Ilan sa mga Kagandahan ng Islam(1)
Mawawalan ng kakayahan ang panulat sa pagsaklaw sa mga kagandahan ng Islam at manghihina ang pagpapahayag sa paglubos sa pagbanggit sa mga kalamangan ng Relihiyong ito. Iyon ay walang iba kundi dahil sa ang Relihiyong ito ay ang Relihiyon mula kay Allah, napakamaluwalhati Niya at pagkataas-taas Niya.
Kaya kung paanong hindi nakasasaklaw ang paningin kay Allah sa pagkatalos at hindi nakasasaklaw ang mga tao sa Kanya sa kaalaman, gayon din naman ang Batas Niya, hindi nakasasaklaw ang panulat sa paglalarawan dito. Nasabi nga ni Ibnu al-Qayyim, kaawaan siya ni Allah:
“Kapag pinagnilay-nilayan mo ang kagilas-gilas na kadahilanan sa matuwid na Relihiyong ito, ang makatotoong kapaniwalaan at ang Batas na inihatid ni Muhammad (SAS) na hindi matatamo ng pagpapahayag ang kalubusan ng mga ito, hindi mararating ng paglalarawan ang kagandahan ng mga ito, at hindi maipanunukala ng mga isip ng mga palaisip — kahit pa man nagkaisa sila at nasa pamumuno ng pinakalubos na lalaki sa kanila — ang mataas pa sa mga ito ay sapat na sa mga isip na lubos na nakalalamang na matalos ang ganda ng mga ito at masaksihan ang kalamangan ng mga ito.
“Walang dumating sa mundo na isang Batas na higit na lubos, ni higit na kapita-pitagan, ni higit na dakila kaysa rito. Kung sakaling hindi naghatid ang Sugo ng isang katibayan para rito ay talagang nakasapat na sana ito [mismo] bilang katunayan, tanda at saksi na ito ay buhat kay Allah. Lahat ng ito ay isang saksi sa kalubusan ng kaalaman; kalubusan ng karunungan; lawak ng awa, kabutihan, pagmamagandang-loob, pagkatalos sa nakalingid at nasasaksihan; at kaalaman sa mga simula at mga kinahihinatnan.
“Ito rin ay kabilang sa napakadakila sa mga biyaya ni Allah na ibinayaya Niya sa mga lingkod Niya. Hindi Siya nagbiyaya sa kanila ng isang biyaya na higit na dakila sa pagpatnubay Niya sa kanila tungo [sa Batas na] ito. Ginawa Niya sila na kabilang sa mga tagatangkilik nito at kabilang sa kinasiyahan Niya para rito.
“Kaya dahil dito ay nagkaloob Siya ng isang biyaya sa mga lingkod Niya sa pamamagitan ng pagpatnubay sa kanila tungo rito. Nagsabi si Allah:
Talaga ngang nagkaloob si Allah ng biyaya sa mga sumasampalataya noong nagpadala Siya sa piling nila ng isang Sugo na kabilang sa mga sarili nila, na bumibigkas sa kanila ng mga Kapahayagan Niya, at naglilinis sa kanila sa kasalanan, at nagtuturo sa kanila ng Aklat at Karunungan, yamang sila noong bago niyon ay talagang nasa isang malinaw na pagkaligaw.
Qur’an 3:164.
“Nagsabi pa Siya, na nagpapakilala sa mga lingkod Niya at nagpapaalaala sa kadakilaan ng biyaya Niya sa kanila, at nanawagan sa kanila na magpasalamat sa Kanya dahil sa paggawa Niya sa kanila ng mga tagatangkilik nito:
Sa araw na ito ay nilubos Ko para sa inyo ang Relihiyon ninyo,”(2)
Qur’an 5:3.
Bahagi ng pasasalamat kay Allah sa panig natin dahil sa Relihiyong ito ay na bumanggit tayo ng mga aspeto ng mga kagandahan nito, kaya masasabi natin:
1. Ito ay Relihiyong mula kay Allah
Ito ang relihiyon na kinasiyahan Niya para sarili Niya. Ipinadala Niya dahil dito ang mga sugo Niya. Ipinahintulot Niya para sa mga lingkod Niya na sambahin nila Siya sa pamamagitan nito. Kung paanong hindi nakawawangis ng Tagapaglikha ang nilikha ay gayon din naman hindi nakawawangis ng Relihiyon mula sa Kanya — ang Islam — ang mga batas na gawa ng mga nilikha at ang mga relihiyon na gawa nila.
Kung paanong nailarawan Siya sa pamamagitan ganap na kalubusan, gayon din naman ang Relihiyon mula sa Kanya ay may ganap na kalubusan sa paglubos sa mga batas na nagpapabuti sa pamumuhay ng mga tao at sa kabilang-buhay nila, at sa pagsaklaw sa mga karapatan ng Tagapaglikha, mga tungkulin ng mga tao sa Kanya, mga karapatan ng isa’t isa sa kanila, at mga tungkulin ng isa’t isa sa kanila.
2. Ang Pagkamasaklaw
Kabilang sa pinakatampok sa mga kagandahan ng Relihiyong ito ay ang pagsaklaw nito sa lahat ng bagay. Nagsabi si Allah:
Wala Kaming pinabayaan sa aklat na anumang bagay.
Qur’an 6:38.
Nasaklawan ng Relihiyong ito ang lahat ng nauugnay sa Tagapaglikha gaya ng mga pangalan ni Niya, mga katangian Niya at mga karapatan Niya, at ang lahat ng nauugnay sa nilikha gaya ng mga batas, mga tungkulin, mga kaasalan at pakikitungo.
Nasakop din ng Relihiyong ito ang tungkol sa mga naunang tao, mga nahuling tao, mga anghel, mga propeta at mga isinugo. Nagsalita ito tungkol sa langit, lupa, mga celestial body, mga bituin, mga dagat, mga kahoy at Sansinukob. Binanggit nito ang dahilan ng paglikha, ang layon nito at ang wakas nito. Binanggit nito ang Paraiso at ang kauuwian ng mga mananampalataya. Binanggit din nito ang Impiyerno at ang wakas ng mga tumatangging sumampalataya.
3. Inuugnay nito ang Tagapaglikha sa nilikha
Natangi ang bawat bulaang relihiyon at ang bawat kapaniwalaan sa pag-uugnay nito ng tao sa taong tulad niya na nakalantad sa kamatayan, kahinaan, kawalan ng kakayahan at sakit. Bagkus marahil ay itinatali nito siya sa isang taong namatay magmula pa noong daan-daang taon at naging mga buto at alabok na.
Natangi ang Relihiyong ito, ang Islam, sa direktahang pag-uugnay nito ng tao sa Tagapaglikha niya. Kaya naman walang nang pari ni santo ni banal na sakramento. Ito ay direktahang pagkakaugnay lamang sa pagitan ng Tagapaglikha at nilikha. Isang pagkakaugnay na nagtatali sa isip sa Panginoon nito. Kaya naman napagliliwanagan ito, nagpapagabay ito, nagpapakatayog ito, nagpapakataas-taas ito, humihiling ito ng kalubusan at nagwawalang-bahala ito sa mga kabalbalan at mga maliit na bagay yamang ang bawat puso na hindi nakatali sa Tagapaglikha nito ay higit na ligaw kaysa sa mga hayop.
Ito ay isang pagkakaugnay sa pagitan ng Tagapaglikha at nilikha, na nalalaman niya sa pamamagitan nito ang nais ni Allah sa kanya kaya naman sinasamba niya si Allah ayon sa kamalayan. Nalalaman niya ang mga kinaroroonan ng kasiyahan ni Allah kaya naman hinahanap niya ang mga ito, at ang mga kinaroroonan ng galit Niya kaya naman iniiwasan niya ang mga ito.
Ito ay isang pagkakaugnay sa pagitan ng Dakilang Tagapaglikha at nilikhang mahina na nangangailangan kaya naman hinihiling niya mula sa Kanya ang ayuda, ang tulong at ang pagpapanagumpay. Hinihingi niya sa Kanya na pangalagaan siya laban sa pakana ng mga nagpapakana at laro ng mga demonyo.
4. Pagsasaalang-alang sa mga kapakanan sa mundo at kabilang-buhay
Ibinatay ang Batas ng Islam sa pagsasaalang-alang sa mga kapakanan sa mundo at kabilang-buhay at paglubos sa mga marangal sa mga kaasalan.
Tungkol naman sa paglilinaw sa mga kapakanan sa kabilang-buhay, nilinaw na nitong Batas ng Islam na ang mga aspeto ng mga iyon at walang nawaglit na anuman mula sa mga iyon. Bagkus ay ipinaliwanag nito ang mga iyon at binigyang-pakahulugan nito ang mga iyon upang walang hindi malaman na anuman sa mga iyon. Nangako ito ng lugod sa kabilang-buhay at nagbanta rin ng pagdurusa roon.
Tungkol naman sa paglilinaw sa mga kapakanang pangmundo, isinabatas na ni Allah sa Relihiyong ito ang nangangalaga sa tao sa relihiyon niya, sarili niya, ari-arian niya, kaangkanan niya, karangalan niya at isip niya.
Tungkol naman sa paglilinaw sa mga marangal sa mga kaasalan, ipinag-utos ang mga iyon ng Islam sa panlabas at panloob. Sinaway nito ang mga masama at ang mga walang-kabuluhan sa mga iyon. Kabilang sa mga marangal na mga kaasalan na panlabas ay ang kalinisan, ang kadalisayan, ang pag-iwas sa mga kasalaulaan at mga marumi.
Itinagubilin nito ang pagpapabango at ang pagpapaganda ng anyo. Ipinagbabawal nito ang mga masagwa gaya ng pangangalunya, pag-inom ng alak, at pagkain ng hayop na hindi nakatay, (3)ng dugo at ng baboy. Ipinag-utos nito ang pagkain ng mabuting bagay at sinaway ang pagsasayang at ang pagwawaldas.
Tungkol naman sa panloob na kalinisan, ito ay pumapatungkol sa pagtalikod sa mapupulaang mga kaasalan at sa pagtataglay ng mapupuri at minamagandang mga kaasalan. Ang mga kaasalang mapupulaan ay gaya ng pagkasinungaling, pagkabuktot, pagkamagagalitin, pagkamainggitin, pagkamaramot, pagkaaba ng sarili, pagkamaibigin sa katanyagan, pagkamaibigin sa kamunduhan, pagkamapagmalaki, pagkahambog at pagkamapagpakitang-tao. Kabilang naman sa mga mapupuring kaasalan ay ang kagandahan ng asal, ang kagandahan ng pakikisama sa mga tao, ang pagmamagandang-loob sa kanila, ang katarungan, ang pagpapakumbaba, ang katapatan, ang kagalantehan ng kaluluwa, ang pagkamapagkaloob, ang pananalig kay Allah, ang kawagasan, ang takot kay Allah, ang pagtitiis, at ang pagpapasalamat.(4)
5. Ang Kadalian
Ito ay isa sa mga katangian na namukod ang Relihiyon na ito sapagkat sa bawat isa sa mga gawain nito ay may kadalian at bawat isa sa mga pagsamba nito ay may kadalian. Nagsabi si Allah:
at hindi Siya naglagay sa inyo sa Relihiyon ng anumang pahirap,
Qur’an 22:78.
Ang una sa kadalian na ito ay na ang sinumang nagnanais na pumasok sa Relihiyong ito ay hindi na mangangailangan ng isang tulay na tao o ng isang pagkumpisal ng kasalanan ng nagdaang kahapon. Bagkus ang kailangan sa kanya ay magpakadalisay, maglinis, sumaksi na walang tunay na Diyos kundi si Allah at na si Muhammad ay Sugo ni Allah, maniwala sa kahulugan ng mga ito, at isagawa ang hinihiling ng pagsaksing ito.
Pagkatapos, tunay na ang bawat pagsamba ay pinapasok ng kadalian at pagpapagaan kapag naglakbay ang tao o nagkasakit. Ngunit nagtatala para sa kanya ng gawain na tulad ng ginagawa niya noong siya ay malusog at hindi naglalakbay. Tunay na ang buhay ng tunay na Muslim ay nagiging pinadali at panatag, taliwas sa buhay ng tumatangging sumampalataya sapagkat ito ay masikap at mahirap.
Gayon din ang kamatayan ng mananampalataya, ito ay magiging madali sapagkat lalabas ang kaluluwa niya gaya ng paglabas ng patak mula sa sisidlan. Nagsabi si Allah:
na mga kukunin ng mga anghel habang mga mabuti sila, na nagsasabi: “Kapayapaan ay sumainyo. Pasukin ninyo ang Paraiso dahil sa ginagawa ninyo noon.”
Qur’an 16:32.
Tungkol naman sa tumatangging sumampalataya, dadalo ang mga mabagsik na anghel sa sandali ng kamatayan niya at hahagupitin nila siya ng mga latigo. Nagsabi si Allah:
Kung nakikita mo sana nang ang mga lumalabag sa katarungan ay nasa mga hapdi ng kamatayan samantalang ang mga anghel ay nag-aabot ng mga kamay nila, na nagsasabi: “Ilabas ninyo ang mga kaluluwa ninyo; ngayon ay gagantihan kayo ng pagdurusa ng kahihiyan dahil sa kayo noon ay nagsasabi hinggil kay Allah ng hindi totoo at kayo noon sa mga tanda Niya ay nagmamalaki.”
Qur’an 6:93.
Nagsabi pa Siya: Kung nakikita mo sana kapag kinukuha ang mga tumangging sumasampalataya ng mga anghel, na hinahagupit ng mga ito ang mga mukha nila at ang mga likod nila habang sinasabihan:
“Lasapin ninyo ang pagdurusa ng pagkasunog.”
Qur’an 8:50.
6. Ang Katarungan
Ito ay dahil sa ang nagsabatas ng mga batas na pang-Islam ay si Allah lamang. Siya ang Tagapaglikha ng lahat ng nilikha: ang puti at ang itim, at ang lalaki at ang babae. Sila sa harap ng kahatulan Niya, katarungan Niya at awa Niya ay magkatulad. Nagsabatas na Siya para sa bawat lalaki at babae ng nababagay sa kanila.
Kaya sa sandaling iyon ay imposible na papanigan ng Batas ng Islam ang lalaki sa ikapipinsala ng babae, o papaboran ang babae at lalabag naman sa katarungan sa lalaki, o itatangi ang taong puti ng ilang pagtatangi at pagkakaitan ng mga ito ang taong itim. Samakatuwid ang lahat sa harap ng batas ni Allah ay magkatulad; walang pagkakaiba sa kanila kundi sa pangingilag sa pagkakasala.
7. Ang Pag-uutos sa Nakabubuti at ang Pagsaway sa Nakasasama
Naglaman ang Batas ng Islam ng marangal na katangian at matayog na kakanyahan. Pakatandaan, ito ay ang pag-uutos sa nakabubuti at ang pagsaway sa nakasasama. Isinasatungkulin sa bawat lalaking Muslim at babaing Muslim, na may hustong gulang, na may sapat na pag-iisip at na nakakaya, na mag-utos at sumaway ayon sa kakayahan niya, alinsunod sa mga antas ng pag-uutos at pagsaway.
Ito ay ang pag-uutos at ang pagsaway ayon sa magagawa niya; ngunit kung hindi niya makakaya ay ayon sa masasabi niya; ngunit kung hindi niya rin makakaya ayon sa maisasapuso niya. Sa pamamagitan nito, ang buong kalipunan ay maging tagamasid sa kalipunan. Kaya ang bawat individuwal ay may tungkulin na mag-uutos sa nakabubuti at sumaway sa nakasasama sa sinumang nagkulang sa nakabubuti o nakagawa ng nakasasama, maging sa namumuno o pinumumunuan alinsunod sa kakayahan at ayon sa mga panuntunan ng Batas ng Islam na nagreregula sa bagay na ito.
Ang pag-uutos sa nakabubuti at pagsaway sa nakasasama na ito, gaya ng nakikita mo, ay tungkulin ng bawat individuwal alinsunod sa kakayahan niya samantalang ipinagmamalaki naman ng marami sa mga makabagong sistemang pulitikal na ang mga ito raw ay nagkakaloob sa mga partidong oposisyon na magmasid sa daloy ng gawaing pampamahalaan at sa pagganap sa mga opisyal na burukrasya.
Ito ang ilan sa mga kagandahan ng Islam. Kung sakaling nais mo ang detalye ay talagang mangangailangan iyon ng pagtalakay sa bawat gawain, bawat tungkulin, bawat pag-uutos at bawat pagsaway, para sa paglilinaw sa tinataglay nito na kapani-paniwalang katwiran, tumpak na pagbabatas, sukdulang kagandahan at kalubusang walang-kaparis. Ang sinumang nagnilay-nilay sa mga isinabatas ng Relihiyong ito ay malalaman niya nang may kaalamang nakatitiyak na ang mga ito ay buhat kay Allah at na ang mga ito ay ang katotohanan na walang duda at ang patnubay na walang kaligawan.
Kaya kung nais mo na lumapit kay Allah, sundin ang Batas Niya, sundan ang bakas ng mga propeta Niya at mga sugo Niya at ang pinto ng pagbabalik-loob sa harap mo ay nakabukas at ang Panginoon mo ay ang Mapagpatawad, ang Pinakamaawain, na nanawagan sa iyo upang magpatawad sa iyo.