islam ay isang Manhaj (i.e landas na dapat tahakin o sundin) para sa lahat ng aspeto ng buhay. Kaya’t ang Islam ay nag-uutos ng pagdarasal, pag-aayuno, kawanggawa at pagsasagawa ng Hajj, at ito’y nag-uutos din ng (pagkakaroon ng) katapatan sa salita, maging mahabagin sa mga mahihirap at kapus-palad, paggalang sa mga nakatatanda at mahusay na pakikitungo sa kapwa. Gayon din, ito ay nagbabawal ng pag-inom ng alak at pangangalunya, at ito’y nagbabawal din ng pang-aapi, pagkamainggitin at ng lahat ng uri ng masasamang pag-uugali. Sa kabuuan, ipinag-uutos ng Islam ang lahat ng gawang kabutihan at gawang kapaki-pakinabang, at ipinagbabawal naman ang bawat gawaing kasamaan at bagay na nakakapinsala (maging sa salita, gawa o paniniwala).
10- Ang buhay sa mundong ito ay ginawa ng Allah bilang isang pook ng pagsubok at pagsusulit upang bigyan ng kaibahan ang katotohanan sa kasinungalingan at ang kawastuhan sa kamalian. Ganoon din naman, ang Allah ay nagtatakda ng ilang karalitaan (pagdurusa) sa mga nagkakasala upang dalisayin ang kanilang puso at itaas ang kanilang antas. Kaya’t, isa-isip (at laging tandaan) ang katotohanang ito habang ikaw ay nasa unang baitang ng iyong pagiging bagong muslim.
11- Isang tungkulin para sa isang Muslim na siya ay dapat maging matatag, at kanyang ipagmalaki ang kanyang bagong pamamaraan ng buhay. Siya ay hindi lamang tagasunod nito, bagkus dapat niyang ialay (o ibahagi) sa mga tao ang anumang pag-aari niya nang may pagmamalaki. Tunay, na siya ay nagmamay-ari ng isang dakila at dalisay na bagay. Karagdagan pa nito, siya ay dapat ding maging matalino at mahinahon (at mapagpaumanhin) sa pakikitungo sa kapwa.
12- Ang Islamikong Pananampalataya ay hindi lamang isang karaniwang pagbigkas ng Shahadah (ang pagbigkas ng "La ilaaha illallah, Muhammadur Rasoolullah") bagkus ito ay isang banal na Batas (Sharee'ah) na nagsasaayos ng lahat ng aspeto ng buhay ng tao. Ang Islam ay binubuo ng mga Ahkaam (alituntunin na dapat sundin), Aadaab (kagandahang-asal), Ibaadaat (mga gawang pagsamba) at Mu'aamalaat (pakikipag-ugnayan-maging ito ay panglipunan o kalakalan). Kaya’t (isang) pangangailangan ang pag-aaral sa Islam sa paraang magaan at marahan.
13- Sa huli, ang bawat isa ay aming hinihimok na magpatala sa Islamikong Pag-aaral na itinataguyod ng mga Islamic Propagation Office upang matutunan ang mga mahahalagang bagay na nauukol sa inyong Relihiyon (Islam).