Mga Artikulo

Mga Terminolohitang Arabik 





·       Alhamdulillah – Lahat ng papuri at pasasalamat ay para sa  Allah. Sa pagsasabi nito ay nagpapasalamat tayo at kinikilala natin na lahat ng bagay ay nagmula sa Allah.





·       Du’a - pagsusumamo, panalangin, paghiling para sa anuman sa Allah.





·       Qiblah - Ang direksyon kung saan ang isang tao ay humaharap kapag magsasagawa ng kaukulang pagdarasal.





·       Kabah - Ang kuwadradong-hugis na istraktura na matatagpuan sa lungsod ng Mecca. Nagsisilbi itong pananda kung saan lahat ng mga Muslim ay humaharap kapag nagdarasal.





·       Sunnah - ang salitang Sunnah ay maraming pagpapakahulugan depende sa sinasaklaw na usapin, subalit sa kabuuan tumutukoy ang salitang ito sa anumang naiulat na mga gawain, ginawa at pinahintulutang gawin ng Propeta.





·       Hajj - Ang pilgrimahe sa Mecca kung saan ang mga nagpipilgrimahe ay nagsasagawa ng kaukulang ritwal. Ang Hajj ay isa sa mga haligi ng Islam, na kung saan bawat Muslim na nasa tamang gulang ay kinakailangang isagawa ito kahit minsan lamang sa kanyang buhay kung may kakayahang pinansiyal at lakas.





·       Ihram - Isang kalagayan kung saan ang isang tao ay  pinagbabawalan na isagawa ang ilang mga gawain na katanggap-tanggap sa ibang pagkakataon. Kinakailangan ito kapag nagsasagawa ng Umrah at Hajj.





·       Umrah – Isang paglalakbay-pilgrimahe sa banal na Tahanan ng Allah sa lungsod ng Mecca, Saudi Arabia. Kadalasang tinutukoy na mas mababang pilgrimahe. Maaari itong isagawa anumang sandali ng taon.





Ang Hindi Maiiwasang Kamatayan


Funeral-Rites-(part-1-of-2).jpgSinasabi sa atin ng Allah sa Quran na ang lahat ay makararanas ng kamatayan. (Quran 3:185) Ang kamatayan ay darating sa bawat isa sa atin, Hindi ito maiiwasan. Marahil ay ilan lamang ito sa tanging mga bagay sa buhay na tayo ay sigurado. Ang kamatayan ay nakakatakot at kasindak-sindak at ito ay haharapin ng lahat ng nabubuhay. Dumarating ito sa mga bata, sa matatanda, sa mayaman, sa mahirap, sa malakas at sa mahina. Hindi ka makatatakbo o makapagtatago. Sinasabi ng Diyos na ang kamatayan “kung saan kayo umiiwas” ay sasapit sa inyo (Quran 62:8) at si  Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay hinihikayat tayong alalahanin ang “pumupuksa ng ligaya, kamatayan”[1].





Oo, hindi maiiwasan ang kamatayan ngunit mayroong ilang mga tiyak na bagay na magagawa ang mananampalataya upang makapaghanda. Ang Islam ay nagbigay sa atin ng isang kumpletong hanay ng mga tagubilin para sa taong namamatay, para sa mga nabigyan ng pagkakataon na dumalo sa oras ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, at para sa mga responsable para sa paglilibing.  Tinitiyak ng mga tagubiling ito na ang mga karapatan ng mga malapit nang mamatay at ang mga namatay ay respetado at tinatrato nang may pag-iingat.





Kapag sumapit sa atin ang kamatayan


Ang kamatayan ay maaaring dumating ng biglaan at walang anumang babala o maaari itong dumating nang mas matagal upang bigyan ang isang tao at ang kanyang mga mahal sa buhay ng  panahon upang ihanda ang kanilang mga sarili. Mayroong limang mahalagang mga bagay na dapat gawin ang isang nahaharap sa kamatayan





1.     Manatiling Matiyaga.


Ang oras ng kamatayan ay isang bagay na wala tayong kakayahang pamahalaan. Sa panahon ng paghihirap ang mga mananampalataya ay dapat maging tiyak na ang Allah ay nagtatakda lamang ng mabuti para sa kanya. Gayunpaman, ang kabutihang iyon ay maaaring kabilang sa mga kaligayahan sa mundong ito o maaari rin namang sa kabilang-buhay.





2.     Umiwas mula sa pagdaing at reklamo.


Gayunpaman, ang pribadong pagtangis at pagdaing sa Diyos ay isang bagay na pinahihintulutan. Sinasabi sa atin ng Islam na katanggap-tanggap ang direktang pag-iyak sa Allah at idulog sa Kanya ang lahat ng ating pangamba, pasakit, paghihirap, at mga suliranin. Si Propeta Hakob (Jacob)  ang nagtakda ng pamantayang ito nang siya ay tumangis sa Allah sa pagkawala ng dalawa sa minamahal niyang mga anak. Sinabi niyang “Idinadaing ko lamang ang aking pighati at kalungkutan sa Allah.” (Quran 12:86)





3.     Subukang manatili sa pagitan ng mga kalagayang may takot at pag-asa.


Matakot sa kaparusahan ng iyong mga kasalanan ngunit umasa sa pagpapatawad at habag ng Allah. Si Propeta Muhammad ay nagsabi, na ang dalawang bagay na ito, takot at pagasa, ay hindi kailanman magsasama sa puso ng isang tao na hindi siya bibigyan ng Diyos ng pag-asa at kakalingain sa anumang pangamba.[2]





4.     Tapusin ang mga gawain


Dapat tiyakin ng mananampalataya na ang kanyang mga gawain ay nasa kaayusan. Kailangan niyang magsulat ng habilin, at dapat niyang asikasuhin o isaayos ang anumang mga pagkakautang mayroon siya.





5.     Maghanda para sa libing


Hilingin sa mga kamag-anak at mga kaibigan na maging maingat sa pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad sa pagsasagawa ng libing.





Kapag ang kamatayan ay darating sa mahal sa buhay


Mayroong ilang mahalagang mga bagay para sa pamilya at mga kaibigan na dapat gawin para sa isang namamatay na tao.





1.     Dalawin ang maysakit.





2.     Siguruhing nabibigyan sila ng sapat na atensiyong medikal.





3.     Kausapin ng tahimik ang pasyente, aliwin at pagpayuhan sila sa panahon ng paghihirap at takot.





4.     Magdasal kasama at para sa pasyente. Magsabi ng mga mabubuting  salita  at mag-du’a. Umiwas sa pagsasabi ng anumang negatibo dahil si Propeta Muhammad ay nagsabi sa atin na ang mga anghel ay naroroon sa papag ng may karamdaman at nagsasabi ng Ameen sa anumang binibigkas doon.[3]





5.     Subukang ibigay ang anumang nais ng pasyente na hindi lumalabag sa mga itinatagubilin ng duktor. Marahil ay mayroong espesyal na pagkain o inumin na hinahangad niya o kaginhawahan na gusto niyang maramdaman sa paligid niya. Maaring kailangan niya ng mga kaibigan o pamilya na makakausap o bibisita sa kanya.





Kung ang isang mananampalataya ay dadalaw sa isang hindi-Muslim na pasyente dapat niyang hilingin ang tulong mula sa Allah at anyayahan ang taong iyon na tanggapin ang Islam.





Kapag malapit na ang kamatayan


Ang namamatay na tao ay nakakakita ng mga bagay na hindi nakikita. Maaaring bumulong-bulong siya sa kanyang sarili o sa mga anghel na nagtitipon sa paligid niya. Maari siyang manghina ng lubos, tila nalulunod sa pagtulog o ulirat. Ang mga nasa kanyang kama ay dapat malumanay at tahimik alalahaning magsalita ng positibo at mag-du’a.  Kung hindi naman mahihirapan, ang namamatay na tao ay dapat mahiga na nakaharap sa qiblah sa alinman sa kanyang kanang panig o sa likod.  Dapat siyang tulungan at marahang diktahan sa pagsasabi ng mga salitang, La ilaha illa Allah (walang ibang diyos kundi ang Diyos), na umaasang  ito ang mga huling salita na mamumutawi sa kanyang labi.  Maaring makapagpaginhawa ito sa paghihirap ng namamatay na tao kung ang kanyang mga labi ay pananatilihing basa o ang ilang patak ng tubig  ay pinapatulo sa kanyang bibig. Panghuli, ang namamatay na tao ay hindi dapat iwanang mag-isa.





Ano ang dapat gawin pagkatapos ng kamatayan


1.     Isara ang mga mata ng namatay at mag-du’a





2.     Ituwid ang mga braso at binti nang madalas upang mapigilan ang mga ito na tumigas.





3.    Alisin ang kasuotan at takpan ang buong katawan ng malinis na kumot. Kung ang tao ay nasa kalagayan ng ihram para sa Hajj o Umrah ang kanyang mukha at ulo ay dapat iwanang walang takip.





4.     Gumawa ng mga pag-aayos sa pagbayad ng mga utang mula sa sariling salapi ng namatay o mula sa sinumang kamag-anak o kaibigan.





5.     Tandaan na pinahihintulutan ang paghalik sa namatay.





6.     Kaagad na ihanda ang katawan para sa paghuhugas, pagbalot at libing.





Kapag nakakita o nalaman ang pagkamatay ng mahal sa buhay, ang mananampalataya ay dapat na manatiling kalmado at maging matiisin. Ang pag-alaala sa Allah at pagsasabi ng Alhamdulillah ay makatutulong na mapawi ang hapdi at kalungkutan. Ang pagkalungkot at pagkabigla ay normal at ang pagluha ay  pinapayagan. Gayunpaman, ang pagsigaw, paghampas sa dibdib, pagtatanggal ng buhok o pagpupunit ng damit ay hindi pinahihintulutan.





Paghahanda ng katawan para sa libing


Ang Islam ay nagkaloob sa atin ng isang kumpletong hanay ng mga tagubilin para sa paghahanda ng katawan para sa libing. Ang paghuhugas sa katawan ng namatay na mananampalataya ay fard kifayah, na nangangahulugang ito ay isang pinasama-samang  obligasyon. Kung ito ay isagawa ng isang tao kung gayon ito ay ginagawa sa ngalan ng komunidad ng Muslim. Ang hindi paglilinis ng katawan ay hindi lamang kabiguan ng mga kamag-anak o pamilya; ito ay kabiguan ng buong komunidad.





 Ang namatay ay dapat hugasan ng mga pangunahing miyembro ng pamilya ng kaparehong kasarian.  Kung walang mahanap na kamag-anak kung gayon ay ang mga pinaka-mapagkakatiwalaan at matuwid na mga tao na naroon. Sa panahon ngayon ang paghuhugas sa katawan ay kadalasang nakalaan sa mga karapat-dapat na mga Muslim sa silid ng Islamic center o moske, o sa pasilidad ng pamahalaan.





Ang paghuhugas sa namatay na mananampalataya ay dapat na isagawa sa isang marangal na paraan na tinitiyak na ang katawan ay palaging pinangangasiwaan nang malumanay at may pag-iingat.  Ang mga maghuhugas ng katawan ay kailangang…





1.     Mapagkakatiwalaan at hindi ipagsasabi ang kanilang makikita.





2.    Alam ang Islamikong pamamaraan ng paghuhugas sa patay.





3.     Hindi magbibigay ng puna sa katawan.





4.     Kasing-kasarian ng namatay.  Kung ang namatay ay may asawa, maaaring magsagawa ng paghuhugas ang kanyang asawa.  Kung ang namatay ay bata ang mga magulang ay maaaring magsagawa ng paghuhugas o alin mang kasarian.





Pagbabalot


Matapos hugasan ang pumanaw, ang namatay ay dapat balutin; isang tela na ibabalot sa namatay na Muslim sa paglilibing.  Sa ibang mga lugar, dahil sa pananaig ng mga batas ang paggamit ng kabaong ay kadalasang ipinag-uutos. Sa ganitong sitwasyon ang katawan ay babalutin ng tela bago ilagay sa kabaong. Ang pambalot ay dapat malaki at sapat upang matakpan ang buong katawan, dapat malinis at gawa sa hindi kamahalang puting materyal. Ang seda ay dapat iwasan para sa mga kalalakihan at ang paglalagay ng pabango sa pambalot ay pinapayagan.





Ang Panalangin sa Paglilibing


Ang panalangin sa paglilibing ng mga Muslim ay tinatawag na Salat ul-Janazah at ito ay fard kifayah.  Kung saan, ang kumunidad ng Muslim ay obligadong magsagawa ng pagdarasal sa libing. Gayunpaman hindi ipinag-uutos na magkaroon ng isang kongregasyon, kahit isang tao lamang ang magsasagawa ng panalangin, ang obligasyon ay naisakatuparan na. Ang mga Muslim ay hindi dapat mag-atubiling makilahok sa panalanging ito kilala man niya o hindi ang namatay o ang pamilya nito. Ang panalangin ay isinasagawa upang humingi ng kapatawaran at awa para sa namatay at para sa lahat ng mga Muslim. Ang Salat ul-Janazah ay dapat gawin sa labas ng moske at ang katawan ay dapat ilagay sa harap ng taong magsasagawa ng panalangin. Ang mga karaniwang kondisyon para sa pagdarasal ay pareho lamang bagaman may kaunting kaibahan sa panalangin. Ito ay tahimik na sinasabi, maliban sa takbir at tasleem, at walang pagyuko o pagpapatirapa.





Libing


Maikling oras hangga't maaari ang dapat lumipas sa pagitan ng kamatayan at ang libing, at ang pumanaw ay dapat, sa ilalim ng normal na mga kalagayan, ay mailibing sa lugar kung saan siya nanirahan kaysa dalhin sa ibang bayan o bansa.  Pagkatapos ng panalangin ng libing ang katawan ay dapat ilipat sa sementeryo ng Muslim o sa seksyong pang-Muslim ng anumang sementeryo. Ipinapayo ang paglalakad ng mabilis. Ang mga kasama sa libing ay hindi dapat magtaas ng kanilang mga tinig sa pag-iyak o dhikr.  Karaniwang hindi pinahihintulutan ang mga kababaihan na sumama sa prosesyon ng libing.





Ang mga libingan at mga sementeryo ng Muslim ay nailalarawan sa kanilang pagiging simple. Ang libingan ay dapat hinuhukay na nakahanay sa qiblah, at ang katawan ay dapat ilagay sa libingan na nakabaling sa kanang bahagi, nakaharap sa qiblah.  Matapos mailagay ang katawan sa libingan, lalagyan ito ng mga piraso ng kahoy o bato at ipapatong sa itaas upang maiwasan ang pagdidiit ng katawan sa lupa na siyang itatabon sa libingan. Bawat nakikiramay ay maglalagay ng tatlong dakot na lupa sa libingan.





Mga Dapat Tandaan-


1.     Walang anumang espesyal na dhikr na bibigkasin,





2.     Ang Quran ay hindi dapat bigkasin sa sementeryo.





3.     Walang Islamikong katuruan sa paglalagay ng mga bulaklak, pagkain, tubig o pera sa paligid ng libingan upang makinabang ang namatay.





4.     Walang kautusan na nangangailangan ng isang hayop na ihahain bago o pagkatapos ng paglilibing.





Pinapayagan na mag-iwan ng marka o maglagay ng bato sa libingan upang matandaan ang lokasyon.  At pagkatapos ng libing, ang mga kamag-anak ng namatay ay maaaring manatili sa sementeryo upang mag-du'a dahil pinaniniwalaan na sa oras na ito ang namatay ay tinatanong ng mga anghel[1]





Pakikiramay


Ang pakikiramay ay isang mahalagang gawain ng kabutihan. Nagdudulot ito ng pakikibahagi sa kalungkutan ng mga taong apektado at nag-aalok ng kaginhawahan.  Walang limitasyon sa panahon kung kailan maaaring makiramay, gayunman, ang mga salita ay dapat maingat na piliin at maging malumanay, humihimok ng pagtitiis at pagtanggap sa kalooban ng Allah.  Kapag bibisita sa tahanan ng namatayan siya ay dapat manatili lamang ng maiksing panahon maliban kung tanggapin ang pagtulong at mangailangan nang pananatili ng matagal.  Ang mga kaibigan at kapitbahay ay karaniwang naghahanda ng pagkain upang mapawi ang ilan sa pasanin na nadarama ng pamilyang nagluluksa.





Ang mga dalubhasa sa Islam ay nagsabi na kung ang isang Muslim ay mag-aalok ng pakikiramay ay dapat niyang sabihin, “Lahat tayo ay nagmula sa Allah at sa Kanya tayo muling magbabalik.” Pinahihintulutang magdagdag ng katulad na du’a na ito. Minsan ginawa ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, “O Allah! Patawarin mo si (pangalan ng namatay), itaas ang kanyang katayuan sa mga ginabayang tao at alagaan ang naiwan niyang pamilya. O Panginoon ng kalawakan, patawarin Mo kami at siya, bigyan siya ng kaginhawahan sa libingan at tanglawan ang kanyang pananatili (sa libingan).”[2]  Sinuman ang nais magbigay ng pakikiramay sa isang hindi Muslim, sabihin niya “Lahat tayo ay nagmula sa Allah at sa Kanya tayo muling magbabalik,” at idagdag ang anumang mga kaugalian ng mga pakikiramay na walang kahulugang pang-relihiyon.





Kapag namatay ang isang di-Muslim na kamag-anak


Ang isang Muslim ay maaaring tumulong sa pagsasaayos ng libing para sa kanyang di-Muslim na kamag-anak kung walang iba na mag aasikaso nito. Kahit na may pagtatalo ang mga iskolar hinggil sa paksang ito, sa pangkalahatan ay pinapayagan din na dumalo sa lamay ng mga di-Muslim na kamag-anak sa kundisyon na hindi ka gagawa ng paglabag sa Shariah. Ito ay bahagi ng pagpapanatili ng magandang ugnayan sa pamilya at pagpapakita sa mga kamag-anak ng magandang asal na likas sa Islam. Hindi pinapahintulutan para sa isang  Muslim na manalangin para sa pagpapatawad[3] para sa kanyang namatay na kamag-anak o kaibigan na hindi-Muslim, sa halip ay dapat siyang bumaling sa Allah para sa kaginhawahan at pag-asa sa Kanyang awa.



Kamakailang Mga Post

Isang mensahe mula sa ...

Isang mensahe mula sa isang Muslim na mangangaral sa isang Kristiyanong

BIYAYA NG PAG-AAYUNO ...

BIYAYA NG PAG-AAYUNO NG ANIM NA ARAW NG SHAWAL

KINIKILALA NG MGA KRI ...

KINIKILALA NG MGA KRISTIYANONG ISKOLAR ANG MGA PAGKAKASALUNGAT SA BIBLIYA