Ang Pasugong Mananatili(1)
Ang nauna na paglalahad sa kalagayan ng mga relihiyong Judaismo, Kristiyanismo, Mazdaismo,(2)Zoroasterianismo at sari-saring Paganismo ay naglilinaw sa kalagayan ng Sangkatauhan (3)sa ikaanim na siglong Kristiyano. Kapag naging tiwali ang relihiyon ay nagiging tiwali ang mga kalagayang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiya.
Kaya naman lumaganap ang mga madugong digmaan. Lumitaw ang paniniil. Namuhay ang Sangkatauhan sa nakataklob na mapanglaw na dilim. Pinagdilim sanhi niyon ang mga puso dahil sa kadiliman ng kawalang-pananampalataya at kamangmangan. Nasalaula ang mga kaasalan. Nilapastangan ang mga dangal. Nalabag ang mga karapatan. Lumitaw ang katiwalian sa katihan at karagatan.
Anupat kung sakaling pagmamasdan ang mga ito ng isang nakauunawa ay talagang mata-talos niya na ang Sangkatauhan sa panahong iyon ay nasa isang kalagayan ng paghihingalo, at na sila ay nagpahayag na ng pagkalipol. Iyon ay kung hindi sila isinaayos ni Allah sa pamamagitan ng dakilang tagapagsaayos na nagdadala ng tanglaw ng pagkapropeta at sulo ng patnubay upang magbigay-liwanag sa sangkatauhan sa daan nila at magpatnubay sa kanila tungo sa tuwid na landas.
Nang panahong iyon ay ipinahintulot ni Allah na sumikat ang liwanag ng pagkapropetang magpakailanman mula sa Makkah, na kinaroonan ng Dakilang Bahay ni Allah. Ang kapa-ligiran nito noon ay nakatutulad ng lahat ng kapaligirang pantao kaugnay sa Shirk, kamang-mangan, paglabag sa katarungan at paniniil. Gayunpaman ito ay natatangi sa ibang pook ayon sa maraming pagkakatangi, na ang ilan ay ang sumusunod:
Ang Makkah ay isang kapaligirang dalisay na hindi naapektuhan ng mga batik ng mga pilosopiyang Griyego o Romano o Hindu. Ang mga individuwal doon ay nagtatamasa ng mahinahong pagpapahayag, maalab na isip at malikhaing talento;
Ito ay nasa sentro ng mundo sapagkat ito ay nasa isang pook na nakagitna sa pagitan Europa, Asia at Afrika, na magiging isang mahalagang dahilan sa bilis ng paglaganap at pagdating ng pasugong magpakailanman sa mga rehiyong ito sa loob ng kaunting panahon;
Ito ay isang matiwasay na bayan kung saan si Allah ay nangalaga rito noong nagnasa si Abrahah na salakayin ito. Hindi ito napangibabawan ng mga emperyong katabi nito, ang Persia at ang Roma. Bagkus matiwasay pati ang pangangalakal nito sa hilaga at timog. Iyon ay isang pambihirang pangyayari para sa pagsusugo sa marangal na Propetang ito. Pinaalalahanan nga ni Allah ang mga mamamayan ng Makkah hinggil sa biyayang ito. Sinabi Niya:
Hindi ba nagpatatag Kami para sa kanila ng isang matiwasay na kan-lungan na hinahakot dito ang mga bunga ng bawat bagay bilang panustos buhat sa Amin?
Qur’an 28:57.
Ito ay isang madisyertong kapaligiran na nagpanatili sa marami sa mga kapuri-puring ugali gaya pagkamapagbigay, pangangalaga sa pagkakabitbahay, pagpapahalaga sa mga dangal, at iba pa roon na mga katangiang nagpaangkop dito upang maging pook na nababagay sa pasugong magpakailanman.
Mula sa dakilang pook na ito, mula sa liping Quraysh na napatanyag sa kalinawan sa pagsasalita, kahusayan sa pagpapahayag at mga marangal sa mga kaasalan, at may taglay na kamarhalikaan at pamumuno ay hinirang ni Allah ang Propeta Niya na si Muhammad (SAS) upang maging pangwakas sa mga propeta at mga isinugo. Ipinanganak siya noong mga 570 C.E. Lumaki siyang isang ulila yamang namatay ang ama niya noong siya ay nasa tiyan pa ng ina niya. Pagkatapos ay namatay ang ina niya at ang lolo niya sa ama noong ang edad niya nang sandaling iyon ay anim na taon. Inaruga siya ng tiyuhin niya na si Abú Tálib at lumaki siya na isang ulila.
Lumitaw sa kanya ang mga tanda ng pangingibabaw. Ang mga gawi niya, ang mga kaa-salan niya at ang ugali niya ay naiiba sa mga gawi ng mga kalipi niya. Hindi siya nagsisi-nungaling sa pananalita niya. Hindi nakasasakit sa isa man.
Napatanyag siya sa katapatan, kalinisan ng buhay at pagkamapagkakatiwalaan anupat ang marami sa mga anak ng lipi niya ay nagtitiwala sa kanya sa mga mamahaling ari-arian nila at naglalagak ng mga ito sa kanya. Siya naman ay nangangalaga sa mga ito gaya ng panga-ngalaga niya sa sarili niya at sa ari-arian niya, na nagbunsod sa kanila na tagurian siya na mapagkakatiwalaan.
Siya ay mahiyain: hindi nalantad sa isa man ang katawan niya habang nakahubad mag-mula noong sumapit siya sa kasibulan. Siya ay malinis ang pagkatao, mapangilagin sa pagkakasala.
Nasasaktan siya sa nakikita niya sa mga kalipi na pagsamba sa mga diyus-diyusan, pag-inom ng alak, at pagpapadanak ng dugo. Nakikitungo siya sa mga kalipi niya sa anumang ikinasisiya niya na mga gawain nila. Humihiwalay siya sa kanila sa sandali ng kagaslawan nila at kasuwailan nila. Tinutulungan niya ang mga ulila at ang mga balo. Pinakakain niya ang mga gutom.
Noong nalalapit na siya sa apatnapung taong gulang ay napuno na siya sa nakapaligid sa kanya na katiwalian. Nagsimula siyang tumuon sa pagsamba sa Panginoon niya. Hinihiling niya sa Panginoon na patnubayan siya sa tuwid na landas. Habang siya ay nasa ganitong kalagayan, walang anu-ano ay bumaba sa kanya ang isang anghel dala ang pagsisiwalat ng Panginoon Niya. Ipinag-utos sa kanya na iparating sa mga tao ang Islam at na anyayahan sila sa pagsamba sa Panginoon nila at sa pagtigil sa pagsamba sa iba pa.
Nagpatuloy ang pagbaba ng pagsisiwalat sa kanya dala ang mga batas at ang mga kahatu-lan isang araw pagkatapos ng isang araw at isang taon pagkatapos ng isang taon, hanggang sa nilubos ni Allah ang Islam para sa Sangkatauhan at binuo sa kanila ang biyaya ayon sa kalubusan nito. Kaya noong nalubos ang gawain niya ay binawi na siya ni Allah. Ang edad niya noong namatay siya ay 63 taon. Ang 40 taon ay bago naging propeta at ang 23 taon ay bilang propetang sugo.
Ang sinumang magninilay-nilay sa mga kalagayan ng mga propeta at sa aral ng kasaysa-yan nila ay makaaalam nang tiyak na walang paraang ipinampatunay sa pagkapropeta ng isang propeta kung hindi naipampatunay din sa pagkapropeta ni Muhammad (SAS) ang paraang ito nang higit pa.
Kapag inisip mo kung papaanong naiparating ang pagkapropeta nina Moises at Jesus, sumakanila ang pagbati, ay malalaman mo na ito ay naiparating sa paraan ng tuluy-tuloy na salaysay, at ang tuluy-tuloy ng salaysay na naiparating sa pamamagitan nito ang pagkapropeta ni Muhammad ay higit na malaki, higit na matibay at higit na malapit sa panahon niya.(4)
@@Gayon din ang tuluy-tuloy na salaysay na naiparating sa pamamagitan nito ang mga himala nila at ang mga tanda ng pagkapropeta nila ay magkatulad din. Ngunit sa panig ni Muhammad (SAS) ay higit na malaki dahil ang mga tanda ng pagkapropeta niya ay marami. Bagkus ang pinakadakila sa mga tanda ng pagkapropeta niya ay ang Dakilang Qur’an na ito, na patuloy pa ring naipararating nang pagpaparating na tuluy-tuloy sa tinig at sa panulat.(5)
Ang sinumang naghambing sa pagitan ng inihatid ni Moises at Jesus, sumakanila ang pagbati, at ng inihatid ni Propeta Muhammad (SAS) na tamang pinaniniwalaan, mga tumpak na batas at mga napakikinabangang kaalaman ay malalaman niya na ang lahat ng ito ay namutawi sa isang ilaw, ang ilaw ng pagkapropeta.
Ang sinumang naghambing sa pagitan ng mga kalagayan ng mga tagasunod ng mga ibang propeta at ng mga tagasunod ni Propeta Muhammad (SAS) ay malalaman niya na sila [na mga tagasunod ni Propeta Muhammad (SAS)] ay pinakamabuti sa mga tao sa mga kapwa tao. Bagkus sila ang pinakadakila sa lahat ng tagasunod ng mga propeta sa epektong naiwan sa mga dumating noong wala na sila yamang ipinalaganap nila ang Tawhíd at ipinakalat nila ang katarungan. Sila ay awa para sa mga mahina at mga dukha.(6)
Kung nais mo ng karagdagang paglilinaw na magpapatunay sa pagkapropeta ni Muhammad (SAS) ay ilalahad ko sa iyo ang mga patunay at ang mga tanda na natagpuan ni ‘Alí ibnu Rabbán at-Tabarí noong siya isang Kristiyano pa, na yumakap sa Islam dahil doon. Ang mga patunay na ito ay ang sumusunod:
Na siya ay nag-anyaya tungo sa pagsamba kay Allah lamang at sa pagtigil sa pagsamba sa iba pa, na sumasang-ayon naman doon sa lahat ng propeta;
Na nagpakita siya ng mga malinaw na tanda na walang makapagpapakita kundi ang mga propeta ni Allah;
Na siya ay nagbalita ng mga pangyayaring panghinaharap at nagkatotoo naman ito gaya ng ibinalita niya;
Na siya ay nagbalita ng maraming pangyayari mula sa mga pangyayari sa mundo at mga bansa nito, na naganap naman gaya ng ibinalita niya;
Na ang aklat na inihatid ni Muhammad (SAS), ang Qur’an, ay isa sa mga tanda ng pagkapropeta. Iyon ay dahil sa ito ang pinakamahusay na aklat at ibinaba ito ni Allah sa isang lalaking di-nakapag-aral, na hindi nakababasa at hindi nakasusulat. Hinamon Niya ang mga malinaw magpahayag na magbigay ng tulad nito o tulad ng isang kabanata mula rito. Iyon din ay dahil sa ginarantiyahan ni Allah ang pangangalaga sa Qur’an, pinangalagaan Niya sa pamamagitan nito ang tamang pinaniniwalaan, naglaman ito ng pinakalubos na batas, at nagtayo Siya sa pamamagitan nito ng pinakamainam na kalipunan;
Na siya ang pangwakas sa mga propeta. Kung sakaling hindi siya isinugo ay talagang nawalan na sana ng saysay ang pagkapropeta ng mga ibang propeta na nagpropesiya sa pagsusugo sa kanya;
Na ang mga propeta, sumakanila ang pagbati, ay nagpropesiya sa kanya bago ang paglitaw niya nang matagal na panahon. Inilarawan nila ang pagsugo sa kanya, ang bayan niya at ang pagpapakumbaba ng mga bansa at mga hari sa kanya at sa kalipunan niya. Binanggit nila ang paglaganap ng relihiyon niya;
Na ang pagwawagi niya laban sa mga kalipunan na nakidigma sa kanya ay isa sa mga tanda ng pagkapropeta yamang imposible na may isang taong mag-aangkin na siya isinugo mula kay Allah, gayong siya ay nagsisinungaling, at pagkatapos ay aayudahan siya ni Allah ng pagwawagi, pagpapatatag, paggapi sa mga kaaway, paglaganap ng paanyaya niya at dami ng mga tagasunod. Tunay na ito ay hindi naisasakatuparan maliban sa kamay ng isang propetang tapat;
Ang taglay niya na pagsamba niya, kabinihan niya, katapatan niya, kapuri-puring ugali niya, mga kalakaran niya at mga batas niya, tunay na ito ay hindi natitipon maliban sa kalagayan ng isang propeta.
Nagsabi ang napatnubayang ito, matapos isalaysay ang mga patotoo na ito: “Kaya nga [mga nabanggit na] ito ay mga maningning na katangian at mga sapat na patunay. Ang sinumang nagtaglay ng mga ito ay nauukol sa kanya ang pagkapropeta. Natamo niya ang tagumpay niya. Nagtagumpay ang karapatan niya. Kinailangan ang paniniwala sa kanya. Ang sinumang tumanggi [sa pagkapropeta na] ito at magkaila rito ay mabibigo ang pagsisikap at malulugi ang buhay sa mundo at kabilang-buhay.”(7)
Sa pagwawakas sa bahaging ito ay magsasalaysay ako sa iyo ng dalawang pagsaksi: ang pagsaksi ng Hari ng Silangang Roma noong nakalipas na panahon, na kapanahon ni Propeta Muhammad (SAS), at ang pagsaksi ng ebanghelistang Ingles na kapanahon na si John Sant.(8)