Nakasanayan na ng mga tagasunod ng mga relihiyong napawalang-saysay at ng mga kapaniwalaang gawa-gawa na magpabanal sa mga kasulatang minana-mana sa kanila, na isinulat sa mga nakalipas na panahon. Maaaring hindi nalalaman nang totoo kung sino ang sumulat sa mga ito, ni kung sino ang nagsalin ng mga ito at ni kung sa aling panahon sinulat ang mga ito. Sinulat lamang ang mga ito ng mga taong nagdaranas ng anumang dinaranas ng mga tao gaya ng kahinaan, kakulangan, pithaya at pagkalimot.
Tungkol naman sa Islam, tunay na ito ay natatangi sa iba yamang bumabatay ito sa totoong pinagkukunan, ang pagsisiwalat na pandiyos: ang Qur’an at ang Sunnah. Sa sumusunod ay may maikling pagpapakilala sa dalawang ito:
A. Ang Dakilang Qur’an
Nalaman mo sa naunang paglalahad na ang Islam ay ang Relihiyon mula kay Allah. Alang-alang doon ay ibinaba ni Allah ang Qur’an kay Muhammad (SAS) bilang patnubay sa mga nangingilag magkasala, bilang saligang-batas para sa mga Muslim, bilang lunas sa [espirituwal na sakit sa] mga dibdib ng mga ninais ni Allah para sa kanila ang lunas, at bilang ilaw para sa mga ninais ni Allah para kanila ang tagumpay at tanglaw.
Ito ay naglalaman ng mga saligan na ipinadala ni Allah ang mga sugo alang-alang sa mga ito.(1) Ang Qur’an ay hindi isang bago mula sa mga kasulatan at si Muhammad ay hindi rin isang bago mula sa mga sugo. Nagbaba na si Allah kay Abraham (AS) ng mga pahina ng kasulatan. Pinagkalooban Niya si Moises (AS) ng Torah, at si David ng Zabúr. Inihatid ng Kristo (AS) ang Ebanghelyo.
Ang mga kasulatan na ito ay pagsisiwalat mula kaya Allah, na isiniwalat Niya sa mga propeta Niya at mga sugo Niya. Subalit itong mga nabanggit na kasulatan ay naiwala ang marami sa mga ito at napawi ang karamihan sa mga ito. Dumanas ang mga ito ng pagbabaluktot at pagpapalit.
Tungkol naman sa Dakilang Qur’an, ginarantiyahan ni Allah ang pangangalaga nito at ginawa Niya ito na isang pamantayan at nagpapawalang-saysay sa nauna rito na mga kasulatan. Nagsabi si Allah:
Ibinaba Namin sa iyo ang Aklat taglay katotohanan bilang nagpapatotoo sa nauna rito na mga kasulatan at bilang pamantayan sa mga ito.
Qur’an 5:48.
Inilarawan ito ni Allah na ito ay isang paglilinaw para sa bawat bagay. Sinabi Niya:
Nagpababa Kami sa iyo ng Aklat bilang paglilinaw para sa bawat bagay, patnubay, awa at nakagagalak na balita para sa mga Muslim.
Qur’an 16:89.
Ito ay patnubay at awa. Sinabi Niya:
Sapagkat may dumating na sa inyo na isang malinaw na patunay mula sa Panginoon ninyo, isang patnubay at isang awa.
Qur’an 6:157.
Ito ay nagpapatnubay sa pinakaangkop:
Tunay na ang Qur’an na ito ay nagpapatnubay sa paraang siyang pinakaangkop
Qur’an 17:9.
sapagkat ito ay nagpapatnubay sa Sangkatauhan sa pinakaangkop na landas para sa bawat kapakanan sa mga kapakanan ng buhay nila.
Ang sinumang nagsaisip kung papaanong pinababa ang Marangal na Qur’an at papaanong pinangalagaan ay makababatid ng halaga para sa Qur’an at mag-uukol ng kawagasan kay Allah sa layon niya. Nagsabi Siya:
Tunay na ang Qur’an na ito ay talagang isang pagpapababa ng pagsisiwalat ng Panginoon ng mga nilalang. Bumaba kasama nito ang Mapagkakatiwalaang Espiritu sa puso mo upang ikaw ay maging kabilang sa mga tagababala
Qur’an 26:192-194.
Ang nagpababa ng Qur’an ay si Allah, ang Panginoon ng mga nilalang. Ang bumaba kasama nito ay ang Mapagkakatiwalaang Espiritu, si Gabriel (AS). Ang binabaan nito sa puso niya ay ang Propeta (SAS).
Itong Qur’an ay isang mamamalaging himala ni Propeta Muhammad (SAS) sa loob ng mga talatang mamamalagi hanggang sa Araw ng Pagbangon. Ang mga himala ng mga naunang propeta at ang mga kababalaghan nila ay nagwawakas sa pagwakas ng buhay nila. Itong Qur’an naman ay ginawa nga ni Allah na isang katwirang mamamalagi.
Ito ang kapani-paniwalang katwiran at ang kagilas-gilas na himala. Hinamon ni Allah ang mga tao na magbigay ng tulad nito o ng sampung kabanata na tulad nito o ng iisang kabanata. Nawalan sila ng kakayahan bagamat ito ay binubuo ng mga titik at mga salita.
Ang kalipunan na binabaan nito ay kalipunan ng kalinawan sa pagsasalita at kahusayan sa pagpapahayag. Nagsabi Siya:
O nagsasabi ba sila na ginawa-gawa niya ito? Sabihin mo: “Kaya magdala nga kayo ng isang súrah tulad nito at tawagin ninyo ang sinumang nakaya ninyo na iba pa kay Allah kung kayo ay mga nagtototoo?”
Qur’an 10:38.
Kabilang sa sumasaksi para sa Qur’an na ito na ito ay isang pagsisiwalat buhat kay Allah ay na ito ay naglaman ng maraming balita tungkol sa mga naunang kalipunan. Nagbalita ito ng mga pangyayaring panghinaharap, at naganap naman gaya ng ibinalita nito. Bumanggit ito mula sa mga patunay na makaagham ng maraming bagay na hindi naabot ng mga siyentipiko ang ilan sa bahagi ng mga iyon kung hindi sa panahong ito lamang.
Kabilang din sa sumasaksi para sa Qur’an na ito na ito ay isang pagsisiwalat buhat kay Allah ay na ang Propeta na pinagbabaan ng Qur’an na ito ay hindi napag-alaman buhat sa kanya ang isang tulad nito at hindi naiulat buhat sa kanya ang anumang nakawawangis nito bago pa pinababa Qur’an. Nagsabi Siya:
Sabihin mo: “Kung sakaling niloob ni Allah ay hindi ko na sana binigkas ito sa inyo at hindi Niya na sana ipinabatid ito sa inyo sapagkat nanatili nga ako sa inyo ng tanang-buhay bago pa ito. Kaya hindi ba kayo nakauunawa?”
Qur’an 10:16.
Siya ay di-nakapag-aral: hindi nakababasa at hindi nakasusulat. Hindi siya pabalik-balik sa isang guro. Hindi siya naupo sa tabi ng isang tapagturo. Gayunpaman ay hinahamon niya ang mga malinaw magsalita at ang mga mahusay magpahayag na magbigay ng tulad nito:
Hindi ka noon bumibigkas bago ang Qur’an na ito ng anumang aklat at hindi ka nagsusulat niyon sa pamamagitan ng kanan mo dahil kung gayon ay talagang mag-aalinlangan ang mga nagpapabula.
Qur’an 29:48.
Ang lalaking ito na di-nakapag-aral, na inilarawan sa Bibliya na siya ay hindi nakababasa at hindi nakasusulat,(2) ay pinupuntahan ng mga pantas ng mga Hudyo at mga Kristiyano na mga nagtataglay ng mga natira sa [orihinal] na Torah at Ebanghelyo. Tinatanong nila siya hinggil sa pinagtatalunan nila at nagpapahatol sila sa kanya sa anumang pinagkakaalitan nila.
Nagsabi si Allah, na naglilinaw sa ulat kay Muhammad (SAS) sa Torah at Ebanghelyo:
ang mga sumusunod sa Sugo — ang Propeta na di-nakapag-aral, na matatagpuan nilang nakasulat sa taglay nila sa Torah at Ebanghelyo, na mag-uutos sa kanila sa nakabubuti at sasaway sa kanila sa nakasasama, magpapahintulot sa kanila ng mga minamabuti, magbabawal sa kanila ng mga minamasama,
Qur’an 7:157.
Nagsabi naman Siya, na naglilinaw sa tanong at hiling ng mga Hudyo at mga Kristiyano kay Muhammad (SAS):
Humihiling sa iyo ang mga may kasulatan na magpababa ka sa kanila ng isang aklat mula sa langit.
Qur’an 4:153.
Nagsabi pa Siya:
Tinatanong ka nila tungkol sa kaluluwa.
Qur’an 7:85.
Sinabi pa Niya:
Tinatanong ka nila tungkol kay Dhulqarnayn.
Qur’an 18:83
Sinabi pa Niya:
Tunay na itong Qur’an ay nagsasalaysay sa mga anak ni Israel ng nakararami sa bagay na sila hinggil doon ay nagkakaiba-iba.
Qur’an 27:76.
Talagang tinangka na ni Padre Abraham Phillips sa Tesis Doctoral niya na siraan ang Qur’an. Ngunit nawalan siya ng kakayahan doon at sinupil siya ng Qur’an sa pamamagitan ng mga katwiran nito, mga katibayan nito at mga patunay nito kaya ipinahayag niya ang kawalan niya ng kakayahan. Sumuko siya sa Tagapaglikha niya at ipinahayag ang pagyakap niya sa Islam.(3)
Noong niregaluhan ng isang Muslim ng isang kopya ng salin ng kahulugan ng Qur’an ang Amerikanong doktor na si Jeffrey Lange ay nasumupungan niya na ang Qur’an na ito ay kumakausap sa sarili niya, tumutugon sa mga tanong niya at nag-aalis ng mga tabing sa pagitan niya at ng sarili niya. Bagkus ay sinabi pa niya: “Ang nagbaba ng Qur’an ay para bang nakakikilala sa akin nang higit sa pagkakakilala ko sa sarili ko.”(4)
Papaanong hindi? Gayong ang nagbaba ng Qur’an ay ang lumikha sa tao, si Allah:
Hindi ba nakaaalam ang lumikha sa nilikha Niya gayong Siya ay ang Nakatatalos, (5)ang Nakababatid?
Qur’an 67:14.
Pagkatapos, ang pagkabasa niya sa salin ng kahulugan ng Marangal na Qur’an ay isang dahilan sa pagyakap niya sa Islam at pag-akda ng aklat na iyon na sinipi ko para sa iyo.
Ang Dakilang Qur’an ay sumasaklaw sa bawat kinakailangan ng mga tao. Ito ay sumasaklaw sa mga saligan ng mga patakaran, mga pinaniniwalaan, mga kahatulan, mga pakikitungo at mga kaasalan. Nagsabi Siya:
Hindi Kami nagpabaya sa anumang bagay sa Aklat.
Qur’an 6:38.
Samakatuwid, naglalaman ito ng paanyaya tungo sa paniniwala sa pagkaiisa ni Allah at pagbanggit sa mga pangalan Niya, mga katangian Niya at mga gawa Niya. Nag-aanyaya ito tungo sa katumpakan ng inihatid ng mga propeta at mga isinugo. Kinikilala nito ang kabilang-buhay, ang pagganti at ang pagtutuos [sa mga gawa]. Naglalahad ito ng mga katwiran at mga katibayan doon.
Binabanggit nito ang mga balita ng mga nagdaang kalipunan, ang dumapo sa mga ito na mga pangsuwatang kaparusahan sa mundo, at ang naghihintay sa kanila na pagdurusa at babalang parusa sa kabilang-buhay.
Naglalaman ito ng maraming bagay, mula sa mga talata, mga patunay at mga katibayan, na ikinagigilalas ng mga maalam at naaangkop sa bawat panahon. Natatagpuan dito ng mga maalam at mga mananaliksik ang hinahanap-hanap nila. Babanggit ako sa iyo ng tatlong halimbawa lamang na magbubunyag sa iyo ng isang bahagi niyon. Ang mga halimbawang ito ay ang sumusunod:
Ang sabi ni Allah:
Siya ang nagpawala sa dalawang katubigan: itong isa ay tabang na sariwa at itong isa pa ay alat na mapait, at naglagay Siya sa pagitan ng dalawang ito ng isang harang at isang hadlang na inihadlang.
Qur’an 25:53.
Nagsabi pa Siya:
O gaya ng mga kadiliman sa isang pagkalalim-lalim na dagat na tinatakpan ng mga alon, na sa ibabaw ng mga ito ay mga alon pa, na sa ibabaw na mga ito ay mga ulap. Mga kadiliman na ang ilan sa mga ito ay nasa ibabaw ng iba. Kapag inilabas niya ang kamay niya ay hindi niya halos makita ito. Ang sinumang hindi gumawa si Allah para sa kanya ng isang liwanag ay hindi siya magkakaroon ng anumang liwanag.
Qur’an 24:40.
Alam natin na si Muhammad (SAS) ay hindi naglakbay sa dagat at sa panahong iyon ay walang mga materyal na kaparaanan na makatutulong sa kanya sa pagtuklas ng mga lalim ng dagat, kaya sino ang nagpabatid kay Muhammad (SAS) ng mga kaalamang ito kundi si Allah?
Ang sabi ni Allah:
Talaga ngang nilikha Namin ang tao mula sa isang hinango mula sa isang putik. Pagkatapos ay nilikha Namin ang patak bilang isang maladugong namuo,(6) saka nilikha Namin ang mala-dugong namuo bilang isang mala-lamang nginuya, saka nilikha Namin ang mala-lamang nginuya bilang mga buto, saka binalot Namin ang mga buto ng laman. Pagkatapos ay binuo Namin ito na isang iba pang nilikha. Kaya mapagpala si Allah, ang pinakamahusay sa mga lumilikha.
Qur’an 23:12-14.
Hindi natuklasan ng mga siyentipiko ang mga masusing detalyeng ito tungkol sa mga antas ng paglikha sa fetus kundi sa panahong ito.
Nagsabi si Allah:
Taglay Niya ang mga susi ng nakalingid; walang nakaaalam sa mga iyon kundi Siya. Nalalaman Niya ang anumang nasa katihan at karagatan. Walang nalalaglag na anumang dahon malibang nalalaman Niya ito. Walang butil sa mga kadiliman ng lupa at walang sariwa ni tuyot kundi nasa isang aklat na maglilinaw.
Qur’an 6:59.
Ngunit hindi nasanay ang Sangkatauhan sa masaklaw na pag-iisip na ito at hindi nag-iisip-isip hinggil dito, huwag nang sabihing nakakaya nila ito. Bagkus kapag nag-obserba ang isang pangkat ng mga siyentipiko sa isang halaman o isang kulisap at itinala nila ang nalaman nila tungkol dito ay pinaghaharian tayo ng paghanga roon, gayong ang nakalingid sa kanila sa kalagayan nito ay higit na marami kaysa sa naobserbahan nila.
Ipinaghambing ng siyentipikong Pranses na si Maurice Bucaille ang Bibliya at ang Qur’an at nilinaw niya ang naabot ng mga makabagong pagkatuklas hinggil sa may kaugnayan sa pagkalikha ng mga langit at lupa at pagkalikha ng tao. Nasumpungan niya na ang mga napapanahong pagkatuklas ay umaayon sa nasaad sa Qur’an samantalang nasumpungan niya na ang kumakalat na Bibliya sa ngayon ay naglalaman ng maraming maling impormasyon tungkol sa pagkalikha ng mga langit at lupa at sa pagkalikha ng tao at hayop.(7)
B. Ang Sunnah ng Propeta
Ibinaba ni Allah sa Sugo Niya ang Marangal na Qur’an at isiniwalat sa kanya ang tulad nito: ang pampropetang Sunnah na tagapagpaliwanag at tagapaglinaw sa Qur’an. Nagsabi ang Propeta (SAS): Pakatandaan, tunay na ako ay binigyan ng Qur’an at ng tulad nito kasama nito.(8) Ipinahintulot nga ni Allah sa kanya na linawin ang nasa Qur’an na anumang pahayag na pangkalahatan, pahayag na pangnatatangi at pahayag na binuod. Nagsabi si Allah:
Ibinaba Namin sa iyo ang Qur’an na paalaala upang linawin mo sa mga tao ang pinababa sa kanila at harinawa sila ay mag-isip-isip.
Qur’an 16:44.
Ang Sunnah ay ang ikalawang pinagkukunan ng katuruan ng Islam. Ito ay ang lahat ng naisalaysay tungkol kay Propeta Muhammad (SAS) sa pamamagitan ng isang tumpak na kawing ng mga mananalaysay na umaabot hanggang sa Sugo (SAS) hinggil sa sinabi, o ginawa, o sinang-ayunan niya o paglalarawan [sa kanya].
Ang Sunnah ay isang pagsisiwalat ni Allah sa Sugo Niya na si Muhammad (SAS) dahil ang Propeta (SAS) ay hindi nagsasalita dala ng mga pithaya. Nagsabi Siya:
Hindi siya bumibigkas ayon sa pithaya. Ito ay isang pagsisiwalat lamang na isiniwalat sa kanya. Tinuruan siya ng matindi ang lakas
Qur’an 53:3-5.
, Ipinararating niya lamang sa mga tao ang ipinag-utos sa kanya. Nagsabi si Allah na sabihin niya:
Wala akong sinusunod kundi ang isiniwalat sa akin at walang iba ako kundi isang tagpagbabalang naglilinaw.
Qur’an 46:9.
Ang dinalisay na Sunnah ay panggawaing pagpapatupad sa Islam bilang mga kahatulan, mga pinaniniwalaan, mga pagsamba, mga pakikitungo at mga kaasalan. Ang Propeta nga noon ay sumusunod sa ipinag-utos ng Panginoon niya. Nililinaw niya iyon sa mga tao. Inuutusan niya sila na gawin ang tulad sa ginawa niya, gaya ng sabi niya: Magdasal kayo gaya ng nakita ninyo na ako ay nagdarasal.(9)
Inutusan nga ni Allah ang mga mananampalataya na tularan ang Propeta sa mga gawa niya at mga salita niya nang sa gayon ay malubos nila ang pananampalataya nila. Nagsabi si Allah:
Talaga ngang nagkaroon kayo sa Sugo ni Allah isang isang magandang huwaran para sa sinumang nag-aasam kay Allah at sa Huling Araw at nag-alaala kay Allah nang madalas.
Qur’an 33:21.
Naiparating ng mga marangal na Kasamahan ng Sugo (SAS), ang kasiyahan ni Allah ay sumakanila, sa mga kasunod nila ang mga sinabi niya at ang mga ginawa niya. Naiparating naman ng mga ito ang mga iyon sa mga kasunod ng mga ito. Pagkatapos ay naisagawa ang pagtatala ng mga iyon sa mga talaan ng Sunnah.
Ang mga nagpaparating ng Sunnah ay nagpapakahigpit sa sinumang pinagkukunan nila. Hinihiling nila sa kinukunan nila na siya ay kapanahon ng pinagkunan niya nang sa gayon madugtong ang kawing ng mga mananalaysay mula sa isang mananalaysay hanggang sa Sugo ni Allah, at na ang lahat ng mananalaysay sa kawing ng mga mananalaysay ay mga mapananaligan, mga makatarungan, mga tapat at mga mapagkakatiwalaan.
Ang Sunnah, kung papaanong ito ay panggawaing pagpapatupad sa Islam, ito rin ay naglilinaw sa Marangal na Qur’an, nagpapaliwanag sa mga talata nito at nagdedetalye sa pangkalahatang mga kahatulan nito yamang ang Propeta (SAS) noon ay naglilinaw sa [mga talata ng Qur’an] na ibinaba sa kanya: minsan sa pamamagitan ng salita, minsan sa pamamagitan ng gawa at minsan sa pamamagitan ng dalawang ito na magkasama. Maaaring magsarili ang Sunnah sa Qur’an sa paglilinaw sa ilan sa mga kahatulan at mga pagbabatas.
Kinakailangan ang pananampalataya sa Qur’an at Sunnah yamang ang dalawang ito ay ang dalawang batayang pinagkukunan sa Relihiyong Islam. Kinakailangang sundin ang mga ito, sumangguni sa mga ito, sundin ang ipinag-uutos ng mga ito, iwasan ang sinasaway ng mga ito, paniwalaan ang mga ipinabatid ng mga ito, at sampalatayanan ang nilalaman ng mga ito hinggil sa mga pangalan at mga katangian ni Allah, mga gawa Niya, mga inihanda Niya sa mga mananampalatayang tinangkilik Niya, at mga ibinanta Niya sa mga kaaway Niya na mga tumatangging sumampalataya.
Nagsabi si Allah:
Kaya hindi, sumpa man sa Panginoon mo, hindi sila sumasampalataya malibang pinahahatol ka nila sa anumang pinagkahidwaan sa pagitan nila, pagkatapos ay hindi sila nakatatagpo sa mga sarili nila ng isang pagtutol sa anumang ihinusga mo at nagpapasakop sila nang tunay na pagpapasakop.
Qur’an 4:65.
Nagsabi pa si Allah:
Ang anumang ibinigay sa inyo ng Sugo ay kunin ninyo at ang anumang sinaway sa inyo ng Sugo ay tigilan ninyo.
Qur’an 59:7.
Matapos ang pagpapakilala sa sa mga pinagkukunan ng katuruan ng Islam ay makabubuti sa atin na banggitin natin ang mga antas nito. Ang mga ito ay ang Islam, ang Ímán at ang Ihsán. Tatalakayin nang medyo maiksi ang mga sandigan ng mga antas na ito.