Ang Pagpapahayag ng Pananampalataya
Pambungad
Ang sentro ng relihiyong Islam ay ang pagsaksi o pagpapatotoo sa sumusunod na dalawang aspeto:
(i) La ilaha illa Allah (ang ibig sabihin nito ay ‘Walang Ibang diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah, Ang Nag-iisang Dakilang Tagapaglikha, Ang Panginoon ng lahat.
(ii) Muhammad rasoolu Allah (ang ibig sabihin nito ay ‘Si Muhammad ay Sugo / Propeta ng Allah’)
Ang mga katagang ito ay kilala sa tawag na Shahadah o ang Pagpapahayag / Pagpapatotoo ng Pananampalataya. Sa pamamagitan ng buong paniniwala at pagbigkas ng mga katagang ito makakapasok ang sinuman sa pananampalatayang Islam at ito ang sentro ng paniniwala ng bawat mananampalataya na kailangan niyang panatilihin habang siya ay nabubuhay, at siyang basehan ng kanyang mga paniniwala, pagsamba, at pananatili sa mundong ito.
Ang bawat Muslim, kabilang na ang mga bagong yakap sa Islam, ay kinakailangang maunawaan ang kahulugan ng mga katagang ito, at pagsumikapan ito na maisabuhay.
Ang Kahalagahan ng Pagpapatotoo ng Pananampalataya
Ang Pagpapahayag na ito ay ang pinakamahalagang aspeto ng relihiyong Islam kung saan ang buong relihiyon ay naitatag. Ang Islam ang bukod tangi at tunay na monoteismong relihiyon, nagpapahiwatig na ang pagsamba ay hindi nararapat na i-alay sa iba maliban lamang kay Allah. Ito ay isang paraan ng pamumuhay kung saan ang isang tao ay sumusunod at sumasamba sa mga utos ng Allah at wala nang iba.
Ang Pagpapahayag ng Pananampalataya (Shahadah) na ito ay nagpapaalala sa atin ng ating layunin sa buhay na sambahin ang Allah lamang. Ang sabi ng Allah sa Qur'an:
“At hindi Ko nilikha ang jinn at tao maliban na lamang na sambahin nila Ako.” (Quran 51:56)
Ang mensahe ng Kaisahan ng Diyos (Tawheed) na matatagpuan sa Pagpapatotoo ay hindi partikular sa mensahe ni Propeta Muhammad, ang awa at biyaya ng Allah ay sumakanya nawa. Ito ay ang mensahe ng lahat ng Propeta ng Allah. Mula nang likhain ng Allah ang sangkatauhan, Ang Allah ay nagpadala ng mga Propeta sa bawat lahi at nasyon at ipinag-utos na walang ibang sasambahin kundi Siya lamang kabilang na dito ang pagtanggi sa mga diyos-diyosan. Sabi ni Allah:
“Katunayan na Kami ay nagpadala sa bawat bansa ng isang Sugo, [nag utos sa kanila] 'Sambahin ang Allah, at tanggihan ang mga bulaang Diyos.” (Quran 16:36)
Ang Kahulugan ng La ilaha illa Allah
Ang kahulugan ng bawat salita sa parirala na ito ay:
La: Walang; ilaha: diyos (diyos); illa: maliban; Ala: Allah (Diyos)
Samakatuwid, ang literal na kahulugan ng pariralang ito ay "Walang diyos maliban kay Allah”
Unang Bahagi ng pariralang ito: Pagtanggi
‘Walang diyos’… dito, ang diyos na may isang maliit na titik 'd' ay anumang bagay na sinasamba. Maraming mga tao ang gumawa ng mga bagay na kanilang likha bilang kanilang mga diyos at anito, ngunit lahat sila ay huwad at mali na sambahin sila, ibig sabihin wala silang karapatan sa pagsamba na iyon, ni hindi sila nararapat dito. Ang pagtanggi na ito ay sumasaklaw sa lahat ng mga pamahiin, ideolohiya, mga pamamaraan sa buhay, o anumang uri ng kapangyarihan na nag-aangkin ng banal na debosyon.
Ang ilang mga tao ay iniisip na ang Banal na Kaharian ng Diyos ay tulad ng kaharian dito sa lupa. Tulad ng isang hari na maraming mga ministro at pinagkakatiwalaang mga kasamahan, inakala nila 'ang mga santo' na magiging mga tagapamagitan sa Diyos. Kinikilala nila ang mga ito bilang mga kasangkapan para lumapit sa Diyos. Sa katunayan, walang tagapamagitan sa Islam, walang pari o pastor na dapat na 'kumpisalan' ng kanilang mga kasalanan upang mapatawad. Ang Muslim ay nagdarasal nang direkta at eksklusibo sa Diyos. Tinatanggihan din namin ang paniniwala sa mga pamahiin gaya ng astrolohiya, pagbabasa ng guhit ng palad, mga talisman o pampa-swerte, at mga manghuhula.
Ikalawang bahagi ng aspeto na ito: Pagpapatibay
‘Maliban sa Allah' … Matapos ang pagtanggi sa karapatan ng anumang nilalang na sinasamba, ang Pagpapatotoo o pagsaksi ay nagpapatotoo sa kabanalan ng Allah'....maliban sa Allah.'
Ang Allah, ay nagbanggit sa Quran, sa maraming bahagi nito, na ang lahat ng bagay na pinag aalayan ng mga tao ng pagsamba bukod sa Allah ay hindi karapat-dapat sa anumang pagsamba, at walang karapatan ang sinuman sa pagsamba na ito, dahil sila mismo ay mga nilikha lamang at walang kapangyarihan upang magbigay ng anumang benepisyo.
Katunatayn, sinamba nila bukod sa Kanya ang iba pang mga diyos na nilikha ng kanilang mga sarili, ni walang kakayahan na magtaglay ng pinsala o pakinabang para sa kanilang sarili, at hindi nagtataglay ng kapangyarihan (na nagiging sanhi) ng kamatayan, ni (pagbibigay) ng buhay, o ng pagbuhay ng patay. (Quran 25:3)
Kaya, ang La ilaha illa Allah ay nangangahulugang, “Walang tunay na diyos maliban sa Allah "o" Walang diyos na higit na karapat dapat sambahin maliban kay Allah.”
Ang Kahulugan ng Muhammad rasoolu Allah
Ang kahulugan ng bawat salita sa parirala ay:
Muhammad: Propeta Muhammad; rasoolu: Propeta; Allah: Allah (Diyos)
At samakatuwid ang parirala na ito ay nangangahulugang, "Si Muhammad ay Sugo at propeta ng Allah".
Sa pamamagitan ng pagpapatunay sa katotohanang ito, ang isa ay nagpapatotoo na si Propeta Muhammad, ay isang Propeta at Sugo na may patnubay mula sa Diyos, para sa sangkatauhan upang maihatid ang mensahe ng Panginoon, tulad ng iba pang mga Propeta at Sugo. Ang pagpapatunay sa katotohanang ito ay nagpapahiwatig ng maraming kahulugan. Kabilang dito ang mga sumusunod:
1. Ang paniwalaan na siya ang huling Propeta at Sugo.
“Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo ngunit siya ay Sugo ng Allah at ang huling Propeta at ang Allah ang higit na Nakaka-Alam ng lahat” (Quran 33:40)
2. Ang paniwalaan na ibinahagi niya ang mensahe ng Allah nang buong katapatan, tulad ng kanyang pagkakatanggap dito, walang kakulangan. Sabi Ng Allah:
“…Sa araw na ito, ginanap ko ang relihiyon para sa inyo, at kinumpleto ang Aking Pabor para sa inyo, at pinili Ko ang Islam bilang inyong relihiyon…” (Quran 5:3)
3. Ang paniwalaan na siya ay Propeta para sa lahat ng sangkatauhan. Sabi ni Allah:
“Sabihin mo: O sangkatauhan! Ako ay Sugo ng Allah sa inyong lahat…” (Quran 7:158)
4. Ang paniwalaan na ang lahat ng sinabi niya tungkol sa relihiyon ay kapahayagan mula sa Allah. Siya ay nararapat gawing isang halimbawa at sundin nang walang pag alinlangan sapagkat siya ay nagpahayag sa Ngalan ng Allah at ang pagtalima sa kanya ay pagtalima sa Allah.
“Hindi siya nagsasalita mula sa kanyang sariling pagnanais, ito (ang kanyang pananalita) ay isang pahayag lamang [sa kanya]. (Quran 53:3-4)
“Siya na tumatalima sa Sugo, ay tumatalima sa Allah...” (Quran 4:80)
5. Dapat nating sambahin ang Allah ayon sa batas na dala niya. Binuwag niya ang lahat ng naunang mga batas kabilang ang Mosaic Law.
“At ang sinumang nagnanais ng relihiyon maliban sa Islam, hindi ito tatanggapin mula sa kanya, at sa Kabilang Buhay siya ay kabilang sa mga talunan.” (Quran 3:85)
6. Si Propeta Muhammad ay dapat mahalin at bigyan ng pagpupugay. Ang malaman ang kanyang moralidad, ang kanyang mga sakripisyo para sa pagpalaganap ng monoteismo, at ang kanyang pagtitiis sa mga kalaban ay nagdaragdag ng pagpapahalaga sa kanya. Habang nababatid natin ang tungkol sa kanyang buhay at mga katangian, higit lalong nadadagdagan ang ating pagmamahal sa kanya.
Sa kabuuan, ang pagpapatotoo o pagsaksi na si Muhammad rasoolu Allah ay nangangahulugan ng pagsunod kay Propeta Muhammad sa kung ano ang kanyang utos, paniniwala sa kanya sa kung ano ang ipinahayag niya, pag-layo sa kanyang ipinagbabawal, at pagsamba sa Allah lamang sa paraang itinagubilin niya sa atin. Ang mga bagay na ito ay hindi limitado sa isang partikular na tao o sa isang partikular na panahon.
Nasaan ang Allah?
Ang Pinaka-Mahabagin na Tagapaglikha ay nagpakilala ng Kanyang sarili sa Quran, at sa Sunnah naman ipinakilala ng Propeta ang kanyang Panginoon, dahil ang pag-iisip ng tao ay limitado at hindi kayang arukin ang lalim ng walang hanggang saklaw ng Kabanalan. Ang Allah ay nagbanggit ng mga kinakailangan natin upang malaman ang patungkol sa Kanya, tinutulungan tayo na maiwasan ang pagkalito patungkol sa Kanyang katangian, mga gawa at kinaroroonan. Sa ano't ano man, paano natin mamahalin ang sinuman na hindi natin kilala? Sa makatuwid, ang Quran at ang Sunnah ay nagsasabi sa atin ng lahat ng kailangan nating malaman para sumamba sa ating Tagapaglikha. Ang banal na katangian na 'Uluw', kataas-taasan o kadakilaan, ang usapin sa araling ito.
Kahulugan at Kahalagahan
Ang banal na katangiang ‘Uluw ay nangangahulugang ang Allah ay nasa ibabaw ng Kanyang likha, sa kataas-taasan na angkop sa Kanyang kadakilaan, at walang nakahihigit sa Kanya. Siya ay wala sa Kanyang nilikha, at hindi parte ng Kanyang nilikha. Ang mga likha ay hindi pumapalibot sa Kanya. Ang Tagapaglikha ay ganap na hiwalay at naiiba sa Kanyang nilikha.
Bago ang Islam, ang mga Hindu ay naniniwala na ang Diyos daw ay nananahan sa mga hayop, mga tao, at mga rebultong hindi mabilang ang dami. Ang kasulatan ng mga Hudyo ay nagsasaad na ang Diyos daw ay pumarito sa mundo sa anyong tao at nakipag-buno kay Propeta Jacob at nakatalo sa Kanya (ayon sa Genesis 32:24-30). Ang mga Kristiyano ay naghahayag na ang Diyos daw ay naging laman at pumarito sa mundo sa anyo ng tao para ipako. Ang ilan sa mga heretics o erehe (mga taong may paniniwalang taliwas sa nakasaad na katuruan) ay nagdala ng mga ganitong uri ng ideya sa Islam. Halimbawa na lamang, ay itong si Hallaj, isang magulong mistiko, na nag-aangking siya at ang Allah ay iisa. Ang taliwas na mga ideyang ito ay masyadong lumaganap na kung ang isang tao ay magtatanong sa ilang mga Muslim ngayon, 'Nasaan ang Allah?' sasabihin nilang Siya ay nasa kung saan-saan.
Ang pinaka-unang panganib ng mga pag-unawang ito ay nagbubukas ito ng pintuan para sa pagsamba sa nilikha. Kung ang Diyos ay nasa kung saan-saan, nangangahulugan na Siya ay nasa Kanyang nilikha. Kung ito ay totoo, kung gayon ay bakit hindi sambahin ang mismong nilikha? Nagiging madali para sa mga tao na umpisahang sabihin na ang Diyos ay nasa kanilang kaluluwa at tumanggap ng pagsamba. Ang hindi mabilang na mga hari, ordinaryong mga tao tulad ng mga Paraon sa Egypt at si Jesus ay lubos na sinamba, kahit pa na si Jesus ay tutol na siya ay sambahin ng kanyang mga tagasunod.
Ang Patunay
Ang Allah ay wala sa kung saan-saan. May limang pangunahing patunay para rito:
(1) Inihahayag ng Islam na bawat tao ay isinilang na may partikular na mga gawi na hindi resulta ng kanyang kapaligiran. Ang mga tao ay isinilang na may likas na pag-unawa't pagkilala sa Tagapaglikha na hiwalay at nasa ibabaw ng Kanyang nilikha. Ang simpleng isipin na ang Diyos ay nasa lugar na marurumi, na isa sa magiging likas na kalalabasan ng ideolohiyang ang Diyos ay nasa kung saan-saan ay karimarimarim para sa tao.
(2) Ang salah ay dapat na isagawa sa mga lugar na walang larawan o estatwa. Ang isang Muslim ay pinagbawalan na yumuko o magpatirapa bilang pagsamba sa kahit na anong nilikha. Kung ang Allah ay nasa kung saan-saan at nasa lahat ng bagay, ang mga tao ay maaring sumamba sa ibang tao o maging sa kanilang sarili.
(3) Dalawang taon bago nangibang-bayan ang Propeta (ang Kapayapaan at pagpapala ng Allah ay mapasakanya) mula sa Makkah patungong Madina, siya ay dinala sa isang milagrosong paglalakbay mula sa Makkah patungong Jerusalem, at mula sa Jerusalem paakyat lagpas sa pitong langit para pumaroon sa Allah. Ang Allah ay direktang nakipag-usap kay Propeta Muhammad. Wala nang pangangailangan para sa Propeta na magtungo paakyat sa pitong langit para makita ang Allah kung Siya ay nasa kung saan-saan.
(4) Maraming mga talata sa Quran na nagsasabi sa atin ng malinaw na ang Allah ay nasa ibabaw ng Kanyang nilikha, sa kataas-taasan na angkop sa Kanyang kadakilaan:
Ang Quran ay nagsasabi patungkol sa mga anghel na umaakyat patungo sa Allah:
“...At sila ay aakyat tungo sa Kanya, sa araw na ang haba nito ay libong taon kung sa inyong sukatan ng pagbibilang ng panahon.” (Quran 32:5) (salin ng kahulugan)
Ang mga panalangin ay itinataas din tungo sa Allah:
“...At patungo sa Kanya aakyat ang mga mabubuting salita...” (Quran 35:10) (salin ng kahulugan)
Ipinakilala ng Allah ang Kanyang sarili na Siya ay nasa ibabaw ng Kanyang mga alipin:
“Siya ang Pinaka-makapangyarihan, Kadakilaan, Kapangyarihan at Kataastaasan na ang lahat-lahat ay kusang nagpapasailalim sa Kanya, sa Kadakilaan na Siya ay nasa ibabaw ng Kanyang mga alipin.” (Quran 6:18, 61) (salin ng mga kapaliwanagan ng kahulugan)
Inilarawan niya ang Kanyang mga tagapagsamba bilang:
“Kinatatakutan ng mga anghel ang kanilang Panginoon, na nasa ibabaw nilang lahat - sa Kataastaas na angkop sa Kanyang Kadakilaan..” (Quran 16:50) (salin ng kahulugan)
Isa sa mga magagandang pangalan ng Allah ay Al-Aliy na nangangahulugang, "Ang Pinaka Taas-taasan"; walang napaibabaw sa Kanya.
(5) Ang kasamahan ng Propeta na nagngangalang Ibn al-Hakam ay mayroong aliping batang babae na tagabantay sa kanyang mga tupa. Isang araw, siya ay dumating para makita ang kanyang alipin, at nadatnan na may tupang nakain ng lobo mula sa lupon na kanyang inaalagaan. Pagkaalam nito, siya ay nagalit at sinampal ang kanyang alipin, ngunit kalaunan ay pinagsisihan ito. Kaya naman siya ay nagtungo sa Sugo ng Allah at isinalaysay ang nangyari, kung saan hiniling ng Sugo sa kanya na dalhin ang naturang alipin.
Nang dumating, ang Propeta ay nagtanong sa kanya, 'Nasaan ang Allah?' Ang alipin ay sumagot, 'Nasa ibabaw ng kalangitan.' Tinanong siya ng Propeta, 'Sino ako?' Siya ay sumagot, 'Ikaw ang Sugo ng Allah'. Ang Propeta ay nagsabi, 'Palayain mo siya, dahil siya ay isang naniniwala (sa Allah at sa Kanyang Sugo).[1]
Dito, sinang-ayunan at pinatotohanan ng Propeta ang sinabi ng bata na ang Allah ay nasa ibabaw ng kalangitan. Dahil kung mali, siya ay itatama ng Propeta katulad ng pagtatama niya sa ibang maling paniniwala.
Ang Allah ba ay Bukod o Hiwalay sa Kanyang Nilikha?
Ang Allah na nasa ibabaw ng Kanyang nilikha ay hindi nangangahulugan na Siya ay malayo mula sa Kanyang nilikha. Higit na batid Niya lahat ng nangyayari sa mga Sansinukob. Walang nakakalampas sa Kanyang paningin, pandinig, kapangyarihan at kakayahan. Ang mga sumusunod na talata ay dapat na maunawaan sa nilalamang ito:
“...At Kami ay mas malapit sa kanya (sa pamamagitan ng ganap na kaalaman) kaysa sa kanyang ugat sa leeg.” (Quran 50:16) (salin ng kahulugan)
“at dapat ninyong mabatid, na ang Allah ang nangangasiwa sa lahat ng bagay, na Ganap na Makapangyarihan na kaya Niyang harangan ang tao sa anumang bugso ng kanyang Puso.” (Quran 8:24) (salin ng kahulugan)
Ang mga talata na ito ay hindi nangangahulugan na ang Allah ay nasa loob ng tao. Nangangahulugan lamang ito na walang nakakalampas sa kaalaman ng Allah. Alam niya maging ang pinaka-kaibuturan ng pag-iisip ng tao, gaya ng sinabi ng Allah sa isa pang talata sa Quran:
“Hindi ba nila alam na batid ng Allah kung ano ang kanilang inililihim at inilalantad?” (Quran 2:77) (salin ng kahulugan)
Bilang buod, base sa Quran at Sunnah, ang Allah ay nasa ibabaw ng mga Sansinukob, sa Kataas-taasan na angkop sa Kanyang Kadakilaan; ang Kanyang nilikha ay wala sa loob Niya, o Siya man ay wala sa loob ng Kanyang nilikha. Gayunpaman, ay Higit na Saklaw at Higit sa Kapasidad ng Kanyang Kaalaman, Kapangyarihan, at Kakayahan na pamahalaan ang lahat at bawat isa sa mga pinakamaliliit na butil sa Sansinukob.
Makikita ba natin ang Allah?
Tunay na kamangha-mangha ang pagiisip ng tao, ngunit sa ilang saklaw ay limitado. Kakaiba ang Allah mula sa lahat ng bagay na maaaring isipin o maarok ng tao. Samakatuwid, kung ang pagiisip ay tatangkaing isalarawan ang Allah, ilan sa mga aspeto ay mauuwi sa walang kasiguruhan at bukas sa walang katapusang sapantaha o interpretasyon. Gayunpaman, imposibleng maunawaan ang mga katangian ng Allah nang hindi nangangailangan ng mental na mga pagsasalarawan. Halimbawa, isa sa mga pangalan ng Allah ay al-Ghaffar, na ang ibig sabihin ay ‘Pinakamapagpatawad’. Madali itong maunawaan ng kahit sino dahil sa ganitong paraan ay malinaw na maiisip ng tao ang Allah. May bahagyang kalituhan ang mga Hudyo at Kristiyano dahil sa kanilang hindi wastong pagunawa sa isyung ito. Ang Torah ng mga Hundyo ay nagtuturo na ang Diyos ay katulad ng tao:
“At sinabi ng Diyos, ‘Lumikha tayo ng tao ayon sa ating wangis, na may pagkakahawig sa atin…kaya't ang Diyos ay lumikha ng tao ayon sa kanyang imahe.’ (Genesis 1:26-27)
Bukod dito, ang ilang mga Kristiyano ay naglagay sa kanilang mga simbahan ng mga estatwa o larawan ng isang matandang lalaki na maputi ang balbas na nagsasalarawan sa Diyos. Ang ilan sa mga ito ay ginawa ng mga katulad ni Michelangelo, na naglalarawan sa Mukha at Kamay 'ng Diyos' - isang matikas na matandang lalaki - sa larawang guhit.
Ang paglalapat ng mga imahe ng Diyos sa Islam ay isang imposible, at maibibilang sa kawalang paniniwala, katulad ng sinasabi sa atin ng Allah sa Quran na walang anuman ang kahalintulad Niya:
“Walang anupamang bagay ang makakatulad sa Kanya, at Siya ang Ganap na Nakaririnig, ang Lubos na Nakamamasid.” (Quran 42:11)
“At walang anuman ang sa Kanya ay maihahalintulad.” (Quran 112:4)
Ang Kahilingan ni Moises na Makita ang Allah
Hindi maapuhap ng mga Mata ang Allah, Sinasabi Niya sa atin sa Quran:
“Siya ay hindi maaabot ng Paningin, datapuwa't abot niya ang lahat ng paningin.” (Quran 6:103)
Si Moises, na kung saan ang Diyos ay nakipagusap at nagbigay ng mga dakilang himala, ay pinili ng Allah na maging Kanyang Propeta. Sinasabing, iniisip ni Moises na, dahil ang Allah ay nakikipagusap sa kanya, maaaring makita niya mismo ang Allah kung hihilingin niya. Ang kuwento ay nasa Quran, kung saan ang Allah ay nagsasabi sa atin kung ano ang nangyari:
“At nang si Moises ay dumating sa oras at lugar na Aming itinalaga, at ang kanyang Panginoon ay nangusap sa kanya, siya ay nagsabi: O aking Panginoon! Ipakita Ninyo sa akin (ang Inyong sarili) upang ako ay makamalas sa Inyo.'' Si Allah ay nagwika: ''Ako ay hindi mamamasdan.'' Datapuwa't tumingin sa bundok, kung ito ay patuloy na nakatindig sa knyang lugar, Ako ay iyong mamasadan." Kaya't nang ang kanyang Panginoon ay magpamalas, ito ay gumuho (na naging) pinong alikabok, at si Moises ay napahandusay nawala ng malay. Nang siya ay pagbalikan ng ulirat, siya ay nagsabi: ''Ang Kaluwalhatian ay Sumainyo, ako ay nagbabalik-loob sa Inyo sa pagsisisi at ako ang una sa mga sumasampalataya.” (Quran 7:143)
Nilinaw ng Allah na walang sinuman, maging ang dakilang propetang si Moises, ay makakayanang mamasdan ang kabanalan, sapagkat ang Allah ay lubhang dakila upang maapuhap ng mga mata ng tao sa buhay na ito. Ayon sa Quran, nalaman ni Moises na ang kanyang kahilingan ay mali; kung kaya't, humingi siya ng kapatawaran sa Allah sa pagiisip na humiling ng ganoon.
Hindi Nakita ni Propeta Muhammad ang Allah sa Buhay na Ito
Si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay naglakbay sa isang mahimalang pagpaimbulog sa kalangitan upang makipagkita sa Allah. Iniisip ng tao na dahil nakipagusap si Propeta Muhammad sa Allah sa paglalakbay na iyon, ay malamang nakita rin niya ang Allah. Isa sa mga kasamahan, Abu Dharr, ay nagtanong sa kanyan tungkol dito. Ang Propeta ay sumagot:
“Mayroon lamang liwanag, Paano ko Siya makikita?’[1]
Anong liwanag ang kanyang nakita? Ipinaliwanag ng Propeta:
“Katiyakan, ang Allah ay hindi natutulog o angkop sa kanya ang matulog. Siya ang nagpapababa ng timbangan at nagpapaangat nito. Ang mga gawa sa gabi ay umaakyat sa Kanya bago ang mga gawa ng araw at ang yaong mga araw bago ang yaong mga gabi, at ang Kanyang tabing ay ang liwanag.”[2]
Pangitain ng Diyos sa Ispiritwal na mga Karanasan
Ilang mga tao, kasama na yaong mga nagaangkin na mga Muslim, ay nag-ulat ng mga ispiritwal na karanasan kung saan sinasabi nilang nakita nila ang Diyos. Karaniwang iniuulat na mga karanasan ay kinabibilangan ng pagkakakita sa liwanang, o isang mahiwagang nilalang na nakaupo sa trono. Ang mga ganoong karanasan ay karaniwang kasabay ng pagtalikod sa ilang pangunahing gawaing pang Islamiko tulad ng salah at pagaayuno, sa ilalim ng maling opinyon na ang ganitong mga gawi ay para lamang sa karaniwang mga tao na hindi nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan.
Ang isa sa mga pangunahing pundasyon ng Islam ay ang batas na ipinahayag kay Propeta Muhammad ay hindi mababago o mapapawalang-bisa. Hindi ipinahintulot ng Diyos sa ilan ang ipinagbawal naman Niya sa iba, o inihahatid niya ang kanyang kautusan sa pamamagitan ng gayong mga karanasan. Manapa'y ang banal na kautusan ay ipinapahayag sa pamamagitan ng tamang paraan ng pagpapahayag sa mga propeta, isang kaparaanan na nagwakas sa pagdating ni Propeta Muhammad, ang huling propeta ng Diyos. Si Satanas ang siyang nagpapanggap bilang si Allah upang linlangin ang mga mangmang na tao na naniniwala sa ganoong mga karanasan upang tuluyang maligaw.
Makikita ang Allah sa Kabilang Buhay
Hindi makikita ang Allah sa buhay na ito, ngunit ang mga mananampalataya ay makikita ang Allah sa susunod na buhay, ito ay maliwanag na nakasaad sa Quran at sa Sunnah. Ang Propeta ay nagsabi, “Ang araw ng Pagkabuhay na Mag-uli ay ang unang araw na makikita ng sinumang mata ang Allah, Ang Makapangyarihan at ang Kataas-taasan.”[3] Naglalarawan ng mga mangyayari sa araw ng Pagkabuhay na Mag-uli, sinabi ng Allah sa Quran:
“Sa araw na iyon ang ilang mga mukha ay magniningning, pinagmamasdan ang kanilang Panginoon.” (Quran 75:22-23)
Tinanong ang Propeta kung makikita ba natin ang Allah sa Araw ng Pagbabangong-Muli Siya ay tumugon, “Nasisilaw ba kayo kapag pinagmamasdan ang kabilugan ng buwan?”[4] ‘Hindi,’ tugon nila. Kaya't sinabi niya, “Katiyakan, ganoon n'yo rin Siya makikita.” Sa ibang hadith ang Propeta ay nagsabi, “Katiyakan, bawat isa sa inyo ay makikita ang Allah sa araw ng pakikipagtagpo sa Kanya, at wala nang tabing o tagapamagitan sa pagitan ninyo at sa Kanya.”[5] Ang pagkakakita sa Allah ay isang pabor o karagdagan sa Paraiso para sa mga Muslim na mananahan doon. Sa katotohanan, ang kaligayahan para sa isang mananampalataya na makita ang Allah ay higit pa sa kaligayahang matatamo kapag pinagsama-sama ang mga kaligayahan sa Paraiso. Ang mga hindi mananampalataya, sa kabilang banda, ay pagkakaitan na makita ang Allah at ito ang pinakamatinding kaparusahan para sa kanila kaysa sa mga pasakit at pagdurusa sa Impyerno kapag pinagsama-sama.
Pangitain / Pamahiin
Ang Pangitain ay tumutukoy sa isang tanda ng isang pangyayari sa hinaharap. Ang Ilan sa mga Pangitain ay pinapaniwaalan bilang magandang kapalaran at ang iba naman ay kamalasan. Maraming mga pamahiin, mabuti o masama ang laganap na pinapaniwalaan sa mundo, at ang isang Muslim ay kinakailangang may malinaw na pag unawa kung paano ito nakaka apekto sa kanilang paniniwala. Ang mga Pangitain ay hindi lamang basta mga walang kabuluhang bagay na pinapaniwalaan ng mga tao; ito ay mula sa pagano, hindi-Islamikong ideya. Ating pagkatandaan na ang 'idolatry' ay hindi umusbong ng magdamag lamang. Ang mga Pamahiin ay may pinag ugatan at ito ang nag bukas ng pintuan sa pag samba sa mga imahe, mga diyos na tao at sa mga bituin. Dahan-dahang nakakalimutan ng tao ang purong mga aral ng kanilang mga propeta – tawheed - at pinaghalo nila ito sa mga pamahiin. Isinasara ng Islam ang lahat ng ganitong mga paniniwala at binubuklod ang bawat pamahiin na maaaring makasira sa simple at dalisay na paniniwala sa Kaisahan at Pagkabukod-tangi ng Allah sa Kanyang Pagka-Panginoon, Kanyang Pangalan at mga Katangian at sa Kanyang karapatan sa bukod-tangi na Pagsamba -tawheed.
Ang mga sumusunod ay ilang sa mga halimbawa ng mga naglipanang mga Pamahiin:
(1) Ang pagkabasag ng salamin ay nangangahulugan ng pagdurusa ng pitong taon at masamang kapalaran: bago pa ma-imbento ang mga salamin, ang tao ay tumitingin sa kanyang anino, na itinuturing bilang kanyang 'ibang sarili', sa tubig, sapa, at mga lawa. Kung ang imahe ay sira, ito ay tanda ng nagbabantang kalamidad. Kung kaya yong 'di nababasag' na mga salamin na metal ng mga sinaunang taga Ehipto at Griyego ay pinahahalagahang mga ari-arian dahil sa mahiwaga nitong katangian (buo ang repleksyon ng imahe). Pagkatapos ipakilala ang salamin na mababasagin, ang mga Romano naman ay naniwala na ang mga basag na salamin ay senyales ng pangit na pangitain,sa dahilang ang bawat basag na piraso nito ay nagbibigay ng 'madaming repleksyon ng kanilang mga sarili’. Ang haba ng panahon ng malas na pinapaniwalaan dito ay nagmula sa paniniwala ng mga Romano na ang katawan ng tao ay pisikal na bumabata tuwing ika pitong (7) taon, at dahil dito, ang isang tao nagiging bago ang katauhan.
(2) Pagkatok sa kahoy: ang sinaunang paniniwala na ang mga espiritu ay naninirahan, o binabantayan ang mga puno. Ang mga Greyego ay sumasamba sa kahoy dahil ito ay sagrado kay Zeus, ang mga Celts naniniwala sa mga espiritu ng puno, at sila ay parehong naniniwala sa paghawak sa sagradong puno ay magdadala ng magandang kapalaran. Ang mga Irish ay naniniwala din na ang 'paghawak sa kahoy' ay isang paraan upang pasalamatan ang leprechauns para sa isang magandang kapalaran . Ang mga Pagano ay naniniwala din sa mga espiritu sa kahoy na nagbibigay ng proteksyon. Ang mga Chinese at Koreans iniisip na ang mga espiritu ng mga ina na namatay sa panganganak ay nananatili sa mga malalapit na kahoy. Isa din itong punto sa pagpapaliwanag sa kahoy na krus na pinagsimulan ng ‘good luck,’ kahit pa ito ay hango ng mga Kristiano sa sinaunang paganong mga paniniwala.
(3) Ang di-sinasadyang pagkatapon ng asin ay pinapaniwalan na may kasunod na sakuna o kamalasan, kaya ang ginagawa para hindi mangyari ang inaasahan ay isinasaboy , o itinatapon na ito ng sadya, sa ibabaw ng kaliwang balikat upang salungatin ang paparating o nagbabadyang kamalasan. ang pamahiin tungkol sa asin ay nagsimula na noong kapanahunan ng bibliya na ang asin isa sa mamahaling bilihin. Mahal, at kinakailangan sa pag preserba ng mga pagkain, at kadalasan ding ginagamit pamalit sa pera. Kung kaya ang pagkatapon o pagtatapon ng asin ay itinuturing na mapaminsalang pagkakasala, at iniiwan ang isang tao na nakalantad at maging kasangkapan ng demonyo. Ang pagtatapon ng asin sa ibabaw ng kaliwang balikat ay ipinalagay na kaparaanan upang hindi makalapit ang demonyo kung ikaw ay lubhang lapitin nito. Ang Asin ay ginamit upang bulagin ang demonyo upang hindi niya makita ang iyong mga pagkakamali, o pigilan ang demonyo na sumunod o sumilip habang nililigpit mo ang nakalat na asin
(4) Friday 13th: sa kultura ng mg taga-kanluran, ang a trese (13th) kapag nataon na biyernes ay pinapaniwalaang malas sa loob ng daang taon. Ang ika 13th na palapag sa mga matataas na gusali sa Amerika ay tinatawag na ika 14th na palapag. Ang ika anim na araw sa isang linggo ay ay itinuturing din na malas, tulad sa numero 13. Ang kumbinasyon, na nangyayari ng 1 hanggang 3 beses sa isang taon, ay nagdaragdag sa pagpapatotoo ng pamahiin na ito.
Ang mga tao ay umiiwas bumiyahe sa araw na ito. Ang ilan ay nagsasabi na ang numer o 13 ay sinadyang siniraan ng mga pari dahil ito ay nagrerepresenta ng kahinaan. Ang 13 ay tumutugma sa (menstrual) cycles sa isang taon, at ang numerong ito ay iniuugnay sa sinaunang kultura na sumasamba sa diyosa. Ang mga Hindu ay naniniwala na malas ang 13 katao na magkasama sama sa isang lugar. Ang paniniwalang ito ay sinasang ayunan ng mga Scandinavians. Maraming mga kwento sa bibliya na may negatibong dating na nangyari sa araw ng Byernes, kabilang ang pagpapa alis kina Adan at Eva mula sa Hardin ng Eden, ang pagsisimula ng Dakilang Baha, at ang ipinahiwatig na pagkakapako sa krus ni Jesus.
Islamikong Pagbabatas hinggil sa Pamahiin
Bago ang Islam ipinagpapalagay ng mga arabo ang direksyon kung saan tutungo ang mga ibon na isang senyales ng mabuti o masama na pangitain. Kapag ang isang tao na maglalakbay ay nakakita ng ibon na lumipad sa kanyang ibabaw sa bandang kaliwa, siya ay babalik sa bahay. Ang kaugaliang ito ay tinatawag na 'tiyarah'. Ang mga sinaunang arabo ay ibon ang kanilang pinagbabasehan ng mga pangitain o pamahiin, subalit ang ibang nasyon ay sa ibang bagay. Sa kabuuan, lahat sila ay parepareho ang pag trato sa mga pamahiin o pangitain. Samakatwid, tiyarah ay tumutukoy sa kabuuang paniniwala sa pamahiin /pangitain at ang pagtatambal na pumapaloob o sumasaklaw sa gawain at paniniwala dito at walang pagkakaiba sa prinsipyo. Sa Islam, lahat ng mga ito ay walang bisa at ito ay kabilang sa mga 'kathang kaisipan o paniniwala' lamang, sapagkat ito ay direktang nagtuturo ng importanteng pagsamba ng puso - tiwala sa iba maliban pa sa nag-iisang tagapaglikha ang Allah. Ang Propeta, ang habag at pagpapala ng Allah ay sumakanya nawa, ay nagsabi ,
“Ang Tiyarah ay pagtatambal, at ang sinuman ang magsagawa nito ay hindi kabilang sa atin. Ang Allah ang maglalayo sa atin sa paniniwalang ito (its belief) sa pamamagitang ng pagtitiwala sa Allah lamang” (Al-Tirmidhi)
Isa sa mga kasamahan ng Propeta ay nagsabi na ang ilan sa mga tao ay pinapaniwaalan ang pangitain sa mga ibon. Ang Propeta ay nagsabi,
“Ito ay gawa-gawa lamang ng inyong mga sarili, kaya huwag ninyong hayaan na pigilan kayo nito.” (Saheeh Muslim)
Ang ibig sabihin ng Propeta, ang mga pangitain na ito ay imahinasyon lamang ng tao; kung kaya, hindi nito kailangang pigilan ang nais gawin ninuman. Hindi ginawang pangitain ng Allah ang hugis na nabubuo sa paglipad ng mga ibon bilang mabuti o masamang pangitain.
Ang mga kasamahan ng Propeta ay seryosong isinabuhay ang pagbawal sa paniniwala sa mga pangitain. Si Ikrima ay nagsabi na minsan habang sila ay nakaupo kasama si Ibn Abbas, ang kasamahan ng Propeta, may ibon na lumipad sa ibabaw ng kinaroroonan nila. May isang lalaki napabulalas, ‘Mabuti! Mabuti!’ Sinabi ni Ibn Abbas, ‘Walang mabuti o masama diyan (paglipad ng ibon sa ibabaw nila).’ pagtatama ni Ibn Abbas.
Ang mga mapamahiin o paniniwala na ito ay nagpapahiwatig ng kakayahan na magsanhi ng mabuti o masamang kapalaran sa mga nilikha Ng Allah. At, ang takot sa kasawian at pag-asa sa suwerte ay nagtuturo sa iba pa maliban sa Allah, samantalang ito ay dapat na mag-gabay patungo sa Allah. Ang paniniwalang ito halimbawa pa mang sabihin natin na posible nitong mahulaan ang mga darating na pangyayari, samantalang ang Allah lamang ang bukod tangi na nakaka alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang Allah ay nagsabi sa Propeta sa Maluwalhating Quran na sabihin na kung alam niya ang mga hindi nakikita ( unseen), Ang Propeta, malamang ay inipon na ang lahat ng mabubuti sa kanyang paligid (Quran 7:188)
Ang mensahero ng Allah ay nag sabi,
“Ang Tiyarah ay shirk, ang tiyarah is shirk.” (Abu Dawud)
Sa ibang hadith sinabi niya,
“Ang sinuman na napigilan gawin ang isang bagay dahil sa tiyarah ay nagkasala o nakagawa ng shirk (pagtatambal).” (Al-Tirmidhi, Ibn Majah)
Nang tanungin ng mga kasamahan kung ano ang pagbabayad-sala nito, inutusan niya ang mga ito na bigkasin ang:
Allah-humma la khayraa illa khayruk, wa laa tayra illa tayruk, wa la illaha illa ghayruk.
“O Allah, walang kabutihan maliban sa Inyong kabutihan ,ni mga pangitain maliban sa iyong mga pangitain, at walang diyos bukod sa iyo.” (Ahmad, Tabarani)
Mga Gayuma at Agimat/Dala-dalahan
Sa loob ng libu-libong taon, sinubukan ng mga tao na magdala ng magandang kapalaran at umiwas sa kamalasan para sa kanila at sa kanilang mga ari-arian sa pamamagitan ng paggamit ng mga gayuma, agimat, at anting-anting. Ang gayuma ay isang gawain o pagpapahayag na pinaniniwalaang may lakas at kapangyarihan, katulad ng pagdalit o orasyon.[1] Ang anting-anting ay isang bagay na nagtataglay ng tanda o katangian, at pinaniniwalaang nakatutulong upang makaiwas sa masama at magbigay ng magandang kapalaran.[2] Ang agimat ay ginagamit upang pangalagaan ang tao, o kanyang mga pagaari, katulad ng mga bahay at alagang hayop mula sa kasamaan ng mga mangkukulam, demonyo, at ilang mapaminsalang kapangyarihan, o upang hadlangan ang kamalasan at pagkakasakit. Ang anting-anting ay matatagpuan kapwa sa Silangan at sa Kanluran, sa mga tribo at mga bansa hanggang sa kasalukuyan panahon. Ang mga Assyriano at Ehipto, Griyego at Romano, Hudyo at mga Kristiyano, ang tumangkilik sa sina-unang paniniwalang ito, at, sa iba't ibang antas, ay tinatangkilik pa rin hanggang sa ngayon.[3] Sa kabila ng teknikal at siyentipikong pagunlad, ang mga pamahiin at agimat ay nagpapatuloy sa paglaganap sa Kanluraning lipunan. Ilan sa mga tanyag na agimat sa Kanluran ay:
(1) Ang Sapatilya ng Kabayo. Ang pinaka-karaniwang makikitang pampasuwerte sa makabagong Hilagang Amerika ay ang sapatilya ng kabayo at ang mga halimbawa nito sa anyo ng alahas, palamuti sa dingding, at mga larawan. Ang paggamit ng mga lumang sapatilya bilang mahiwagang agimat - lalo na kung nakasabit sa itaas o malapit sa pintuan - ay nagsimula sa Europa, kung saan matatagpuan pa rin ito na nakasabit sa mga tahanan, kamalig at kuwadra mula Italya maging sa Alemanya hanggang sa Britanya at Scandinavia.
(2) Ang halaman na may apat na dahon. Ang halaman na may apat na dahon ay kabilang sa mga karaniwang pampa-suwerte sa Hilagang Amerika lalo na yaong madalas makita na imahe sa mga pampa-suwerteng barya, at mga pampa-suwerteng tarheta/postkard.
(3) Ang wishbone o “merry thought.” Ang wishbone ay ang ikatlo sa sikat na agimat ng mga Amerikano, kasunod lamang ng sapatilya at halamang may apat na dahon. Ito ay isang buto malapit sa dibdib ng ibon, katulad ng sa manok, o turkey. Nakagawian na itabi ang buto na ito kapag inihahanda ang manok para sa hapunan at patuyuin sa kalan o sa apoy hanggang sa lumutong. Kapag natuyo na, ibinibigay ito sa dalawang tao, na hihilahin magkabila, hanggang sa mabali, bawat isa ay humihiling habang ginagawa ito. Ang tao na nakakuha ng “mahabang parte” ng wishbone ay "magkakatotoo ang kanyang kahilingan". Kung ang wishbone ay pantay na nabali, kapwa nila makakamit ang kanilang mga kahilingan.
(4) Ang paa ng Kuneho.
(5) Pampa-suwerteng pulseras.
(6) Pampa-suwerteng barya o 'panlagay sa pitaka.’
(7) Ang masuwerteng Nakangiting Buddha karaniwang makikita sa Oriental na mga tindahan at restawran.
Ang kuwintas na krus. Kapag napabendisyunan, ay itinuturing na mahalagang sakramento.
Agimat ng mga Hebreo: Palawit na hugis-dahon ng ubas na mayroong simbulo ng Bituin ni David (Star of David). Isa sa mga sina-unang gamit nito ay bilang simbulo ng salamangkang Kabalistiko.
Mga Gayuma at Agimat ng Sina-Unang Arabia
Ang mga Arabianong agimat (tameemah sa Arabe) ay gawa mula sa mga perlas o buto na isinusuot sa leeg ng mga bata o matatanda, o isinasabit sa mga tahanan o sasakyan, upang makaiwas sa masasama – lalo na sa usog – o maghatid ng ilang kapakinabangan. Ang mga Arabo sa kapanahunan ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsusuot ng mga palamuti sa kamay, pulseras, kuwintas, kabibi, at mga katulad na anting-anting upang magdala ng suwerte o humadlang sa masamang kapalaran.
Islamikong Patakaran sa mga Gayuma
Ang Allah ang tanging Panginoon at ang Pinuno ng pisikal na mundo. Ang ‘Panginoon’ ay nangangahulugang Siya ang Tagapaglikha at namamahala ng lahat ng bagay sa sanlibutan; ang Kaharian ng langit at ng lupa ay nauukol lamang sa Kanya, at Siya ang nagmamay-ari nito. Siya lamang ang nagkakaloob ng pagiral mula sa hindi pagiral at nakabatay sa Kanya ang pangangalaga at pananatili nito. Kinakailangan ang kanyang kapangyarihan sa bawat sandali upang magpatuloy ang lahat ng mga nilikha. Ang mga Anghel, mga propeta, sangkatauhan, ang mundo ng mga hayop at mga halaman ay nasa Kanyang pamamahala. Tanging ang Allah lamang ang nakababatid kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Ang suwerte at masamang kapalaran ay nagmumula sa Allah lamang.
Ang pananalig sa mga gayuma, agimat, at anting-anting ay sumasalungat sa paniniwala sa pagka-Diyos ng Allah sa pamamagitan ng pagtatambal sa kakayahan na magkaloob ng magandang kapalaran o umiwas sa pinsala. Samakatuwid, ang Propeta, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay tutol sa mga paniniwala at kaugaliang ito at nagturo sa tao na magkaroon ng matibay na paniniwala sa Panginoon, kaysa sa mga agimat, na hindi mababago anuman ang itadhana ng Allah at hindi makapagbibigay ng magandang kapalaran kanino man. Kahit na hindi man ito makapagbigay ng anumang pinsala, ang paniniwala sa mga agimat ay kadalasang magbubunsod sa idolatriya kalaunan. Ito ay makikita sa mga Katoliko kung saan ang mga krus, rebulto at medalyon ng mga santo ay isinusuot o iniingatan para sa mga pagpapala at magandang kapalaran.
Noong tinanggap ng tao ang Islam sa kapanahunan ng Propeta, dala-dala nila ang kanilang dating paniniwala sa mga agimat. Mahigpit na ipinagbawal ng Propeta sa kanila na sundin ito:
(1) Ang Sugo ng Allah, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah, ay nagsabi,
‘ang mga orasyon (ruqyah), agimat, at gayuma ay shirk.” (Ahmad, Abu Dawud)
(2) Ang Sugo ng Allah ay nagsabi,
“Sinuman ang magsuot ng mga agimat, huwag sanang tustusan ng Allah ang kanyang mga pangangailangan, at sinuman ang magsuot ng mga kabibi, huwag sana siyang bigyan ng Allah ng kapayapaan.” (Ahmad)
(3) Isang pangkat ang dumating sa Sugo ng Allah upang mangako ng katapatan sa kanya. Tinanggap niya ang katapatan ng siyam sa kanila. Sinabi nila, “O Sugo ng Allah, tinanggap mo ang pakikipagkasundo ng siyam maliban sa isang ito.” Ang Propeta ay nagsabi,
“Siya ay may suot na agimat.”
Dinukot ito ng lalaki mula sa kanyang damit at tinanggal, kung kaya't ang Propeta ay tinanggap ang kanyang katapatan, na nagsabi,
‘Sinuman ang magsuot ng agimat ay nakagawa ng shirk.” (Ahmad)
Ang mga kasamahan ay mahigpit na sumunod sa pagbabawal na itinakda ng Propeta sa mga agimat. Hayagan nilang tinutulan ang mga ganoong gawain kahit na sa kanilang mga pamilya. Halimbawa, si Hudhayfah, isa sa mga kasamahan ng Propeta, ay dinalaw ang isang may sakit na lalaki, at matapos makita ang pulseras sa braso ng lalaki, tinanggal niya ito at sinira, at binanggit ang talata,
“Karamihan sa kanila na naniniwala sa Allah, ay nakagagawa ng shirk.” (Quran 12:106)[4]
Sa ibang okasyon nahawakan niya ang itaas na bahagi ng braso ng may sakit na lalaki at nakita niya ang isang nakapalupot na pulseras na tali. Ang lalaki ay nagsabi kay Hudhayfah na nagtataglay ito ng orasyon na ginawa lamang para sa kanya, kaya't sinira ito ni Hudhayfah at sinabi, ‘Kung ikaw ay namatay na suot iyon, Hindi ako magdadasal sa iyong libing.’[5]
Minsan, si ibn Mas’ood ay nagsabi, “Narinig ko ang Sugo ng Allah ay nagsabi,
‘Ang mga orasyon (ruqyah), agimat at gayuma ay shirk.”
Si Zaynab, asawa ni ibn Mas’ud ay nagsabi, “Bakit mo sinasabi ito? Sumpa man sa Allah, ang aking mata ay lumuluha ng walang patid at ako ay kung kani-kanino na pumunta, ang Hudyo, na nag-orasyon dito (gayumang-kuwintas) para sa akin, at ito (ang mata) ay gumaling.” Hinablot ito ni Ibn Mas’ud sa kanyang leeg at sinira. ‘Katiyakan, ang pamilya ni Abdullah ay hindi nangangailangan ng shirk,” sinabi niya… “Iyon ay kagagawan ng demonyo na ginagamit ang kanyang kamay, at nang (ang Hudyo) ay nag-orasyon, siya ay tumigil. Ang kailangan mo lang gawin ay sabihin kung ano ang madalas na sinasabi ng Sugo ng Allah:
‘Adhhib il-ba’s Rabb al-naas ishfi anta al-Shaafi laa shifaa’a illa shifaa’uka shifaa’an laa yughaadiru saqaman
“Tanggalin ang pinsala, O Panginoon ng sangkatauhan, at pagalingin, Ikaw ang tagapagpalunas. Walang lunas maliban sa iyong paggamot, isang paggaling na walang iniiwang karamdaman.” (Abu Daud, Ibn Majah)
Ang pagsusuot ng agimat ay shirk dahil, sa halip na magtiwala sa Allah, ang puso ay napapalapit sa agimat, nagtitiwala na magdudulot ito ng suwerte at pagibig, o nakapagpapaiwas sa masamang kapalaran o karamdaman.
Islamikong Patakaran sa Quranikong mga Gayuma at Agimat
Ilan sa mga Muslim ay nagsusuot ng Quran bilang pampa-suwerte, alin man sa nakasabit sa sasakyan, o nasa key chains, o nakasuot ng pulseras o kwintas. Isang maliit na Quran na inilalagay sa palawit ng kuwintas. ‘Allah,’ ‘Bismillah,’ ‘La ilaha ill-Allah,’ o mga piling talata ng Quran, minsan ay nakasulat sa maliit na papel, ay isinusuot bilang palawit. Ang pagsusuot nito bilang dekorasyon ay malinaw na shirk, karamihan sa mga tao ay sinusuot ito bilang proteksyon o pagpapala. Samakatuwid, ang kaugaliang ito ng pagsusuot ng Quran bilang pampa-s'werte ay dapat huwag sundin sa mga kadahilanang:
(i) Maaring magbunsod ito sa pagsusuot ng hindi-Quranikong agimat o dala-dalahan na itinuturing na shirk ng mga taong hindi alam ang kaibahan nito.
(ii) Kawalang-galang na isuot ang Pangalan o ang salita ng Allah sa loob ng palikuran at kadalasang mahirap para sa isang tao na nagsusuot ng mga Quranikong bagay na tanggalin ito sa bawat pagpunta sa palikuran.
(iii) Ang Propeta mismo ay hindi nagsuot ng mga bagay na iyon o naglagay sa mga miyembro ng kanyang pamilya para sa proteksyon o pagpapala, sa halip pinag ingat niya sila sa anumang uri ng agimat.