Ang paniniwala sa mga sugo/mensahero ay isang mahalaga at obligado na saligan ng paniniwalang Islamiko.
“Ang Sugo (Muhammad) at ang mga sumasampalataya ay nananampalataya sa anumang ipinahayag sa kanya mula sa kanyang Panginoon. Ang bawat isa ay nananampalataya sa Allah, sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Kasulatan, at sa Kanyang mga Sugo. (Sila ay nagsabi,) ‘Kami ay hindi nagtatangi sa sinuman sa Kanyang mga Sugo.’” (Quran 2:285)
Ipinarating ng Allah ang Kanyang mensahe sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga sugo/mensahero. Sila ay bumubuo ng isang ugnayan sa pagitan ng mga tao at mga kalangitan, sa katotohanang pinili sila ng Allah upang ihatid ang Kanyang mensahe sa sangkatauhan. Ang mga banal na mensahe ay hindi ipinahayag sa sangkatauhan maliban sa pamamagitan ng mga sugo/mensahero. Ito ang paraan ng komunikasyon sa pagitan ng Lumikha at ng nilikha. Hindi nagpapadala ang Allah ng mga anghel sa bawat indibidwal, o 'binubuksan Niya ang kalangitan' upang ang mga tao ay umakyat upang tumanggap ng mensahe. Ang Kanyang paraan ng komunikasyon ay sa pamamagitan ng mga Sugong-tao na tumatanggap ng mensahe sa pamamagitan ng mga anghel. Pawang mga taong propeta at sugo/mensahero lamang ang ipinadala ng Allah. Walang anghel ang sinugo upang magdala ng mensahe sa sangkatauhan. Siya, ang Kataas-taasan, ay nagsabi:
‘At sila ay nagsabi, “Bakit kaya ang isang anghel ay hindi ipinadala sa kanya? (upang magpatotoo sa kanya)". At kung Kami ay nagsugo ng isang anghel, ang pangyayari (o ang pagkawasak sa kanila) ay mapagpapasyahan ngayon din, at walang palugit ang igagawad sa kanila. at kahit pa gawin Namin siya [i.e. ang sugo] na anghel, ay gagawin pa rin Namin ang anghel na yaon na isang anyong tao, at tatakpan Namin sila nang kung ano ang itinatakip nila sa kanilang mga sarili.’ (6:8-9)
Ano ang kaakibat ng Paniniwala sa mga Sugo/Mensahero
Ang pananampalataya sa mga sugo/mensahero ay paniwalaan na ang Allah ay pumili ng mga moral o matuwid na tao upang dalhin ang Kanyang mensahe at iparating ito sa sangkatauhan. Mapalad ang mga sumunod sa kanila, kahabag-habag yaong mga tumanggi. Inihatid nila ng buong katapatan ang mensahe, nang walang itinatago, binabago, o sinira dito. Ang pagtanggi sa sugo/mensahero ay pagtanggi sa Isa na nagsugo sa kanya. Ang pagsuway sa sugo ay pagsuway sa Isa na nag-utos na sundin siya.
Ang hindi paniniwala sa sugo/mensahero ay tulad ng hindi paniniwala sa lahat ng mga sugo/mensahero. Sa sumusunod na talata, sinabi ng Allah, ang Kataas-taasan, na ang sambayanan ni Noah ay hindi naniniwala sa lahat ng mga sugo, kahit na sila ay inutusang sundin lamang si Noah:
‘Pinasinungalingan ng sambayanan ni Noah ang mensahe ng mga sugo.’ (Quran 26:105)
Sa madaling salita, ang paniniwala sa mga sugo/mensahero ay nangangahulugang:
(1) Nagpadala ang Allah sa bawat bansa ng isang propeta mula sa lipon nila, upang Hikayatin silang sambahin ang Allah lamang at iwaksi ang mga huwad na diyos.
“Tanungin mo, (O Muhammad) Ang mga sugo na ipinadala Namin na nauna sa iyo: ‘Nagpadala ba ang kanilang mga Sugo ng Mensahe na pagsamba ng iba bukod sa Allah na Pinakamahabagin?’” (Quran 43:45)
Hindi nila dinagdagan o tinanggal ang anumang bagay mula sa Banal na Mensahe.
“Pinagutusan ba ang mga mensahero ng anumang bagay maliban sa maipahayag nang malinaw ang Mensahe?” (Quran 16:35)
(2) Paniniwala sa mga partikular na binannggit, tulad nina Muhammad, Abraham, Moises, Hesus, at Noe, mapasakanila nawa ang kapayapaan. Mayroon tayong pangkalahatang paniniwala sa mga hindi nabanggit sa pangalan tulad ng sinabi ng Allah:
“At Katiyakan, Kami ay nagpadala ng mga Sugo nang una pa sa iyo (O Muhammad); ang iba ay aming inilahad sa iyo ang kanilang kasaysayan at ang iba ay hindi namin inilahad sa iyo.” (Quran 40:78)
Naniniwala kami na ang huling sugo/mensahero ay ang aming Propeta Muhammad at wala ng propeta o mensahero pa ang darating pagkatapos niya ayon sa sinabi ng Allah sa Quran:
“Si Muhammad ay hindi ama ng sinuman sa inyo, datapuwa't siya ang Sugo ng Allah at pang huli sa lahat ng mga Propeta; at si Allah ang may ganap na kaalaman sa lahat ng bagay.” (Quran 33:40)
Tiniyak ng Propeta:
“Wala nang Propeta na darating pagkatapos ko.” (Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim)
Ang mga nakaraang propeta ay ipinadala na may mga tuwirang kautusan para sa mga sinaunang tao. Samantalang si Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Allah ay pinadalhan ng mensaheng naaangkop para sa lahat ng panahon, mga tao at mga lugar; magkagayon, hindi na kailangan pa ng pagdating ng maraming propeta. Isa pang mahalagang dahilan kung bakit ang ibang mga nasyon ay pinadalhan ng higit sa isang propeta ay dahil sa mga pagbabago na ipinakilala nila sa relihiyon. Yamang ipinangako ng Diyos na ang mga turo ni Propeta Muhammad ay hindi kailanman mababago at pangangalagaan sa orihinal nitong wika sa pangunahin nitong pinagkukunan- ang Quran at Sunnah, hindi na kailangan nang susunod pang propeta. Sa sitwasyon ng mga naunang propeta, nawala ang mga kasulatan o ang kanilang mensahe ay nabago sa punto na ang katotohanan ay halos hindi na makilala mula sa kasinungalingan. Ang mensahe ni Propeta Muhammad ay malinaw at napanatili hanggang sa katapusan ng mga panahon.
(3) Paniniwala sa mga mapapanaligang ulat na isinalaysay mula sa mga sugo/mensahero. Halimbawa, ang mga katuruan ni Propeta Muhammad - ang Sunnah - ay napanatili sa mga aklat ng hadeeth.
(4) Pagsunod sa mga kautusan ng sugo/mensahero na ipinadala sa atin, ang
huling sugo na si Muhammad, na ipinadala sa lahat ng sangkatauuhan. Ang Allah ay nagsabI:
“Sumumpa ang Allah sa Kanyang sarili, na kailanman ay hindi sila magiging tunay na mananampalataya hanggang hindi ka nila (O Muhammad) ginagawang hukom sa anumang hindi nila napagkakasunduan sa pagitan nila, pagkatapos ay hindi sila makakaramdam sa kanilang mga sarili ng pagtutol sa anumang iyong pinasyahang paghahatol, at sila ay susunod nang ganap na pagsunod.” (Quran 4:65)
Ang Layunin
Ano ang layunin ng pagpapadala ng mga sugo/mensahero?
(1) Ang paghimok sa sangkatauhan mula sa pagsamba sa mga nilikha tungo sa pagsamba sa Lumikha, mula sa pagkaalipin ng nilikha tungo sa kalayaan ng pagsamba sa kanilang Panginoon.
(2) Nililinaw sa mga tao ang layunin ng kanilang paglikha: pagsamba at paglilingkod sa Allah, ang kanilang Lumikha. Wala pang tiyak na paraan upang mahanap ang tunay na layunin ng paglikha.
(3) Inilalahad ang patunay laban sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sugo/mensahero, upang hindi magkakaroon ng dahilan ang tao kapag sila ay tanungin sa Araw ng Paghuhukom. Hindi nila masasabing wala silang alam kung ano ang gagawin nila sa buhay.
(4) Pagsiwalat ng ilan sa 'mga lingid o hindi nakikitang mundo' lampas sa normal na pandama at sa pisikal na uniberso, tulad ng kaalaman tungkol kay Allah, ang pagkakaroon ng mga anghel, ang katotohanan ng Araw ng Paghuhukom.
(5) Pagbibigay sa mga tao ng mga praktikal na halimbawa upang maghatid ng moral, matuwid, pursigidong buhay na malaya sa pagaalinlangan at kalituhan.
(6) Paglilinis ng kaluluwa mula sa materyalismo, kasalanan, at pagpapabaya.
Ang Mensahe
Ang tangi at pinakamahalagang mensahe ng lahat ng mga propeta at sugo sa kanilang sambayanan ay ang sambahin ang Allah lamang at wala ng iba, upang magpakupkop sa kalooban ng Allah. Silang lahat - Noah, Abraham, Isaac, Ismael, Moises, Aaron, David, Solomon, Hesus, Muhammad, at maging ang mga hindi natin kilala - na inanyayahan ang sangkatauhan sa pagsamba sa Allah at iwaksi ang mga huwad na diyos.
Ipinahayag ni Moises:
“Pakinggan mo, O Israel Ang Panginoon na ating Diyos ay Iisa” (Deuteromiyo 6:4)
Inulit ito ni Jesus 1500 taon ang makalipas nang kanyang sinabi:
“Ang una sa lahat ng mga kautusan ay, ‘Pakinggan mo, O Israel Ang Panginoon na ating Diyos ay Iisang Panginoon.’” (Marcos 12:29)
Panghuli, ang panawagan ni Muhammad mga 600 taon makalipas ay umalingawngaw sa mga burol ng Mecca:
“Ang inyong Diyos ay Nagiisang Diyos: walang ibang diyos maliban sa Kanya.” (2:163)
Ang katotohanang ito ay naipahayag nang malinaw sa Quran:
“at wala Kaming ipinadalang sugo (O Muhammad) maliban na ipinahayag Namin sa kanya (na nagsasabi): ‘walang sinuman ang karapat-dapat sambahin kundi Ako, kaya't sambahin ninyo Ako.’” (21:25)
Ang kanilang mga dalang kautusan ay naiiba, bawat isa ay angkop para sa sarili nitong panahon at sambayanan:
“Gumawa Kami sa bawat sambayanan ng kanilang batas, at malinaw na pamamaraan na kanilang sinusunod”(Quran 5:48)
Ngunit ang sentro, pangunahing mensahe ay ang kaisahan ng Allah, tawheed, at pagsamba. Ito ang Islam; Islam sa kanyang malawak, pangkalahatang diwa ng pagpapasakop sa Allah.
“Katiyakan, ang relihiyon na katanggap-tanggap sa Allah ay Islam.” (Quran 3:19)
Ang mga Tagapaghatid ng Mensahe
Pinili ng Allah ang pinakamabuti sa mga tao upang maihatid ang Kanyang mensahe. Ang pagkapropeta ay hindi nakakamit o nakukuha tulad ng mataas na edukasyon. Hinihirang ng Allah kung sino ang kinalulugdan Niya para sa layuning ito.
Sila ay pinakamahusay sa moral at akma sa pagiisip at pisikal na anyo, na nasapangangalaga ng Allah mula sa pagkakasala. Hindi sila namali o nagkamali sa paghahatid ng mensahe. Maraming mga propeta at sugo/mensahero na ipinadala sa lahat ng sangkatauhan, bayan at mga lahi, sa lahat ng sulok ng mundo. May mga propetang nakahihigit sa iba, habang daig naman ng ilang mga sugo/mensahero ang ilan. Ang pinakamainam sa kanila ay sina Noah, Abraham, Moises, Jesus, at Muhammad.
Ilan sa mga propeta ay naharap sa matitinding pagsubok. Ang ilan ay tinanggihan at inakusahan bilang mga manggagaway (sorcerers), baliw at sinungaling. Ang iba ay itinuring na diyos ng kanilang mga tagasunod sa pamamagitan ng pagaakibat sa kanila ng kapangyarihang para lamang sa Allah o sila ay itinuturing na anak ng Diyos na tulad ng nangyari kay Jesus.
Sa katunayan, sila ay ganap na tao na walang banal na mga katangian o kapangyarihan. Sila ay mga sumasambang alipin ng Allah. Kumain sila, uminom, natulog, at nabuhay ng normal bilang tao. Wala silang kapangyarihan upang tanggapin ng sinuman ang kanilang mensahe o patawarin ang mga kasalanan. Ang kanilang kaalaman sa hinaharap ay limitado sa kung ano ang ipinahayag ng Allah sa kanila. Wala silang bahagi sa pagpapatakbo ng mga gawain ng uniberso.