Ang limang pinaka-mahalaga at makabuluhang gawaing pagsamba sa Islam ay kilala bilang "mga haligi ng Islam." Ang mga ito ay ang "shahadah" (ang pagpapatotoo na walang nararapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad ay ang Sugo ng Allah), ang limang beses sa isang araw na pagdarasal, zakat (obligadong kawanggawa), pag-aayuno, at Hajj (peregrinasyon). Ang isang Muslim ay kinakailangang unahin sa lahat na tumuon sa pag-aaral at pagsasanay sa mga haliging ito bago tumuon sa iba pang mga aspeto ng Islam.
Ang salitang 'zakah' ay karaniwang isinalin bilang 'karapatan ng mahirap' o 'kontribusyon sa buwis.' Sa katunayan, walang anumang salita ang maaaring magsalin nang maayos sa zakat.
Bago ipaliwanag ang salitang zakah, mas mainam na maintindihan kalakip ang ibang salita, na "sadaqah."
Ang Zakah at sadaqah ay magkaiba. Ang Zakah ay obligadong kawanggawa at ito ay kinakailangan, samantalang ang sadaqah ay kusang-loob na pagkawang-gawa sa kapwa at isang inirerekomendang gawain na nagbibigay ng karagdagang gantimpala. Bukod dito, ang zakah ay ikatlong haligi ng Islam. Ang hindi pagbabayad ng zakah dahil sa kapabayaan ay isang kasalanan, samantalang ang isang tao sa pangkalahatan ay hindi makasalanan dahil sa hindi pagbabayad ng kusang-loob na kawanggawa. Iyon ang dahilan kung bakit tinatawag ito na "kusang-loob" na kawanggawa! Ang Zakah ay kinakalkula nang wasto at maaari lamang ibigay sa mga partikular na tatanggap, samantalang ang sadaqah ay hindi napapaloob sa mga nasabing regulasyon. Ang Zakah ay dapat ibigay taun-taon, samantalang ang sadaqah ay maaaring ibigay lamang ng isang beses o mas madalas kung nais ng isang tao.
Ang Kabutihan ng Zakah
Ang Zakah ay isang magandang gawain ng pagsamba na nakakabit sa pagpadadalisay. Sa katunayan, ang paguguol ng yaman sa zakah ay nagpapadalisay sa puso mula sa pagmamahal sa materyal na yaman. Ang isang tao na nag-aalay ng donasyon mula sa kanyang kayamanan ay nagpapatunay sa katotohanan na sa kanya ay walang natatangi maliban sa pagmamamahal sa Allah at siya ay handang isakripisyo kahit na ang kanyang kayamanan sa ikasisiya ng Allah. Ang Propeta Muhammad (SAW) ay nagsabi,
'Sinumang magbayad ng zakah para sa kanyang yaman ay aalisin ang kasamaan mula sa kanya.' [1]
Wastong Kahulugan ng Zakah
Sa Islamikong Batas (Shariah), ang mga salita ay malinaw na tinukoy. Ang Zakah ay walang pagliliban. Tinutukoy ng Shari'ah ang zakah na isang partikular na bahagi sa yaman ng isang tao na dapat ibigay o ibayad taun-taon sa isang partikular na grupo ng mga tao na binanggit sa Quran.
Ang Kahalagahan ng Zakah at ang Parusa sa Hindi Pagbabayad nito
Ang Zakah ay kumakatawan sa habag ng Islam tungo sa mahihirap at nangangailangan. Ang Zakah ay hindi isang buwis, ngunit ito ay isang gawaing pagsamba kung saan ang isa ay tatanggap ng gantimpala mula sa Allah. Ang hindi pagbabayad ng zakah ay isang kasalanan. Ang pagtanggi sa obligasyong ito ay gawaing kawalan ng paniniwala.
Sinabi sa atin ng Quran ang tungkol sa kapalaran ng mga tumangging magbayad ng zakah. Sinasabi nito,
“…At yaong mga nag-iipon ng ginto at pilak at hindi ito ginugugol sa landas ng Allah, balaan sila sa isang masakit na pagdurusa (sa buhay na darating). Sa araw na iyon kapag ang (kinolektang kayamanan) ay pinainit sa apoy ng Impiyerno at kasama dito ang kanilang mga noo, ang kanilang mga tagiliran, at ang kanilang mga likod ay mamarkahan (at sasabihin sa kanila), 'Ito ang kayamanan na inyong kinolekta para sa inyong sarili, kaya tikman kung ano ang inyong itinago. '"(Qur'an 9: 34-35)
Ano ang Nisaab?
Ang Zakah ay hindi dapat bayaran maliban na kung ang yaman ay umabot sa pinakamababang antas na tinatawag na "nisaab." Isiping ang nisaab bilang isang timbangan upang matulungan kang malaman kung kailangan mong magbayad ng zakat. Ang iba't ibang uri ng kayamanan ay may iba't ibang nisaab:
Pilak - 595gm
Ginto - 85gm, 3 US oz, or 2.74 troy oz na purong ginto
Salaping hawak at Ipon - Katumbas ng halaga ng 85 gm ng ginto o 595 gm ng pilak, alinman sa mga ito na mas mababa.
Ang Zakah sa mga bagay sa itaas ay 2.5% ng kanilang halaga. Kung ang nisaab ay natugunan sa anumang uri ng yaman, ang zakah ay naaangkop lamang sa partikular na uri ng yaman at kinakalkula sa kabuuan (nisaab + ang labis) ng mga ito.
Ang mga presyo ng ginto at pilak ay nag-iiba araw-araw sa pandaigdigang mga pamilihan. Halimbawa, noong Agosto 15, 2012, ang presyo ng ginto ay humigit-kumulang na $ 51.54 / gm at para sa pilak ay $ 0.89 / gm, kaya ang nisaab para sa ginto ay humigit-kumulang na $ 4380.9 ($ 51.54 x 85 kada gramo) at ang nisaab para sa pilak ay humigit-kumulang na $ 529.55 ($ 0.89 x 595 kada gramo). Ang mga presyo ng ginto at pilak ay maaaring makuha mula sa www.goldprice.org
Kailan Itinakdang Magbayad ng Zakah?
Maraming mga alituntunin at regulasyon ng Islam ang nakasalalay sa taunang kalendaryo ng Islam. Ang Zakah ay isa sa kanila. Kung ikaw ay may kayamanan ng higit pa kaysa sa nisaab sa loob ng isang taon (lunar), kung gayon ay kailangan mong magbayad ng zakah. Kahit na hindi kinakailangan, ngunit ang karamihan sa mga tao ay kinakalkula ang kanilang zakah tuwing sasapit ang buwan ng Ramadan. Maaari mo itong ayusin upang kalkulahin at bayaran ang iyong zakah tuwing ika-1 o ika-15 araw ng Ramadan
Halimbawa: Sabihin na mayroon kang $ 2000 / - at 800 gramo ng ginto sa loob ng isang taon. Ang iyong zakah ay magkakahalaga ng $50 at 2.5% ng 800 gramo, na 20 gramo o katumbas na salapi nito.
Sino ang Dapat Magbayad ng Zakah?
Ang Zakah ay kailangang galing sa mga Muslim lamang kung sila ay may sapat na gulang o menor de edad, lalaki o babae, may matinong pag-iisip o wala sa katinuan. Ang mga pinagkatiwalaang tagapag-alaga ay dapat magbayad ng zakah para sa mga taong walang kakayahan. Ito ay isang napaka importanteng usapin para sa mga batang may mga natatanging pangangailangan na may sariling mga pondo o may isang ipinagkatiwalang pondo na ginawa para sa kanila at ang pera na nakuha sa mga naipon na iyon ay umabot sa nisaab.
Ang Zakah ay nararapat din sa kalakal, hayop at mga ani tulad ng mga butil, prutas, at gulay. Mahalaga para sa isang negosyante o isang magsasaka na malaman ang tungkol sa mga regulasyon ng zakah na nauukol sa kanya, ngunit sa ngayon ito ay hindi natin pag-uusapan sa mga araling ito.
Walang zakah sa mga bagay na ginagamit sa pagbibigay-kasiyahan sa pangunahing mga pangangailangan. Ang mga pangunahing pangangailangan ay pagkain, tirahan, damit, mga gamit sa bahay, mga kagamitan sa kusina, kasangkapan, atbp.
Zakah sa mga kalakal, mga Kabahagi, at 401K
Ang Zakah ay kinakalkula sa isang itinalagang halaga na 2.5% ng kabuuang halaga ng pondo o kalakal sa takdang petsa ng zakah dahil binili ang mga ito nang may inaasahang kita, at madaliang pakikipagkalakan para sa pera.
Ang mga panandaliang mga mangangalakal ay dapat kalkulahin ang halaga ng mga kalakal sa isang itinakdang taunang petsa ng pagbabayad ng zakah, hindi alintana ang mga petsa ng pagbili ng kalakal o pagbabago ng mga halaga, at magbayad ng 2.5% ng kabuuang halaga ng mga ito.
Tila pinaka-mabuti na isaalang-alang ang lahat ng mga halaga o account - 401 (k), Keogh, IRA, SEP-IRA, Roth IRA, at iba pa - na dapat bayaran ng zakah sa singil na 2.5% taun-taon. Karaniwang hindi lahat ng pera ay maaaring maibalik sa namumuhunan para sa pag-ayaw, hanggang sa 50% lamang ang karaniwang pinapayagan. Samakatuwid, ang sumusunod na payo ay iminungkahi ng ilang iskolar:
Halaga ng Perang Kukunin - Nakalaang Multa - Nakalaang Buwis = Halagang dapat bayaran sa Zakah
Sino ang maaaring Tumanggap ng Zakah?
Sinasabi sa atin ng Quran kung sino ang karapat-dapat na tumanggap ng zakah. Ang walong mga uri ay matatagpuan sa Quran sa Kabanata At-Tawbah, 9:60:2.
1. Ang Mahirap
Ang mga mahihirap na walang sapat na salapi upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan ay angkop na tumanggap ng zakah. Hindi ito nangangahulugan na sila ay walang pananalapi, nguni't hindi kayang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, gayunpaman hindi sila humihingi ng tulong sa iba dahil sa kanilang pangingimi at pagkakaroon ng paggalang sa sarili.
2. Ang Dukha
Ang mga taong napakahirap, na wala silang anumang bagay upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Maliwanag, na sila ay nasa mas malalang kalagayan kaysa sa naunang kategorya.
3. Mga Tagapangasiwa ng Zakah
Ang mga taong responsable sa pangongolekta at pamamahagi ng zakah ay maaaring bayaran para sa kanilang trabaho mula sa pondo ng zakah. Maaari silang tumanggap ng sahod maging sila man ay mahirap o hindi.
4. Pinagkakasundo ang mga Puso
Ang mga taong kamakailan lamang tinanggap ang Islam ay maaaring bigyan ng zakah. Ang mga tao ay maaari ring mabigyan ng salapi mula sa zakah upang makuha ang kanilang suporta o upang maiwasan ang kanilang pagsalungat.
5. Pagpapalaya ng mga Alipin
Sa nakaraan, ang salapi ng zakah ay ginagamit din sa pagbili sa kalayaan ng mga alipin. Itinakda ito ng Quran upang maging isang lehitimong pamamaraan na gugulin ang salapi mula sa zakah. Ito ay isang malinaw na pagpapahayag ng pagkahabag ng Islam sa pakikitungo sa mga alipin noong ito ay umiiral pa. Itinaas ng Islam ang pagpapalaya ng mga alipin bilang isang gawaing pagsamba na nakalulugod sa Allah. Walang ibang relihiyon ang nakagawa nito sa abot ng kaalaman ng may-akda na ito.
6. Pagbabayad ng mga Utang
Ang mga taong labis na nabaon sa pagkakautang at walang anumang paraan na makabayad sa pamamagitan ng kanilang sarili ay maaari ring tumanggap ng pondo ng zakah. Ang utang ay maaaring sanhi ng mga medikal na kadahilanan, pag-aasawa, o iba pang mga legal na gastusin.
7. Para sa Allah
Ang kayamanan ay maaari ring gugulin alang-alang sa Allah. Ang tradisyonal na pang-unawa na pinaniniwalaan ng pangunahing mga iskolar ng Islam na ang kategoryang ito ay nakalaan para sa jihad o lehitimong digmaan. Ang sumunod na mga iskolar ay pinagsama ang pagsisikap sa pagpapalaganap at pang-kaisipang pagtatanggol sa Islam sa kategoryang ring ito.
8. Mga Manlalakbay
Ang mga tao ay kalimitang natitigil o naiiwan noong nakaraan habang naglalakbay na walang makuha sa kanilang mga pondo mula sa kanilang mga tahanan. Ito ay minsan ring nangyayari sa kasalukuyan. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga manlalakbay ay maaaring bigyan ng salapi mula sa zakah. Sa kondisyon na ang kanilang paglalakbay ay hindi dapat pagsuway sa Allah, kundi para sa isang katanggap-tanggap na dahilan tulad ng paghahanap ng kaalaman, paghahanap ng trabaho, o pakikipag-kalakalan.
Sino ang Hindi Maaaring Tumanggap ng Zakah?
Ang isang taong mayaman ay hindi maaaring magbigay ng zakah sa kanyang mga magulang dahil sila ay pananagutan ng kanilang mga anak. Gayundin, ang isang asawang lalaki ay hindi maaaring magbigay ng zakah sa kanyang maybahay dahil siya ay may pinansiyal na pananagutan sa kanya. Bukod dito, ang isang di-Muslim ay hindi maaaring bigyan ng zakah ayon sa karamihan ng mga iskolar. Ang mga mahihirap na di-Muslim ay maaaring matulungan sa pamamagitan ng sadaqah o kusang-loob na kawanggawa.
Mga Praktikal na Payo sa Pagbibigay ng Zakah
1. Maaari kang magbigay ng salapi sa isang mahirap at nangangailangang mga Muslim nang direkta kung kilala mo ang mga ito.
2. Ang inyong lokal na Islamikong tanggapan ay malamang na nangongolekta ng zakah at ibinabahagi ito sa mga nangangailangan sa lokal na komunidad o mga nagtatrabaho sa isang pangkawang-gawang organisasyon. Samakatuwid, maaari mong tanungin ang lokal na masjid kung tumatanggap sila ng zakah. Maaari mo ring makita ang mga kahon na may nakasulat na "zakah" sa masjid kung saan maaari mong ihulog ang iyong tseke o hawak na salapi para sa zakah.
3. Higit pa rito, maaari kang maghanap sa online at makakita ng maraming mga Islamikong organisasyon sa pagkakawang-gawa na nagtitipon ng zakah upang tumulong sa mga ulila o magbahagi ng pagkain o gamot sa mga lugar na dinaanan ng kalamidad.
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga organisasyon na maaari mong ibigay ang iyong zakah:
www.zakat.org
www.islamic-relief.com
www.hhrd.org
Mga Iba't Ibang Suliranin
Ang mga alahas na ginto at pilak ay dapat bayaran ng Zakah. Ang zakah sa ginto ay kakalkulahin ayon sa nilalaman ng ginto sa alahas (ibig sabihin mga kilatis) at ang halaga nito sa pamilihan. Kaya sa pagkalkula sa halaga ng iyong ginto, ay kinakailangan kang kumonsulta sa isang alahero para sa tamang halaga (batay sa nilalaman at timbang). Ang anumang mga bato sa alahas ay hindi nabibilang sa zakah.
Ikaw ay dapat na magkaroon ng layunin sa pagbabayad ng zakah kapag ibinigay mo ito. Sa madaling sabi, hindi ka maaaring magbigay ng salapi sa donasyon, pagkatapos ay iisipin mo sa iyong sarili, gaya na sasabihin, nakapagbigay na ako ng labis sa kawanggawa, ito ay katumbas na bilang aking zakah.
Ang Zakah ay dapat kaagad bayaran sa oras na dumating ang takdang panahon para dito. Hindi ito dapat maantala maliban na lamang kung may isang magandang dahilan upang gawin ito, tulad ng paghihintay na magkaroon ng mapagbibigyang mahirap.
Ang isang karaniwan at malawak na hindi pagkakaunawaan na sa sandaling binayaran ko ang zakah sa ilang bahagi ng aking kayamanan, ay hindi ko na kailangang magbayad ng zakah sa nasabing kayamanan sa susunod na taon. Iyon ay walang basehan. Sa katunayan, hangga't mayroon akong kayamanan na lalagpas sa nisaab, at ang isang kumpletong taon ng lunar ay dumaan dito, ako ay patuloy na dapat magbayad ng zakah sa bawat taon.