Mga Terminolohiyang Arabik
· Shaytan- kung minsan ay sinusulat na Shaitan o Shaytaan. Ito ang salitang ginamit sa Islam at ng wikang Arabe upang tukuyin ang diyablo o si Satanas, ang kumakatawan sa kasamaan.
Karamihan sa ating buhay ay ginugol sa pakikipag-ugnayan sa iba. Ang isang istraktura ng pagkakaibigan ay maaaring kumatawan ng tatlong konsentrikong lupon na maaaring ilarawan bilang napakalapit, malapit, at hindi masyadong malapit ngunit ito pa rin ay makabuluhan na personal na ugnayan. Ang isang kakilala ay nasa kategoryang 'hindi masyadong malapit', isang tao na iyong nakapalitan ng maiksing usapan habang kayo ay nag-uusap tungkol sa iyong araw, mga pananaw sa kalakalan sa online, o makipag-chat tungkol sa sports. Sila ay ang mga tao na regular na nakakasalamuha natin tulad ng mga kasamahan sa trabaho, mga kaklase, at mga taong nakakasabay natin sa gym.
Ang malapit na pagkakaibigan, sa kabilang banda, ay nagpapakita ng malakas na suporta at pagmamahal. Ang isang malapit na kaibigan ay nagpupuno ng isang tungkulin na hindi maaring mawala bilang isang mapagkakatiwalaan, isang taong nakikinig at nagbibigay ng atensyon sa iyo, siya na handang tumulong sa iyo, at magmamalasakit. Ang isang malapit na kaibigan ay isang taong iyong pinagkakatiwalaan na nagbibigay ng mas malalim na antas ng pag-unawa at komunikasyon sa iyo; isang tao na maaari mong asahan, isang tao na maaari ka talagang kumonekta, at isang taong iyong binibigyan ng iyong tiwala at katapatan. Walang presyo sa mundo ang maaaring ilagay sa kanilang halaga at kung gaano sila kaimportante sa iyo. Ano ang pagkakaiba ng isang malapit na kaibigan sa isang napakalapit na kaibigan? Ang sagot ay ang antas, lawak at lalim na maaari mong ipagkatiwala.
Kahalagahan ng Pagbubuo ng Pakikipagkaibigan sa mga Muslim
Ang mga kaibigang Muslim ay maaaring magbigay ng napakalaking suportang emosyonal at ugnayan na nagpupuno sa pangangailangan ng pagsasama ng mga tao at pagtulong . Ang pagkakaroon ng malusog na pagkakaibigan ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa kalidad ng ating buhay. Sa lumalaking bilang ng mga taong nabubuhay ng nag-iisa, ito man ay sa kanilang kagustuhan o kalagayan, ang pagkakaibigan ay sumasakop sa emosyonal na espasyo na pinupuno ng iba pang mga tao sa mag-asawa o iba pang mga mahalagang tao. Ang mga kaibigan ay maaaring mag-ugnay sa atin sa mas malawak na grupong panlipunan at makatulong na pagyamanin ang ating buhay.
Walang mas mainam na paraan upang hatulan natin ang ating sarili kundi ang pagpapanatili sa mga kaibigan. Kahit ang ating Propeta ay hindi pumupunta sa isang lugar nang walang mga kasama. Pinapanatili niya ang patuloy na magandang samahan, kahit na siya ay tinulungan ng Allah mismo. Ang mga tao na nasa kanyang tabi ay ginagarantiyahan ng pinakamataas na lugar sa Paraiso. Halimbawa, si Abu Bakr ay ang kanyang matalik na kaibigan bago pa man pinili ni Allah ang Propeta upang maging Kanyang sugo. Sa panahon ng kanyang pagkapropeta, may dalawang paglalakbay siyang ginawa, isa sa lupa at ang isa pa ay sa langit. Nang lumipat siya mula sa lungsod ng Mecca patungo sa Madina, sinamahan siya ng kanyang pinakamalapit na kasamahan, si Abu Bakr. Nang umalis siya sa Jerusalem patungo sa langit, siya ay sinamahan ni Gabriel (Jibreel sa wikang Arabe), ang pinakadakilang anghel ni Allah.
Ang ating pinakadakilang paglalakbay ay papunta sa ating huling destinasyon - ang Paraiso - at mahalaga na samahan natin ng mga pinakamabuting mga kasamahan upang samahan tayo sa paglalakbay na ito. Kapag nahaharap tayo sa walang tigil na mga tukso, ang ating malapit na mga kaibigan ay nandoon upang paalalahanan tayo hinggil sa ating layunin sa buhay na ito at tutulungan tayo na pumili ng mas mabuti .
Maraming kabataan ang tumatambay sa kanilang mga kaibigan nang mas higit pa kaysa sa kanilang mga kapamilya. Marami ang pumapasok sa paaralan upang makasama ang kanilang mga kaibigan. Sumasama tayo sa ating mga kaibigan sa maraming mga kadahilanan, tulad ng panonood ng sports, paglalaro ng mga laro, o pag-aaral para sa isang pagsusulit. Bakit hindi magsama-sama ng mga kaibigan sa pagkakabisa ng Quran o pag-aralan ang mga pangunahing kaalaman ng Islam, o pag-aralan ang buhay ng Propeta? Hindi ka magiging isang iskolar, ngunit ito ay magtatanim ng pagmamahal sa pag-aaral ng Islam. Ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan na mga Muslim ay magbibigay ng suporta at tulong na kailangan natin sa paaralan, kolehiyo, at higit pa dito.
Ang pinakamahalagang tanong na itanong mo sa iyong sarili ay, 'Ang aking mga kaibigan ba, ang mga taong nakakasama ko, ay nakakapagpabuti ba sa akin bilang Muslim?'; 'Tinutulungan ba nila ako na sumunod o sumuway kay Allah?' Sinabi ni Allah sa Qur'an,
“At sinumang sumunod kay Allah at sa Sugo, sila yaong pagpapalain ni Allah: ang mga Propeta, ang mga makatotohanan, silang sumasaksi sa katotohanan, at ang mga matutuwid - sila yaong mabubuting kasamahan.”(Quran 4:69)
Ipinaalala sa atin ng ating mahal na Propeta,
“Ang isang tao ay kasama niya ang minamahal niya.”[1]
Ang mga minamahal natin sa buhay na ito ay papalibot sa atin sa Kabilang Buhay. Ang isang masamang kaibigan na hinihila ka pababa, ay naglalayo sa iyo mula sa iyong layunin ng iyong pagkalikha, at dinadala ka sa ikakagalit ni Allah na makikita natin sa taludtod ng Quran,
“At Kasawian sa akin, kung sana hindi ko siya itinuring bilang matalik na kaibigan .”(Quran 25:28)
Kung ang pagsama sa isang kaibigan ay kapaki-pakinabang para sa atin, kung gayon ay sasamahan natin sila sa Paraiso; kung sila ay nakakapinsala sa ating pananampalataya, kung gayon ay protektahan nawa tayo ni Allah. Ang Araw ng Paghuhukom ay nakakatakot. Ang lahat ng mahahalaga sa atin, kabilang ang mga kaibigan at pamilya, ay iiwan tayo sa Araw na iyon at ang tanging maiiwan lamang ay ang ating mga gawa na ating pananagutan.
Bumababa ito sa, 'Inihahanda ba ako ng aking mga kaibigan para sa Kabilang Buhay?' Nasa sa akin kung papalibutan ko ang aking sarili ng mabubuting kaibigan kung hindi naman ay makukuha ako ni Shaytan. Kung sumasang-ayon tayo, sumusunod at nalulugod sa masasamang kaibigan, malamang na magmamana tayo ng kanilang mga gawi, pag-uugali at kahit paniniwala sa relihiyon.
Ang lahat ng tao ay gustong kasama sa isang grupo o ng isang tao. Kapag patuloy tayong naghahanap ng mga kaibigan sa tiyak na uri ng mga tao, tayo ay magiging katulad nila at kumikilos na tulad ng mga ito. Ito ay natural. Ang mga miyembro ng gang ay nakadarama ng pagkakakilanlan at pagmamalaki bilang mga miyembro ng kanilang mga grupo. Maraming namatay o napupunta sa bilangguan bago nila natanto na huli na ang lahat. Karamihan sa mga naninigarilyo ay nagsisimulang manigarilyo dahil ang kanilang mga kaibigan ay naninigarilyo o hinihikayat sila na gawin ito. Palagi na mga kaibigan ang nag-iimpluwensya sa mga desisyong ganito.
Si Allah, ang Pinakamatalino ay nagsabi: “Ang mga magakakaibigan sa Araw na iyon ay magiging magkakaaway sa isa't-isa, maliban sa mga relihiyoso.” (Quran 43:67)
Ang pagkakaibigan na batay sa pangkaraniwang sentro ng pananampalataya ay mapapakinabangan at magpapatuloy pagkatapos ng buhay na ito. Iyan ang tunay na pagkakaibigan.
Tip 1. Saan makakatagpo ng mga Muslim?
Who Is a Good Friend21.jpgAng pagkakaroon ng malapit na relasyon ay hindi mangyayari sa magdamagan ngunit may mga hakbang na makakatulong upang ikaw ay kumonekta sa ibang Muslim at makipagkaibigan.
Dumalo sa dasal kada-Biyernes at sa iba pang lingguhang panalangin. Kahit oras ito ng pagsamba at hindi oras ng pakikipagkapwa tao ay makakakilala ka pa din ng mga kapwa Muslim na madalas pumunta sa mosque at makakabuo ka pa rin ng espesyal na espirituwal na samahan sa kanila.
Kumuha ng klase na inaalok sa inyong lokal na mosque o islamic center para sa mga bagong Muslim upang makakilala ng mga tao na may kaparehong hangarin. Ang mga website tulad ng www.facebook.com at www.twitter.com ay makatutulong na makahanap ng lokal na grupo o magsimula ng iyong sariling grupo at maki-pag ugnayan sa iba na may katulad na mga layunin.
Ang Pagboboluntaryo ay isang mahusay na paraan upang makatulong sa kapwa habang nakakatagpo ng mga iba pang bagong Muslim. Ang mga islamic centers ay laging naghahanap ng mga boluntaryo tuwing malapit na ang Eid at Ramadan o ang ibang pangunahing mga kaganapan ng taon. Ito ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon para makipag ugnayan sa ibang mga Muslim.
Dumalo sa mga salu-salo para sa komunidad sa inyong mosque na kadalasang hinahandog buwan buwan. Kahit na ikaw ay hindi sanay sa mga etnikong pagkain o ikaw ay naaanghangan sa pagkain, makakakilala ka pa din ng ibang mga bagong Muslim sa lipunang kampante ang kapaligiran.
Dumalo sa mga kaganapan, pagpupulong, at panayam sa komunidad ng mga Muslim sa inyong lokalidad o sa mga kalapit na lungsod o estado kung saan ka makakatagpo ng mga taong may kaparehong layunin. Ikaw ay makakakilala ng ibang mga tao, makakatikim ng mga ibang pagkain, at magkakaroon ng pagkakataon upang makabili ng mga damit at mga libro.
Tip 2. Matutong sumali sa usapan
Likas na sa iilang mga tao ang marunong mag pasimuno ng usapan kaninuman kahit saang lugar. Kung hindi ka isa sa mga uri na ito, narito ang ilang mga madaling paraan upang magpasimuno ng isang pag-uusap sa isang bagong kakilala:
Gamitin ang pagbati sa Islam at makipagkamay nang may kumpiyansa. Maraming tao ang nahihirapan sa pagsasabi ng ‘As-Salamu Alaikum.’ Kailangan mong praktisin ito upang maging likas na sa iyo sa mga pagtitipon. Tandaan ang sinabi ng Propeta na, “Kapag ang dalawang Muslim ay nagtagpo (nagbigay ng salam), at nakipagkamay, sila ay pinatatawad sa kanilang mga kasalanan bago sila maghiwalay. (Abu Dawud)
Magkomento ukol sa mosque at sa mga Muslim sa paligid mo o sa okasyon. Maaari kang mag-iwan ng ilang mga positibong komento tulad ng, “Gustong-gusto ko itong mosque,” o “Napakasarap ng pagkain. Natikman mo ba ung manok?”
Magtanong ng katanungan na nangangailangan ng higit pa sa isang oo o hindi na sagot. Magtanong ng isang katanungan na nagsisimula sa sino, saan, kailan, ano, bakit o paano. Halimbawa,
· “Sino ang kakilala mo dito?”
· “Saan ka karaniwang pumupunta tuwing Biyernes para sa dasal?”
· “Kailan ka lumipat dito?”
· “Kumusta ang pagkain?”
Karamihan sa mga tao ay gustong-gustong pag-usapan ang tungkol sa kanilang sarili kaya naman ang pagtatanong ay isang mahusay na paraan upang magsimulang maki pag-usap.
Gumamit ng isang papuri. Halimbawa, “Gusto ko talaga ang iyong hijab, maaari bang malaman kung saan mo iyan nabili?” o “Mukhang nagawa mo na ito dati, maaari mo bang ituro sa akin?”
Makinig ng maigi. Napagtanto ng mga tao na kapag sila ay nakikipag-usap kay Propeta Muhammad ay tila interesado lamang siya sa pakikinig sa kanila at ganap na nakatuon sa kanila. Ang isa sa mga susi sa epektibong komunikasyon ay ang ganap na pagtuunan ng pansin ang nagsasalita at magpakita ng interes sa kung ano ang sinabi niya. Tumango paminsan-minsan at ngumiti sa taong nagsasalita. Ayon sa Propeta, “Ang iyong ngiti sa harap ng iyong mga kapatid ay isang kawang-gawa” (Tirmidhi). Naghihikayat sa nagsasalita na magpatuloy sa pamamagitan ng maliliit na tugon tulad ng "oo" o "uh huh" at huwag sumabat.
Tip 3. Paano maging isang mabuting kaibigan
Sinabi ni Allah sa Quran na “O sangkatauhan, nilikha Namin kayong lahat mula sa isang lalaki at isang babae, at ginawa kayong mga angkan (lahi) at tribo upang makilala niyo ang isa't isa.” (Quran 49:13). Hindi lang ‘sila’ ang kailangang makakilala sa atin, kailangan din natin 'silang' makilala. Kailangan nating umalis sa ating mga lugar na nakasanayan na.
Tandaan na ang pakikipagkaibigan ay simula lamang ng isang paglalakbay ng isang relasyon na nangangailangan ng panahon upang mapalalim. Ang pakikipag-kaibigan ay isang proseso na nangangailangan ng oras, pagsisikap, at tunay na interes sa ibang tao. Sundin itong ilang mga simpleng hakbang:
· Maging isang kaibigan na nais mong magkaroon. Tratuhin ang iyong kaibigan tulad ng gusto mong pagtrato sa iyo. Ang payo ng Propeta ay “Walang sinuman sa inyo ang may pananalig hanggang sa mahalin mo para sa iyong kapatid kung ano ang hangad mo para sa iyong sarili.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
· Maging isang mabuting tagapakinig. Upang magkaroon ng isang matibay na pagkakaibigan sa isang tao, maging handa na makinig at suportahan sila tulad ng inaasahan mo sa kanila.
· Pag-gugulan ang pagka-kaibigan. Walang pagka-kaibigan ang yumabong na hindi binibigyan ng atensyon o pansin. Anyayahan ang iyong bagong kaibigang Muslim sa hapunan at magplano ng mga aktibidad kasama sila.
· Bigyan ang iyong kaibigan ng espasyo . Huwag kayong maging mapag-kailangan (needy) at siguraduhin na huwag abusuhin ang kabaitan ng iyong kaibigan.
· Maging mapagpatawad. Walang sinuman ang perpekto at ang bawat kaibigan ay nagkakamali. Matutong magpatawad, mapapalalim nito ang inyong pagkakaibigan. Inilalarawan ng Allah ang mga mananampalataya sa Banal na Koran bilang mga taong patuloy na nagsisikap na magkaroon ng malinis na puso, malaya mula sa masamang hangarin, galit at poot. Sila ay nagsumamo para sa tulong ni Allah upang makamit ito, "Aming Panginoon, patawarin mo kami at ang aming mga kapatid na nauna sa amin sa pananampalataya, at huwag ilagay sa aming mga puso ang anumang sama ng loob laban sa mga naniniwala. Aming Panginoon! Ikaw ay talagang puno ng kabaitan, Pinakamahabagin. " (Quran 59:10)