Mga Artikulo

 Sino ang mga Ina ng mga Mananampalataya? Maaaring iyo nang narinig ang katawagang Ummahat al-mumineen. Ito ay isinalin sa Tagalog bilang ang ‘mga ina ng mga mananampalataya’ at ito ay tumutukoy sa mga asawa ng Propeta Muhammad, ang kapayapaan ay sumakanya. Sila ang kanyang mga asawa sa mundong ito (dunya) at magiging mga asawa sa kabilang buhay (akhirah). Bawat isa sa kanila ay may malaking ginampanan sa kapanganakan (pagsisimula) ng Islam at ang naging mga pag-uugali nila sa iba-ibang sitwasyon na nagturo sa atin ng madaming aral sa panahon ngayon. Ipina-alala nila at itinuro sa atin kung paano sundin ang mga Sunnah o mga pamamaraan ng Propeta Muhammad sa pang-araw-araw na pamumuhay. Sila ay nakahihigit sa kanilang relihiyon at magaling makipagkapwa at nakatanggap ng nakalulugod na mensahe na ang kanilang magiging huling destinasyon ay ang Paraiso.   





Tinukoy ng Allah ang mga asawa ni Propeta Muhammad sa Quran at Kanyang tinawag ang mga ito bilang Ina ng mga Mananampalataya. Kanyang sinabi, "Ang Propeta ay mas malapit sa mga naniniwala kaysa sa kanilang mga sarili, at ang kanyang mga asawa ang kanilang (mananampalataya) mga ina... " (Quran 33:6) Sa pamamagitan ng mga patotoong ito ang mga asawa ng Propeta Muhammad ay pinagkalooban ng espesyal na katayuan. Sila ay binibigyan ng mataas na paggalang at nang mamatay ang Propeta Muhammad, hindi na muli silang pinayagan na mag-asawa dahil ayon sa batas, sila ay kinikilala bilang Ina ng mga kalalakihang Muslim.   





·      Khadijah bint[1] Khuwaylid (b.556 – d.619  CE)


" Si Maryam, anak ni Imran, ang pinakamahusay sa lahat ng kababaihan (sa kanyang kapanahunan) at si Khadijah ang pinakamahusay sa lahat ng kababaihan ( sa kanyang nasyon o angkan)." Si Khadijah ang unang asawa ni Propeta Muhammad, at nakilala ito ng Propeta bilang byuda ng isang mayamang negosyante ngunit nagtagumpay ito dahil sa kanyang sariling pamamaraan at karapatan. Tinanggap niya si Muhammad bilang ahente ng kanyang negosyo ngunit di naglaon nakita niyang nararapat itong maging kanyang asawa. Mula sa mga batayan ng mga impormasyon, siya  ay apatnapong (40) taong gulang at si Muhammad ay dalawampo't limang (25) taong gulang nang sila ay ikinasal. si Khadijah ay nagsilang ng anim na supling, kabilang dito ang dalawang anak na lalaki na namatay sa kanilang kabataan. Sinuportahan  at hinimok nya si Muhammad nang nakatanggap siya ng unang rebelasyon at nanatiling tapat nang madaming kilalang Meccan ang sumalungat kay Muhammad. Hindi nag asawa ng iba si Muhammad habang nabubuhay pa si Khadija. Minamahal at naaalala ni Muhammad si Khadijah sa mga natirang bahagi ng kanyang buhay.





 ·      Sawdah bint Zam’a ( b.unknown – d.674 CE)


Pumanaw si Khadijah, unang asawa ni Muhammad, makalipas ang dalawampo't limang taon ng pagsasama nila. Naiwan siyang nag-iisa sa pagbuhay ng kanyang munting  pamilya at kanyang napagtanto na hindi na niya napag-tuunan ng pansin ang paghikayat sa mga tao na pumasok sa Islam kaya nagpagdesisyunan niyang mag-asawa ulit. Kanyang napili ang isang byuda na nagngangalang Sawdah bint Zam'a





Si Sawdah at ang kanyang unang asawa ang isa sa mga naunang nagbalik-loob sa Islam na dumayo sa Abyssinia. Namatay ang kanyang asawa kung saan siya na excile at siya ay naiwang mahirap kasama ang kanyang maliliit na anak. Tinanggap ng mga magulang ni Sawdah si Muhammad.  Pumayag ang mga magulang ni Sawdah at pagkatapos ay hiningi din ni Muhammad ang pahintulot ni Sawdah. Sa pagbibigkis na ito, ang Propeta at si Sawdah ay nagsama at nagkaroon ng maraming oras ang Propeta sa kanyang misyon. Ang kanilang pagsasama ay tumagal ng tatlong taon bago muling nag asawa ang Propeta. Si Sawdah ay nagkaroon ng malaking karangalan sa pagiging isang dayo sa ngalan ng Islam sa dalawang pagkakataon, sa Abyssinia pagkatapos ay sa Medina. Isa siya sa mga byudang pinakasalan ng Propeta. Si Sawdah ay nakilala bilang mabait, mapagkawang-gawa at masayahin.   





Sa parehong panahon ng pagsasama ni Sawdah at Muhammad, naikasal muli ang Propeta kay Aishah bint Abu Bakr. Makalipas ang ilang taon, nakisama si Aisha bilang isang batang katipan ng Propeta  sa pamamahay nila Sawdah at ng Propeta at malugod siyang tinanggap ni Sawdah. Sila nga ay bumuo ng magandang samahan at nanatili ito kahit nang mamatay na ang Propeta. 





·      Aishah bint Abu Bakr (b.612 – d.678 CE)


Si Aishah ay anak ni Abu Bakr, isa sa mga pinakamalapit na kaibigan at taga suporta ng Propeta. Ang  kasunduang maagang pagpapakasal niya sa Propeta ang nagpatibay ng  pagkakaibigan ng ama niya at ng  Propeta. Siya ay pinalaking  isang Muslim habang ang ibang sahabah o kasamahan nila ay mga  nagbalik-loob sa Islam. Naging malapit sila ng Propeta pagkatapos niyang ikasal sa Propeta at maraming ahadith ang nagpatotoo dito.Siya ang pinakamamahal na asawa ng Propeta at napakatalinong iskolar ng Islam. Siya ay nagtala ng dalawang libong ahadith at tanyag dahil sa kanyang talas ng isipan at talino, pagmamahal sa pag-aaral at hindi nagkakamaling mga pagpapasya. Isa siya sa tatlong naging asawa ni Muhammad na nakakabisa ng buong Quran. Kabilang sa kanyang tanyag na nakamit ay siya lamang ang tanging asawa na kasama  ng Propeta nang makatanggap ito ng rebelasyon at namatay ang Propeta sa kanyang mga bisig. Siya ay nabyuda sa gulang na labing walo o labing siyam na taong gulang at nagpatuloy sa pagtuturo. Siya rin ay nagkaroon ng makabuluhang tungkulin sa pagpapalaganap ng Islam sa mahigit apatnapong taon.  





·      Hafsah bint Umar ibn Al-Khattab (b.605 – d.665 CE)


Ang pang apat na asawa ni Propeta Muhammad ay si Hafsah, ang isa sa mga anak ng pinakamalapit na katiwala ng Propeta na si Umar ibn Al-Khattab. Ang pagpapakasal nila ay isang matalinong alyansa sa politika. Naikasal si Hafsah sa murang edad at kasama sa mga dayo sa Abyssinia at Medina. Sa kasamaang palad, siya ay nabyuda nang siya ay labing walong gulang lamang ngunit nagkaroon ng pagkakataon na magpakasal muli kay Propeta Muhammad at iugnay ang pamilya Al-Khattab at pamilya ng Propeta. Sila Hafsah at Aisha ang mga pinakabatang naging asawa ng Propeta at mayroon silang pagkakapareho sa pag uugali; parehas silang malakas, determinadong mga kababaihan at sa maraming mga pagkakataon ay nagkasundo. Siya ay marunong magbasa at magsulat at kapareho ni Aisha na nakabisado ang Quran. Siya rin ay relihiyosa at matalino. Gumogugol  at pinaglalaanan niya ng oras  ang pagnilay-nilay  sa  mga taludtod ng  Quran. Isa si Hafsah sa mga nabigyan ng karangalan bilang maging tagapangalaga ng mga naunang Mushaf na napasa-kanya pagkatapos mamatay ng kanyang ama. Tumagal ang pagsasama nila  ng Propeta ng walong taon at namuhay pa ng  tatlumpong taon pagkatapos  mamatay ang Propeta.       


·      Zaynab bint Khuzaymah (b.595 – d.624)


MothersofBelievers_02.jpgSi Zaynab ang una sa mga asawa ni Propeta Muhammad na hindi nagmula sa tribu ng Quraish[1]. Namatay siya ng hindi bababa sa isang taon matapos ang kanyang kasal at kung kaya't kaunti lamang ang nakakakilala sa kanya.  Bago ang kanyang kasal  ay nakuha niya ang titulo na Ina ng mga Mahihirap dahil sa kanyang trabaho kasama ng mga mahihirap at ang kanyang kagandahang-loob sa mga ito.  May mga ilang pagtatalo hinggil sa kung gaano karaming beses na si Zaynab ay nabiyuda bago ang kanyang kasal kay Propeta Muhammad, ang awa at  pagpapala ng Diyos ay sumakanya. Subalit ang kanyang huling asawa ay namatay sa labanan at ang kanyang kasal kay Propeta Muhammad ay naglagay ng isang alituntunin para sundan ng iba. Hindi na kailanman natakot ang mga kalalakihan na ang kanilang pagkamatay sa labanan ay mangangahulugan ng gutom at kapabayaan para sa kanilang mga pamilya. Naging isang karangalan ang pakasalan ang mga balo ng mga namatay sa labanan.





·      Umm Salamah bint Abu Umayyah (b.596 – d.680 CE)


Si Umm Salamah ay naging asawa ni Propeta Muhammad sa edad na dalawampu't siyam, matapos  na ang  kanyang unang asawa ay mamatay mula sa mga sugat na kanyang natamo habang nakikipaglaban sa labanan ng Uhud. Si Umm Salamah at ang kanyang asawa ay naging bahagi ng paglipat sa Abyssinia. Ang kanyang buhay ay puno ng mga halimbawa ng pagtitiis sa pagharap ng mga pagsubok at kapighatian. Siya at ang kanyang asawa ay kabilang sa mga unang umalis sa Mecca papuntang Medina noong siya ay sapilitang hiniwalay sa kanyang asawa at ang pagkuha sa kanyang anak na lalaki.  Sa pagkamatay ng kanyang asawa siya ay nanalangin kay Allah, "O Panginoon, gantimpalaan mo ako sa aking kapighatian at bigyan ako ng isang bagay na mas mabuti kaysa dito bilang kapalit, na kung saan Ikaw lamang, ang Dakila at Makapangyarihan, ang Siyang makapagbibigay." Ang Pagpapakasal sa Propeta ni Allah ang sagot sa kanyang du'a na iyon. Si Umm Salamah ay nagsalaysay ng mahigit sa 300 na ahadith, at karamihan dito ay ang tungkol sa mga kababaihan. Sinamahan niya ang Propeta sa maraming ekspedisyon at nanatiling kasal sa kanya ng pitong taon hanggang sa kanyang kamatayan. Si Umm Salamah ay nabuhay ng mas matagal kaysa sa mga ibang mga asawang babae  at namatay sa edad na walumpu't apat.





·      Juwayriyah bint al-Haarith (b.608 – d.673 CE)


Si Juwayriyah ay napansin ng Propeta nang siya ay nahuli sa labanan laban sa tribu ng Banu Mustaliq. Siya ay ang 20 taong gulang na anak na babae ng pinuno ng Banu Mustaliq at ang kanyang pag-aasawa ay nagdulot ng pagkakahanay sa pagitan ng kanyang tribu at ng mga Muslim. Nang inasawa ni Propeta Muhammad si Juwayriyah, pinahintulutan nito ang tribo na pumasok sa Islam nang may karangalan sa pamamagitan ng pagtanggal sa kahihiyan ng kanilang pagkatalo. Nang ibinalita ang pag-aasawa, ang lahat ng nadambong sa digmaan na kinuha mula sa Banu Mustaliq ay ibinalik, at ang lahat ng mga bihag ay pinalaya. Si Juwayriyah ay naging asawa ng Propeta sa loob ng anim na taon, at nabuhay pa ng  tatlumpu't siyam na taon pagkamatay ng Propeta. Namatay si Juwayriyah sa edad na animnapu't lima.





·      Zaynab bint Jahsh (b.590 – d.641 CE)


Si Zaynab, na isang dalagita mula sa marangal na hanay ng mga Quraish ay naikasal sa napalayang alipin  at ampon na lalaki ni Propeta Muhammad na si Zayd, isang lalaking malapit na malapit sa Propeta. Tulad ng lahat ng mga kabataang babae na pinalaki sa karangyaan ay  napakataas ng kanyang inaasahan pagdating sa pag-aasawa at si Zayd ay hindi naaayon sa uri ng lalaki na nasa isip niya. Gayunpaman upang  ang Propeta ay matuwa, ay pumayag ang kanyang pamilya na maikasal sila.  Ang kanilang pagiging mag-asawa ay maiksi at magulo, at upang mapangalagaan ang dalawa, pinahintulutan sila ni Propeta Muhammad na magdiborsyo. Ito ay naging sanhi ng problema dahil ang diborsyo ay hindi sinasang-ayunan at naiiwan ang isang babae sa isang mahirap na sitwasyon; at para makuntento ang lahat ng partido kabilang ang pamilya ni Zaynab siya ay ikinasal kay Propeta Muhammad. Ang mga talata sa Quran ay ipinahayag upang harapin ang bagay na ito at sa pamamagitan ng pag-aasawa kay  Zaynab, ipinakita ni Propeta Muhammad na sa Islam ang ampon na anak ay hindi katulad ng isang tunay na anak. Si Zaynab ay sumama sa lumalaking pamilya ni Muhammad at nakilala siya  dahil sa kanyang kagandahang-loob at mapagkawang-gawa. Namatay siya sa edad na limampu.





·      Umm Habeebah bint Abu Sufyan (b.589 –  d.666 CE)


 Si Ramlah, na kilala rin bilang Umm Habeebah ay ang anak na babae ni Abu Sufyan na lider ng Quraish at sa yugtong iyon ay isang kaaway ng Islam. Ipinahayag niya ang kanyang pananampalataya na walang takot sa mga kahihinatnan ng kanyang sarili at kumapit siya ng mahigpit sa kanyang pananampalataya nang siya ay may mabigat na pagsubok. Nang siya ay nagmuslim at patuloy na nagdusa sa mga pang-aapi, si Umm Habeebah at ang kanyang asawa ay sumama sa paglipat sa Abyssinia. Ang kanyang asawa ay namatay pagkatapos noon.  Siya ay nag-iisa sa isang kakaibang bansa kasama ang  musmos na anak na babae at walang mapagkukunan ng suporta. Nang marinig ng Propeta ang kanyang suliranin ay inalok siya nito na pakasalan siya. Ito ay tinanggap niya. Ang hari ng Abyssinia, na lihim na nagbalik-loob sa Islam at naging isang mabuting kaibigan sa bagong komunidad ng mga Muslim, ang siyang nagbigay ng kanyang mahr at siyang naging saksi sa kasalan. Iyon ay nangyari ilang taon bago siya nakasama sa kanyang asawa sa Medina. Siya ay kasal kay Propeta Muhammad sa loob ng apat na taon hanggang sa siya ay namatay.





·      Safiyyah bint Huyayy ibn Akhtab (b.610 – d.670 CE)


 Si Safiyyah ay isinilang sa Medina kay Huyayy ibn Akhtab, ang pinuno ng tribong Hudyo na Banu Nadir. Si Banu Nadir ay pinalayas mula sa Medina at nanirahan sa Khaybar. Noong 629 CE, ang mga Muslim ay nanalo sa Labanan ng Khaybar at si Safiyyah ay nabihag. Iminungkahi ni Muhammad kay Saffiyah na magmuslim siya, siya ay sumang-ayon, at naging asawa ni Muhammad.





Sa kabila ng kanyang pagbabalik-loob sa Islam, ay tinutukso siya ng iba pang mga asawa ni Muhammad dahil sa Hudyo na kanyang pinagmulan. Minsan sinabi ni Propeta Muhammad sa kanyang asawa, "Kung tatratuhin ka nilang muli ng kakaiba, sabihin sa kanila na ang iyong asawa ay si Muhammad, ang iyong ama ay si Propeta Aaron at ang iyong tiyuhin ay si Propeta Musa. Kaya ano ang ikakasuklam nila dito? "Si Safiyyah ay dalawampu't isang taong gulang nang mamatay ang Propeta. Nanirahan siya  ng 39 na taon pa, at namatay siya sa Medina sa edad na 60.





·      Maymunah bint al-Haarith (b.594 – d.674 CE)


Si Maymunah, o Barra kung tawagin siya noon, ay nagnanais na pakasalan ang Propeta at ihandog ang kanyang sarili at pakasalan siya. Tinanggap ito ng Propeta. Naging asawa niya ang Propeta sa loob lamang ng mahigit tatlong taon, hanggang sa mamatay ang Propeta. Siya ay napakabait at ang kanyang pamangkin na si Ibn Abbas, na kalaunan ay naging pinakadakilang iskolar ng Quran, ay natuto nang higit mula sa kanyang kaalaman.



 



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG