ANG ISLAM….BAKIT?
Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay sa Allah lamang. Nawa’y ang pagpapala at kapayapayaan ay maitampok sa Propeta nating si Muhammad , sa kanyang mag-anak, sa kanyang mga kasamahan at sa lahat ng kanyang mga tagasunod.
Ang paksa sa munting lathalain na ito ay ang pagbibigay paliwanag tungkol sa kahuli-hulihang ibinaba na pangkalangitang relihiyon. Sa pamamagitan nito binuo ng Allah ang relihiyon ni Moises at Hesus - Sumakanila nawa ang kapayapaan - kaya dahil dito, pinawalan ng bisa at winakasan na ng Allah ang mga nauna pa ritong relihiyon.
Relihiyon na ang yumayakap dito sa pangkalahatang antas ay hindi humigit at kumulang ng milyun-milyong tao ayon sa pinakahuling pagsusuri. Relihiyon na nag-uunahan ang mga tao sa pagyakap dito sa kabila ng kahinaan ng mga suporta nito, maging pangmateryal o pantao. Ang sinumang tumalima at tumanggap nito ay mahirap nang tumiwalag pa mula rito.
Shahadah [o Pagsasaksi]
Ito ay ang pagsasaksi ng “Laa ilaaha illallaah” (Walang diyos maliban sa Allah) at pagsasaksi na si Muhammad ay Kanyang alipin at sugo. Ito ang susi at daan sa pagpasok sa pananampalatayang Islam.
Ang “Laa ilaaha illallaah” ay nangangahulugan ng:
1. Walang lumikha ng lahat ng nilalang na ito maliban sa Allah.
2. Walang nagmamay-ari at nangangasiwa sa lahat ng nilalang na ito maliban sa Allah.
3. Walang sinasamba na karapat-dapat pagpapakumbabaan maliban sa Allah.
At ang kahulugan naman ng pagsasaksi na si Muhammad ay Sugo ng Allah. Ito ay ang pagsunod sa kanya sa lahat ng kanyang ipinag-uutos, at ang pagpapatunay sa lahat ng kanyang naibalita, at ang pag-iwas sa lahat ng kanyang ipinagbabawal.
Salah [o Pagdarasal].
Isang kaugnayan sa pagitan ng alipin at ng kanyang Panginoon, nakakapanalangin siya rito nang taimtim at nakakapaghingi ng kapatawaran at nakakapaghiling ng tulong at kaluwagan, at ito’y sa pamamagitan ng Salah (pagdarasal) ng limang beses sa loob ng isang araw sa mga takdang oras nito. Nananatiling nakikipag-ugnayan ang isang muslim sa kanyang Tagapaglikha sa lahat ng oras nito.
Ito ay isinasagawa ng mga kalalakihan sa Masjid [o Mosque] nang sama-sama maliban kung may katangaptangap na kadahilanan. Sa pamamagitan nito, nahuhubog at tumitibay sa pagitan nila ang bigkis ng pagmamahalan at pagkakalapit ng kalooban, at sa pamamagitan din nito ay nawawasak ang pagkakaiba ng iba’t ibang mga tradisyon.
Sapagka’t ang lahat ng mga muslim ay patayong nakahanay na magkakatabi, silang lahat ay nakaharap sa iisang dako [sa kinaroroonan ng Qiblah] at sa iisang oras, ang lahat ay pare-parehong nagpapakumbaba sa Allah at nakatayo sa Harap Niya.
Zakah [o Pagkakawanggawa]
Ito ay isang napakaliit na porsiyento sa kayamanan, ibinibigay ng isang muslim na mayaman ayon sa mga naitakdang kondisyon bilang katungkulan at pagpapatupad sa kautusan ng Allah para sa mga kapatid niyang mahihirap at nangangailangan, ang layunin ng Islam sa pagtatakda nito ay upang bigyang buhay ang kulay ng panlipunang pagdadamayan sa pagitan ng mga muslim, mabigyan ng lunas ang kahirapan at maagapan ang pelegrosong mga bagay-bagay na maaring magiging bunga nito.
At sa pamamagitan nito nagiging dalisay ang mga puso ng mayayaman mula sa katakawan sa pera at kasakiman, at pinadadalisay nito ang mga puso ng mga mahihirap mula sa pagkapoot at pagkamuhi sa mga mayayaman. Sa tuwing sila ay nakikita nila, sila’y nangangako sa kanila na nakahandang tumustos at mag-abot ng kabutihan sa kanila.
Sawm [o Pag-aayuno]
Isang buwan sa loob ng isang taon na pinag-aayunuhan ng mga muslim sa pamamagitan ng pagpipigil nila sa mga nakasisira nito tulad ng pagkain, inumin at pakikipagtalik sa asawa. Simula sa pagsikat ng bukang liwayway hanggang sa paglubog ng araw, at ito ay hindi isang makabagong kautusan sa Islam, bagkus ito rin ang siyang ipinag-utos ng Allah sa mga naunang pamayanan.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
{O kayong nanampalataya! Ipinag-utos sa inyo ang pag-aayuno katulad ng pagkakautos sa mga yaong nauna sa inyo, baka sakaling magkaroon kayo ng takot [sa Allah]}.
Qur’an 2:183
Ang pag-aayuno ay isang masugid na pakikipagtunggali sa pagitan ng tao at ng kanyang sariling mga pithaya at layaw. Sa pamamagitan nito nadarama ng isang muslim ang mga pangangailangan ng kanyang mga kapatid na pinagkaitan ng biyaya mula sa lipon ng mga dukha at mahirap, kaya kusa niyang ipinamamahagi ang kanilang mga karapatan at sinusuri ang kanilang mga pangangailangan.
Hajj [o ang paglalakbay sa Makkah na may layuning isagawa ang mga ritwal ng Hajj]
Ito ay ang paglalakbay sa sagradong Tahanan ng Allah [ang Ka’bah] upang isagawa ang mga partikular na gawain, sa partikular na mga lugar, at sa partikular na mga oras bilang pagpapatupad sa kautusan ng Allah. Isang tungkulin na ipinag-uutos sa lahat ng muslim na nasa wastong pagiisip at gulang, na isagawa ito minsan sa tanang buhay sa kondisyong may kakayahan sa pangangatawan at yaman.
Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
{At para sa Allah tungkulin ng sangkatauhan na magsagawa ng Hajj sa Tahanan [ng Allah (ang Ka’bah)] sa sinumang may kakayahang pumarito, at ang sinumang nagtakwil [nito]. Katotohanan, ang Allah ay Malaya sa pagpapala [ng lahat] ng nilalang}
Qur’an 3:97
Ang Hajj ay itinuturing na isang dakilang pang-islamikong pagtitipon. Dito [sa Makkah] ay nagtitipon ang mga Muslim sa mga partikular na lugar, sa mga natatakdaang panahon, sila ay nananalangin sa Nag-iisang Panginoon, nakasuot ng iisang kasuutan, nagsasagawa ng iisang retuwal na gawain, walang pagkaiba sa pagitan ng mayaman at mahirap, mataas at mababa, maputi at maitim, arabo at banyaga. Ang lahat ng ito’y walang iba kundi bilang isang pagpapatunay sa pagkakapatiran ng lahat ng mga Muslim.