Matapos tanggapin ng isang tao ang Islam bilang kanilang relihiyon ay kanilang mapagtatanto na ang Islam ay higit pa sa isang relihiyon - ito ay paraan ng pamumuhay. Ang pagsamba ay hindi nakalaan para sa mga natatanging araw o mga espesyal na pagdiriwang; ito ay bahagi ng ating buhay at ng ating kamatayan, ng ating gawain at ng ating paglalaro, ng ating kapahingahan at ng ating pag-aaral. Sa maikling salita, ang Islam ay kalakip o kasama ng ating buhay ng lahat ng ating mga pagkilos, mga kaisipan at mga gawa. Ang pagbuo ng mabubuting gawi upang tulungan tayo sa ating pang-araw-araw na pamumuhay bilang isang mananampalataya sa Nag-iisang Panginoon ay madali. Sa ibaba ay iyong makikita ang ilan sa mga alituntunin upang ikaw ay makapagsimula. Ang mga ito ay mga gawi na dapat na maging pamilyar kahalintulad ng paghinga, sa kagustuhan ng Allah (In Shaa Allah).
1. Magtalaga ng ilang bahagi sa pang-araw-araw sa pagbabasa ng Qur'an na isinalin sa ibang wika ( sa wikang nauunawaan).
2. Bigyan ng mahigpit na pansin na matutunan kung paano ang magdasal. Subukan mong pagbutihin ang iyong mga pagdarasal hanggang sa ikaw ay masiyahan, na ikaw ay nagdarasal sa tamang pamamaraan. Minsan ito ay tumatagal kaysa sa iyong inaasahan, kaya huwag masiraan ng loob.
3. Sikaping pag-aralan ang ilang mga salita ng pag-alala sa Allah o Dhikr. Ang mga ito ay maaaring bigkasin anumang oras sa araw o sa gabi. Kung sa palagay mo na wala ka pang sapat na kaalaman sa ritwal ng panalangin ngunit nais mong gumugol ng mas mahabang panahon o ugnayan sa Allah, sa gayon ay maaari silang ulitin pagkatapos ng iyong pagdarasal. Pag-aralang bigkasin: SubhanAllah, Alhamdulillah at Allahu Akbar.
“Kaya't alalahanin Ako (sa pamamagitan ng pagdarasal, pagluwalhati), at aalalahanin ko kayo, at magpasalamat sa Akin (para sa hindi mabilang na mga biyaya na ipinagkakaloob Ko sa inyo) at huwag kailanman maging walang utang na loob sa Akin. "(Quran 2: 152)
4. Magbigay ng ilang uri ng kawanggawa araw-araw. Tandaan na sa Islam ang pagbibigay ng tulong o kawang-gawa sa kapwa ay maaaring kasing simple ng pag-ngiti at pagpapaganda sa araw ng isang tao.
Sinabi ng Propeta Muhammad (SAW), "Ang bawat Muslim ay dapat magbigay ng tulong o kawang-gawa." Pagkatapos ay tinanong ng mga tao: "(Ngunit ano) kung ang isang tao ay walang ibibigay, ano ang dapat niyang gawin?" Ang Propeta ay tumugon: "Dapat siyang magtrabaho gamit ang kanyang mga kamay at bigyan ng pakinabang ang kanyang sarili at magbigay din ng tulong sa kapwa (mula sa kung ano ang kanyang kinita). "Ang mga tao ay muling nagtanong:" Kung wala rin siya nito? "Siya ay tumugon:" Dapat niyang tulungan ang mga nangangailangan na humihingi ng tulong. Pagkatapos ang mga tao ay muling nagtanong " Kung hindi niya magagawa (kahit na) iyan? "Sa huli ay sinabi ng Propeta:" Kung gayon, ay dapat siyang gumawa ng mga mabubuting gawain at lumayo sa mga masasamang gawain, at ito ay maituturing na isang kawang-gawa. "[1]
“Bawat paggawa ng kabutihan ay kawang-gawa.”[2]
5. Iwasan ang pag-aaksaya ng iyong libreng oras. Iyong matutuklasan na mayroong 1001 na mga bagay na dapat gawin na kapaki-pakinabang. Ang oras na nasasayang sa mga paglalaro ng bidyo at masidhing paggamit ng internet ay maaaring gugugulin ng mas mahusay. Sa sandaling maintindihan mo na ang bawat isang bagay ay maaaring gawing daan sa pagsamba sa Allah, ang paglalaro ng mga laro sa bidyo ng ilang oras, ay hindi isang matalinong paraan sa paggugol ng oras. Gayun paman sa pagsasabi nito, tayo ay darating sa susunod na punto.
6. Iwasan ang pagmamalabis. Maaaring maging kaakit-akit na mag-ayuno sa araw-araw o basahin ng buo ang Quran sa isang upuan, ngunit pinaalalahanan tayo ni Propeta Muhammad (SAW) laban sa pagmamalabis. Kaya sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may oras upang maglaro at oras upang matuto.
“Ang relihiyon ay napakadali at ang sinumang pahirapan ng labis ang kanyang sarili para sa kanyang relihiyon ay hindi maaaring magpatuloy sa ganitong pamamaraan. Kaya hindi ka dapat maging mapagmalabis…”[3]
7. Ang Islam ay isang pang kalahatang (holistic) relihiyon; nangangailangan ito na bigyan natin ng pansin ang ating espirituwal, pisikal at pang-kaisipan na kalusugan. Kaya maghanap ng mga gawain na magpapanatili ng iyong kalusugan at idagdag ito sa iyong Islamikong pag-uugali. Ang pagkakaroon ng sapat na tulog sa gabi ay nagbibigay-daan sa paggising ng maaga para magdasal. Ang pagkain ng tamang pagkain sa tamang dami ay nagpapanatili sa iyong lakas sa halip na katamaran; ito ay nagbibigay-daan sa iyo na sumamba nang walang paghihirap.
8. Subukan na makipagkaibigan sa komunidad ng mga Muslim. Ang pagtigil o pagsama sa mga taong sumasamba sa Allah sa tamang paraan ay isang mapagkukunan ng kasiyahan at kapakinabangan. Ang pinakamabuting mga kaibigan ay ang mga nag-uusap tungkol sa Islam nang higit pa sa mga pinakabagong moda. Ang mabuting mga kaibigan ay nagpapaalala sa bawat isa sa kanilang mga Islamikong obligasyon, tulad ng pagdarasal sa takdang oras o ang kahalagahan ng pagtulong sa iba.
9. Sikaping basahin ang tungkol sa buhay at kapanahuan ni Propeta Muhammad (SAW). Maraming magandang mga libro na nakasalin sa lahat ng mga wika na nagtuturo tungkol sa marangal na buhay ng huling Sugo ng Allah (SAW). Bilang mga Muslim ay dapat nating mahalin ang Propeta, ngunit paano tayo magmamahal sa isang taong hindi natin kilala.
“Katotohanan, sa Sugo ng Allah ikaw ay may isang mabuting halimbawa na susundin, para sa kanya na umaasa (na makita ang) Allah at ang Huling Araw at labis ang pag-alaala sa Allah. "(Quran 33:21)
10. Alamin ang mga mabubuting asal at mga pag-uugali. Pag-aralan at sikapin na tularan ang mga kabutihang asal at pag-uugali ni Propeta Muhammad (SAW), sa mga naninirahan sa paligid niya at sa lahat ng mga matuwid na tao na nauna sa atin, kabilang ang lahat ng mga Propeta ng Allah. Inaasahan ng Allah na kikilos tayo sa pinakamabuting paraan, kung mabigo tayo minsan, sa gayon ay dapat tayong humingi ng kapatawaran at subukan na gumawa ng mas mabuti.
Ang ating relihiyon ay madali. Ito ay isang maliit na hakbangin sa bawat pagkakataon. Dahan dahang magkamit ng mga gawi na makapagpapagaan sa buhay dito sa mundo at makakaseguro sa kabilang buhay ( sa paraiso).