Ang Masjid, na isinalin bilang Moske sa Ingles, ay ang nilalaman ng puso ng sambayanang Muslim sa Islam. Sa Kanluran, kadalasan ang mga Muslim ay bumibili ng lupa at nagtatayo ng Masjid dito. Sa ibang pagkakataon, sila ay bumibili ng simbahan o iba pang mga gusali at ginagawa itong isang Masjid. Minsan, sila rin rin ay umuupa ng isang silid, garahe, o ibabang bahagi ng isang gusali at ginagamit ito bilang pansamantalang Masjid.
Sa lahat ng pagkakataon, ang Masjid ay isang lugar para sa mga Mulsim kung saan nila nakikita o nakakasalamuha ang bawat isa sa araw-araw upang magsagawa ng mga pagdarasal at gayundin upang magsagawa ng iba pang mga gawain ng pagsamba at mga gawain na kapaki-pakinabang para sa komunidad ng mga Muslim.
Ang pinakamahalagang gawaing pagsamba na ginagawa sa masjid ay ang pagdarasal sa araw ng Biyernes. Ang limang pang-araw-araw na panalangin ay isinasagawa din dito ng karamihan sa kanila. Maraming mga masjid ang may isang nakatalagang Imam, isang namumuno sa pagdarasal, na mamumuno sa pang-araw-araw na mga panalangin. Ang ilan sa kanila ay walang nakatalagang Imam, nguni't isa sa mga dadalo ay mangunguna sa panalangin kapag dumating ang oras ng pagdarasal. Katulad nito, ang nakatalagang Imam ay maaari ring maghatid ng pang-Biyernes na pangaral (Khutbah) at pamunuan ang mga pagdarasal o maaaring may iba't ibang mga tagapagsalita na lingguhang nagpapalitan at nagbibigay ng pang-Biyernes na pangaral
Itinuro sa atin ni Propeta Muhammad (Sumakanya nawa ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah) na ang mga Masjid ay tahanan ng Allah at may mga alituntunin ng kagandahang-asal at patakaran na dapat matutunan at sundin ng bawat isang Muslim na dadalo dito.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga alituntunin sa kagandahang-asal at mga kaugalian ng isang masjid:
1. Ang pagsamba ay ang unang pinahahalagahan. Ang pangunahing layunin ng pagpunta sa masjid ay upang sambahin ang Nag-iisang Tunay na Panginoon ng mga Kalangitan at sandaigdigan. Lahat ng iba pa ay pumapangalawa lamang. Maraming mga moske ay naghahandog ng mga palaro at panlipunang pagdiriwang tulad ng basketball, mga pagpapakain sa komunidad, mga piknik, at iba pa. Lahat ng mga ito ay kapaki-pakinabang, ngunit ito ay nagsisilbing pangalawang layunin. Ang masjid ay isang lugar para sa pagsamba sa Allah at kadalasang nangangahulugan ng panalangin at pagbabasa o pagbigkas ng Quran.
2. Ang pangkalahatang alituntunin ay nararapat na ang isang Muslim ay malinis, magsuot ng malinis na damit, at walang masamang amoy kapag siya ay darating sa moske. Dapat niyang iwasan ang lahat ng bagay na nagdudulot ng masamang amoy tulad ng ng pagkain ng hilaw na bawang, hilaw na sibuyas, o paninigarilyo.
Ang isang Muslim ay dapat na magsuot ng mga malinis na damit at mga medyas kung siya ay darating sa Masjid. Hindi lamang ang masamang amoy ang makaka-abala sa kanilang kapwa tao, bagkus sinasaktan din nila ang damdamin ng mga Anghel na naroroon. Tandaan, sa kabila ng lahat na ang Masjid ay tahanan ng Allah.
Kapag ang isang tao ay gumawa ng trabaho na siya ay pagpapawisan o magdudulot ng amoy sa katawan, siya ay kinakailangang maligo at magpalit muna ng damit bago pumunta sa Masjid. Iniulat na sinabi ni Propeta Muhammad (SAW):
"Sinuman ang kumain ng bawang at sibuyas, siya ay kinakailangang lumayo mula sa Masjid dahil ikasasama ng loob ng mga Anghel kung ano ang ikasasama ng loob ng mga anak ni Adan." (Saheeh Muslim)
3. Ang isang Muslim ay dapat na pumasok sa masjid na nauuna ang kanyang kanang paa, at pagkatapos ay sabihin kung ano ang iniulat mula kay Propeta Muhammad (SAW):
“Allah-hum-maf-tah lee abwaaba rahmatik.”
“O Nag-iisang Panginoon (Allah), buksan mo ang mga pintuan ng Iyong Awa para sa akin.”
Ang mga panalanging ito ay hindi obligado, gayunpaman ang pagsasabi nito ay gawaing magkakamit ng gantimpala.
Gusto ni Propeta (SAW) na nagsisimula sa kanyang kanang bahagi sa lahat ng bagay. Ang kilalang kasamahan ni Propeta Muhammad, si Ibn Umar, bilang paggaya kay Propeta ay laging inuuna ang kanyang kanang paa sa paghakbang kapag siya ay pumapasok sa masjid, at ginagamit naman o nauuna ang kanyang kaliwang paa sa paghakbang paglabas ng masjid. (Saheeh Al-Bukhari).
4. Upang mapanatiling malinis ang karpet, kung saan inilalapat ng mga tao ang kanilang mga mukha, nararapat na alisin ang kanilang mga sapatos bago pumasok sa loob ng Masjid o bahay-dasalan. Ito ay para din sa mga bata, na maaaring magdala ng dumi sa buong karpet - kasama na rin dito na hindi sila dapat tumakbo sa loob ng masjid o bahay-dasalan. Maraming mga moske ang may salansanan o lalagyan ng mga sapatos na dapat gamitin upang mapanatiling walang sagabal sa mga daanan at iba pang mga lugar mula sa sapatos. Pinapadali rin nitong makita ang mga sapatos pagkatapos ang pagdarasal.
5. Ang isang Muslim ay dapat na bumati sa mga kapatid na Muslim sa pamamagitan ng pagsasabi ng "As-Salamu Alaikum" sa mga tao na nasa masjid habang pumapasok siya dito, kahit na nakikita niya na ang mga tao ay nananalangin. Hindi niya kailangang isigaw ito. Ang pagsasabi nito sa naririnig na boses ay sapat na. Ang mga kasamahan ni Propeta Muhammad (SAW) ay nagsasabi ng "As-Salamu Alaikum" sa Propeta habang siya ay nagdarasal, at siya ay tumutugon sa pamamagitan ng isang paggalaw o pagkumpas. Maraming mga ulat tungkol dito. Halimbawa, si Suhaib, isang Kasamahan ng Propeta, ay nagsabi: "Dumaan ako sa Sugo ng Allah habang siya ay nagsasagawa ng panalangin at nagbigay ng Salam sa kanya, (at) siya ay sumagot sa akin sa pamamagitan ng isang paggalaw." (Nasai)
Sa ibang pagkakataon, tinanong ni Ibn Umar si Bilal, isa pang Kasamahan ni Propeta Muhammad (SAW), 'Paano mong nakita ang sagot ng Propeta sa mga Kasamahan kapag sila ay nagsasabi ng Salam sa kanya habang siya ay nagdarasal? "Sinabi ni Bilal:" Sa pamamagitan ng pagbuka ng kanyang palad." (Tirmidhi)
6 . Ang isang Muslim ay dapat subukang dumating sa tamang oras para sa pagdarasal sa araw ng Biyernes o Jumu'ah, sa mga obligadong pagdarasal, o pagdalo sa mga aralin o lektura at mga pag-aaral. Ang mga huling pagdating ay nakakagambala na sa mga mag-aaral na nasa loob na ng klase, at ito ay kawalang-galang sa guro at sa iba pang mag-aaral o tagapakinig. Siyempre, para sa pagdarasal sa araw ng Biyernes, ay may mga Anghel na nakaupo sa pintuan upang itala kung sino ang pumapasok, at sa pagtawag ng pagdarasal o Adhan papasok sila upang makinig sa pangaral o sermon. Kaya kung ikaw ay dumating pagkatapos nito, ang iyong pangalan ay hindi nakasulat!
7. Ang isang tao ay hindi dapat magmadali sa paghabol sa naabutang bahagi ng pagdarasal pagpasok sa masjid, sapagkat si Propeta ay nagbawal sa pagmamadali sa ganoong uri ng sitwasyon. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW):
"Kung ang pagdarasal ay nagsimula na, sa gayon ay huwag sumali ng tumatakbo, bagkus ay sumali dito ng naglalakad at gawin ito ng mahinahon, at idasal kung anuman ang iyong naabutan, at kumpletuhin kung ano ang iyong nalampasan." (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
Kung ang isang Muslim ay huli ng darating sa isang pagdarasal, kailangan niyang bigkasin ang "Allahu Akbar" at sumali sa kongregasyon. Kung ang isang rakah ay sinalihan pagkatapos ng pagyuko o ruku', sa gayon ang buong rakah ay kailangang ulitin pagkatapos ng panalangin. Kaya kapag natapos ang imam sa panalangin, sa gayon ikaw ay dapat tumayo at kumpletuhin kung ano ang iyong nalaktawan.
Angkop na sumali mula sa likuran at punan ang lahat ng puwang. Kung wala ng lugar o puwang, sa gayon ay isang bagong hanay ang direktang dapat simulan sa likuran ng imam, at mas marami sa mga dumarating ng huli ang pupunan ang kanan at sa kaliwa. Ang mga kapatid na kababaihan ay dapat magsimula ng isang bagong hanay sa harapan kung ang hanay ay nagsisimula sa likuran.
8. Ang isa ay dapat manatiling tahimik habang nagdarasal. Sa panahon ng pagdarasal sa kongregasyon, walang magandang dahilan upang gumawa ng maraming ingay samantalang ang mga tao ay nagsisikap na manalangin, ngunit kung minsan ang mga pag-uusap ay naririnig habang nananalangin! Ang mga bata ay dapat sanayin na manatili sa tabi ng kanilang magulang habang nagdarasal kung maaari, o kung hindi, sila ay hidi dapat dalhin sa masjid upang magdasal.
9. Ang isang Muslim ay hindi dapat makagambala sa iba na nagdarasal sa masjid, dahil ang isang tao na nananalangin ay nakikipag-ugnayan sa Allah. Ang pagiging sanhi ng pagkagambala ay isang seryosong bagay - ang mga tao ay hindi dapat gambalain sa pamamagitan ng mga gawa tulad ng malakas na pagbigkas o pagbabasa ng Qur'an.
10. Ang pumapasok sa masjid ay hindi dapat umupo hanggang sa siya ay makapagdasal ng dalawang rakah. Isagawa ang mga ito tulad ng iyong pagdarasal ng dalawang rakah sa obligadong pagdarasal sa madaling-araw o Fajr. Ang dahilan sa pagdarasal na ito ay upang magpakita ng paggalang sa masjid bago umupo. Sinabi ng Propeta (SAW):
“Kapag ang isa sa inyo ay pumasok sa Masjid, siya ay kinakailangang magdasal ng dalawang rakah bago umupo.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
11. Kung ang isang indibidwal ay nagdarasal sa labas ng kongregasyon (kusang-loob na panalangin, o obligadong panalangin na nag-iisa), kinakailangan siyang maglagay ng isang bagay sa kanyang harapan habang nagdarasal upang magsilbing pangharang sa pagitan ng kanyang sarili at ng mga dumadaan sa kanyang harapan. Maaari itong maging isang upuan, isang pader, o isang haligi. Dapat din siyang lumapit dito tulad ng ginagawa ng Propeta. Sinabi ni Propeta Muhammad:
“Kung ikaw ay magdarasal, sa gayon ay magdasal sa harapan ng isang Sutra (harang) at lumapit dito." (Abu Dawud)
Hindi kinakailangan na maglagay ng pangharang sa harapan ang isang tao kung nagdarasal sa kongregasyon, maliban sa Imam, kung saan ang harang niya ay nagsisilbing harang din para sa kongregasyon.
12. Ang mga Muslim ay hindi dapat lumakad sa harapan ng isang taong nagdarasal. Kung ang isang tao ay nagdarasal na may sutrah (pangharang), sabihin na natin na sa likuran ng isang upuan, kung gayon ay hindi ka maaaring maglakad sa pagitan ng tao at ng upuan, ngunit maaari sa kabila ng upuan. Sinabi ni Propeta Muhammad (SAW): "Kung ang isang tao ay malalaman (ang kasalanan) ng pagdaan sa harap ng isang taong nagdarasal, mas mabuti na maghintay siya ng apatnapu kaysa dumaan sa harapan niya." Si Abu al-Nadr - isa sa mga tagapagsalaysay ng mga hadith, ay nagsabi: "Hindi ko maalala ang eksakto, kung ang sinabi niya ay apatnapung araw, buwan o mga taon." (Bukhari, Muslim)
13. Ang isang Muslim ay dapat umupo kung saan siya nakakita ng isang lugar sa masjid. Ang isang Muslim ay hindi dapat tumalon sa ibabaw ng mga tao o isiksik ang kanyang sarili sa pagitan ng dalawang tao na nakaupo na upang hindi maabala o makapinsala sa kanila. Maraming mga salaysay o hadith ng Propeta ang nagpapahiwatig ng kahulugan na ito.
14. Sa halip na makipag-usap at makipag-tsismisan, mas makabubuti para sa isang Muslim na panatilihing abala ang kanyang sarili sa pagsusumamo at pag-alala sa Allah, sapagkat siya ay itinuturing na nananalangin hangga't naghihintay siya sa oras ng pagdarasal.
15. Ang isang Muslim ay dapat na panatilihing malinis, maayos, at mabango ang masjid dahil ito ay ang tahanan ng Allah. Itinuring ni Propeta Muhammad (SAW) ang pagdura sa masjid na isang kasalanan na mapapatawad lamang kung lilinisin ng Muslim ang lugar. Sinabi ng Propeta ng Islam:
“Ang pagdura sa masjid ay isang kasalanan at ang kabayaran ay ang paglinis dito.” (Saheeh Muslim)
Ang mga kasamahan ng Propeta ay palaging pinanatiling malinis ang masjid, tulad ng kilalang kasamahan na si Ibn Umar, na laging naglalagay ng pabango sa loob ng masjid kapag si Umar, ang kanyang ama, ay nakaupo sa pulpito o sermunan upang magbigay ng pangaral sa araw ng Biyernes (Abu Dawud). Ang tradisyonal na insenso o kasalukuyang modernong pampisik at mga elektronikong aparato na maaaring gamitin para sa nasabing layunin.
16. Ang isang Muslim ay hindi dapat lumabas ng masjid pagkatapos tumawag ng Adhan bago siya magdasal kasama ng iba pang mga Muslim sa kongregasyon. Sabihin natin na nagdasal ka na ng Dhuhr ng maaga sa bahay o sa ibang masjid, pagkatapos ikaw ay pumunta sa isang masjid kung saan ang Adhan ay tinatawag para sa Dhuhr. Ito ay itinuturing na isang nafl (dagdag / kusang-loob) na panalangin kahit na ikaw ay nagdasal sa kongregasyon. Ang iyong intensyon ay magiging isang nafl o kusang-loob na panalangin, samantalang ang iba ay nagdarasal na ang layunin ay obligadong panalangin ng Dhuhr.
17. Nararapat na makinig sa Adhan at ulitin ito pagkatapos ng taong tumatawag nito. Ulitin ang lahat, maliban sa kung sabihin niya ang:
“Hayya ‘alas-Salaah” (Magmadali para sa pagdarasal) at
“Hayya ‘alal-Falaah” (Magmadali para sa Kaligtasan).
Dito ay dapat mong sabihin: “Laa hawla wa laa quwwata ‘illaa billaah” (Walang Lakas at walang Kapangyarihan maliban sa pamamagitan ng Allah). (Bukhari, Muslim)
Ang pag-uulit na ito ng Adhan ay isang kapaki-pakinabang na gawain, gayunpaman ito ay hindi obligado.
18. Ang isang Muslim ay dapat lumabas sa masjid ng nauuna ang kanyang kaliwang paa at bigkasin kung ano ang laging sinasabi ni Propeta Muhammad:
“Allaahumma innee as-aluka min fadhlika.”
“O Nag-iisang Panginoon (Allah), hinihiling ko ang Iyong iyong kasaganaan” (Saheeh Muslim)
Ang panalanging ito ay hindi obligado, gayunpaman ang pagsasabi nito ay isang kapaki-pakinabang na gawain.