Mga Artikulo

Ang Ikalawang Antas(1)





Ang Ímán o ang Pananampalataya. Ang mga sandigan nito ay anim. Ang mga ito ay ang paniniwala kay Allah, sa mga anghel Niya, sa mga kasulatan Niya, sa mga sugo Niya, sa Huling Araw, at sa Pagtatakda.





1. Ang paniniwala kay Allah ay na sumampalataya ka sa pagkapanginoon ni Allah, na nangangahulugang Siya ang Panginoon, ang Tagapaglikha, ang Nagmamay-ari, ang Nangangasiwa sa lahat ng kapakanan; na sumampalataya ka sa pagkadiyos ni Allah, na nangangahulugang Siya ang totoong Diyos at ang bawat sinasamba na iba sa Kanya ay kabulaanan; na sumampalataya ka sa mga pangalan Niya at mga katangian Niya, na nangangahulugang taglay Niya ang mga napakagandang pangalan at ang mga napakataas na katangiang lubos.





Sasampalataya ka sa pagkaiisa ni Allah doon: Siya ay walang katambal sa Pagkapanginoon Niya, ni sa Pagkadiyos Niya, ni sa mga pangalan Niya at mga katangian Niya. Nagsabi si Allah:





ang Panginoon ng mga langit at lupa at ng nasa pagitan ng mga ito — kaya sambahin mo Siya at magpakamatiisin ka sa pagsamba sa Kanya. May nalalaman ka bang isang kapangalan para sa Kanya?





Qur’an 19:65.





Sasampalataya ka na Siya ay hindi nadadala ng antok ni ng pagkatulog, na Siya ay Nakaaalam sa nakalingid at nasasaksihan, at na Siya ay nagtataglay ng paghahari sa mga langit at lupa:





Taglay Niya ang mga susi ng nakalingid; walang nakaaalam sa mga iyon kundi Siya. Nalalaman Niya ang anumang nasa katihan at nasa karagatan. Walang nalalaglag na anumang dahon malibang nalalaman Niya ito. Walang butil sa mga kadiliman ng lupa at walang sariwa ni tuyot kundi nasa isang aklat na maglilinaw.





Qur’an 6:59.





Sasampalataya ka na Siya, pagkataas-taas Niya, ay nasa Trono Niya, mataas sa mga nilikha Niya, at Siya rin ay kasama ng mga nilikha Niya:(2)nalalaman Niya ang mga kalagayan nila, naririnig Niya ang mga sinasabi nila, nakikita Niya ang kinaroroonan nila, pinangangasiwaan Niya ang mga kapakanan nila, tinutustusan Niya ang maralita, pinanunumbalik Niya ang bali, ibinibigay Niya ang paghahari sa sinumang loloobin Niya, inaalis Niya ang paghahari sa sinumang loloobin Niya, at Siya sa bawat bagay ay Makapangyarihan.(3)





Kabilang sa mga bunga ng pananampalataya kay Allah ang sumusunod:





A . Nagbubunga ito sa tao ng pag-ibig kay Allah at pagdakila sa Kanya, na kapwa nag-oobliga sa pagsasagawa sa ipinag-utos Niya at pag-iwas sa sinaway Niya. Kapag isinagawa iyon ng tao ay matatamo niya sa pamamagitan ng mga ito ang kalubusan ng kaligayahan sa mundo at kabilang-buhay;





B .Na ang pananampalataya kay Allah ay nagdudulot sa kaluluwa ng karangalan at paggalang sa sarili dahil nalalaman nito na si Allah ang totoong nagmamay-ari sa lahat ng nasa sansinukob, na walang nagdudulot ng pakinabang at walang nagdudulot ng pinsala kundi Siya. Ang kaalamang iyon ay magbibigay rito ng kasapatan laban sa iba pa kay Allah at mag-aalis mula sa puso nito ng pangamba sa iba pa kay Allah. Kaya naman walang itong aasahan kundi si Allah at hindi mangangamba sa iba pa sa Kanya;





C . Na ang pananampalataya kay Allah ay nagdudulot sa kaluluwa ng tao ng pagpapakumbaba dahil nalalaman nito na ang anumang biyaya mayroon ito ay mula kay Allah. Kaya hindi ito nadadaya ng Demonyo. Hindi ito nagyayabang at hindi nagmamalaki. Hindi niya ipinangangalandakan ang lakas niya at ang yaman niya;  





D . Na ang sumasampalataya kay Allah ay nakaaalam ayon sa tiyak na kaalaman na walang landas tungo sa tagumpay at kaligtasan kundi sa pamamagitan ng matuwid na gawa na ikinasisiya ni Allah. Samantala, naniniwala naman ang iba sa mga paniniwalang kabulaanan gaya ng paniniwala na si Allah daw ay nag-utos na ipapako sa krus ang anak Niya bilang pagtubos sa mga kasalanan ng mga tao. O sumasampalataya siya sa mga diyos at naniniwala na ang mga ito ay nagsasakatuparan para sa kanya ng anumang ninais niya, gayong ang mga ito sa katotohanan ay hindi nakapagdudulot ng pakinabang at hindi nakapagdudulot ng pinsala. O siya ay isang ateista kaya naman hindi naniniwala sa kairalan ng isang tagapaglikha. Lahat ng ito ay mga mithi. Sa bandang huli kapag dumating sila kay Allah sa Araw ng Pagbangon at nakita nila ang mga katotohanan ay matatalos nila na sila noon ay nasa isang malinaw na pagkaligaw;





E . Na ang pananampalataya ay nag-aalaga sa tao ng dakilang lakas ng pagpapasya, kabuuan ng loob, pagtitiis, katatagan at pananalig kapag bumabalikat siya ng mga mataas ng tungkulin sa mundo dahil na rin sa paghahangad ng nakasisiya kay Allah. Siya ay magiging nasa lubos na katiyakan na siya ay nananalig sa Hari ng mga langit at lupa, na siya inayudahan Niya at inaakay Niya. Kaya naman siya ay nagiging matatag gaya ng tatag ng mga bundok sa pagtitiis niya, katatagan niya at pananalig niya.(4)





2. Ang Paniniwala sa mga Anghel. Si Allah ay lumikha sa kanila upang tumalima sa Kanya. Inilarawan Niya na sila ay:





mga pinarangalang likod sila. Hindi nila Siya inuunahan sa pagsasalita at sila sa utos Niya ay nagsasagawa. Nalalaman Niya ang nasa harapan nila at ang nasa likuran nila. Hindi sila makapamamagitan kundi sa sinumang kinasiyahan Niya, at sila sa takot sa Kanya ay mga nababagabag





Qur’an 21:25-27.





. at na sila ay:





hindi nagmamalaki na tumatanggi sa pagsamba sa Kanya at hindi rin sila napapagod. Nagluluwalhati sila sa araw at gabi; hindi sila nananamlay.





Qur’an 21:19-20.





Ikinukubli sila ni Allah sa atin kaya hindi natin sila nakikita. Marahil inilalantad ni Allah ang ilan sa kanila sa ilan sa mga propeta Niya at mga sugo Niya.





Ang mga anghel ay may mga gawaing iniatang sa kanila. Kabilang sa kanila si Gabriel na itinalaga sa paghahatid ng pagsisiwalat [ni Allah]. Ibinababa niya ito buhat kay Allah sa sinumang niloob Niya sa mga lingkod Niya na mga isinugo. Kabilang sa kanila ang itinalaga sa pagkuha sa mga kaluluwa.





Kabilang sa kanila ang mga anghel na mga itinalaga sa mga fetus sa loob ng mga sinapupunan. Kabilang sa kanila ang mga itinalaga sa pangangalaga sa mga anak ni Adan. Kabilang sa kanila ang mga itinalaga sa pagsusulat sa mga gawa ng mga tao kaya naman ang bawat tao ay may dalawang anghel:





nasa dakong kanan at nasa dakong kaliwa nakaupo. Wala siyang binibigkas na anumang pagkakasabi malibang sa tabi niya ay may isang nakamasid  na handa magtala.(5)





Qur’an 50:17-18.





 


Ilan sa mga bunga ng paniniwala sa mga anghel:





A . Na nadadalisay ang pinaniniwalaan ng Muslim mula sa mga bahid ng Shirk at dumi nito dahil ang Muslim, kapag naniwala sa pagkakaroon ng mga anghel na inatangan ni Allah ng mga dakilang gawaing ito, ay magwawaksi ng paniniwala sa pagkakaroon ng mga bagay na likhang-isip na nakikilahok daw sa pagpapainog sa Sansinukob;





B . Na nalalaman ng Muslim na ang mga anghel ay hindi nakapagdudulot ng pakinabang at hindi nakapagdudulot ng pinsala. Sila ay mga pinarangalang lingkod lamang na hindi sumusuway kay Allah sa ipinag-uutos sa kanila at gumagawa sa mga ipinag-uutos sa kanila. Kaya naman hindi niya sila sinasamba, hindi siya bumabaling sa kanila, at hindi siya nahuhumaling sa kanila.





3. Ang paniniwala sa mga kasulatan. Ito ay ang pananampalataya na si Allah ay nagbaba ng mga kasulatan sa mga propeta Niya at mga sugo Niya upang linawin ang karapatan Niya at mag-anyaya tungo sa Kanya, gaya ng sinabi Niya:





Talaga ngang isinugo Namin ang mga sugo kalakip ang mga malinaw na patunay at ibinaba Namin kasama nila ang kasulatan at ang timbangan upang magpanatili ang mga tao sa katarungan.





Qur’an 57:25.





Ang mga kasulatan na ito ay marami, na ang ilan ay ang mga pahina ni Abraham, ang Torah na ibinigay kay Moises, ang kalatas na ibinigay kay David at ang Ebanghelyo na inihatid ni Kristo, sumakanila ang pagbati.





Ang pananampalataya sa mga naunang kasulatan na ito ay naisasakaganapan sa pamamagitan ng pagsampalataya na si Allah ay nagbaba sa mga ito sa mga sugo Niya, at na ang mga ito ay naglaman ng batas na ninais ni Allah na iparating sa mga tao noong panahong iyon.





Ang mga kasulatan na ito na nagpabatid sa atin si Allah hinggil sa mga ito ay naglaho na. Wala nang natira sa mga pahina ni Abraham sa mundo. Tungkol naman sa Torah, Ebanghelyo at Kalatas ni Dawud, ang mga ito, bagamat mayroon pa ring tinatawag sa mga pangalang ito na taglay ng mga Hudyo at mga Kristiyano, gayunpaman ay nabaluktot na at napalitan na.





Nawala ang marami sa bahagi ng mga ito. Pumasok sa mga ito ang hindi naman bahagi ng mga ito. Bagkus ay iniugnay sa mga hindi kinauukulan ng mga ito. Ang Matandang Tipan ay mayroong higit sa apatnapung aklat (6) at itinaguri kay Moises (AS) ang lima lamang. Ang mga Ebanghelyo na matatagpuan sa ngayon ay walang isa mang itinaguri kay Kristo.





Tungkol naman sa pinakahuli sa mga kasulatan na ibinaba buhat kay Allah, ito ay ang Dakilang Qur’an na ibinaba Niya kay Muhammad (SAS). Nananatili itong napangangalagaan sa pamamagitan ng pangangalaga ni Allah. Walang nangyari rito na pagbabago o pagpapalit sa mga titik nito o mga salita nito o mga patinig nito o mga kahulugan nito.





Ang pagkakaiba sa pagitan ng Dakilang Qur’an at ng mga nagdaang kasulatan ayon sa maraming aspeto ay ang ilan ang sumusunod:





A . Na ang mga nagdaang kasulatan na ito ay nawala na; pinasok ng pagbabaluktot at pagpapalit; iniugnay sa mga hindi kinauukulan ng mga ito; dinagdagan ng mga pagpapaliwanag, mga komentaryo at mga paglilinaw; at naglaman na ng maraming bagay na mga usaping sumasalungat sa makadiyos na pagsisiwalat, sa katwiran at sa kalikasan ng pagkalalang.





Tungkol naman sa Qur’an, ito ay nananatiling napangangalagaan sa pamamagitan ng pangangalaga ni Allah sa mismong mga titik at mga salita na ibinaba ni Allah kay Muhammad (SAS). Walang nangyari rito na pagbabago at hindi ito pinasok ng pagdaragdag yamang nagmasigasig ang mga Muslim na manatili ang Marangal na Qur’an na dalisay sa bawat dungis. Kaya naman hindi nila ito hinaluan ng iba pa gaya ng talambuhay ng Sugo (SAS) o ng talambuhay ng mga Kasamahan niya, masiyahan nawa si Allah sa kanila, o ng mga paglilinaw rito, o mga patakaran ng mga pagsamba at mga pakikitungo.





B . Na ang mga matandang kasulatan ay walang nalalamang ang mga ito ay may makasaysayang batayan ng kawing ng mga nagsalaysay. May ilan pa sa mga ito na hindi nalalaman kung kanino ipinahayag ni sa kung aling wika unang isinulat. Ang ilan sa mga ito ay iniugnay sa iba na hindi naghatid sa mga ito.





Tungkol naman sa Qur’an, ipinarating ito ng mga Muslim buhat kay Muhammad (SAS) ayon sa tuluy-tuloy na pagpaparating sa bibig at sa panulat. Ang mga Muslim sa bawat panahon at pook ay may libu-libong nakasaulo ng buong Qur’an(7) at libu-libong(8) nakasulat na kopya.(9) Kapag hindi sumang-ayon ang mga isinatinig na kopya ng Qur’an sa mga nakasulat na kopya ay hindi isasaalang-alang ang mga kopya na magkasalungat. Kailangang sumang-ayon ang anumang naisaulo sa anumang naisulat.





Higit pa roon, tunay na ang Qur’an ay ipinarating sa pamamagitan ng pagpaparating ng bibig na hindi “pinalad” ng gayon ang alinman aklat sa mundo. Bagkus ay walang natagpuan na anyo ng ganitong pagpaparating kundi sa kalipunan ni Muhammad (SAS). Ang pamamaraan ng pagpaparating na ito ay ganito:





Isinasaulo ng mag-aaral ang Qur’an sa harap ng guro niya. Ang guro niya naman ay naisaulo ang Qur’an sa harap din ng guro nito. Pagkatapos ay pinagkakalooban ng guro ang estudyante niya ng isang katunayan na tinatawag na ijázah, na pinatutunayan dito ng guro na siya ay nagpabigkas sa estudyante niya ng [buong Qur’an, na] binigkas niya rin sa mga guro niya. Isang guro pagkatapos ng isang guro. Ang bawat isa sa mga iyon ay babanggitin ng guro niya sa mismong pangalan hanggang sa umabot ang kawing ng mga guro sa Sugo ni Allah (SAS). Ganito nagkakarugtong ang kawing ng pagbigkas mula sa isang mag-aaral hanggang sa Sugo.





Nagkatulungan nga ang mga malakas na patunay at ang mga makasaysayang patotoo, na magkakarugtong din ang kawing ng nagpatotoo, sa pagkakaalam sa bawat kabanata at bawat talata ng Marangal na Qur’an kung saan at kailan bumaba kay Muhammad (SAS).





C . Na ang mga wika na ginamit sa pagpapahayag sa mga mga nagdaang kasulatan ay naglaho na magmula ng matagal na panahon na. Kaya walang matatagpuang isang nagsasalita nito at kakaunti ang nakauunawa rito sa kasalukuyang panahon.(10)Tungkol naman sa wika na ginamit sa pagpapahayag sa Qur’an, ito ay isang buhay na wika na sinasalita sa ngayon ng milyun-milyong tao. Ito ay itinuturo at natututuhan sa lahat ng rehiyon ng mundo. Ang sinumang hindi natuto nito ay makasusumpong sa bawat pook ng makapagpapaunawa sa kanya sa kahulugan ng Marangal na Qur’an.





D . Na ang mga matandang kasulatan ay ukol sa isang takdang panahon at nakatuon sa isang kalipunan mismo at hindi sa ibang pang mga tao. Dahil doon, naglaman ang mga ito ng mga patakaran na laan sa kalipunang iyon at panahong iyon. Ang anumang gaya niyon ay hindi nababagay na maging ukol sa lahat ng tao.





Tungkol naman sa Qur’an, ito ay isang aklat na sumasaklaw sa bawat panahon, naaangkop sa bawat pook at naglalaman ng mga patakaran, mga batas ng pakikitungo at mga kaasalan na naaangkop sa bawat kalipunan at nababagay sa bawat panahon yamang ang pinatutungkulan dito ay nakatuon sa tao sa pangkalahatan.





Sa pamamagitan niyon ay lumilinaw na ang patunay ni Allah sa mga tao ay hindi maaaring maging nasa mga kasulatan na hindi natatagpuan ang mga orihinal na kopya ng mga ito at hindi nakatatagpo sa balat ng lupa ng mga nakapagsasalita ng mga wikang ginamit sa pagsulat sa mga kasulatan na iyon matapos nabaluktot ang mga iyon.





Ang patunay ni Allah sa mga nilikha Niya ay nasa kasulatan lamang na napangalagaan, na naligtas sa pagdaragdag, pagkabawas at pagkabaluktot, na isang kopya na napagtibay sa bawat pook, na nakasulat sa isang buhay na wika na binabasa ng milyun-milyong tao na nagpaparating sa mga mensahe ni Allah sa mga tao.





Ang kasulatan na ito ay ang Dakilang Qur’an na ibinaba ni Allah kay Propeta Muhammad (SAS). Ito ang pamantayan sa mga naunang kasulatan na iyon, ang nagpapatotoo sa mga iyon — bago ang pagkabaluktot sa mga iyon — at ang sumasaksi para sa mga iyon.





Ito ang isinasatungkulin sa buong sangkatauhan na sundin upang magtamo sila ng liwanag, lunas, patnubay at awa. Nagsabi si Allah:





Ito ay isang Aklat na ibinaba Namin, na pinagpala — kaya sundin ninyo ito at mangilag kayong magkasala nang harinawa kayo ay kaawaan





Qur’an 6:155.





— Nagsabi pa Siya: Sabihin mo:





“O mga tao, tunay na ako ay Sugo ni Allah sa inyong lahat,(11)





Qur’an 7:158.





4. Ang Pananampalataya sa mga sugo, sumakanila ang mga biyaya ni Allah at ang pagbati Niya sa kanila. Si Allah ay nagsugo sa mga nilikha Niya ng mga sugo nagbabalita sa kanila ng hinggil sa Paraiso kapag sumampalataya siya at naniwala sa mga isinugo at nagbababala sa kanila ng pagdurusa kapag sumuway sila.





Nagsabi si Allah:





Talaga ngang nagpadala Kami sa bawat kalipunan ng isang sugo na nagsasabi: “Sambahin ninyo si Allah at iwaksi ninyo ang nagdidiyus-diyusan





Qur’an 16:36.





.” Nagsabi pa Siya:





Nagsugo ng mga sugo bilang mga tagapagbalita ng nakagagalak at mga tagapagbabala upang hindi na magkaroon ang mga tao ng isang katwiran kay Allah matapos ang mga sugo.





Qur’an 4:165.





Ang mga sugo na ito ay marami. Ang kauna-unahan sa kanila ay Noe (AS) at ang kahuli-hulihan sa kanila ay si Muhammad (SAS). Ang ilan sa kanila ay ibinalita ni Allah ang tungkol sa kanila gaya ni Abraham, ni Moises, ni Jesus, ni David, ni Juan, ni Zacarias at ni Sálih, sumakanila ang pagbati. Ang ilan sa kanila ay hindi binanggit ni Allah ang tungkol sa kanila. Nagsabi si Allah:





May mga sugo na isinalaysay na Namin sa iyo noong una at may mga sugo na hindi Namin isinalaysay sa iyo.





Qur’an 4:164.





Ang mga sugong ito ay pawang mga tao na nilikha ni Allah. Wala silang anumang bahagi mula sa mga katangian ng pagkapanginoon at pagkadiyos kaya hindi magbabaling sa kanila ng anumang pagsamba o bahagi nito. Hindi rin sila nakakakayang magdulot ng pakinabang ni pinsala para sa mga sarili nila.





Nagsabi si Allah tungkol kay Noe (AS), ang kauna-unahan sa kanila, na siya ay nagsabi sa mga tao niya:





Hindi ko sinasabi sa inyo na taglay ko ang mga imbakan ng panustos ni Allah. Hindi ko nalalaman ang nakalingid. Hindi ko sinasabi na tunay na ako ay isang anghel.





Qur’an 11:31.





Inutusan din ni Allah si Muhammad (SAS), ang kahuli-hulihan sa kanila, na magsabi:





Hindi ko sinasabi sa inyo na taglay ko ang mga imbakan ng panustos ni Allah. Hindi ko nalalaman ang nakalingid. Hindi ko sinasabi sa inyo na tunay na ako ay isang anghel. Wala akong sinusunod kundi ang isiniwalat sa akin





Qur’an 6:50.





. at na magsabi pa:





Hindi ako nakakaya para sa sarili ko na magdulot ng pakinabang ni pinsala maliban sa niloob ni Allah.





Qur’an 7:188.





Samakatuwid ang mga propeta ay mga aliping pinarangalan. Hinirang sila ni Allah at pinarangalan na magparating ng mensahe. Inilarawan Niya sila sa katangiang pagkaalipin [sa Kanya]. Ang Relihiyon nila ay Islam. Hindi tumatanggap si Allah ng isang relihiyon na iba pa roon. Nagsabi si Allah:





Tunay na ang relihiyon sa ganang kay Allah ay ang Islam.





Qur’an 3:19.





Nagkaisa ang mga mensahe nila ayon sa mga saligan ng mga ito at nagkaiba-iba ang mga batas nila. Nagsabi si Allah:





Para sa bawat kalipunan ay nagtalaga Kami sa inyo ng isang pagbabatas at isang pamamaraan





Qur’an 5:48.





. Ang pangwakas sa mga batas na ito ay ang batas na hatid ni Muhammad (SAS). Ito rin ay nagpapawalang-saysay sa bawat naunang batas. Ang mensahe niya ay ang pangwakas sa mga mensahe. Siya ang pangwakas sa mga isinugo.





Ang sinumang sumampalataya sa isang propeta ay isinatungkulin sa kanya na sumampalataya sa lahat ng propeta. Ang sinumang nagpasinungaling sa isang propeta ay nagpasinungaling na sa kanilang lahat dahil sa ang lahat ng propeta at isinugo ay nag-aanyaya tungo sa pananampalataya kay Allah, sa mga anghel, sa mga kasulatan, sa mga sugo at sa Kabilang-buhay, at dahil sa ang relihiyon nila ay iisa.





Samakatuwid ang nagtatangi-tangi sa kanila o sumasampalataya sa ilan sa kanila at tumatangging sumampalataya sa iba pa sa kanila ay tumanggi nang sumampalataya sa kanilang lahat sapagkat lahat sila ay nag-aanyaya tungo sa pananampalataya sa lahat ng propeta at isinugo.(12)





Nagsabi si Allah: Sumampalataya ang Sugo sa ibinaba sa kanya mula sa Panginoon niya at gayon din ang mga mananampalataya. Bawat isa ay sumampalataya kay Allah, sa mga anghel Niya, sa mga kasulatan Niya, at sa mga sugo Niya. “Hindi kami nagtatangi-tangi sa mga sugo Niya,” sabi nila,





Nagsabi pa Siya:





Tunay na ang mga tumatangging sumampalataya kay Allah at sa mga sugo Niya, nagnanais na magtangi-tangi sa pagitan ni Allah at ng mga sugo Niya, (13)nagsasabi:





“Sumasampalataya kami sa ilan at tumatanggi kaming sumampalataya sa iba pa,” at nagnanais na lumagay sa isang daan sa pagitan niyon ay ang mga iyon sa totoo ang mga tumatangging sumampalataya. Naghanda Kami para sa mga tumatangging sumampalataya ng isang nakahihiyang pagdurusa.





Qur’an 4:150-151.





 





5. Ang Pananampalataya sa Huling Araw. Iyon ay dahil sa ang wakas ng bawat nilikha sa mundo ay ang kamatayan. Ano kahahantungan ng tao pagkatapos ng kamatayan? Ano ang kauuwian ng mga lumalabag sa katarungan na nakaligtas sa pagdurusa sa mundo? Maliligtas ba sila sa paghihiganti sa paglabag nila sa katarungan? Ang mga nagmamagandang-loob na nakaalpas sa kanila ang bahagi nila at ganti sa pagmamagandang-loob nila sa mundo, mawawala ba ang mga kabayaran sa kanila?





Tunay na ang Sangkatauhan ay nagsusunuran tungo sa kamatayan? Isang salinlahi pagkatapos ng isang salinlahi, hanggang sa ipahintulot ni Allah ang pagbibigay-wakas sa mundo at malipol ang lahat ng nilikha sa ibaba nito. Bubuhayin ni Allah ang lahat ng nilikha sa isang masasaksihang araw. Titipunin ni Allah sa araw na iyon ang mga nauna at ang mga nahuli. Pagkatapos ay tutuusin ang mga tao sa mga gawa nila na mabuti o masama na natamo nila sa mundo. Ang mga mananampalataya ay aakayin sa Paraiso at ang mga tumatangging sumampalataya ay aakayin sa Apoy.





Ang Paraiso ay ang lugod na inihanda ni Allah para sa mga tinangkilik Niya na mga mananampalataya. Sa loob nito ay mayroong mga uri ng lugod na hindi makakaya ng isa na ilarawan. Sa loob nito ay may isandaang antas. Para sa bawat antas ay may mga maninirahan ayon sa sukat ng pananampalataya nila kay Allah at pagtalima nila sa Kanya. Ang pinakamababang antas sa mga maninirahan sa Paraiso ay ang bibigyan ng lugod na tulad ng paghahari ng isang hari ng mundo at sampung ulit nito.





Ang Impiyerno ay ang pagdurusa na inihanda ni Allah sa sinumang tumangging sumampalataya sa Kanya. Sa loob nito ay mayroong mga uri ng pagdurusa na nakapangingilabot banggitin. Kung sakaling ipahihintulot ni Allah ang kamatayan para sa isang tao sa Kabilang-buhay ay talagang namatay na sana ang mga maninirahan sa Impiyerno pagkakita lamang niyon.





Nalaman nga ni Allah, sa pamamagitan ng naunang kaalaman Niya, ang anumang sasabihin at gagawin ng bawat tao, na mabuti o masama, na palihim man o hayagan. Pagkatapos ay nagtalaga Siya sa bawat tao ng dalawang anghel na ang isa dalawa ay nagsusulat ng mga magandang gawa at ang isa pa nagsusulat naman ng mga masagwang gawa. Walang nakalulusot na anuman sa kanilang dalawa. Nagsabi si Allah:





Wala siyang binibigkas na anumang pagkakasabi malibang sa tabi niya ay may isang nakamasid na nakahanda magtala.





Qur’an 50:18.





Itinatala ang mga gawang ito sa isang aklat na ibibigay sa tao sa Araw ng Pagbangon. Nagsabi si Allah:





Ilalagay ang aklat ng mga gawa kaya makikita mo na ang mga sumasalansang ay mga nababagabag sa nasa loob nito at magsasabi: “O kapighatian sa amin; anong mayroon sa aklat na ito na hindi nag-iiwan ng isang maliit ni isang malaki malibang inisa-isa nito iyon.” Masusumpungan nila na ang anumang ginawa nila ay naroroon. Hindi lalabag ang Panginoon mo sa katarungan sa isa.





Qur’an 18:49.





Kaya babasahin ng tao ang aklat ng mga gawa niya. Hindi siya magkakaila sa anuman mula rito. Ang sinumang magkakaila sa anuman sa mga gawa niya ay pabibigkasin ni Allah ang pandinig niya, ang paningin niya, ang mga kamay niya, ang mga paa niya at ang balat niya ng lahat ng ginawa niya.





Nagsabi si Allah: Sasabihin nila sa mga balat nila: “Bakit kayo sumaksi laban sa amin?” Magsasabi ang mga ito:





“Pinabigkas kami ni Allah na nagpabigkas sa bawat bagay; at Siya ay lumikha sa inyo sa unang pagkakataon at tungo sa Kanya ay ibabalik kayo. Hindi kayo noon nagkukubli yamang sasaksi laban sa inyo ang pandinig ninyo, ang mga paningin ninyo at ang mga balat ninyo, subalit inakala ninyo na si Allah ay hindi nakaaalam sa marami sa ginagawa ninyo noon.





Qur’an 41:21-22.





Ang pananampalataya sa Huling Araw,(14) ang Araw ng Pagbangon, ang Araw ng Pagkabuhay at Pagbibigay-buhay ay inihatid ng lahat ng propeta at isinugo. Nagsabi si Allah:





Kabilang sa mga tanda Niya ay na ikaw ay nakakikita na ang lupa ay tigang ngunit kapag ibinaba Namin dito ang tubig ay gumagalaw-galaw ito at lumalago ito. Tunay na ang nagbigay-buhay rito ay talagang magbibigay-buhay sa mga patay. Tunay na Siya sa bawat bagay ay Makapangyarihan.





Qur’an 41:39.





Nagsabi pa Siya:





Hindi ba nila napag-alaman na si Allah na lumikha sa mga langit at lupa at hindi napagod sa paglikha sa mga ito ay nakakakaya nga na bumuhay sa mga patay?





Qur’an 46:33.





Ito ang hinihiling ng karunungang pandiyos. Si Allah ay hindi lumikha sa mga nilikha Niya bilang isang laro at hindi nag-iwan sa kanila na napababayaan yamang ang pinakamahinang isip sa mga tao ay hindi maaaring gumawa ng isang gawaing may halaga nang walang nalalamang layuning taglay niya, nang walang balak mula sa kanya.





Kaya paanong hindi maguguniguni ito mula sa tao at pagkatapos ay mag-aakala naman ang tao sa Panginoon nito na Siya ay lumikha sa mga nilikha Niya bilang isang laro lamang, at iiwan sila na napababayaan? Pagkataas-taas ni Allah nang malaking kataasan sa sinasabi nila.





Nagsabi Siya:





Kaya ipinagpapalagay ba ninyo na nilikha Namin kayo bilang isang laro lamang, at na kayo sa Amin ay hindi magbabalik?





Qur’an 23:115.





Nagsabi pa Siya:





Hindi Namin nilikha ang langit at ang lupa, at ang anumang sa pagitan ng dalawang ito nang walang-kabuluhan. Iyon ay akala ng mga tumatangging sumampalataya. Kaya kapighatian sa mga tumangging sumampalataya mula sa Apoy.





Qur’an 38:27.





Sumaksi sa pananampalataya sa Kanya ang lahat ng matalino. [Ang pagsaksing] ito ay hinihiling ng talino at nagpapasakop dito ang mga matuwid na kalikasan [ng mga tao] dahil sa ang tao, kapag sumampalataya sa Araw ng Pagbangon, ay makatatalos kung bakit itinitigil ng tao ang gawang itinitigil niya at ginagawa ang gawang ginagawa niya bilang paghahangad sa gantimpala buhat kay Allah.





Pagkatapos ay matatalos niya rin na ang sinumang lumabag sa katarungan sa mga tao ay hindi makaiiwas na kumuha ng bahagi niya mula sa parusa at gagantihan siya ng mga tao sa Araw ng Pagbangon. Ang tao ay hindi makaiiwas na tumanggap ng ganti sa kanya: kung mabuti ay mabuti ang ganti at kung masama ay masama ang ganti, upang magantihan ang bawat kaluluwa sa anumang pinagpunyagian nito at maisakatuparan ang katarungang pandiyos.





Nagsabi si Allah:





Kaya ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang munting langgam na kabutihan ay makikita niya iyon; at ang sinumang gumawa ng kasimbigat ng isang munting langgam na kasamaan ay makikita niya iyon.





Qur’an 99:7-8.





Hindi nalalaman ng isa sa mga nilikha kung kailan darating ang Araw ng Pagbangon sapagkat ito ay araw na hindi nalalaman ng isang propetang isinugo ni ng isang anghel na malapit kay Allah, bagkus ay natangi si Allah doon sa kaalaman Niya. Nagsabi Siya:





Tinatanong ka ba nila hinggil sa Huling Oras, kung kailan ang pagdating nito? Sabihin mo: “Ang kaalaman hinggil doon ay nasa Panginoon ko lamang; walang makapagpapahayag dito ukol sa oras nito kundi Siya





Qur’an 7:187.





. Nagsabi pa Siya:





Tunay na si Allah ay may taglay sa kaalaman sa Huling Oras,





Qur’an 31:34.





6.  Ang Pananampalataya sa Tadhana at Pagtatakda. Sasampalataya na si Allah ay nakaalam sa anumang nangyari, anumang nangyayari at anumang mangyayari. Alam Niya ang mga kalagayan ng mga tao, ang mga gawa nila, ang mga taning nila at ang mga ikabubuhay nila.





Nagsabi si Allah:





Tunay na si Allah sa bawat bagay ay Maalam.





Qur’an 29:62.





Nagsabi pa Siya:





Taglay Niya ang mga susi ng nakalingid; walang nakaaalam sa mga iyon kundi Siya. Nalalaman Niya ang anumang nasa katihan at karagatan. Walang nalalaglag na anumang dahon malibang nalalaman Niya ito. Walang butil sa mga kadiliman ng lupa at walang sariwa ni tuyot kundi nasa isang aklat na maglilinaw.  (15)





Qur’an 6:59.





Isinulat Niya ang lahat ng iyon sa isang aklat na nasa Kanya. Nagsabi si Allah:





Bawat bagay ay inisa-isa Namin sa talaang naglilinaw





Qur’an 36:12.





. Sinabi pa Niya:





Hindi mo ba nalalaman na si Allah ay nakaaalam sa anumang nasa langit at lupa. Tunay na iyon ay nasa isang aklat. Tunay na iyon kay Allah ay madali.





Qur’an 22:70.





Kaya kapag niloob ni Allah ang isang bagay ay magsasabi Siya para roon ng “Mangyari” at mangyayari naman. Nagsabi Siya:





Ang utos Niya, kapag niloob Niya ang isang bagay, ay na magsasabi lamang Siya para roon ng “Mangyari” at mangyayari.





Qur’an 36:82.





Si Allah, kung paanong Siya ay nagtakda sa bawat bagay, Siya rin ang Tagapaglikha sa bawat bagay. Nagsabi Siya:





Tunay na Kami sa bawat bagay ay lumikha ayon sa takda.





Qur’an 54:49.





Nagsabi pa Siya:





Si Allah ay Tagpaglikha ng bawat bagay,





Qur’an 39:62.





Nilikha Niya ang mga tao alang-alang sa pagtalima sa Kanya. Nilinaw Niya ito sa kanila at ipinag-utos Niya ito sa kanila. Sinaway Niya sila laban sa pagsuway sa Kanya at nilinaw Niya ito sa kanila. Ginawan Niya sila ng kakayahan at kalooban na maisasagawa nila sa pamamagitan ng mga ito ang pagtupad sa mga kauutusan Niya kaya matatamo nila ang gantimpala, at ang paggawa ng mga pagsuway sa Kanya kaya naman magiging karapat-dapat sila sa pagdurusa.





Kapag sumampalataya ang tao sa tadhana at pagtatakda ay maisasakatuparan sa kanya ang sumusunod:





1. Ang pagsandig niya kay Allah sa sandali ng paggawa ng mga kadahilanan [ng ninanais] dahil nalalaman niya na ang kadahilanan [ng ninanais] at ang ibinunga ng kadahilanan [ng ninanais] ay kapwa ayon sa pagtatadhana at pagtatakda ni Allah.





2. Ang katiwasayan ng kaluluwa at ang kapanatagan ng puso dahil kapag nalaman niya na iyon ay ayon sa pagtatadhana at pagtatakda ni Allah at na ang kinasusuklaman na itinakdang magaganap ay mangyayari nang walang pasubali ay matitiwasay ang kaluluwa niya at masisiyahan sa pagtatadhana ni Allah. Kaya naman walang isang higit na kaaya-aya sa pamumuhay, higit na matiwasay ang kaluluwa at higit na malakas sa kapanatagan kaysa sa isang sumampalataya sa pagtatakda.





3. Ang pagtataboy sa paghanga sa sarili sa sandali ng pagkatamo ng ninanais dahil ang pagkatamo niyon ay isang biyaya mula Allah ayon sa itinakda Niya na mga kadahilanan ng pagtamo ng mga mabuti at tagumpay, kaya naman magpapasalamat siya kay Allah dahil doon.





4.Ang pagtataboy sa ligalig at pagkainis sa sandali ng pagkaalpas ng ninanais o pagkatamo ng kinasusuklaman, dahil iyon ay ayon sa pagtatadhana ni Allah na walang makapagtutulak sa utos Niya at walang walang makapag-iiba (16)sa kahatulan Niya. Ito ay mangyayari nang walang pasubali kaya magtitiis siya at aasa ng gantimpala mula kay Allah:





Walang dumapong anumang sakuna sa lupa ni sa mga sarili ninyo malibang naisulat sa aklat bago pa Namin nilalang iyon. Tunay na iyon ay madali para kay Allah. Iyan ay upang hindi kayo magdalamhati sa anumang nakaalpas sa inyo at hindi kayo magsaya na nagmamayabang sa anumang ibinigay sa inyo. Si Allah ay hindi nakaiibig sa bawat palalong hambog,(17)





Qur’an 57:22-23.


Ang ganap na pananalig kay Allah dahil ang Muslim ay nakaaalam na nasa kamay Niya lamang namumutawi ang pakinabang at ang pinsala. Kaya hindi siya masisindak sa isang malakas dahil sa lakas nito at hindi siya hihina sa paggawa ng mabuti dahil sa pangamba sa isa sa mga tao. Nagsabi ang Sugo (SAS) kay Ibnu ‘Abbás (RA): Alamin mo na ang kalipunan, kung sakaling pagkaisahan nila na dulutan ka ng pakinabang ay hindi sila makapagdudulot sa iyo ng pakinabang maliban sa isang bagay na itinakda na ni Allah para sa iyo, at kung sakaling pagkaisahan nila na dulutan ka ng pinsala ay hindi sila makapagdudulot sa iyo ng pinsala maliban sa isang bagay na itinakda na ni Allah laban sa iyo.(18)





Ang Ihsán o ang Kagandahang-loob. Ito ay may iisang sandigan. Ito ay ang sambahin mo si Allah na para bang ikaw ay nakakikita sa Kanya, at kung hindi mo man Siya nakakikita ay tunay na Siya ay nakakikita sa iyo. Kaya sasambahin ng tao ang Panginoon niya ayon sa paglalarawang ito: ang pagsasaisip ng pagkalapit sa Kanya at na Siya ay harapan niya. Iyan ay nag-oobliga ng takot, pangamba, pangingilabot at pagdakila at nag-oobliga ng katapatan sa pagsamba at pag-uukol ng pagsisikap sa pagpapahusay at paglubos nito.





Samakatuwid, ang tao ay matatakot sa Panginoon niya sa pagganap sa pagsamba. Isasaisip niya ang kalapitan niya sa Kanya nang sa gayon ay para bang siya ay nakakikita sa Kanya. Ngunit kung naging mahirap sa kanya iyon ay magpapatulong siya [kay Allah] sa pagsasakatuparan niyon sa pamamagitan ng pananampalataya niya na si Allah ay nakakikita sa kanya at nakababatid sa lihim niya at inihahayag niya, sa panloob niya at panlabas niya. Walang naikukubli kay Allah na anuman sa pumapatungkol sa tao.(1)





Ang tao na nakaabot sa antas na ito ay sumasamba sa Panginoon niya, na nag-uukol ng kawagasan sa Kanya. Hindi siya lumilingon sa isang iba pa kay Allah. Kaya naman hindi niya hinihintay ang pagbubunyi ng mga tao at hindi siya natatakot sa pamumula nila yamang sapat na sa kanya na masiyahan sa kanya ang Panginoon niya at purihin siya ng Poon Niya.





Samakatuwid siya ay isang tao na nagkatulad ang inihahayag niya at ang lihim niya. Siya ay sumasamba sa Panginoon nang sarilinan at nang lantaran, nakatitiyak nang lubusang katiyakan na si Allah ay nakababatid sa kinimkim ng puso niya at ibinubulong nito sa sarili niya. Nanaig ang pananampalataya sa puso niya at nadarama niya ang pagmamasid ng Panginoon niya sa kanya.





Sumuko ang mga kamay at ang mga paa niya sa Tagapaglalang ng mga ito. Kaya wala siyang ginagawang gawain sa pamamagitan ng mga ito kundi ang naiibigan ni Allah at kinasisiyahan Niya. Sumusuko siya sa Panginoon niya.





Nahumaling ang puso niya sa Panginoon niya kaya hindi siya nagpapatulong sa isang nilikha dahil sa kasapatan para sa kanya ni Allah. Hindi siya dumadaing sa tao dahil siya ay nagdulog ng pangangailangan niya kay Allah, at sapat na Siya bilang tagatulong. Hindi siya nangungulila sa isang pook at hindi natatakot sa isa man dahil siya ay nakaaalam na si Allah ay kasama niya sa lahat ng kalagayan niya. Siya ay sapat na sa kanya at kay inam na Tagaadya.





Wala siyang iniiwang utos na ipinag-utos ni Allah at hindi siya gumagawa ng pagsuway kay Allah dahil siya ay nahihiya kay Allah at kinasusuklaman niya na maiwala ang utos yamang ipinag-utos Niya sa kanya o masumpungan ang pagsuway yamang sinaway Niya sa kanya. Hindi siya nangangaway o lumalabag sa katarungan sa isang nilikha o hindi niya kinukuha ang ukol doon dahil siya ay nakaaalam na si Allah ay nakakikita sa kanya at na Siya ay magtutuos sa mga gawa niya.





Hindi siya nanggugulo sa mundo dahil siya ay nakaaalam na ang anumang nasa mundo na mga biyaya ay pag-aari ni Allah na ipinagamit Niya sa mga nilikha Niya. Samakatuwid siya ay kumukuha mula sa mga biyayang ito ayon sa sukat ng pangangailangan niya at nagpapasalamat sa Panginoon niya na nagpadali para sa kanya sa pagtamo ng mga ito.





Ang Buod





Tunay na ang nabanggit ko sa iyo at inilahad ko sa harap mo sa aklat na ito ay walang iba kundi mga mahalagang bagay at mga dakilang sandigan sa Islam. Ang mga sandigan na ito ay ang bagay na kapag sinampalatayanan ng tao at isinagawa ay magiging isang Muslim siya.





Ang Islam, gaya ng nabanggit ko sa iyo, ay isang relihiyon at isang mundo, at isang pagsamba at isang paraan ng buhay. Ito ay isang sistemang pandiyos, na masaklaw, na lubos na nasakop sa mga pagbabatas nito ang lahat ng kinakailangan ng kapwa individuwal at kalipunan sa lahat ng larangan ng buhay pampaniniwala, pampulitika, pang-ekonomiya, panlipunan at pangseguridad.





Makatatagpo rito ang tao ng mga panuntunan, mga saligan at mga patakaran na nagsasaayos sa kapayapaan, digmaan at mga obligadong karapatan, at nangangalaga sa karangalan ng tao, ibon, hayop at kapaligiran sa palibot niya. Nililinaw ng Islam sa kanya ang reyalidad ng tao, buhay, kamatayan, at pagkabuhay matapos ang kamatayan.





Matatagpuan rin ng tao sa Islam ang pinakaideyal na pamamaraan sa pakikitungo sa mga tao sa paligid niya, na tulad ng sabi Niya:





magsalita kayo sa mga tao ng maganda;





Qur’an 2:83.





Ang sabi pa Niya:





at mga nagpapaumanhin sa mga tao





Qur’an 3:134.





. at ang sabi pa Niya:





Huwag nga mag-uudyok sa inyo ang pagkasuklam sa ilang tao upang hindi kayo magmakatarungan. Magmakatarungan kayo; ito ay pinakamalapit sa pangingilag sa pagkakasala





Qur’an 5:8.





Makabubuti sa atin, yamang nailahad na natin ang mga antas ng Islam at ang mga sandigan ng bawat isa sa mga antas nito, na bumanggit ng isang kaunting sulyap mula sa mga kagandahan nito.



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG