Mga Artikulo

Mga Layunin





·       Upang mapawi ang pangamba, sa takot na dulot ng paghahayag ng pagyakap sa Islam at magkaroon ng lakas ng loob sa pakikipag-usap sa mga mahal sa buhay.





·       Upang humimok na alamin ang angkop na paraan sa paghahayag ng balita ng isang yumakap sa Islam sa kanyang mga kaibigan at pamilya.





·       Upang patatagin ang bagong yakap na muslim sa pamamagitan ng ibat-ibang panalangin na hanapin ang tulong ng Allah na pagaanin ang kanyang mga gawain.





Ilan sa mga gawain na kadalasang mahirap para sa mga bagong yakap sa Islam ay ang paghahayag ng balita sa kanyang mga kaibigan at pamilya hinggil sa kanyang bagong pananampalataya. Bagama't maaaring umaapaw sa kaligayahan ang isang tao sa kanyang bagong pakikipagsapalaran, ang pagsisimula, pagpapayaman ng buhay ispiritwal, maaring maging mahirap ang mga gawaing ito,  dahil sa takot sa negatibong resulta bunsod ng pagtanggi ng mga mahal sa buhay. Kinakailangang masiguro na maisakatuparan nila ang mga gawain na may sapat na pag iingat, kung hindi'y makasisira ito ng pinangangalagaang relasyon, magdulot ng  samaan ng loob o hindi pagkaka intindihan.





Ang araling ito ay nagtataglay ng mga praktikal na payo at ilang mga paalala na maaaring makatulong upang maibsan ang pangamba at makatulong sa iyo na harapin ang iyong mga mahal sa buhay ng may kumpiyansa.





Una, binabati kita sa iyong pagyakap sa islam.  Nakasisiguro kang tama ang iyong naging desisyon. Karagdagan, ang katotohanan ng pagkakapatnubay sa iyo sa Islam ay katibayan na mahal ka ng Diyos, ito ang magkakaloob sa iyo ng tulong na matagal mo nang minimithi.  sapagkat, ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at biyaya ng Allah, ay nagsabi:





“Sinuman ang nais gawaran ng Allah ng kabutihan, binibigyan nila Siya ng pag unawa sa pananampalataya.”(al-Bukhari)





Pangalawa, basahin ang sumusunod na mga pagpapayo at isabuhay ang naaayon sa iyong personal na sitwasyon.





Pag aralan ang Sitwasyon


Minsan ang bagong Muslim ay makararamdam ng pagnanais na ipaalam sa lahat ang kanilang pagyakap sa Islam, simula sa kanilang pamilya. Ang ilan ay inaakalang kakayanin nilang tumanggap ng anumang klase ng pagtugon, habang ang iba naman ay inaakalang hindi na ito papansinin pa ng kanilang pamilya, at maaaring hinihimok pa nga sila sa kanilang naging desisyon. Ang katotohanan ay maaaring lubhang maiba. Bagaman maaaring hindi relihiyoso ang ilang miyembro ng pamilya, ang katotohanan na ang kanilang mahal sa buhay ay pinili ang ibang landas kaiba o taliwas sa kanila, o marahil dahil sa takot nila hinggil sa masamang impresyon nila tungkol sa Islam, maaaring iba ang kanilang maging pagtugon. Maaaring maka-apekto ito sa pagunlad ng isang bagong yakap sa Islam, kaya naman, nararapat na pag isipan ng mabuti, mahinahon, at alamin ang sitwasyon ng maayos. Matapos yakapin ang Islam, nararapat na pagtuunan ng pansin ang pag aaral sa mga pangunahing kaalaman sa paniniwala at pagsamba at ang pagbalita ng maaga sa kanyang pagyakap sa Islam, ay maaaring maging mahirap. Sa halip na ang yugto na puno ng kagalakan at inspirasyon, ito ay maaari pang mauwi sa pagtatalo at samaan ng loob.





Ang paghahayag ng pagyakap sa Islam ay hindi kundisyon sa pagiging isang Muslim, at kung nais ng isang tao na i-antala ang pagsasagawa nito hanggang sa tumibay ang kanyang pananampalataya at kaalaman o hanggang sa siya ay maging malaya,  ito ay maaari. Sa kabilang banda, kung nababatid naman na tanggap ng kanilang pamilya ang bago nilang paniniwala mainam na ito ay kanilang ipa-alam dahil mapapadali nito ang pagsasabuhay ng katuruan ng Islam.





Ang halimbawa nito ay ang dakilang Kasamahan ng Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala, Muawiyah ibn Abi Sufyan, na naging Muslim at itinago sa  mga magulang ang kanyang pagyakap. Lantad ang hindi pagsang ayon sa Islam ng kanyang mga magulang, at matapos niya itong magpagtanto, at maunawaan ang kauuwian ng kanyang magiging aksyon, napagpasiyahan niyang huwag na lamang ihayag sa publiko na siya ay isa nang Muslim; sa halip pinili niyang i-antala at ihayag ang kanyang Islam sa tamang pagkakataon. Ang sandaling ito ay dumating noong nasakop ng Propeta ang Mecca. Si Muawiyah at ang kanyang ama kasama na ang iba pa ay tumungo sa Propeta upang ihayag ang kanilang Islam sa harap niya.





Kapag napagpasyahan mo na na ihayag ito, isipin ang mga sumusunod na patnubay.





Hanapin ang Tulong sa pamamagitan ng Pagtitiis at Pagdarasal


Huwag mag alala. Hingiin ang tulong ng Allah sa pamamagitan ng pagdarasal at pagmumuni-muni.  Hayaan mong patnubayan ka Niya sa bawat sandali. Taglay mo ang dalawang regalo mula sa Panginoon: pagtitiis at panalangin upang bigyan ka ng lakas.  Sinabi ng Allah:





“at humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagtitiis at pagdarasal…” (Quran 2:45)





Anumang hirap ang iyong kaharapin ay pawang pagsubok lamang na kung saan ay makapagdaragdag ng iyong pananampalataya at tiwala sa Allah. Matututunan mong manalig at humingi ng tulong mula sa Kanya. Anuman ang kahantungan, dapat nating malaman na sa bandang huli, ito ay makabubuti para sa iyo. Napakaganda ng sinabi ng Propeta:





“Kahanga-hanga ang gawain ng mga mananampalataya!  Lahat ng kanyang mga gawain ay mabubuti, at itong [pagkilala] ay para sa mananampalataya lamang.  Kapag may nangyaring mabuti sa kanya, pinasasalamatan at pinupuri niya ang Diyos, at ito ay mainam sa kanya. Kapag siya ay nagdaraan sa ilang pagsubok, siya ay matiisin, at ito ay mainam sa kanya.” (Muslim)





Hilingin mo sa Allah na pagaanin ang iyong gawain at bigyan ka ng lakas.  Hilingin mo sa Kanya na gawin Niyang katanggap-tanggap sa iyong mga magulang ang iyong balita nang may kagaanan. Hilingin mo sa Kanya na mapanatili mo ang pagiging matatag sa iyong pananampalataya.  Hilingin mo sa Kanya na gawin ka Niyang instrumento sa pagbigay ng patnubay sa kanila. Ang mga sumusunod ay ilang piling panalangin na ipinapayo ng Propeta upang mapalakas ang iyong sarili at iyong pananampalataya.





Panalangin 1


“O Allah, sa iyong habag lamang ako umaasa, kayat huwag mo akong pabayaan sa aking mga gawain kahit na sa isang kisap-mata man lang at ituwid mo ang aking mga gawain.  Walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Iyo.” (Abu Dawood)





Panalangin 2


“Walang karapat-dapat sambahin maliban kay Allah, Ang Pinaka-Maalam, Ang Pinaka-Mapagkalinga. Walang karapat-dapat  na sambahin maliban kay Allah, Panginoon ng Mabunying Trono. Walang karapatdapat sambahin maliban kay Allah, Panginoon ng mga kalangitan, Panginoon ng sanlibutan at Panginoon ng mabunying trono.” (al-Bukhari)





Panalangin 3


Ang Propeta ay nagwika:





“Ang mga puso ng mga anak ni Adan ay magkakabigkis sa pagitan ng mga daliri ng Pinaka Mahabagin, at pinangangasiwaan Niya sila ayon sa Kanyang kagustuhan.” (Ahmed)





Manalangin gaya ng madalas  na ipinagsusumamo ng Sugo ng Allah:





“O Tagapagbago  ng puso, gawin mong matatag  ang aking puso sa Iyong pananampalataya.” (Al-Tirmidhi)





Panalangin 4


Sa sandaling may alinlangan sa iyong pananampalataya:





·       Hingin ang tulong ni Allah.





·      Paalalahanan ang sarili na ikaw ay nasa pananampalataya ni Hesus, Moises, at lahat ng mga Propeta sa pagsasabing, ‘Naniniwala ako kay Allah at sa Kanyang mga Sugo.’[1]





Paniniguro sa Sarili


Huwag mangamba sa hindi pagsang-ayon ng mga mahal sa buhay at hindi kakilala. Ang ilan ay nakararanas ng pagka-demoralisa kapag napupuna; habang ang iba naman ay nakatatamo ng ibayong lakas mula rito.  Nakapagpapabago ng kilos ang Islam, isang bagong pamumuhay na nakapagpapabalik ng kumpiyansa, kasiguruhan, at kaginhawahan. Katotohanang ang Islam ay may kakayahang bumago ng pagkatao tungo sa kabutihan.  Kapag ang pananampalataya ay pumasok sa kaibuturan ng puso, mauunawaan mong hindi kayang tumbasan ng anumang bagay sa mundo ang saglit na pamumuhay taglay ang dakilang biyaya ng Islam. Kaya't maging mapagpatawad at matiisin!





Kausapin ang iyong Pinagkakatiwalaan


Kausapin ang kaibigan mong Muslim na siya mong pinagkakatiwalan, mas mainam iyong may kaalaman at karunungan. Humanap ng mabuting kaibigan na makikita mong nai-sasabuhay ang Islam sa kanyang sarili. Malayo ang mararating ng suporta ng isang nagmamahal na kaibigan.  Tandaan, puso ang nagpapagaling sa kapwa puso!  Huwag magpadala sa iyong emosyon.  Pag usapan ito; walang kapalit ang kalinga at pagmamahal ng kapwa.





Mga Paraan upang Ipabatid sa mga Mahal sa Buhay


Hindi magkakapareho ang mga magulang.  Ang ilan ay malalapit sa kanilang mga anak, ang ilan ay hindi.  Ang pagkakaroon ng watak-watak na pamilya ay halos karaniwan na.  Ang ilang mga magulang ay suportado anumang relihiyon o pamumuhay ang piliin ng kanilang mga anak, habang ang ilan ay maaaring labis na tumututol. Anu't-anuman, marahil ay magandang ideya na ipabatid muna sa kanila na nagbabasa ka ng mga tungkol sa Islam, maaari ring ibahagi sa kanila ang ilan sa iyong nalaman bago ipabatid ang nais sabihin hinggil sa iyong pagyakap, upang hindi nila ito ikagulat. Maghinay-hinay. Sa bandang huli, nasa sa'yo pa rin ang pasya, dahil mas kilala mo ang iyong pamilya. Higit sa lahat, pag aralang  mabuti ang sitwasyon bago gumawa ng anumang hakbang, at huwag magpadalos-dalos





Gaya ng nabanggit kanina, kung kinakailangan, maaaring mong iantala ang iyong pagbabalita sa iyong naging desisyon. Kung kasama mo sa bahay ang iyong pamilya, maaari  kang magdasal kapag hindi ka nila nakikita . Maaari mo rin namang sabihin kung nararamdaman mong sasang-ayunan nila ito.





Kung mag-isa kang namumuhay, marahil mas madali ito, maaari kang makipagkita sa iyong magulang ng harapan mong sabihin sa kanila na ikaw ay Muslim na, tawagan sila, i-email, o padalhan ng liham, Pinakamainam pa rin, kung pag-uusapan ito ng personal, dahil ang ilan sa mga paraan ay maaaring pagsimulan ng hindi pagkaka-unawaan. Kung ang inaalala mo naman ay ang nakaka asiwang pakiramdam dahil sa iyong pagyakap sa pananampalatayang kaiba ng sa kanila, at nahihiya ka na pag usapan ang iyong relihiyon,  maaari mong ikonsidera na padalhan na lamang sila ng liham. Matutulungan ka nitong masabi ang laman ng iyong isipan, bigyan mo sila ng pagkakataong huminahon, marahil ay makatutulong ito upang pareho ninyong maiwasan ang di kanais-nais na pagtatagpo.





Anuman ang mangyari, may pagkakataong magtatagpo rin kayo, at ito ang pag-uusapan sa sususunod na aralin.





Mga Karapatan ng Magulang


Una, Mainam na malaman ang mga karapatan ng iyong mga magulang sa Islam, Sapagkat maging ang mga hindi-Muslim na magulang ay may malaking karapatan sa'yo. Ang Allah ay nagsabi:





“At pinapayuhan Namin ang tao na maging mabuti sa pakikitungo sa kanyang mga magulang” (Quran 46:15)





Bakit mahalaga ang mga magulang?


Ang pagiging mabuti sa mga magulang sa Islam ay itinuturing na pagsunod kay Allah at sa Kanyang Sugo, kaya't may katumbas ito na biyaya sa Kabilang-buhay. Ang paggalang at pagsunod sa kanila ay pagpapakita ng pagpapasalamat sa kanilang mga sakripisyo na ginawa sa pag aalaga nila at pagpapalaki sayo. Ang paggalang at pagkilala sa kanila ay magbubuo ng pagkakaibigan at pagmamahal, na higit na mahalaga lalo na ngayon, dahil maaari nilang maramdaman na tinanggihan mo sila dahil sa iyong bagong pamumuhay. Alalahanin mong ang pagsunod at pagkilala sa iyong mga magulang ay daan upang makapasok sa Paraiso, at ang pagtrato sa iyong mga magulang ng maayos ay siyang magiging dahilan ng maayos rin na pagtrato sa iyo ng iyong mga anak, ipagkaloob nawa ng Diyos.





Paano ka magiging mabuti sa kanila? Sundin sila, igalang sila, huwag silang pagtataasan ng boses, ngumiti, magpakumbaba, huwag mong ipakita na hindi mo sila nagugustuhan, paglingkuran sila, tuparin ang kanilang mga kahilingan, sumangguni sa kanila, pakinggan ang kanilang mga sinasabi, at huwag maging matigas ang ulo.  Karagdagan, pasyalan sila, maglaan ng oras sa kanila, bigyan sila ng regalo, pasalamatan sila sa pagpapalaki sayo at pagtrato sayo ng maayos noong ikaw ay bata pa. Higit sa lahat, ipagdasal na sila ay patnubayan din.





Gayunpaman, mayroong hangganan ang pagsunod sa kanila. Ang Allah ay nagsabi:





“Subalit kapag pinilit ka nila na magtambal sa pagsamba sa Akin, huwag mo silang sundin; magkagayunpaman ay pakitunguhan mo sila nang mabuti dito sa mundo.” (Quran 31:14-15)





Hindi dapat sundin ang mga Magulang na nag uutos nang pagsuway kay Allah o sa kanyang Sugo at labagin ang mga Islamikong katuruan. Kung nahaharap sa sitwasyon na kung saan ay maaari kang mapabilang sa anumang hindi pinapahintulutan sa Islam, subukang umiwas dito. Kung sila ay naghain ng hamon para sa hapunan, sabihin mo hindi mo nais kumain. Sa lahat ng pagkakataon, subukan na hanggat maaari ay wag silang masaktan.





Kapag dumating ang panahon na sa palagay mo, maaari mo na silang kausapin tungkol sa iyong pagyakap sa Islam, mag hanap ka ng (bagay) na  ipagpapasalamat mo sa kanila, lalo na mula sa mga alaala ng nakalipas na. Sabihin mo sa kanila ang iyong kakulitan noong bata ka pa, at kung gaano mo inaalala ang mga naging abala mo sa kanila. Ipaliwanag mo nang malinaw kung bakit mo pinili ang Islam. Ipaalam mo sa kanila na mananatiling buo ang inyong ugnayan bilang pamilya.





Maging maingat na huwag mauwi sa pagtatalo ang usapin ng relihiyon, 'relihiyon ko at iyong relihiyon' sa mga magulang o kahit kaninuman. Kung 'husgahan' o insultuhin ka, o magpahayag ng mga pananalitang 'laban sa Islam', iwasang masaktan o makaramdam ng pagkapahiya hinggil sa iyong desisyon na maging Muslim. Alalahanin ang 'gantimpala’ ng pagtitiis/pagtitimpi at hayaan na lamang. Humugot ng lakas mula sa mga panalanginng nabanggit sa itaas.





Sakaling magpakita ng pagkabahala o takot,  paliwanagan sila kung ano ang alam mo tungkol sa Islam. Humingi ng paumanhin kung may mga katanungan sila na hindi mo pa masagot. Alalahanin mo na nagsisimula ka pa lamang matutunan ang iyong pananampalataya. Huwag mong subukang ‘himukin’ sila o patunayang tama ka at mali sila. Hanggat maaari ay subukan mong maalis ang anumang takot na mayroon sila tungkol sa Islam o sa iyong pagyakap sa Islam. Mas mabuti na bago matapos ang inyong pag uusap ay maipaalam mo na mahal mo sila at ipagdadasal mo sila. Maaari  mo din silang bigyan ng munting regalo bilang pasasalamat sa kanilang pakikinig at bilang halimbawa na rin ng kabutihang-loob ng isang Muslim, alin man sa mga ito maaaring makapag bunsod sa kanila na pag isipan ang pagyakap sa Islam. Ang pakikitungo sa kanila sa pinakamainam na pag-uugali ay magpaparamdam  sa kanila na ikaw ay mabuting kaibigan, at ikaw ay totoo at tapat sa paghahangad ng mabuti sa kanila.





Tandaan na ang pagbabago ay nangyayari ng paunti-unti. Maaari na manatiling walang epekto sa iba, habang karamihan ay manunumbalik sa dati ang inyong ugnayan, dahil sa bakas na naidulot ng iyong pagyakap. Ang ilan, sa pamamagitan ng banal na patnubay, ay sasama sa iyo. Ang iyong pakikipag-ugnayan ay magbabago sa paglipas ng panahon. ito ay nasa saiyo. Mas matimbang ang gawa kaysa ngawa (salita). Hayaan mong makita nila ang positibong pananaw, pagsusumikap, at masayang pagtanggap sa ugnayan ninyo sa isa't-isa. Narito ang isang magandang kuwento mula sa isa sa mga Kasamahan ni Propeta Muhammad. Si Abu Hurayrah ay nagsabi:





“Madalas kong himukin ang aking ina sa Islam, noong siya ay isa pang pagano. Isang araw, inanyayahan ko siya sa Islam ngunit nagsalita siya tungkol sa Sugo ng Allah na nakapagpasama ng loob ko. Nagtungo ako sa Sugo ng Allah, umiiyak, at sinabi: ‘O Sugo ni Allah, inaanyayahan ko ang aking ina sa Islam subalit siya ay tumanggi. Ngayong araw ay inimbitahan ko siya ngunit siya ay nagbanggit ng tungkol sa iyo na hindi ko ikinatuwa. Ipanalangin mo sa Allah na patnubayan ang ina ni Abu Hurayrah.’ Kayat ang Sugo ay nagwika: “O Allah, patnubayan mo ang ina ni Abu Hurayrah.”





Umalis ako, dama ang pag asa dahil sa panalangin ng Sugo. Pagdating ko sa bahay, habang papalapit sa pintuan ay nakita ko itong nakabukas. Narinig ng aking ina ang aking mga yabag at nagsabi, ‘Manatili ka sa iyong kinalalagyan, Abu Hurayrah!’ dinig ko ang lagaslas ng tubig. Nilinis niya ang kanyang sarili, nagbihis at naglagay ng talukbong. Pagkatapos ay binuksan ang pintuan at sinabi, ‘O Abu Hurayrah, Ako ay sumasaksi na walang ibang Diyos maliban kay Allah, at Ako ay sumasaksi na si Muhammad ay  Kanyang alipin at Sugo.'





Bumalik ako sa Sugo ng Allah, umiiyak sa galak, at nagsabi, ‘O Sugo ni Allah, magandang balita! Pinakinggan ng Allah ang iyong panalangin at pinatnubayan ang ina ni Abu Hurayrah.’ Pinapurihan at Pinasalamatan niya ang Allah, at nagsabi, ‘Mabuti.’ Sabi ko, ‘O Sugo ng Allah, ipinalangin mo sa Allah na ang aking ina at ako ay mapamahal sa Kanyang mga mananampalataya na alipin, at mapamahal din sila sa amin.’ Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, ‘O Allah, gawin Mo ang iyong alipin na ito at ang kanyang ina na maging kamahal-mahal sa Iyong mga mananampalatayang alipin, at gawin Mo rin ang mga mananampalataya na kamahal-mahal sa kanila.’ Walang sinumang mananampalataya na nakarinig o nakakita sa akin, na hindi ako minamahal.” (Saheeh Al-Bukhari)





Ilan pang mga Ahadeeth


Magtatapos ako sa ilang magagandang salaysay ng Propeta na magbibigay sa iyo ng lakas ng loob upang maging matibay sa pananalig na harapin ang mga totoong hamon ng buhay.





Ginamit ng Propeta ang Paraiso upang himukin ang kanyang mga Kasamahan na maging matatag. Minsan ay napadaan ang Sugo ni Allah kina Yaasir, kanyang asawa at ‘Ammar, na kanyang anak, habang sila ay pinahihirapan ng mga pagano sa Makkah at nagsabi:





“Magtiis, pamilya ni Yaasir, magtiis, pamilya ni Yaasir, sapagkat ang inyong patutunguhan ay Paraiso.” (al-Hakim)





Ang Sugo ni Allah, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ni Allah, ay nagsabi:





“Ang mundong ito kumpara sa Susunod na Mundo ay katulad ng paglalagay ng iyong  daliri sa dagat at makikita kung ano  babalik  kasama dito.” (Saheeh Muslim)





Binabanggit ng Propeta madalas:





“O Allah, walang buhay maliban sa kabilang buhay.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)





Ang Sugo ng Allah ay nagsabi:





“Isa sa mga tao sa Impyierno na siyang pinakamayamang tao sa mundong ito ay dadalhin doon sa Araw ng Paghuhukom, Ilulublob ng isang beses at tatanungin, ‘Anak ni Adam! Nakaranas ka ba ng kahit anong ginhawa? Nakaramdam ka ba ng kahit anong biyaya?’ Siya ay magsasabi, ‘Sumpa man sa Allah, hindi, aking Panginoon.’ Isa rin sa mga tao sa Paraiso na siyang pinaka- miserable sa mundong ito ay dadalhin doon at ilulublob ng isang beses (Paraiso) at saka magtatanong, ‘Anak ni Adam! Nakaranas ka ba ng anumang kahirapan? Sumailalim ka ba sa anumang pagdurusa?’ Siya ay magsasabi ‘Sumpa man sa Allah, hindi, kailanman ay hindi ako nakaranas ng kahirapan at hindi rin ako kailanman sumailalim sa anumang pagdurusa” (Saheeh Muslim)





 Bahagi ng pagsasabuhay sa Islam ay ang pakikisalamuha sa kumunidad ng mga mananampalataya sa magkakasamang pagsamba. Katulad rin ng ibang kumunidad na may kinalaman sa pananampalataya, mayroon itong mga katangian, may mga mabubuti at may mga masasama.  Ang layunin ng pag aaral na ito ay matulungan ka sa proseso ng pakikibagay o pakikihalubilo at tuluyang maging bahagi ng kumunidad ng mga Muslim.





Una sa lahat, bago ka makipagkita sa mga Muslim, dapat mong tandaan na ang Islam ay perpekto, habang ang mga Muslim ay hindi.  Sila ay tao rin lang. Makatatagpo ka ng ilang Muslim na madaling pakisamahan at magiging iyong kaibigan, habang iiwasan mo naman ang iba dahil sa kanilang pagiging manhid at pala-away. Hindi mo kailangang maging matalik na kaibigan ang lahat ng Muslim na iyong makakasalamuha, kahit na sila pa ay relihiyoso. Ang mga Muslim ay magkakaiba sa antas ng edukasyon, kaalaman at pagsasabuhay ng Islam, kulturang pinanghahawakan, at panlipunang paniniwala. Kabilang sa kanila ay ang mga banal at mga kriminal. palaboy at milyonaryo, duktor at tsuper, racists at drug addicts. Marami kang malalaman sa mga katuruan ng Islam, ngunit makakakita ka ng kapwa mo Muslim na lumalabag dito. Hindi magkakapareho ang lahat ng mga Muslim. Hindi sila perpekto.  Simpleng punto ito na dapat tandaan. Piliin bilang kaibigan ang mga relihiyosong Muslim, yaong aktibong sinusunod ang mga alituntunin ng pananampalataya, at sila na madaling pakisamahan.





Pangalawa, karamihan sa mga mosque at mga komunidad ay magkakasama anuman ang antas ng pamumuhay at  lahing kinabibilangan, ngunit mayroon din namang ibang mga lugar na may mga etnikong grupo ang nakararami, gaya ng Africano, Indiano, Pakistani, Bengali, Bosnian, o Arabo.  Ang ilan ay maaaring binuo upang matugunan ang pangangailangan ng mga etnikong komunidad, o ilan pang kadahilanang pangkultura sa halip  na pangrelihiyon. Ang mga pamantasan at mosqueng pang kolehiyo ay sadyang para sa pagsasamasama ng lahat.  Dahil na rin sa kawalan ng ugnayan sa pagitan ng mga etnikong grupo, kapansin-pansin ang pagkakaroon ng stereotype sa pagitan ng mga miyembro ng ibat-ibang lahi, tulad ng mga Mapuputi, Arabo, Maiitim, Asyano, o mga Latino.  Karamihan sa mga stereotypical na mga opinyon ay nabuo sa ibat-ibang mga kadahilanan, kabilang sa mga ito ay TV, pelikula.  Karagdagan, ang mga migranteng Muslim ay mula sa ibat-ibang mga kultura na maaaring hindi magkaunawaan o maiangkop ang sarili sa mga Muslim ng ibang mga bansa, o yaong tinatawag na mga bagong Muslim.





Pangatlo, ang mga bagong Muslim ay maaaring magkaroon ng makatwiran at hindi makatwirang pagtingin sa mga bagay.  Ang ilan ay idinadaing ang pagiging hiwalay nila sa lipunan, o kawalan ng programa para sa maayos na edukasyon sa mga bagong yakap sa pananampalataya. Ang ilan, na may suliraning pinansiyal, ay umaasa sa tulong mula sa kumunidad ng mga Muslim, isang pangangailangang kadalasan ay mahirap tugunan.  Magandang ideya ang humanap ng pamilyang “mag-aampon” sa mga bagong Muslim at tutulong sa kanilang lumago at makabuo ng pagsasamahan. Subukang sumali sa ibat-ibang mga gawaing panlipunan, tumanggap ng mga imbitasyon, at mag imbita rin naman ng iba.  Sa mga pagtitipon, maging handa sa paulit-ulit na pagkukwento ng iyong pagsaksi o pagyakap! Kapag tinanong ng hindi kanais-nais, sabihin na hindi mo nais pag usapan iyon. Maraming mga Muslim ang walang karanasan sa pakikitungo sa mga bagong Muslim, kayat maaaring hindi sila sensitibo sa ilang mga isyu o katanungan.





Pang-apat, may mga pagkakataon na pangangaralan ka sa mga bagay na may kinalaman sa paniniwala at pamumuhay Islamiko, tama man ito o mali sa Islamikong katuruan.  Dapat mong maunawaan na hindi lahat ng Muslim ay bihasa sa Islamikong batas o doktrina.  Ang pagiging Arabo ay hindi agarang makakagarantiya sa isang tao upang ipaliwanang ang kahulugan ng Quran. Karamihan sa mga Muslim ay hindi sumailalim sa pormal na pag aaral at isinagawa lamang ang Islam ayon sa kung ano ang itinuro at nakalakihan na lamang nilang aral buhat sa nakatatanda nilang kaanak. Maraming mga Muslim na ang gawa ay naimpluwensiyahan ng kultura, at kadalasa'y sumasalungat sa totoong katuruan ng pananampalataya.  Ilang mga Muslim din ang hindi batid ang impluwensiya sa kanila ng ilang sekta na itinuturing na erehe o sumasalungat sa katotohanan, o ang higit na masama nito, ang ilan sa kanila ay mismong kabilang dito. Maaaring malito ka sa napakaraming mga opinyon na iyong naririnig. Sa tamang panahon at kaalaman, makikilala mo rin ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang ito. Mas magiging madali para sa iyo kung iiwasan mo na lamang, pansamantala, ang payo ng mga taong bigong magpakita ng anumang katibayan.  Ang lahat ng mga paniniwala at gawain sa Islam ay dapat magmumula sa Quran o sa isang kompirmado na Sunnah ng Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah.  Karagdagan, sumangguni sa ilang mga kilalang websites at mapagkakatiwalang pantas o mga taong may kaalaman. Pagbabasa, Pakikipagusap, at pagdarasal ang makatutulong sa iyo upang matuto, lumago, at maging mature. Sa madaling salita, maging maingat sa mga taong may mabuting intensiyon subalit kakaunti ang kaalaman.





Pang-lima, huwag panghinaan ng loob sa mga Muslim na masyadong agresibo sa pakikitungo sa iyo. May mga taong maaaring subukan na turuan ka ng lahat ng kanyang nalalaman sa loob lamang ng ilang sandali. Kahit papaano ay alam nila na mayroon silang tungkulin na ipabatid sa iyo ang sa tingin nila ay pinaka importanteng ‘haram’ (ipinagbabawal na gawa) na kailangan mong iwasan sa buhay. Kulang sila ng dunong, pagtitiis, at marahil kaalaman. Huwag mong pigilan ang iyong sarili. Humanap ng guro na makakapalagayan mo ng loob.





Pang-anim, maraming mga bago, walang pang asawa na mga kababaihang Muslim ang nakararanas ng matinding paghihimok upang mag asawa. Walang pag aalinlangan na ang pag aasawa ay mahalaga sa Islamikong buhay, subalit hayaan muna ang iyong sarili na maka-ayon sa bago mong pananampalataya, at matutunan ang tamang asal sa Islamikog pamumuhay at pag aasawa. Ang paghahanap ng kapareha, mananampalatayang kabiyak ay mainam sapagkat makakatulong ito sa  isang bagong Muslim sa pag aaral at pagsasabuhay ng Islam, ngunit hindi dapat magmadali sa pag aasawa at sa huli ay mauuwi sa hiwalayan!





Pang-pito, tungkol sa Internet: Mayroong mga magagandang sites, mga sites na kapaki-pakinabang sa iyo, ngunit maraming mga sites ay sisira sa iyong pag-uugali, pananalapi at  ideyolohiya. Makatatagpo ka  ng mga mahuhusay na mapagkukunan ng kaalaman sa pag aaral sa Islam online, ngunit lubhang madali rin na mailigaw ng maling impormasyon. Ang Internet ay may kanyang sapat na bahagi na hindi ligtas sa mga 'pseudo-experts' (mga nagdudunong dunungan na wala namang alam)  na may malawak na oras. Maraming email groups at chat rooms ang naglilingkod sa karamihan gamit ang magkaka-halong mabuti at masamang impormasyon. Maraming mga bagong Muslim ang natutukso sa cyber dating upang maghanap ng mapapangasawa. May mga ulat ang ilan hinggil sa kanilang galit at kabiguan matapos magkaroon ng masasamang karanasan online. Ang malaking problema para sa mga bagong Muslim ay kung paano makilala ang mapagkakatiwalaang sites. Ang pinaka mainam na payo tungkol sa internet ay alamin muna kung kanino ka kumukuha ng impormasyon at sumangguni sa internet ng may pag iingat.





Ang pamilya ay isa sa mga sentral na institusyon sa lipunan. Sa Islam ang pamilya ay itinayo sa pamamagitan ng kasal. Ang kasal ay isang legal na pagsasaayos sa Islam, hindi isang sakramento tulad ng sa Kristiyanismo, at pinagtibay ng isang kasulatan. Ang pag-aasawa ay tungkol sa katatagan, katapatan, seguridad, at karampatang gulang. Ang buhay mag-asawa ay tanda ng awa, pagmamahal, at habag tulad ng sinabi ng Allah: (ayon sa salin ng kahulugan)





“ At inilagay Niya sa inyong  mag-asawa ang pag-ibig at awa sa isa't isa." (Quran 30:21)





Ang sentrong damdamin ng buhay-pamilya na nagpapaliwanag sa likas  at kahulugan ng institusyong ito ng lipunan ay pagmamahal, pangangalaga, at pagiging maasahan kung saan makakakita ng pagkalinga ng mag-asawa sa isa't-isa:





"Siya ang lumikha sa inyo mula sa isang kaluluwa at mula sa kanya ay nilikha ang kanyang asawa upang madama niya ang kaginhawaan at kapanatagan" (Quran 7:189) (ayon sa salin ng kahulugan)





“Kayo ay tulad ng damit para sa kanila, at sila ay tulad ng damit para sa inyo.” (Quran 2:187) (ayon sa salin ng kahulugan)





Ang Layunin ng Pagpapakasal


1.    Ang sekswal na pakiramdam ay normal na emosyon ng tao. Ang Islam ay hindi ito tinututulan o tinitingnan  na may panghahamak. Nagbibigay-daan ito na matugunan ang sekswal na pangangailangan na hindi sinisira ang responsibilidad na pang-lipunan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng sekswal sa loob ng kasal.





2.    Ang taong mag-isa ay masyadong mahina para magpatuloy sa kanyang buhay ng mag-isa. Ang katuwang sa buhay sa katauhan ng isang asawa ay kahati sa saya at mga problema sa buhay. Ang kasal ay nagbibigay  ng  sosyal  na   suporta   na kinakailanagan ng isang tao sa lipunan. Ang kasal ay nagbibigay kahulugan  at nagtatakda   ng  sarili,  taimtim  na pakikipagrelasyon laban sa likod ng senaryo   sa  walang pasubaling  byurukrarasiya  ng makabagong sosyudad.





3.    Ang pamilya ay patungkol sa pagpapatuloy at pagpaparami.  Ang pag-aasawa ay may tungkulin sa pagpapalaki ng susunod na henerasyon at pagpapasa sa kanila ng kahalagahan at karunungan ng nagdaang henerasyon.





4.    Iniingatan ng kasal ang angkan, isinasaayos ang pagpaparami at nakakasegurado  sa pakikisalamuha   ng mga batang ipinanganak sa isang pamilya. Sa Islam, hindi lamang ang ina ang responsable sa pagpapalaki ng mga anak, ang ama ang pinaka-responsable para sa kanila. Bawat bata ay dapat na isunod sa pangalan ng kanyang ama, para hindi magkahalo-halo ang mga lahi dahil sa kawalan ng ayos ng mga ugnayan sa lipunan. Sa pamamagitan ng kasal, ang mga tao ay napagsasama at nabibigyan ng panlipunan at legal na kapahintulutan na ipagpatuloy ang kanilang pangalan at tradisyon sa kanilang mga anak.





Kasal sa Pagitan ng May Magkaibang Paniniwala


Ang paniniwala ay ang pinaka-mahalagang pagkakapareho para sa isang  Muslim sa pagpili ng mapapangasawa. Ang mga Muslim ay hindi maaaring magpakasal sa isang hindi Muslim. Ang tanging iksemsyon ay ang isang lalaking Muslim ay maaring magpakasal sa isang Hudyo o Kristiyanong babae sa ilang kondisyon. Sila ay hindi maaaring ikasal sa iba pang babaeng di  Muslim liban na lang sa mga Hudyo at Kristiyano. Magka gayunpaman, ang kalinisang-puri ay isa sa mahalagang kondisyon. Ang isang babae na birhen, hiwalay sa asawa, o biyuda lamang ang maaring pakasalan. 





Ang dahilan sa limitasyon ng pahintulot na pakasalan ang mga taong mula sa ibang paniniwala ay ibinigay sa lalaki ito ay  sa kadalhilanan na kailangang maprotektahan ang paniniwala ng  mga kababaihang Muslim.  Kung hingiin ng isang lalaking muslim sa kanyang asawa na huwag magsuot ng mga kasuotang hindi nararapat o huwag makipag-beso sa kanyang mga kaibigang lalaki - na siyang nakasanayan sa Kanluran - maari niya itong sundin na hindi naapektuhan ang katuruan ng kanyang paniniwala. Ngunit ang hiling ng isang kristiyanong lalaki sa kanyang asawa na bumili ng alak, silbihan siya ng baboy, magsuot ng mga kasuotang nagpapakita ng laman, o humalik sa kanyang mga kaibigan ay napapaloob sa pagsuway sa Allah, samakatuwid magiging kasiraan sa kanyang pagsasabuhay ng kanyang paniniwala. Bukod pa rito,  hindi kanaisnais sa isang lalaking Muslim na magpakasal sa isang Hudyo o Kristiyano kung ang uri ng pang-gobyerno ay hindi Muslim at kokonti lamang ang mga Muslim. Kung ang kanilang kasal ay mauwi sa paghihiwalay, o ang asawang lalaki ay bawian ng buhay, kadalasang ibinibigay ng husgado ang kustodiya ng mga anak sa ina na siyang magpapalaki sa kanila bilang hindi mga Muslim. 





Mga Karapatan ng Asawa


Malinaw na nagtakda ang Islam ng mga karapatan at responsibilidad sa bawat isa upang mapanatili ang pagsasama ng mag-asawa. Ang katotohanang ito ay binanggit sa Quran:





“At sila (ang kababaihan) ay mayroong karapatan (sa kanilang asawa na sila ay pangalagaan, katulad ng gastusin sa bahay, atbp.), gayundin naman (ang kalalakihan) sa kanilang (mga babae) pakikitungo (pagsunod at paggalang), sa paraang makatuwiran, datapuwa’t ang kalalakihan ay nakakahigit sa kanila (sa pananagutan)...” (Quran 2:228) (ayon sa salin ng kahulugan)





Sa kabuuhan, ang asawang lalaki ay may higit na karapatan kaysa sa kanilang mga asawa dahil sa kanilang papel sa pamilya, tulad ng ang magulang ay mas may karapatan kaysa sa kanyang mga anak, ang pinuno ay mas may karapatan kaysa sa nakararami, at iba pa. Ang asawang lalaki ang responsableng pamunuan ang pamilya.





Gayun paman, ang pamumuno ay base sa kung ano ang mapagkakasunduan, hindi sa kung ano ang idinikta. Ang pagpapaalam ng mga usaping pang-pamilya - sa paglutas sa bata mula sa pagsuso - hinihikayat sa Quran na ito'y pagkasunduan: 





“Kung sila ay kapwa nagpasya sa pag-awat (sa pagpapasuso) sa kanya, sa magkapanabay na pahintulot, ito ay hindi kasalanan sa kanilang dalawa.” (Quran 2:233) (ayon sa salin ng kahulugan)





Hinihikayat ng Quran ang mag-asawa na mamuhay na may kabutihang-loob at kumonsulta sa isa't-isa: 





“At komunsulta kayo sa isa't-isa sa kabutihan.”


 (Quran 65:4) (ayon sa salin ng kahulugan)








Sa madaling salita, ang karapatan ng asawang babae sa kanyang asawang lalaki ay:





(1) Mahr o ang regalo ng lalaki sa kanyang pinapakasalan na ibinibigay sa kasal.





(2) Sustentong pinansyal, kasama ang tirahan, pagkain, damit, at pag-ukulan siya ng kung ano ang katanggap-tanggap.





(3) Magandang pag-uugali at kabutihan.





(4) Pakikipagtalik





(5) Diborsyo: Ang isang babae ay maaaring humingi ng diborsyo sa kanyang asawa na iginigiit ang pagsuway sa Allah. Ang asawang babae ay maaari ding humingi ng diborsyo dahil sa malupit na pag-uugali at pisikal na pang-aabuso, o hindi pagtupad sa kanyang mga karapatan, o anumang makatwirang dahilan.








Ang karapatan ng asawang lalaki sa kanyang asawa ay:





(1)  Pagiging masunurin.  Ang isang lalaki ay may karapatan sa kanyang asawa na siya ay kanyang sundin sa anumang kanyang naisin hanggat ito ay naayon sa kanyang kakayahan, at hindi naglalaman ng pagsuway sa Allah. Ngunit ang isang Muslim ay hindi maaring sumunod kaninuman sa paggawa ng kasalanan, kahit pa kanyang asawa.





(2)  Ang asawang lalaki ay may karapatan sa magandang pag-uugali at kabutihan.





(3)  Pakikipagtalik.





(4) Diborsyo.





Karapatan ng Mga Bata


Ang pagpapakasal ay tumutulong na mapagtibay ang isang pamilya kung saan ang mga bata ay maaalagaan at mapapalaki na maging kapakipakinabang sa lipunan. Ang mga pamilya ay ang tamang kapaligiran para ang mga bata ay maalagaan at mapalaki. Ang mga magulang ay maasahan na makapagbigay ng pangmatagalang pag-aaruga para sa mga batang nakasalalay sa kanila dahil sa dalawang kinakailangan na pagmamahal at obligasyon. Ang pagkakaroon ng anak ay itinuturing na biyaya ng Allah, isang 'tanda' mula sa Kanya na dapat nating ipagpasalamat:





"At nilikha ng Allah mula sa inyong lahi ang inyong mga asawa; at nilikha ng Allâh mula sa inyong mga asawa ang inyong mga sanggol at mula rin sa kanila ang inyong mga inapo, at pinagkalooban kayo ng mga masasarap na mga pagkain (mula sa mga bunga at mga butil at mga karne at iba pa). Kung gayon, sa mga walang kabuluhan ba na mga diyos-diyosan na itinatambal nila sila ay naniniwala, at ang mga biyaya ba ng Allâh na hindi mabilang-bilang ay kanilang itatanggi?" (Quran 16:72) (salin ng kahulugan)





Ang kayamanan at mga anak ay ilan sa mga 'palamuti' sa buhay na ito:





“Ang mga kayamanan at ang mga anak ay palamuti at kapangyarihan dito sa buhay sa daigdig.”


(Quran 18:46) (salin ng kahulugan)





Si Abraham, ang minamahal na alipin ng Diyos ay nanalangin sa Allah para sa mga supling:





“Panginoon ko, pagkalooban Mo ako (ng supling) na kabilang sa mga matutuwid.” (Quran 37:100) (salin ng kahulugan)





Si Zakariyah ay nanalangin:





“Ipagkaloob Mo sa akin, mula sa Iyong pagpapala, ang biyaya ng isang anak na magiging kahalili.” (Quran 19:5) (salin ng kahulugan)





Isinasalaysay sa atin ng Qur'an ang panalangin ng mga matutuwid: 





“Panginoon namin! Pagkalooban Mo kami ng  mga asawa at mga anak  na magbibigay  kapanatagan at kasiyahan  sa  aming mga mata.” (Quran 25:74) (salin ng kahulugan)





Kaya naman, ang mga anak ay produkto ng pag-aasawa at ang pagkakaroon ng anak ay isang pangunahing layunin ng pagpapakasal ng mga Muslim. Ang mga anak ay may mga tiyak na karapatan sa kanilang mga magulang. Una, ang bata ay dapat kilalanin na mula sa kanyang ama. Ang isang ama ay hindi maaaring itanggi ang kanyang anak. Pangalawa, ang ina ay dapat na magpasuso sa kanyang anak. Kung hindi niya kaya, ang ama ay dapat na kumuha ng tagapasuso o ibang  alternatibo tulad ng pagpapainom ng gatas mula sa bote. Pangatlo, ang sanggol ay may karapatan sa kanyang ina na siya ay alagaan nito. Ang parehong magulang ay responsable sa edukasyon, patnubay patungkol sa relihiyon, at pagbabahagi ng magandang asal sa mga bata. Pang-apat, ang bata ay may karapatan na patas tulad sa iba pang mga anak. Pang-lima, ang bata ay may karapatan na mabigyan ng magandang pangalan.





Pagwawakas ng Kasal


Ang kapwa asawang lalaki at asawang babae ay hinihikayat na pakitunguhan ang isa't-isa ng mabuti at ibigay ang karapatan ng bawat isa para maiwasan ang hindi pagkakasundo at ipalaganap ang pagmamahal at pagsinta sa puso ng bawat isa. Dapat na sila'y magpasensya sa isa't-isa para mapreserba ang kanilang pagsasama: 





“kayo ay mamuhay sa kanilang piling ng may dangal. At kung sila ay inyong kasuyaan ay pagpasensyahan ninyo dahil maaaring ang bagay na ayaw ninyo ay siyang ginawa ng Allah na makapagdudulot sa inyo ng maraming kabutihan.” (Quran 4:19) (salin ng kahulugan)





Ang kasal ay sinadya para magtagal habang-buhay. Walang konsepto ng 'panandaliang-kasal' sa Islam. Ang basehan ng mahaba at nagtatagal na pagsasama ay ang pagsuyo at pagkakabagay ng mag-asawa na kung wala ang mga ito ay magiging imposible. Kaya naman ang Islam ay humihikayat sa mag-asawa na maging mabuti at maging madaling makibagay, at sikapin na resolbahin ang kanilang pagkakaiba sa pamamagitan ng pagkakasundo ng pamilya.  Ang mga makabagong mag-asawa ay laging malapit sa paghihiwalay dahil sa magkaibang personalidad o di kaya'y pakikitungo sa trabaho na nagbibigay kahinaan dito. Kung sakaling ang lahat ng mga hakbang upang i-salba ang isang kasal ay hindi magtagumpay, at ang pagmamahal ay napalitan ng permanenteng pagkapoot na sanhi na di na maisaayos pa ang pagsasama, pinahintulutan ng Islam ang paghihiwalay bilang huling solusyon. Ang mag-asawa ay pinahintulutan na magkanya-kanya at humanap ng mas mainam at ikasisiya nilang solusyon. Ang paghihiwalay ay nagaganap sa pamamagitan ng talaq or khul’.





Ang Talaq ay ang mas kilala bilang 'diborsyo'. Ang diborsyo sa Islam ay iba sa pangkaraniwang diborsyo-sibil. Ito ay may dalawang uri, nababawi at hindi nababawi. Ang diborsyo ay dapat na ideklara ng isang beses matapos linisin ng isang babae ang kanyang sarili mula sa isang buwanang dalaw sa hindi pa muling naipagpapatuloy ang relasyong sekswal sa kanya. Sa panahong ito binibigkas ng lalaki ang diborsyo sa isang beses na pagsasabi ng, 'Dinidiborsyo kita.' Matapos ang hiwalayan, ang 'panahon ng paghihintay' - 'Idda - ay iniatas kung saan ang asawang lalaki ay maaring pag-isipan ang kanyang desisyon, bawiin ang pakikipag-diborsyo, at 'ipagpatuloy' ang kanilang pagsasama. Ang pagiging malayo mula sa kanyang asawang babae ay maaring mag panumbalik ng mga alaala ng kanilang pagsasama at himukin siyang isaalang-alang ang mga ito. Gayundin, ang pagkakasundo ng parehong pamilya ay ipinapayo rin para maresolba ang ugat ng di pagkakaunawaan sa pagsasama. 





“ At kung kayo ay nangangamba na may hidwaan na namamagitan sa  kanilang (mag-asawa), kayo ay magtalaga ng (dalawang) tagapamagitan; isa mula sa pamilya (ng lalaki) at ang isa ay mula sa pamilya (ng babae); kung ninanais nila na ituwid ang mga bagay-bagay (o pangyayari.” (Quran 4:35)





Sa loob ng 'panahon ng paghihintay' ('idda) ang asawang lalaki ay maaring ipagpatuloy ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pagbawi ng diborsyo, ngunit matapos ang 'panahon ng paghihintay' ('idda) mawawala na ang kanyang karapatan na bawiin pa ang diborsyo, na kung gusto niya ng balikan ay kailangan na uling magpakasal, magbigay ng 'regalo sa asawang babae; at pagsang-ayon ng babae para muling magpakasal.





Khul’a


Ang isang babae ay may karapatan na humingi ng diborsyo dahil sa pagmamaltrato o kakulangan ng suportang pinansyal, at sa sistema ng Islam, maari siyang magtungo sa isang husgadong Muslim na maaring sila ay mapaghiwalay. Ang Khul’a ay ang paghingi ng babae ng diborsyo mula sa kanyang asawa kapalit ng pagbabalik ng 'mahr' sa lalaki. 





‘Panahon ng Paghihintay’ - 'Idda


Si Propeta Muhammad, ang habag at pagpapala ng Allah ay mapasakanya, itinuring ang diborsyo bilang pinaka-masamang solusyon,  na dapat iwasan hanggat maari. Kung may maghihiwalay, ang proseso ay dapat idaan sa "panahon ng paghihintay" na tinatawag na 'Idda. Ito ay para makasigurado na ang babae ay hindi nagdadalang-tao, nagbibigay pagkakataon sa lalaki na pag-isipan ang kanyang desisyon, para maiwasan ang pagputol ng pagsasama dahil sa panahon ng galit. Ang 'Idda ay tatlong buwan ng pagreregla ng babae na kailangang hintayin bago maging pinal ang paghihiwalay. Ang 'idda para sa isang biyuda ay apat na buwan at sampung araw. 





Ang 'Idda at pagkakasundo ng pamilya ay dalawang pamamaraan sa alituntunin ng Islam na nagpepreserba sa institusyon ng kasal.



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG