O tao!
Ikaw noon ay lantay na wala. Nagsabi si Allah:
Hindi ba naaalaala ng tao na Kami ay lumikha sa kanya noon samantalang siya noon ay hindi isang bagay?
Qur’an 19:66.
Pagkatapos ay nilikha ka ni Allah mula sa punlay at ginawa ka Niya na isang nakaririnig, isang nakakikita. Nagsabi si Allah:
May dumating ba sa tao na isang sandali mula sa panahon noong siya ay hindi pa isang bagay na nababanggit? Tunay na Kami ay lumikha sa tao mula sa patak na mga pinaghalo-halong bagay, upang subukin siya. Pagkatapos ay ginawa Namin siya na isang nakaririnig, isang nakakikita.
Qur’an 76:1-2.
Pagkatapos ay unti-unti siyang nagbago mula sa kahinaan hanggang sa kalakasan. Ngunit ang panunumbalikan mo ay ang panghihina. Nagsabi si Allah:
Si Allah ay ang lumikha sa inyo mula sa kahinaan; pagkatapos ay gumawa Siya, matapos ng kahinaan, ng kalakasan; pagkatapos ay gumawa Siya, matapos ng kalakasan, ng kahinaan at uban. Nililikha Niya ang anumang niloloob Niya. Siya ang Maalam, ang Makapangyarihan.
Qur’an 30:54.
Pagkatapos ang wakas na walang duda hinggil doon ay ang kamatayan. Ikaw naman sa mga yugto na iyon ay lumilipat mula sa isang kahinaan tungo sa isa pang kahinaan. Hindi mo nakakayang itulak ang kapinsalaan palayo sa sarili mo ni tamuhin para sa sarili mo ang pakinabang kundi sa pamamagitan ng pagpapatulong mo para roon sa pamamagitan ng mga biyaya ni Allah sa iyo na gaya ng kakayahan, lakas at pagkain. Ikaw ay mahirap na nangangailangan alinsunod sa kalikasan ng pagkalalang.
Kay rami roon ng bagay roon na kakailanganin mo para sa pagpapanatili ng buhay mo, na hindi maabot ng kamay mo. Maaaring makamit mo ito sa isang pagkakataon at maagaw mo ito sa ibang pagkakataon. Kay rami roon ng mga bagay na magdudulot sa iyo ng pakinabang at ninanais mong makamtan. Maaaring matamo mo ito sa isang pagkakataon at hindi mo ito makuha sa ibang pagkakataon.
Kay rami ng bagay na nakapipinsala sa iyo, sumisira sa mga pag-asa mo, nagwawala sa mga pinagsikapan mo at humahatak para sa iyo ng mga pagsubok at mga salot. Ninanais mo na itulak ito palayo sa sarili mo, at naitutulak mo naman ito sa isang pagkakataon at hindi mo nakakaya sa ibang pagkakataon. Hindi mo ba nadama ang karalitaan mo at ang pangangailangan mo kay Allah? Si Allah ay nagsasabi:
O mga tao, kayo ang mga nangangailangan kay Allah samantalang si Allah ang Walang-pangangailangan, ang Kapuri-puri.
Qur’an 35:15.
Hinaharang ka ng isang mahinang virus na hindi nakikita ng lantay na mata, pagkadaka ay iginugupo ka ng karamdaman at hindi mo nakakayang itulak iyon. Pupunta ka sa isang taong mahina tulad mo upang magpaggamot ka. Minsan ay tumatalab ang gamot ngunit minsan naman ay hindi nakakaya ng manggamot kaya naman pinangingibabawan ng kalituhan ang pasyente at ang manggagamot.
Pakatandaan, anong hina mo, o anak ni Adan. Kung sakaling inagawan ka ng mga langaw ng isang bagay ay hindi mo makakaya na bawiin ito mula sa mga iyon. Totoo ang sinabi ni Allah yamang sinasabi Niya:
O mga tao, gumawa ng isang paghahalimbawa kaya pakinggan ninyo ito. Tunay na ang dinadalanginan ninyo bukod pa kay Allah ay hindi makalilikha ng mga langaw, kahit pa man nagtipon sila para roon. Kung aagawan sila ng langaw ng isang bagay ay hindi nila masasagip ito mula roon. Mahina ang humihiling sa diyus-diyusan at ang hinihilingan na diyus-diyusan.
Qur’an 22:73.
Kaya kapag ikaw ay hindi nakakakaya na sumagip ng inagaw sa iyo ng mga langaw, ano na ang makakaya mo sa nauukol sa iyo?
Ang bumbunan mo ay nasa kamay ni Allah, ang sarili mo ay nasa kamay Niya, at ang puso mo ay nasa pagitan ng dalawa sa mga daliri ng Panginoong Napakamaawain, na binabagu-bago Niya kung papaanong niloob Niya.
Ang buhay mo at ang kamatayan mo ay nasa kamay Niya. Ang kaligayahan mo at ang kahapisan mo ay nasa kamay Niya. Ang mga kilos mo, ang mga di-paggalaw mo at ang mga sinabi mo ay ayon sa kapahintulutan ni Allah at kalooban Niya. Kaya huwag kang kumilos malibang ayon sa kapahintulutan Niya at huwag kang gumawa malibang ayon sa kalooban Niya.
Kung ipinagkatiwala ka Niya sa sarili mo ay ipinagkatiwala ka Niya sa kawalang-kakayahan, kahinaan, pagpapabaya, pagkakasala at pagkakamali. Kung ipinagkatiwala ka Niya sa iba pa sa iyo ay ipinagkatiwala ka Niya sa isang hindi nakakayang magdulot sa iyo ng pinsala ni pakinabang ni kamatayan ni buhay ni pagbubuhay. Kaya walang kalayaan sa iyo sa pangangailangan sa Kanya isang kisap mata man. Bagkus ikaw ay mapipilitang dumulog sa Kanya ayon sa maaabot ng mga hininga mo, sa panlabas at panloob.
Pinasagana Niya sa iyo ang mga biyaya samantalang ikaw ay nagpapakita ng pagkasuklam sa Kanya sa pamamagitan ng mga pagsuway at kawalang-pananampalataya sa kabila ng tindi ng pangangailangan sa Kanya sa lahat ng aspeto. Kinalimutan mo Siya samantalang ang panunumbalikan mo at ang kauuwian mo ay sa Kanya at ang tatayuan mo ay sa harap Niya.(1)
O tao, sa pagsasaalang-alang sa kahinaan mo at kawalang kakayahan mo sa pagdala sa mga kahihinatnan ng mga pagkakasala mo ay
Ninanais ni Allah na pagaanin ang pahirap sa inyo, at nilikha ang tao na mahina.
Qur’an 4:28.
Isinugo ni Allah ang mga sugo, ibinaba Niya ang mga kasulatan, isinabatas Niya ang mga batas, at inilagay Niya sa harapan mo ang tuwid na daan.
Inilahad Niya ang mga malinaw na patunay, ang mga katwiran, ang mga patotoo at ang mga katunayan, hanggang sa gumawa Siya para sa bawat bagay ng isang tanda na nagpapatunay sa pagkaiisa Niya, pagkapanginoon Niya at pagkadiyos Niya samantalang ikaw naman ay nagtutulak sa katotohanan sa pamamagitan ng kabulaanan.
Ginawa mo ang demonyo na tagatangkilik bukod pa kay Allah at nakikipagtalo ka sa pamamagitan ng kabulaanan:
ngunit ang tao ay laging pinakahigit na bagay sa pakikipagtalo.
Qur’an 18:54.
Pinalimot sa iyo ng mga biyaya ni Allah na tinatamasa mo ang simula mo at ang wakas mo. Hindi mo ba natandaan na ikaw ay nilikha mula sa punlay, na ang panunumbalikan mo ay isang hukay at na ang pagdadalhan sa iyo ay sa isang paraiso o isang impiyerno?
Nagsabi si Allah:
Hindi ba napag-alaman ng tao na Kami ay lumikha sa kanya mula sa isang punlay, ngunit walang anu-ano siya ay isang maliwanag na kaalitan? Gumawa siya para sa Amin ng isang paghahalimbawa at nakalimutan niya ang pagkalikha sa kanya. Nagsabi siya: “Sino ang magbibigay-buhay sa mga buto samantalang ang mga ito ay bulok na?” Sabihin mo: “Bibigyang-buhay ang mga ito ng lumalang sa mga ito sa unang pagkakataon. Siya sa bawat nilikha ay Maalam.”
Qur’an 36:77-79.
Nagsabi pa Siya:
O tao, ano ang nakadaya sa iyo hinggil sa Panginoon mo, ang Mapagbigay, na lumikha sa iyo, at saka bumuo sa iyo, saka nagpaangkop sa iyo? Sa alinmang anyo na niloob Niya ay niyari ka Niya.
Qur’an 82:6-8.
O tao, bakit mo pinagkakaitan ang sarili mo ng sarap ng pagtayo sa harap ni Allah habang nakikipagsarilinan ka sa Kanya upang bigyan ka ng kasapatan mula sa kahirapan, pagalingin ka sa karamdaman, pawiin ang pighati mo, patawarin ang pagkakasala mo, alisin ang pinsala sa iyo, iadya ka kung nilabag ka sa katarungan, gabayan ka kung nalito ka at naligaw ka, turuan ka ng hindi mo nalalaman, patiwasayin ka kapag nangamba ka, kaawaan ka sa sandali ng panghihina mo, itaboy palayo sa iyo ang mga kaaway mo at magdulot sa iyo ng panustos sa iyo?(2)
O tao, tunay na ang pinakamalaking biyaya na ibiniyaya ni Allah sa tao, matapos ang biyaya ng tunay na Relihiyon, ay ang biyaya ng isip. Ito ay upang matalos mo sa pamamagitan nito ang kaibahan sa pagitan ng nagdudulot sa iyo ng pakinabang at ng nagdudulot sa iyo ng pinsala, upang maunawaan mo buhat kay Allah ang ipinag-uutos Niya at ang sinasaway Niya, at upang malaman sa pamamagitan nito ang pinakadakilang layon: ang pagsamba kay Allah lamang nang walang katambal sa Kanya. Nagsabi si Allah:
Ang anumang nasa inyo na biyaya ay mula kay Allah. Pagkatapos ay kapag nasaling kayo ng kapinsalaan ay sa Kanya kayo nagsusumamo. Pagkatapos kapag hinawi Niya ang pinsala palayo sa inyo walang anu-ano ay may isang pangkat kabilang sa inyo na sa Panginoon nila ay nagtatambal.
Qur’an 16:53-54.
O tao, tunay na ang taong nakauunawa ay umiibig sa mga matayog na bagay at nasusuklam sa mga mababang bagay. Pakaiibigin niya na tumulad sa bawat matuwid at marangal na mga propeta at mga matuwid. Inaasahan niya ang sarili niya na masundan sila kung hindi man niya maabot sila. Ang landas tungo doon ay ang ipinatnubay ni Allah ayon sa sabi Niya:
Kung kayo ay umiibig kay Allah ay sundin ninyo ako,
Qur’an 3:31.
Kapag sinunod niya iyan ay isasama siya ni Allah sa mga propeta, mga sugo at mga matuwid. Nagsabi si Allah:
Ang sinumang tumatalima kay Allah at sa Sugo, ang mga iyon ay kasama nila na mga biniyayaan ni Allah na kinabibilangan ng mga propeta, mga mapagsampalataya, mga martir at mga matuwid. Maganda ang mga iyon bilang kasama.
Qur’an 4:69.
O tao, pinangangaralan lamang kita na makipagsarilinan ka sa sarili mo. Pagkatapos ay pagmuni-munian mo ang dumating sa iyo na katotohanan. Titingnan mo ang mga patunay nito at pagbulay-bulayan mo ang mga katunayan nito. Kaya kapag nakita mo na ito ay totoo ay halika sa pagsunod nito. Huwag kang maging bihag ng nakasanayan at nakagawian. Alamin mo na ang sarili mo ay higit na mahal sa iyo kaysa sa mga kabarkada mo, mga kababata mo at pamana ng mga lolo mo. Nangaral nga si Allah sa mga tumatangging sumampalataya ng ganito at nanawagan Siya sa kanila para rito. Nagsabi Siya:
Sabihin mo: “Pangangaralan ko lamang kayo ng iisa lamang: na tumayo kayo alang-alang kay Allah nang dalawahan at isahan, pagkatapos ay mag-isip-isip kayo.” Walang taglay ang kasamahan ninyo na anumang kabaliwan. Walang iba siya kundi isang tagapagbabala sa inyo sa harap ng matinding pagdurusa.
Qur’an 34:46.
O tao, tunay na ikaw, kung yayakap ka Islam, ay hindi malulugi ng anuman. Nagsabi si Allah:
Ano ang mawawala sa kanila kung sakaling sumampalataya sila kay Allah at sa Kabilang-buhay, at gumugol mula sa itinustos sa kanila ni Allah? Si Allah sa kanila ay laging Maalam.
Qur’an 4:39.
Nagsabi si Ibnu Kathír,(3) kaawaan siya ni Allah:
“Aling bagay ang pipinsala sa kanila kung sakaling sumampalataya sila kay Allah, tumahak sila sa daang kapuri-puri, sumampalataya sila kay Allah dahil sa pag-asa sa ipinangako Niya sa tahanang pangkabilang-buhay para sa sinumang nagpapabuti sa gawa niya, at gumugol mula sa itinustos ni Allah sa kanila sa mga paraang naiibigan ni Allah at kinasisiyahan Niya. Siya ay nakaaalam sa mga matuwid at tiwaling layunin nila, nakaaalam sa sinumang naging karapat-dapat na panagumpayin sa kanila kaya pananagumpayin Niya siya, magpahiwatig sa kanya ng gabay sa kanya, at magtatalaga sa kanya sa gawaing matuwid na masisiyahan Siya sa kanya pamamagitan nito. Siya ay nakaaalam sa sinumang naging karapat-dapat na iwan at itaboy palayo sa pandiyos na dakilang pagtangkilik Niya, na ang sinumang naitaboy palayo sa pinto nito ay nabigo nga at nalugi nga sa mundo at kabilang-buhay.”(4)
Tunay na ang pagyakap mo sa Islam ay hindi makahahadlang sa pagitan mo at sa alinmang bagay na ninanais mong gawin o kunin, na kabilang sa ipinahintulot ni Allah sa iyo. Bagkus tunay na si Allah ay maggagantimpala sa iyo sa bawat gawain na gagawin mo na hinahangad sa pamamagitan nito ang ikasisiya ng mukha ni Allah, kahit pa ang kabilang ito sa nakabubuti sa pangmundong buhay mo at nakadaragdag sa yaman mo o katanyagan mo karangalan mo.
Bagkus pati na ang kinukuha mo na mga pinapayagang bagay kapag isinaalang-alang mo na magkakasya ka sa ipinahihintulot sa halip na sa ipinagbabawal. Magkakaroon ka rin dito ng gantimpala. Nagsabi ang Sugo (SAS): Sa pakikipagtalik ng isa inyo ay may kawanggawa. Nagsabi sila: O Sugo ni Allah, [kapag] tutugunin ba ng isa sa amin ang hilig ng laman niya ay magkakaroon siya dahil doon ng gantimpala? Nagsabi siya: Turan ninyo sa akin, kung sakaling inilagay niya iyon sa ipinagbabawal ay nagkaroon ba siya ng kasalanan? Kaya ganoon din naman kapag inilagay niya ito sa ipinahihintulot ay magkakaroon siya ng gantimpala.(5)
O tao, tunay na ang mga sugo ay naghatid sa katotohanan at nagparating sa nais ni Allah. Ang tao naman ay nangangailangan sa pagkakilala sa batas ni Allah upang tumahak sa buhay na ito ayon sa kabatiran at upang sa kabilang-buhay ay maging kabilang sa mga nagtamo. Nagsabi si Allah:
O mga tao, dumating na sa inyo ang Sugo kalakip ng katotohanan mula sa Panginoon ninyo. Kaya sumampalataya kayo; magiging mabuti iyan para sa inyo. Kung tatanggi kayong sumampalataya ay tunay na kay Allah ang anumang nasa mga langit at lupa. Si Allah ay laging Maalam, Marunong.
Qur’an 4:170.
Nagsabi pa Siya:
Sabihin mo: “O mga tao, dumating na sa inyo ang katotohanan mula sa Panginoon ninyo. Kaya ang sinumang napatnubayan ay napatnubayan lamang para sa kapakanan ng sarili niya; at ang sinumang naligaw ay naligaw lamang para sa kapahamakan nito. Ako sa inyo ay hindi isang katiwala.”
Qur’an 10:108.
O tao, tunay na ikaw, kung yumakap ka sa Islam, ay walang dudulutan ng pakinabang kundi ang sarili mo. Kung tumanggi kang sumampalataya ay wala kang dudulutan ng pinsala kundi ang sarili mo. Tunay na si Allah ay Walang-pangangailangan sa mga lingkod Niya. Kaya naman hindi Siya napipinsala ng pagsuway ng mga sumusuway at hindi Siya nakikinabang sa pagtalima ng mga tumatalima. Hindi Siya masusuway malibang ayon sa kaalaman Niya at hindi Siya matatalima malibang ayon sa kapahintulutan Niya. Nagsabi nga si Allah ayon sa ibinalita tungkol doon ng Propeta Niya (SAS):
O mga lingkod Ko, tunay na Ako ay nagbawal sa sarili Ko ng paglabag sa katarungan at ginawa Ko itong ipinagbabawal sa pagitan ninyo, kaya naman huwag kayong maglabagan sa katarungan.
O mga lingkod Ko, lahat kayo ay naliligaw maliban sa pinatnubayan Ko; kaya humingi kayo ng patnubay sa Akin, papatnubayan Ko kayo.
O mga lingkod Ko, lahat kayo ay nagugutom maliban sa pinakain Ko; kaya humingi kayo ng makakain sa Akin, pakakainin Ko kayo.
O mga lingkod Ko, lahat kayo ay hubad maliban sa pinadamitan Ko; kaya magpadamit kayo sa Akin, dadamitan Ko kayo.
O mga lingkod Ko, tunay na kayo ay nagkakamali sa gabi at maghapon at Ako ay nagpapatawad sa lahat ng pagkakasala; kaya humingi kayo ng tawad sa Akin, magpapatawad Ako sa inyo.
O mga lingkod Ko, tunay na kayo ay hindi makapaghahatid ng pinsala sa Akin para mapinsala ninyo Ako at hindi makapaghahatid ng pakinabang sa Akin para pakinabangin ninyo Ako.
O mga lingkod Ko, kung sakaling ang una sa inyo at ang huli sa inyo, at ang tao sa inyo at ang jinn sa inyo ay naging alinsunod sa pinakanangingilag magkasala na puso ng iisang lalaki mula sa inyo, walang maidadagdag iyon na anuman sa paghahari Ko.
O mga lingkod Ko, kung sakaling ang una sa inyo at ang huli sa inyo, at ang tao sa inyo at ang jinn sa inyo ay naging alinsunod sa napakabuktot na puso ng iisang lalaki mula sa inyo, walang maibabawas iyon na anuman sa paghahari Ko.
O mga lingkod Ko, kung sakaling ang una sa inyo at ang huli sa inyo, at ang tao sa inyo at ang jinn sa inyo ay tumayo man sa iisang kapatagan at humingi sa Akin at binigyan Ko ang bawat tao ng hiningi niya, walang maibabawas iyon mula sa taglay Ko kundi gaya ng naibabawas ng karayom kapag ipinasok ito sa dagat.
O mga lingkod Ko, ang mga ito ay mga gawa ninyo lamang na binibilang Ko para sa inyo. Pagkatapos ay tutumbasan Ko kayo sa mga iyon. Kaya ang sinumang nakatagpo ng isang mabuti ay magpuri siya kay Allah, at ang sinumang nakatagpo ng iba roon ay huwag nga siyang maninisi kundi sa sarili niya.(6)
Ang papuri ay ukol kay Allah, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang pagpapala at ang pagbati ay ukol sa pinakamarangal sa mga propeta at mga isinugo, ang Propeta natin na si Muhammad, at sa mag-anak niya at lahat ng Kasamahan niya.
Naisalin ito ng Zulfi Foreigners Guidance Office noong Disyembre 5, 2006.