Mga Artikulo

Ano ang isang kasalanan?


Sa Islam ang isang kasalanan ay anumang ginawa na pinili ng isang tao na taliwas sa batas ng Allah. Ito ay mga gawa na ipinagbabawal ng Allah sa Quran o sa pamamagitan ni Propeta Muhammad sa Sunnah. Itinuturo sa atin ng Quran ang tungkol sa mga tao na ang mga puso ay nababalutan ng mga kasalanan ng kanilang mga ginagawa. (Quran 83:14). Ipinaliwanag ni Propeta Muhammad ang talatang ito sa pamamagitan ng pagsasabi na kapag ang isang tao ay nagkasala ng isang beses, ito ay tulad ng itim na tuldok na inilalagay sa kanyang puso. Sa kalaunan, kung ang isang tao ay nakaipon ng sapat na itim na mga tuldok ang kanyang puso ay ganap na nababalot at pinatigas. Ang daan pabalik sa Allah ay nagiging mas mahirap, ngunit hindi kailanman nawawalan ng pag-asa dahil ang Allah ay ang pinaka Mapagpatawad at wala nang nais kundi patawarin ang mga nagbabalik-loob sa Kanya at nagsisisi.





"Para sa mga umiiwas sa mga malalaking kasalanan at imoralidad, bagaman maaari silang gumawa ng mga maliliit na kasalanan, katunayan, ang inyong Panginoon ay napakalawak sa kapatawaran. Kilalang kilala kayo niya simula ng nilkha Niya kayo mula sa lupa at noong mga nasa sinapupunan ng iyong mga ina. Kaya huwag ninyong pabulaanan ang inyong sarili na dalisay; Siya ang higit na nakakaalam sa kung sino ang takot sa Kanya. "(Quran 53: 32)


Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng isang malaki at maliit na kasalanan?


Inuuri sa Islam ang mga kasalanan ayon sa tindi ng kanilang mga kahihinatnan sa mga indibidwal at lipunan. Ang isang malaking kasalanan sa Islam ay direktang binigyan ng babala sa Quran, na tumutukoy sa isang tiyak na parusa sa buhay na dito sa mundo o sa Kabilang Buhay. Kabilang dito ang mga paglabag sa Allah tulad ng pagsamba sa mga diyus-diyosan o isang bagay maliban sa Allah. Kabilang sa iba pang mga malalaking kasalanan ang pagpatay, pagnanakaw, pagsisinungaling, panunuhol, paninirang-puri, pangangalunya, at pag-inom ng alak. Ang mga pagkilos na ito ay itinuturing na malubha dahil sa nakapipinsalang mga bunga na mayroon sila sa mga indibidwal at lipunan. Ang iba pang mga gawain na karaniwang likas na personal ay itinuturing na maliliit. Ito ang mga gawain na kung saan hindi ipinahayag ng Allah ang sobrang galit, parusa, o mga babala.





Bakit  kailangang umiwas sa kasalanan, lalo na ang malalaking kasalanan?


Ang mga malalaking kasalanan ay maaaring maging isa sa mga dahilan na hindi tinatanggap ng Allah ang iyong du'a. Tanungin ang iyong sarili kung paano at bakit papakinggan ng Allah ang isang taong nananatili sa isang kalagayan ng kasalanan at hindi ito iniiwan o nagsisisi mula dito. Napakahalaga para sa isang mananampalataya na maiwasan ang mga malalaking kasalanan dahil maaari itong magdala ng maraming malulubhang parusa at ang Allah ay tinitiyak ang Paraiso sa mga umi-iwas sa kanila.





“At kung inyong iiwasan ang mga karumal-dumal na kasalanan na sa inyo ay ipinagbabawal, patatawarin  Namin kayo sa mga  (iba pa)  kasalanan at kayo ay tatanggapin sa   Paraiso  na may karangalan sa pagpasok.(Quran 4:31)





Ano ang mga malalaking kasalanan?


     Mahigit sa daan-daang taon ng karunungang Islamiko maraming mga  lista na  pinagsama-sama tungkol sa malalaking kasalanan sa Islam. Ngayon ay sisimulan natin ang ating aralin sa pamamagitan ng paggamit ng isang hadith na binanggit ni Abu Hurairah. Sinabi ng Propeta, "Iwasan ang pitong dakilang mapanirang kasalanan." Sila (ang mga tao) ay nagtanong, "Ano ba sila?" Sumagot siya ng mga sumusunod:





    1) Pagtatambal sa pagsamba sa Allah.





    2) Ang pagsasanay ng pangkukulam/salamangka.





    3) Paggamit ng riba (patubo/interes).





    4) Pagkuha ng isang buhay ng hindi makatarungan.





    5) Pamamalakad  na hindi makatarungan sa ari-arian ng isang ulila.





    6) Pagtalikod at pagtakas mula sa isang labanan.





    7) Pagaakusa sa mga babaeng dalisay  ng imoralidad.





Ating suriin ng maigi ang mga kasalanang ito.





1)    Ang Shirk, o pagtatambal sa Allah ay ang pinakamabigat sa lahat ng ipinagbabawal.  Sinabi ni Propeta Muhammad, "Hindi ko ba sasabihin sa inyo ang pinakamalubha sa mga malalaking kasalanan?" Sinabi namin, "Siyempre, O Sugo ng Allah!" Sinabi Niya, "Ang pagtatambal ng anumang bagay sa pagsamba sa Allah. . . "[1]





“ Katotohanang ang Allah ay hindi nagpapatawad na ang mga iba ay itambal pa sa Kanya sa pagsamba, datapuwa’t Siya ay nagpapatawad (ng lahat) maliban (lamang sa una) sa sinumang Kanyang maibigan, at sinumang magtambal sa pagsamba sa Allah, katotohanang siya ay gumawa ng kagimbal-gimbal na kasalanan.” (Quran 4:48)


2)    Ang pagsasalamangka, pangkukulam, pag angkin ng kabanalan, oroskopyo(astrology/horoscope) at panghuhula ay kabilang sa pasimula ng pagsasalamangka na isa sa pitong kasalanan na maaaring magdala sa isang tao sa Impiyerno. Ang pagsasalamangka ay nagdudulot ng pinsala at walang anumang pakinabang. Sinabi ng Allah tungkol sa taong natututo o nagsasagawa nito, ". . At natututunan nila ang isang bagay na nakakapinsala sa kanila at hindi kapaki-pakinabang sakanila. . . " (Quran 2:102)





3)     Sa Quran, hindi nag deklara ang Allah ng digmaan sa sinuman maliban sa mga taong nakikitungo sa riba. 





“O kayong nagsisisampalataya! Pangambahan ninyo ang Allah, at inyong ipagparaya (huwag nang pabayaran) ang anumang natira sa tubo ng inyong pautang, kung kayo ay tunay na sumasampalataya. At kung ito ay hindi ninyo gawin, kunin niyo ang mensahe ng pakikidigama mula sa Allah at ng Kanyang Sugo . . .( ang isang nagpapatubo ng salapi ay parang  nakikipaglaban sa Allah at sa Kanyang Sugong si Muhammad)” (Quran 2:278-279)





       Ang Riba ay sumasalungat sa diwa ng kapatiran at simpatya, at nakabatay sa kasakiman, pagkamakasarili at pagkamatigas ng puso. Ito ay isa sa mga pangunahing nag-aambag patungo sa pagpintog(inflation) at nagiging sanhi ng trauma(takot na malubha) at pagkalungkot dahil sa pagkapatong-patong ng mga utang. Tinitiyak ng Riba ang walang posibilidad na pagkalugi, kaya naman ang lahat ng panganib ay nakukuha ng nangungutang, sa halip ng paghatian  ang panganib at mga kita sa parehong partido. Lumilikha rin ang Riba ng isang monopolyo sa lipunan, kung saan ang mayaman ay ginagantimpalaan dahil sa pagiging mayaman, habang ang mga hindi  mayaman ay sapilitang nagbibigay ng karagdagang bayad.





4)    Ang isa sa mga pinakamabigat na kasalanan sa Islam ay ang sinasadyang pagkuha ng isang buhay. Ito ay katunayan sa kadahilan na ang Islam ay naglalaman ng mga alituntunin ng kagandahang-asal, na dinisenyo upang maprotektahan ang mga karapatan ng indibidwal kasama ang kanyang karapatang manirahan sa isang ligtas na komunidad. Sinabi ni Propeta Muhammad, "Ang isang tao ay patuloy na magiging matiwasay sa kanyang relihiyon hangga't hindi siya nagpapadanak ng dugo na ipinagbawal ipadanak."[2]





5)    Dapat gamitin ng mga tagapagbantay at tagapangalaga ng mga ulila ang ari-arian na ipinagkatiwala sa kanila sa tamang paraan at para lamang sa kapakanan ng ulila. Ang isang tagapangalaga ay dapat maging maingat na hindi gastusin ang alinman sa pera ng ulila sa kanyang sarili dahil ito ay isang malaking pagkakasala. Ang Islam ay pinangangalagaan  ang pagiging makatarungan, pagiging  pantay at pagiging responsable para sa kapakanan ng isang ulila at ito ay  isang pananagutan na hindi dapat ipag walang bahala.





“Ang mga umaangkin ng mga ari-arian ng mga ulila ng walang katarungan ay kumakain ng apoy sa kanilang tiyan; hindi magtatagal, sila ay susunugin sa naglalagablab na Apoy!” (Quran 4:10)





6.  Ang pagtalikod at pagtakas mula sa labanan ay isa sa mga malalaking kasalanan. Ito ay isang gawain na maaaring makasira  sa diwa ng iba pang mga sundalo at maaaring ipahamak ang buong komunidad sa walang awang salakay ng kaaway.





7.  Ang mga naninirang puri sa mga mananampalatayang kababaihan ay isinumpa sa buhay na ito at sa kabilang buhay: para sa kanila ay isang matinding parusa (Quran 24:23). Ang Allah Ang Makapangyarihan ay pinaliwanag ng maigi na ang sinumang hindi makatarungang paratangan/akusahan ang isang dalisay at malayang babae ng pangangalunya ay isusumpa sa mundong ito at sa kabilang buhay.





MajorSins2.jpgAng mga malalaking kasalanan na ating sinusuri ay mula sa isang tunay na hadith at kadalasang tinutukoy bilang pitong malalaking kasalanan. Ang hadith na ito ay hindi naglilimita sa mga malalaking kasalanan sa mga nabanggit dito. Gayunpaman mayroong maraming mga malalaking kasalanan na marahil hanggang sa pitumpu at sa baba ay inilista natin ang ilan sa mas nakahihigit:





·       Hindi ginagampanan ang pagdarasal





·       Hindi nagbibigay ng zakah





·       Pagputol ng pag-aayuno sa Ramadan nang walang sapat na kadahilanan





·       Hindi pagsasagawa ng Hajj kung may  kakayahan





Ang mga malulubhang malalaking kasalanan ay tungkol sa pagpapanatili ng pananampalataya at pagpapatupad ng Islam sa kung ano ang dapat pagsanayan rito. Ang pagpapabaya sa mga tungkulin sa relihiyon ay maaaring magkaroon ng mga nakapipinsalang bunga. Ang Propeta na si Muhammad, ang awa at pagpapala ng Allah ay mapasakanya, ay nagsabi, "Ang Islam ay itinayo sa limang haligi: Pagsaksi na walang tunay na diyos maliban sa Allah at si Muhammad ay Sugo ng Allah, pagsasagawa ng mga pagdarasal, pagbibigay ng Zakah, pagsagawa ng Hajj - pilgrimo sa bahay(ka'bah), at pag-aayuno sa buwan ng Ramadan. "[1]





Ang iba pang mga malalaking kasalanan ay higit na nauugnay sa pinsalang dulot sa mga pamilya at komunidad. Halimbawa, sinabi ni Propeta Muhammad sa isang tunay na hadith, "Ang tao na hindi ligtas mula sa aligugot/kapilyuhan ng kanyang mga kapitbahay ay hindi makakapasok sa Paraiso". [2] Sa kadahilanang ito, maraming gawain ang ipinagbabawal ng Allah at itinuturing na mga malalaking kasalanan. Kabilang dito ang mga sumusunod na malalaking mga kasalanan:





·       Hindi paggalang sa mga magulang





·       Pagputol ng relasyon sa kamag-anak





·       Panginginom ng alak





·       Pagsusugal





·       Pagnanakaw





·       Panunuhol





·       Pangangalunya





·       Sodomya(relasyon ng parehas na kasarian)





      Ang mga malalaking kasalanan ay kinabibilangan rin ng mga kasalanan na lumalabag sa pangunahing mga pananaw ng Islam ng katapatan at pagtitiwala. Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay nagpapahiwatig ng pagiging matapat, makatarungan sa mga pakikitungo at maagap, pati na rin ang paggalang sa mga tiwala at paghawak sa  mga pangako at kasunduan. Si Propeta Muhammad ay kilala, kahit bago ang kanyang pagkapropeta na Al-Amin (ang mapagkakatiwalaan). Kaya ang mga sumusunod ay dapat isama sa listahan ng mga malalaking kasalanan:





·        Huwad na pagsasaksi





·        Pagisisnungaling





·        Paninirang puri





Pag-iwas sa Malalaking Kasalanan


      Sinabi ng Propetang Muhammad, "... ang paggawa ng kasalanan ay nagpapabigat sa iyong kaluluwa, na kung saan hindi mo rin  gugustuhing matuklasan  ito ng  mga tao." [3] Sinabi rin niya, "Sumangguni sa iyong puso. Ang pagiging matuwid ay yaong kapag nakadarama ang  kaluluwa ng  kaginhawahan at ang puso ay tahimik. At ang kamalian ay yaong nagpapabigat ng kaluluwa at nagiging sanhi ng kabalisahan sa dibdib ... ".





      Ang isang tao ay maaaring maiwasan ang maraming mga kasalanan sa pamamagitan ng pagdarasal ng limang beses sa isang araw, pagbabasa o pagbigkas ng Quran, pagsasagawa sa limang haligi ng Islam at sa pamamagitan ng pagpapanatili sa ating sarili na abala sa Allah. Sa paggawa ng mga  ito, maiiwan na lamang ang napakaliit na oras  para makagawa o makaisip na gumawa ng kasalanan. Dahil sa pagiging tao nahuhulog tayo sa mga pagkakamali at mga kasalanan, magkagayon pa man dapat nating subukan ang ating kakayanan upang maiwasan ang lahat ng mga kasalanan, lalo na ang mga malalaki nito sapagkat ang mga ito ay labis na hindi kaaya-aya sa Allah at, gaya ng nalalaman natin, nalalagay sa alanganin  ang ating kaluguran sa buhay na ito at sa Kabilang Buhay . At kapag nahulog tayo sa isang kasalanan, dapat tayong magsisi dito at humingi ng awa at kapatawaran sa Allah.





Maraming tao ang naniniwala na ang kanilang mga kasalanan ay masyadong malaki at masyadong madalas para patawarin sila ng Allah. Gayunpaman ang Islam ay ang relihiyon ng pagpapatawad at Ang Allah ay  kinagigiliwan ang magpatawad. Kahit na ang mga kasalanan ng sangkatauhan ay maaaring umabot na kasing taas ng mga ulap sa langit, ang Allah ay magpapatawad at magpapatawad hanggang sa ang Huling Oras halos  malapit na sa atin.





"Maliban sa mga nagsisisi at sumasampalataya at gumagawa ng mabubuting gawa. Sila ay papasok sa Paraiso, at sila ay hindi gagawan ng kamalian sa anumang paraan. "(Qur'an 19:60)





Ang pagsisisi ay mahalaga para sa isang tao para mamuhay ng kontento. Ang gantimpala ng pagsisisi ay kapayapaan ng isip at ang kapatawaran at kasiyahan ng Pinaka-Makapangyarihan(Allah). Gayunpaman, mayroong tatlong mga kondisyon sa pagsisisi. Ang mga ito ay, paghinto ng kasalanan, pakiramdam ng pagkakonsensya sa paggawa nito at gawan ng solusyon para hindi na bumalik sa kasalanang yaon. Kung ang tatlong kondisyong ito ay natupad ng taos-puso, ang Allah ay magpapatawad. Kung ang kasalanan ay may kinalaman sa mga karapatan ng ibang tao magkagayon ay mayroong ikaapat na kondisyon. Iyon ay ibalik, kung maaari, ang mga karapatan na kinuha.  





Dito nagtatapos ang ating mga aralin sa malalaking kasalanan sa Islam. 



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG