Kadalasang pinag-uusapan ng mga Kristiyano ang pagbuo ng isang relasyon kay Kristo at pagtanggap sa kanya sa kanilang buhay. Iginiit nila na si Hesus ay higit pa sa isang tao at namatay sa krus upang palayain ang sangkatauhan mula sa orihinal na kasalanan. Ang mga Kristiyano ay nagsasalita tungkol kay Hesus ng may pagmamahal at paggalang at malinaw na meron siyang isang natatanging katayuan sa kanilang mga buhay at puso. Ngunit ano naman sa mga Muslim; ano ang tingin nila kay Hesus at kung anong katayuan ni Hesu Kristo sa Islam?
Ang isang taong hindi pamilyar sa Islam ay maaaring magulat na malaman na mahal din ng mga Muslim si Hesus. Hindi sasabihin ng isang Muslim ang pangalan ni Hesus nang walang magalang na pagdaragdag ng mga salitang "sumakanya ang kapayapaan." Sa Islam, si Hesus ay isang minamahal at nirerespeto na tao, isang Propeta at Sugo na inanyayahan ang kanyang bayan sa pagsamba sa Isang Tunay na Diyos.
Ang mga Muslim at Kristiyano ay nagbabahagi ng ilang mga katulad na paniniwala tungkol kay Hesus. Parehong naniniwala na si Hesus ay ipinanganak ng Birheng Maria at kapwa naniniwala na si Hesus ang Mesiyas na ipinadala sa mga tao ng Israel. Ang pareho ay naniniwala din na si Hesus ay babalik sa mundo sa mga huling araw. Gayunpaman sa isang malaking detalye sila ay nagkakalayo nang malayo talaga. Naniniwala ang mga Muslim ng may katiyakan na si Hesus ay hindi Diyos, hindi siya anak ng Diyos at hindi siya bahagi ng isang Trinidad ng Diyos.
Sa Quran, ang Diyos ay direktang nagsalita sa mga Kristiyano nang sinabi Niya:
“O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)! Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng pananampalataya, at huwag din kayong magsabi ng tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ay (hindi hihigit pa) sa isang Tagapagbalita ni Allah at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang Ruh (espiritu) na Kanyang nilikha kaya’t manampalataya kay Allah at sa Kanyang mga Tagapagbalita. Huwag kayong mangusap ng: “Trinidad (o Tatlo)!” Magsitigil kayo! (Ito ay) higit na mainam sa inyo. Sapagkat si Allah (ang tanging) Nag-iisang Diyos, ang Kaluwalhatian ay sa Kanya, kaysa (sa lahat) upang magkaroon ng anak. Sa Kanya ang pag-aangkin ng lahat ng nasa kalangitan at lahat ng nasa kalupaan. At si Allah ay Lalagi at Sapat na upang maging Tagapamahala ng lahat ng mga pangyayari.” (Quran 4:171)
Gaya ng pilit na tinatanggi ng Islam na si Hesus ay Diyos, tinatanggihan din nito ang paniniwala na ang sangkatauhan ay ipinanganak na may bahid ng anumang anyo ng orihinal na kasalanan. Sinasabi sa atin ng Quran na hindi posible para sa isang tao na magdala ng mga kasalanan ng iba at lahat tayo ay may pananagutan, sa harap ng Diyos, para sa ating sariling mga pagkilos. “At walang magdadala ng sala na sala ng iba.” (Quran 35:18) Gayunpaman, ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang Awa at Karunungan ay hindi pinabayaan ang sangkatauhan sa kanilang mga sarili. Nagpadala siya ng gabay at mga batas na nagpapahayag kung paano sumamba at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga utos. Ang mga Muslim ay kinakailangang maniwala, at mahalin ang lahat ng mga Propeta; ang pagtanggi sa isa ay ang pagtanggi sa paniniwala ng Islam. Si Hesus ay isa lamang sa mahabang linya ng mga Propeta at Sugo, na nanawagan sa mga tao na sambahin ang Isang Diyos. Dumating siya para lamang sa mga Tao ng Israel, na sa oras na iyon ay napalayo na sa tuwid na landas ng Diyos. Sinabi ni Hesus:
“At ako ay pumarito (sa inyo) na nagpapatotoo kung ano (ang nakapaloob) sa Torah (mga Batas) noon pang una, at upang gawing tumpak (at makatarungan) sa inyo ang ilang bahagi (ng mga bagay) na sa inyo ay ipinagbabawal, at ako ay pumarito sa inyo na may katibayan mula sa inyong Panginoon. Kaya’t pangambahan ninyo si Allah at ako ay inyong sundin Katotohanan! Si Allah ay aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya’t (tanging ) Siya (lamang) ang inyong sambahin. Ito ang Matuwid na Landas.” (Quran 3:50-51)
Ang mga Muslim ay minamahal at hinahangaan si Hesus. Gayunpaman, naiintindihan natin siya at ang kanyang papel sa ating buhay alinsunod sa Quran at sa mga salaysay at kasabihan ni Propeta Muhammad. Tatlong mga kabanata ng Quran ang nagtatampok sa buhay ni Hesus, ang kanyang ina na si Maria at kanilang pamilya; bawat isa ay naghahayag ng mga detalye na hindi matatagpuan sa Bibliya.
Maraming beses na nagsalita si Propeta Mohammad tungkol kay Hesus, na minsan ay inilarawan siya bilang kanyang kapatid.
“Ako ang pinakamalapit sa lahat ng mga tao sa anak ni Maria, at ang lahat ng mga propeta ay mga magkakapatid sa ama, at walang sumunod na propeta sa pagitan ko at sa kanya (Hesus).” (Saheeh Al-Bukhari)
Sundan natin ang kwento ni Hesus sa pamamagitan ng mga mapagkukunan galing sa Islam at unawain kung paano at bakit ang kanyang katayuan sa Islam ay may kahalagahan.
Ang Unang Himala
Ipinababatid sa atin ng Quran na si Maria, ang anak na babae ni Imran, ay isang walang asawa, malinis at banal na dalagang babae na nakatuon sa pagsamba sa Diyos. Isang araw habang nag-iisa siya, lumapit si Anghel Gabriel kay Maria at sinabi sa kanya na siya ay magiging ina ni Hesus. Ang kanyang tugon ay yaong may takot, pagkabigla, at pagkadismaya. Sinabi ng Diyos:
“At (nais Namin) na italaga siya (anak na lalaki) bilang isang Tanda sa sangkatauhan at isang Habag mula sa Amin (Allah), at ito ay isang bagay sa pag-uutos (ni Allah).” (Quran 19:21)
Ipinagbuntis ni Maria si Hesus, at nang dumating ang oras na ipapanganak na siya, lumisan si Maria palayo mula sa kanyang pamilya at nagtungo sa Bethlehem. Sa paanan ng isang puno ng palmera o datiles, ipinanganak ni Maria ang kanyang anak na si Hesus.[1]
Nang makapagpahinga si Maria at gumaling mula sa sakit at takot na kaalinsabay sa panganganak ng nag-iisa, natanto niya na dapat siyang bumalik sa kanyang pamilya. Natatakot at nag-aalala si Maria habang binabalot niya ang bata at kinanlong nya sa kanyang mga braso. Paano niya maipapaliwanag ang kanyang panganganak sa kanyang mga tao? Sinunod niya ang mga salita ng Diyos at bumalik siya sa Jerusalem.
“Sabihin: “Katotohanang ako ay nagtalaga ng pag-aayuno sa Pinakamapagbigay (Allah), kaya’t ako ay hindi makikipagusap sa sinumang tao sa araw na ito. At kanyang dinala siya (ang sanggol) sa kanyang pamayanan na kanyang karga” (Quran 19:26-27)
Alam ng Diyos na kung sinubukan ni Maria magpaliwanag, hindi siya paniniwalaan ng kanyang mga tao. Kaya, sa Kanyang karunungan, sinabi niya sa kanya na huwag magsalita. Sa unang sandali na lumapit si Maria sa kanyang mga tao sinimulan nilang akusahan siya, ngunit matalino niyang sinunod ang mga tagubilin ng Diyos at tumanggi na tumugon. Ang mahiyain, malinis na babaeng ito ay itinuro lamang ang bata sa kanyang mga bisig.
Ang mga kalalakihan at kababaihan na nakapaligid kay Maria ay tumingin sa kanya nang hindi makapaniwala at hiniling na malaman kung paano nila makakausap ang isang sanggol sa kanyang bisig. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos, si Hesus, anak ni Maria, isang sanggol pa, ay nagsagawa ng kanyang unang himala. Nagsalita siya:
“Katotohanang ako ay isang alipin ni Allah, ako ay Kanyang binigyan ng Kasulatan at ako ay hinirang Niya na isang propeta At ginawa Niya na nabibiyayaan ako saan man ako naroroon, at nagtagubilin sa akin sa pagdarasal, at Zakah (katungkulang kawanggawa), habang ako ay nabubuhay. At maging masunurin sa aking ina, at (Kanyang) ginawaran ako na huwag maging palalo at mawalan ng pagtingin ng pasasalamat; Kaya’t Salam (Kapayapaan) ang sumaakin sa araw na ako ay ipinanganak, sa araw na ako ay mamamatay, at sa araw na ako ay muling ibabangon sa pagkabuhay!” (Quran 19:30-34)
Naniniwala ang mga Muslim na si Hesus ay alipin ng Diyos at isang Sugo na ipinadala sa mga Israelita noong panahon niya. Gumawa siya ng mga himala sa pamamagitan ng kalooban at pahintulot ng Diyos. Ang mga sumusunod na salita ni Propeta Muhammad ay malinaw na nagbubuod ng kahalagahan ni Hesus sa Islam:
“Ang sinumang sumaksi na walang Diyos kundi ang Diyos na Nag-iisa, na walang kasosyo o kasama, at si Muhammad ay Kanyang alipin at Sugo, at si Hesus ay Kanyang alipin at Sugo, isang salita na ipinagkaloob ng Diyos kay Maria at isang espiritu na nilikha Niya, at ang Paraiso ay totoo, at ang Impiyerno ay totoo, papapasukin siya ng Diyos sa alinman sa walong pintuan ng Paraiso na nais niya.” (Saheeh Bukhari and Saheeh Muslim)
Naitatag na natin na si Hesus, anak ni Maria, o sa tinatawag ng mga Muslim, na Eissa ibn Maryam, ay nagsagawa ng kanyang unang himala habang kalong sa mga bisig ni Maria. Sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos ay nagsalita siya, at ang kanyang mga unang salita ay "Ako ay alipin ng Diyos," (Quran 19:30). Hindi niya sinabi na "Ako ang Diyos" o kahit na "Ako ay anak ng Diyos". Ang kanyang mga unang salita ay itinatag ang pundasyon ng kanyang mensahe, at ang kanyang misyon: upang manawagan sa mga tao pabalik, sa dalisay na pagsamba sa Isang Diyos.
Sa panahon ni Hesus, ang konsepto ng Isang Diyos ay hindi bago sa mga Anak ng Israel. Inihayag ng Torah na "Makinig kayo O Israel, ang Panginoong Diyos ay Iisa," (Deuteronomio: 4). Gayunpaman, ang mga kapahayagan ng Diyos ay minali ng pagkaintindi at inabuso, at ang mga puso ay naging matigas. Dumating si Hesus upang tuligsain ang mga pinuno ng mga anak ni Israel, na nahulog sa buhay ng materyalismo at luho, at upang panindigan ang batas ni Moises na matatagpuan sa Torah na kung saan ay binago din nila.
Ang misyon ni Hesus ay upang pagtibayin ang Torah, gawin ang mga bagay na naaayon sa batas na dati ay labag sa batas at ipahayag at muling pagtibayin ang paniniwala sa Isang Lumikha. Sinabi ni Propeta Muhammad:
“Ang bawat Propeta ay ipinadala sa kanyang bansa ng natatangi, ngunit ako ay ipinadala sa lahat ng sangkatauhan.” (Saheeh al-bukhari).
Sa gayon, ipinadala si Hesus sa mga Israelita.
Sinasabi ng Diyos sa Quran na tuturuan Niya si Hesus nang Torah, Ebanghelyo at Karunungan.
“At ituturo Niya sa kanya ang Aklat at Karunungan, ang Torah at ang Injeel.” (Quran 3:48)
Upang mabisang maipalaganap ang kanyang mensahe, inunawa ni Hesus ang Torah, at binigyan siya ng kanyang sariling kapahayagan mula sa Diyos - ang Injeel, o Ebanghelyo. Binigyan din ng Diyos si Hesus ng kakayahang gabayan at maimpluwensyahan ang kanyang mga tao ng mga palatandaan at mga himala.
Sinusuportahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga Sugo sa pamamagitan ng mga himala na nakikita at may katuturan sa mga tao kung saan ang Sugo ay ipinadala upang gabayan sila. Sa panahon ni Hesus, ang mga Israelita ay magagaling sa larangan ng medisina. Dahil dito, ang mga himalang ginawa ni Hesus (sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos) ay may kahalintulad nito, kasama ang pagbabalik sa paningin ng mga bulag, pagpapagaling ng mga ketongin at pagpapabangon sa mga patay. Sinabi ng Diyos:
“At pinagaling mo ang mga ipinanganak na bulag at ang mga ketongin sa pamamagitan ng Aking pahintulot. At tingnan! binubuhay mo ang mga patay sa pamamagitan ng Aking pahintulot.” (Quran 5:10)
Ang Batang si Hesus
Kahit ang Quran o ang Bibliya ay hindi tumutukoy sa pagkabata ni Hesus. Maaari nating isipin, na bilang isang anak sa pamilya ni Imran, siya ay isang banal na bata na nakatuon sa pag-aaral at sabik na maimpluwensyahan ang mga bata at matatanda sa paligid niya. Matapos banggitin si Hesus na nagsasalita sa duyan, agad na isinalaysay ng Quran ang kwento ni Hesus na hinuhubog ang hugis ng isang ibon mula sa luwad. Umihip siya dito at sa pahintulot ng Diyos ay naging isang ibon.
“Naghulma ako para sa inyo mula sa luwad, na parang hugis ng isang ibon, at hinipan ito, at ito ay naging isang ibon sa pamamagitan ng Kapahintulutan ng Diyos.” (Quran 3:49)
Ang Infancy Gospel (Ebanghelyo ng pagkabata) ni Thomas, isa sa isang hanay ng mga teksto na isinulat ng mga naunang Kristiyano ngunit hindi tinanggap sa doktrina ng Lumang Tipan, ay tumutukoy din sa kwentong ito. Ikinuwento nito sa ilang detalye ang kuwento ng batang si Hesus na humuhubog ng mga ibon mula sa luwad at paghinga ng buhay sa kanila. Bagaman kamangha-mangha, naniniwala lamang ang mga Muslim sa mensahe ni Hesus gaya ng isinalaysay sa Quran at sa mga salaysay ni Propeta Muhammad.
Ang mga Muslim ay kinakailangang maniwala sa lahat ng mga kasulatang ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan. Gayunpaman, ang Bibliya, tulad ng umiiral ngayon, ay hindi ang Ebanghelyo na ipinahayag kay Propeta Hesus. Ang mga salita at karunungan ng Diyos na ibinigay kay Hesus ay nangawala, nakatago, nagbago at binaluktot. Ang kapalaran ng mga teksto ng Apocrypha na kung saan ang Infancy Gospel (Ebanghelyo ng pagkabata) ni Thomas ay isa pang patunay rito. Noong 325AD, tinangka ni Emperor Constantine na pag-isahin ang watak-watak na Simbahang Kristiyano sa pagpapatawag ng isang pagpupulong ng mga Obispo mula sa buong mundo. Ang pagpupulong na ito ay nakilala bilang Council of Nicaea, at ang naging kontribusyon nito ay ang doktrina ng Trinidad, na noo'y hindi umiiral, at pagkawala ng humigit kumulang 270 hanggang 4000 na mga ebanghelyo. Iniutos ng konseho ang pagsunog ng lahat ng mga ebanghelyo na hindi itinuturing na karapat-dapat na ilagay sa bagong Bibliya, at ang Infancy Gospel (Ebanghelyo ng pagkabata) ni Thomas ay isa sa mga iyon.[1] Gayunpaman, ang mga kopya ng maraming mga Ebanghelyo ay nakaligtas, at, bagaman wala sa Bibliya, ay pinahahalagahan para sa kanilang kahalagahan sa kasaysayan.
Pinalaya tayo ng Quran
Naniniwala ang mga Muslim na totoong nakatanggap si Hesus ng kapahayagan mula sa Diyos, ngunit hindi niya isinulat ni isang salita, ni inutusan niya ang kanyang mga disipulo na isulat ito.[2] Hindi na kailangan ng isang muslim na subukang patunayan o pasinungalingan ang mga libro ng mga Kristiyano. Pinapalaya tayo ng Quran mula sa pangangailangan na malaman kung ang Bibliya na mayroon tayo ngayon ay naglalaman ng salita ng Diyos, o ang mga salita ni Hesus. Sinabi ng Diyos:
“Siya ang nagpadala ng Aklat sa iyo ng katotohanan, na pinagtitibay ang mga nauna rito.” (Quran 3:3)
At saka:
“At Aming ipinanaog sa iyo (o Muhammad) ang Aklat (Quran) sa katotohanan, na nagpapatotoo sa Kasulatan na dumating nang una pa rito at Mohayminan (Karapat-dapat sa Kataasan at isang Saksi) rito (sa mga lumang Kasulatan). Kaya’t iyong hatulan sila ng ayon sa ipinahayag ni Allah.” (Quran 5:48)
Ang anumang bagay na kapaki-pakinabang para sa mga Muslim na malaman mula sa Torah o ang Injeel ay malinaw na ipinahayag sa Quran. Anuman ang mabuti na natagpuan sa mga nakaraang kasulatan ay matatagpuan na ngayon sa Quran.[3] Kung ang mga salita ng Bagong Tipan ngayon ay sumasang-ayon sa mga salita ng Quran, kung gayon ang mga salitang ito ay maaaring naging bahagi ng mensahe ni Hesus na hindi nabago o nawala sa paglipas ng panahon. Ang mensahe ni Hesus ay ang parehong mensahe na itinuro ng lahat ng mga Propeta ng Diyos sa kanilang mga tao. Ang Panginoong Diyos ay Iisa, kaya sumamba lamang sa kanya. At sinabi ng Diyos sa Quran ang tungkol sa kwento ni Hesus:
“Katotohanan! Ito ang tunay na pahayag (tungkol sa buhay ni Hesus), at La ilaha ill Allah (wala ng iba pang diyos maliban kay Allah [Siya lamang ang karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba, ang Tangi at Tunay na Diyos na walang asawa o anak]). At katotohanang si Allah ay Sukdol sa Kapangyarihan, ang Ganap na Maalam.” (Quran 3:62)
Ang kabanata 5 ng Quran ay pinamagatang Al Maidah (Ang Lamesa Na May Pagkain). Ito ay isa sa tatlong mga kabanata sa Quran na malawak na tinatalakay ang buhay ni Hesus at ng kanyang ina na si Maria. Ang iba pang mga kabanata ay kabanata 3 Al Imran (ang pamilya ni Imran) at kabanata 19, Maryam (Maria). Mahal ng mga Muslim si Hesus, at pinarangalan ang kanyang Ina, ngunit hindi nila sila sinasamba. Ang Quran, na pinaniniwalaan ng mga Muslim na direktang mga salita ng Diyos, ay tinitingala si Hesus at kanyang Ina na si Maria, at sa katunayan ang kanilang buong pamilya - ang pamilya ni Imran.
Alam natin na si Hesus ay nanirahan sa gitna ng kanyang mga tao na mga Israelita sa loob ng maraming taon, tinatawag sila pabalik sa pagsamba sa Isang Tunay na Diyos at gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos. Karamihan sa mga nakapaligid sa kanya ay tumanggi sa kanyang panawagan at nabigong makinig sa kanyang mensahe. Gayunpaman, natipon ni Hesus sa paligid niya ang isang pangkat ng mga kasamahan na tinawag bilang Al Hawariyeen (mga disipulo ni Hesus ) sa Arabe.
Sinabi ng Diyos sa Quran:
“Inilagay ko (Diyos) sa mga puso ng Al-Hawariyeen na maniwala sa Akin at sa Aking Sugo, sinabi nila: 'Naniniwala kami. At kami ay sumasaksi na kami ay mga Muslim.’” (Quran 5:111)
Tinukoy ng mga disipulo ang kanilang sarili bilang mga Muslim; paano ito mangyayari samantalang ang relihiyon ng Islam ay hindi pa ipinahahayag maliban pagkatapos ng 600 taon? Maaring tinutukoy ng Diyos ang pangkalahatang kahulugan ng "Muslim". Ang isang Muslim ay ang sinumang sumusuko sa Isang Diyos at sumusunod sa Kanya, at kahit sino na ang katapatan at debosyon ay sa Diyos at mga mananampalataya higit sa lahat. Ang salitang Muslim at Islam ay nagmula sa parehong salitang-ugat ng Arabe na - sa la ma - at iyon ay dahil ang kapayapaan at katiwasayan (Salam) ay likas sa pagsunod ng isang tao sa Diyos. Sa gayon ay mauunawaan na ang lahat ng mga Propeta ng Diyos at ang kanilang mga tagasunod ay mga Muslim.
Ang Lamesa Na May Pagkain
Sinabi ng mga disipulo ni Hesus sa kanya:
“Hesus, anak ni Maria! Maaari bang magpadala ang iyong Panginoon sa amin ng isang lamesa na puno (ng pagkain) mula sa kalangitan?” (Quran 5:112)
Hinihiling ba nila kay Hesus na gumawa ng isang himala? Ang mga disipulo ba ni Hesus na tinawag ang kanilang mga sarili na mga Muslim ay hindi sigurado sa kakayahan ng Diyos na magbigay ng mga himala kapag niloob Niya? Malamang hindi ganon, dahil ito ay isang gawain ng kawalan ng paniniwala. Ang mga disipulo ni Hesus ay hindi humihiling kung maari, ngunit sa halip kung maari bang tawagin ni Hesus ang Diyos sa mga oras na iyon upang bigyan sila ng pagkain. Gayunpaman, salungat ang inisip ni Hesus, sapagkat sumagot siya:
“Matakot kayo sa Diyos, kung kayo ay tunay na mananampalataya (Muslim).” (Quran 5:112)
Nang makita nila ang reaksyon ni Hesus, sinubukan ng kanyang mga disipulo na ipaliwanag ang kanilang mga salita. Sa una sinabi nila na "Nais naming kumain mula rito."
Marahil ay labis silang nagugutom at nais na punan ng Diyos ang kanilang pangangailangan. Ang paghiling sa Diyos na bigyan tayo ng kabuhayan o pagkain ay katanggap-tanggap, sapagkat ang Diyos ang Tagapagkaloob, ang Nag-iisa na kung saan pinagmumulan ng pangangailangan ng lahat. Pagkatapos sinabi ng mga disipulo, "at upang makuntento ang aming mga puso."
Ibig nilang sabihin na ang kanilang pananampalataya ay magiging mas malakas kung nakakita sila ng isang himala gamit ang kanilang sariling mga mata, at ito ay napatunayan sa pamamagitan ng kanilang huling pahayag. "At upang malaman na sinabi mo sa amin ang katotohanan at kami mismo ay ang mga saksi nito."
Bagama't nabanggit nang huli, ang pagiging saksi sa katotohanan at ang makakita ng mga himala na sumusuporta sa ebidensya ang pinakamahalagang katwiran para sa kanilang kahilingan. Hiniling ng mga disipulo kay Propeta Hesus na gawin ang himalang ito sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Diyos upang sila ay maging mga saksi sa buong sangkatauhan. Nais ng mga disipulo na maikalat ang mensahe ni Hesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga himalang kanilang nasaksihan gamit ang kanilang sariling mga mata.
“Sila ay nagsabi: 'Kami ay nagnanais na kumain dito (sa Lamesa na may pagkain) upang maging matatag ang aming Pananalig, at upang aming maalaman na katiyakang ikaw ay nagsabi sa amin ng katotohanan at kami sa aming mga sarili ay maging mga saksi.' Si Hesus, ang anak ni Maria ay nagsabi: 'O Allah, aming Panginoon! Ipadala Ninyo sa amin mula sa langit ang isang Lamesa (na may pagkain) upang sa amin ay magkaroon, – para sa una at huli sa amin, – ng isang pagdiriwang at isang Tanda mula sa Inyo; at Inyong pagkalooban kami ng ikabubuhay, sapagkat Kayo ang Pinakamainam sa mga Tagapagtustos.’” (Quran 5:113-114)
Humiling si Hesus ng himala. Nanalangin siya sa Diyos, hiniling na ang isang lamesa na may pagkain ay ibaba. Hiniling din ni Hesus na ito ay para sa kanilang lahat at ito ay maging kapistahan. Ang salitang Arabe na ginamit ng Quran ay Eid, nangangahulugang isang pagdiriwang o pagdiriwang na nauulit. Nais ni Hesus na ang kanyang mga disipulo at ang mga sumunod sa kanila ay alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos at maging mapagpasalamat.
Marami tayong matututunan mula sa mga panalangin na ginawa ng mga Propeta at iba pang matutuwid na mananampalataya. Ang panalangin ni Hesus ay hindi lamang para sa lamesa na may pagkain, kundi para sa Diyos na magbigay sa kanila ng panustos. Ginawa niya itong detalyado dahil ang pagkain ay isang maliit na bahagi lamang ng panustos na ibinibigay ng Pinakamainam sa mga Tagapag-bigay ng biyaya. Saklaw ng biyaya ng Diyos ang lahat ng kinakailangang para sa buhay kabilang, ngunit hindi limitado sa, pagkain, kanlungan, at kaalaman. Sumagot ang Diyos:
“Si Allah ay nagwika: “Ako ay magpapanaog nito sa inyo, datapuwa’t kung sinuman sa inyo makaraan ito, ang bumalik sa kawalan ng pananalig, kung gayon, siya ay Aking parurusahan ng isang kaparusahan na hindi Ko pa nagawa sa sinuman sa lahat ng mga nilalang.” (Quran 5:115)
Ang Kaalaman ay may Katumbas na Pananagutan
Ang dahilan kung bakit tiyak ang tugon ng Diyos ay dahil kung ang isang tao ay hindi maniniwala pagkatapos na mabigyan ng isang palatandaan o himala mula sa Diyos, ay mas masahol pa ito sa hindi naniniwala na hindi nakita ang himala. Maaari kang magtanong kung bakit. Ito ay dahil kapag nakita ng isang tao ang himala, ang isang tao ay may direktang kaalaman at pag-unawa sa kapangyarihan ng Diyos. Habang dumarami ang kaalaman ng isang tao, nagkakaroon siya ng mas maraming responsibilidad sa harap ng Diyos. Kapag nakita mo ang mga palatandaan, ang obligasyong maniwala at maipalaganap ang mensahe ng Diyos ay nagiging mas malaki. Inutusan ng Diyos ang mga disipulo ni Hesus na tanggapin ang lamesa na may pagkain upang malaman ang malaking responsibilidad na kanilang dinala sa kanilang mga sarili.
Ang araw ng lamesa ay naging isang araw ng kapistahan at pagdiriwang para sa mga disipulo at tagasunod ni Hesus, ngunit, habang lumilipas ang panahon, nawala ang totoong kahulugan at diwa ng himala. Sa kalaunan si Hesus ay sinamba bilang isang diyos. Sa Araw ng Pagkabuhay, nang ang lahat ng sangkatauhan ay tatayo sa harap ng Diyos, ang mga disipulo ay magtataglay ng malaking responsibilidad na ipaalam ang totoong mensahe ni Hesus. Makikipag-usap ang Diyos kay Hesus nang direkta at sasabihin:
“O Hesus na anak ni Maria! Iyo bang ipinahayag sa mga tao: 'Inyong sambahin ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod pa kay Allah?' Siya (Hesus) ay magsasabi: 'Luwalhatiin Kayo! Hindi isang katangian sa akin ang magsabi ng isang bagay na wala akong karapatan (na magsabi). Kung aking binigkas ang gayong bagay, katotohanang ito ay Inyong mababatid. Talos Ninyo kung ano ang nasa aking kalooban datapuwa’t hindi ko nalalaman ang nasa Inyong (Kalooban), katotohanang Kayo at Kayo lamang ang Ganap na Nakakaalam ng lahat ng nakatago at nakalingid.” Kailanman ay hindi ako nangusap sa kanila, maliban lamang kung ano ang Inyong ipinag-utos sa akin na sabihin: 'Sambahin ninyo si Allah, ang aking Panginoon at inyong Panginoon.’” (Quran 5:116-117)
Yaong sa atin na pinagpala ng totoong mensahe ni Hesus, ang parehong mensahe na ipinalaganap ng lahat ng mga Propeta kasama ang huling propeta na si Muhammad, ay magkakaroon din ng malaking responsibilidad sa Araw ng Pagkabuhay.
Ang ideya na si Hesus ay namatay sa krus ay sentro ng paniniwala ng mga Kristiyano. Kinakatawan nito ang pananalig na namatay si Hesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Ang pagpapako sa krus kay Hesus ay isang mahalagang doktrina sa Kristiyanismo; gayunpaman, tinatanggi ng mga Muslim ito nang lubusan. Bago ilarawan kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Muslim tungkol sa pagpapako kay Hesus, maaaring maging kapaki-pakinabang na maunawaan ang pananaw ng Islam sa paniniwala sa orihinal na kasalanan.
Nang kumain sina Adan at Eba mula sa ipinagbabawal na puno sa paraiso, hindi sila tinukso ng isang ahas. Ito ay si Satanas na niloko at hinikayat sila, kung saan ginawa nila ang kanilang sariling kagustuhan at gumawa ng maling paghatol. Si Eba ay hindi nagdadala ng pasanin sa pagkakamaling ito. Pareho, natanto nina Adan at Eba ang kanilang pagsuway, nakaramdam ng pagsisisi at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Ang Diyos, sa walang hanggan niyang awa at karunungan, ay pinatawad sila. Ang Islam ay walang konsepto ng orihinal na kasalanan; bawat tao ay may pananagutan sa kanyang sariling mga gawa.
“At walang nagdadala ng mga pasanin na magdadala sa mga pasanin ng iba”. (Quran 35:18)
Hindi na kinakailangan ng Diyos, o anak ng Diyos, o kahit isang Propeta ng Diyos na isakripisyo ang kanyang sarili para sa mga kasalanan ng sangkatauhan upang makamit ang kapatawaran. Tinatanggihan ng Islam ang pananaw na ito sa kabuuan. Ang pundasyon ng Islam ay nakasalalay sa pag-alam nang may katiyakan na wala dapat tayong sambahin kundi ang Diyos lamang. Ang kapatawaran ay nagmumula sa Isang Tunay na Diyos; kaya, kapag ang isang tao ay naghahanap ng kapatawaran, dapat siyang lumapit sa Diyos nang may pagtalima at tunay na pagsisisi at humingi ng kapatawaran, at mangako na huwag ulitin ang kasalanan. At saka pa lamang mapapatawad ang mga kasalanan.
Sa pananaw ng Islam tungkol sa orihinal na kasalanan at kapatawaran, makikita natin na itinuturo ng Islam na si Hesus ay hindi dumating upang magbayad para sa mga kasalanan ng sangkatauhan; sa halip, ang layunin niya ay muling pagtibayin ang mensahe ng mga Propeta na nauna sa kanya.
“.. Wala ng karapat dapat sambahin maliban sa Diyos, ang Isa at ang Tanging Tunay na Diyos…” (Quran 3:62)
Ang mga Muslim ay hindi naniniwala sa pagpapapako sa krus ni Hesus, at hindi rin sila naniniwala na siya ay namatay.
Ang Pagpapako sa Krus
Ang mensahe ni Hesus ay tinanggihan ng karamihan sa mga Israelita pati na rin ng mga awtoridad ng Roma. Ang mga mananampalataya ay binubuo ng isang maliit na grupo ng mga tagasunod sa paligid niya, na kilala bilang mga disipulo. Ang mga Israelita ay nagplano at nagsabwatan laban kay Hesus at gumawa ng isang plano upang siya ay patayin. Siya ay papatayin sa publiko, sa isang partikular na kaakit-akit na paraan, na kilala sa Imperyong Romano: crucifixion (pagpako sa krus).
Ang pagpapako sa krus ay itinuturing na isang nakakahiyang paraan upang mamatay, at ang mga "mamamayan" ng emperyong Romano ay malaya mula sa parusang ito. Ito ay dinisenyo upang hindi lamang pahabain ang paghihirap ng kamatayan, ngunit upang hiwa-hiwain ang katawan. Plinano ng mga Israelita ang nakakahiyang kamatayan na ito para sa kanilang Mesiyas - si Hesus, ang sugo ng Diyos. Ang Diyos sa kanyang walang hanggang awa ay humadlang sa kasuklam-suklam na pangyayaring ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mukha ni Hesus sa ibang tao at pag-angat kay Hesus nang buhay, katawan at kaluluwa, sa langit. Ang Quran ay tahimik tungkol sa eksaktong mga detalye ng kung sino ang taong ito, ngunit nalalaman at naniniwala tayo nang may katiyakan na hindi ito si Propeta Hesus.
Naniniwala ang mga Muslim na ang Quran at ang tunay na pagsasalaysay ni Propeta Muhammad ay naglalaman ng lahat ng kaalaman na kailangan ng sangkatauhan upang sumamba at mamuhay alinsunod sa mga utos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga maliliit na detalye ay hindi ipinaliwanag, ito ay dahil ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay hinatulan ang mga detalyeng ito na walang pakinabang sa atin. Ipinapaliwanag ng Quran, sa sariling mga salita ng Diyos, ang pagsasabwatan laban kay Hesus at sa Kanyang plano na higitan ang mga Israelita at iangat si Hesus sa langit.
“At nagplano silang patayin si Hesus at plinano din ng Diyos. At ang Diyos ang Pinakamahusay sa mga nagpaplano.” (Quran 3:54)
“At sa kanilang pagsasabi (na nagpaparangalan), “Aming pinatay ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ang Tagapagbalita ni Allah, datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, gayundin naman, siya ay hindi nila naibayubay sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay kawangis ni Hesus (at kanilang napatay ang lalaking ito), at ang may pagkakahidwa (o ibang paniniwala) rito ay puspos ng alinlangan, na ang kaalaman ay walang (katiyakan); wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, sapagkat katotohanang siya (alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria), ay hindi nila napatay; Datapuwa’t itinaas siya (Hesus) sa (kanyang katawan at kaluluwa) ni Allah sa Kanyang piling (at si Hesus ay nasa kalangitan [ngayon]). At si Allah ay Lalagi nang Tigib ng Kapangyarihan, ang Puspos ng Kaalaman.” (Quran 4:157-158)
Hindi Namatay si Hesus
Ang mga Israelita at ang mga awtoridad ng Roma ay hindi nasaktan si Hesus. Malinaw na sinabi ng Diyos na iniakyat niya si Hesus sa Kanya at dinalisay sa kanya ang mga maling pahayag na ginawa sa pangalan ni Hesus.
“O Hesus! Ikaw ay Aking kukunin at Aking itataas sa Aking Sarili (sa Kanyang piling), at ikaw ay Aking dadalisayin (sa maling paratang at kasinungalingan, na siya ay nagsasabi na siya ay anak ni Allah) sa mga nagpaparatang...” (Quran 3:55)
Sa naunang taludtod, nang sinabi ng Diyos na "dadalhin" niya si Hesus, ginamit niya ang salitang mutawaffeeka. Kung walang malinaw na pag-unawa sa lawak ng wikang Arabe, at kaalaman sa mga antas ng kahulugan sa maraming salita, maaaring hindi maunawaan ang ipinakahulugan ng Diyos. Sa wikang Arabe ngayon ang salitang mutawaffeeka ay minsan ginagamit upang magpahiwatig ng kamatayan, o pagtulog. Sa talatang ito ng Quran, gayunpaman, ang orihinal na kahulugan ay ginagamit at ang pagiging malawak ng salita ay nagpapahiwatig na inangat ng Diyos si Hesus sa Kanyang sarili, ng ganap. Sa gayon, siya ay buhay sa kanyang pag-angat, katawan at kaluluwa, nang walang pinsala o depekto.
Naniniwala ang mga Muslim na si Hesus ay hindi patay, at siya ay babalik sa mundong ito sa mga huling araw bago ang Araw ng Paghuhukom. Sinabi ni Propeta Mohammad sa kanyang mga kasamahan:
“Ano ang mangyayari sayo kapag ang anak ni Maria, si Hesus ay bumaba sa inyo at hahatol sa mga tao sa pamamagitan ng Batas ng Quran at hindi sa batas ng Ebanghelyo.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ipinapaalala sa atin ng Diyos sa Quran na ang Araw ng Paghuhukom ay isang Araw na hindi natin maiiwasan at binabalaan tayo na ang pag-baba ni Hesus ay isang tanda ng pagiging malapit nito.
“At siya, si Hesus , anak ni Maria ay magiging kilalang tanda para sa Oras. Samakatuwid walang pagdududa tungkol dito. At sumunod sa Akin! Ito ang Tuwid na Landas.” (Quran 43:61)
Samakatuwid, ang paniniwala ng Islam tungkol sa pagpapako sa krus at kamatayan ni Hesus ay malinaw. May balak na ipako sa krus si Hesus ngunit hindi ito nagtagumpay; Hindi namatay si Hesus, ngunit inangat sa langit. Sa mga huling araw hanggang sa Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at ipagpapatuloy ang kanyang mensahe.
Matapos basahin at unawain kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Muslim tungkol kay Hesus, anak ni Maria, maaaring may ilang mga katanungan na naiisip, o mga bagay na nangangailangan ng paglilinaw. Maaaring nabasa mo ang salitang "Mga Tao ng Aklat" at hindi ganap na malinaw tungkol sa kung ano ang ibig sabihin nito. Gayundin, habang sinasaliksik ang mga magagamit na literatura tungkol kay Hesus maaari mong mabasa ang pangalang Eissa at nagtataka kung si Hesus at Eissa ay magkatulad na tao. Kung nais mo pang magsiyasat ng kaunti pa o marahil basahin ang Quran, ang mga sumusunod na bagay ay maaaring maging kawili-wili.
Sino si Eissa?
Si Eissa ay si Hesus. Marahil dahil sa pagkakaiba-iba sa pagbigkas, maraming tao ang maaaring hindi magkaroon ng kamalayan na kapag narinig nila ang isang Muslim na nagsasalita tungkol kay Eissa, siya ay tunay na nagsasalita tungkol kay Propeta Hesus. Ang pagbaybay kay Eissa ay maaaring makita sa maraming mga porma- Isa, Esa, Essa, at Eissa. Ang wikang Arabe ay nakasulat sa mga titik na Arabe, at ang anumang transliterasyong sistema ay sinisikap na magaya ang mga tunog ng ponema. Hindi mahalaga kung ano ang pagkabaybay, lahat ay nagpapahiwatig kay Hesus, ang Sugo ng Diyos.
Si Hesus at ang kanyang mga tao ay nagsasalita ng Aramaiko, isang wika mula sa pamilyang Semitiko. Sinasalita ng higit sa 300 milyong tao sa Gitnang Silangan, Hilagang Aprika at Horn ng Aprika (peninsula ng Aprika), kasama ang mga Semitikong wika, bukod sa iba pa, Arabe at Hebreo. Ang paggamit ng salitang Eissa ay talagang isang mas malapit na pagsasalin ng Aramaiko na salita para kay Hesus - Eeshu. Sa Hebreo ito ay isinasalin sa Yeshua.
Ang pagsasalin sa pangalang Hesus sa mga wikang hindi Semitikiko ay nagpahirap sa mga bagay. Walang "J" sa anumang wika hanggang sa ikalabing apat na siglo[1], sa gayon, kung ang pangalang Hesus ay isinalin sa Griyego, naging Iesous, at sa Latin, Iesus[2]. Kalaunan, ang "I" at "J" ay ginamit nang palitan, at sa wakas ang pangalan ay lumipat sa Ingles bilang Jesus (Hesus). Ang panghuling "S" sa dulo ay nagpapahiwatig ng wikang Griyego kung saan nagtatapos ang lahat ng mga pangalan ng lalaki sa "S".
Sino ang mga Tao ng Kasulatan?
Kapag tinutukoy ng Diyos ang Mga Tao ng Kasulatan, higit sa lahat ang tinutukoy Niya ang tungkol sa mga Hudyo at Kristiyano. Sa Quran, ang mga Hudyong tao ay tinawag na Bani Israeel, literal na mga Anak ni Israel, o sa karaniwan, mga Israelita. Ang mga natatanging pangkat na ito ay sumusunod, o sinusunod, ang paghahayag ng Diyos tulad ng ipinahayag sa Torah at ang Injeel. Maaari mo ring mapakinggan ang mga Hudyo at Kristiyano na tinutukoy bilang "Ang Tao ng Banal na Kasulatan".
Naniniwala ang mga Muslim na ang ipinahayag na mga banal na mga kasulatan bago ang Quran ay nawala na sa tagal ng panahon, o nabago at naglaho, ngunit kinikilala din nila na ang tunay na mga tagasunod nina Moises at Hesus ay mga Muslim na sumasamba sa Iisang Diyos ng tunay na pagsunod. Si Hesus, anak ni Maria, ay dumating upang kumpirmahin ang mensahe ni Moises at upang gabayan ang mga Anak ni Israel pabalik sa tuwid na landas. Naniniwala ang Muslim na tinanggihan ng mga Hudyo (Anak ni Israel) ang misyon at mensahe ni Hesus, at ang mga Kristyano naman ay inangat siya sa katayuan ng isang diyos na hindi tama.
“O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano)!Huwag kayong magmalabis sa hangganan ng inyong pananampalataya (sa pamamagitan ng pananalig sa bagay) na naiiba sa katotohanan, at huwag ninyong sundin ang walang kapararakang pagnanais ng mga tao na napaligaw noong una, at naglihis sa marami, at nagligaw (sa kanilang sarili) sa Tamang Landas.” (Quran 5:77)
Napag-usapan na natin sa mga nakaraang bahagi kung paano pinakikitunguhan nang malawakan ng Quran ang ukol kay Propeta Hesus at kanyang ina na si Maria. Gayunpaman, kasama rin sa Quran ang maraming mga talata kung saan direktang nagsasalita ang Diyos sa Mga Tao ng Kasulatan, lalo na sa mga tumatawag sa kanilang sarili na mga Kristiyano.
Ang mga Kristiyano at Hudyo ay sinabihan na huwag kutyain ang mga Muslim dahil lamang sa paniniwala sa Isang Diyos, ngunit ang Diyos ay nagbigay ng pansin sa katotohanang ang mga Kristiyano (ang mga sumusunod sa orihinal na turo ni Kristo) at ang mga Muslim ay magkakapareho, kasama na ang kanilang pagmamahal at paggalang para kay Hesus at sa lahat ng mga Propeta.
“.. at inyong matatagpuan na ang may pinakamalapit na pagmamahal sa mga sumasampalataya (mga Muslim) ay sila na nagsasabi: “Kami ay mga Kristiyano.” Ito’y sa dahilang karamihan sa kanila ay mga pari at monako, at sila ay hindi mga palalo. At kung sila (na tumatawag sa kanilang sarili na mga Kristiyano) ay nakarinig sa mga ipinanaog (na kapahayagan) sa Tagapagbalita (Muhammad), mapagmamalas mo ang kanilang mga mata na binabalungan ng luha dahilan sa katotohanan na kanilang napagkilala. Sila ay nagsasabi: “Aming Panginoon! Kami ay nananampalataya, kaya’t kami ay Inyong itala sa karamihan ng mga saksi.” (Quran 5:83)
Tulad ni Hesus na anak ni Maria, dumating si Propeta Muhammad upang kumpirmahin ang mensahe ng lahat ng mga Propeta na nauna sa kanya; tinawag niya ang mga tao na sambahin ang Isang Diyos. Ang kanyang misyon, gayunpaman, ay naiiba sa mga naunang Propeta, (Noah, Abraham, Moises, Hesus at iba pa) sa isang bagay. Dumating si Propeta Muhammad para sa lahat ng sangkatauhan samantalang ang mga Propeta bago siya dumating ay partikular para sa kanilang sariling oras at mga tao lamang (kapanahunan lang nila). Ang pagdating ni Propeta Muhammad at ang kapahayagan ng Quran ay ang nagkompleto sa relihiyon na inihayag sa Mga Tao ng Kasulatan.
At ang Diyos ay nakipag-usap kay Propeta Muhammad sa Quran at hiniling sa kanya na anyayahan ang Mga Tao ng Kasulatan sa pamamagitan ng pagsasabi:
“Ipagbadya O Muhammad, “O Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano). Halina kayo sa isang salita (usapan) na makatarungan sa pagitan namin at ninyo, na atin lamang sambahin si Allah, na huwag tayong magtambal ng anumang iba pa sa Kanya, na huwag tayong tumangkilik ng iba pa bilang panginoon maliban kay Allah. At kung sila ay magsitalikod, inyong sabihin: “Maging saksi kayo na kami ay mga Muslim (na tumatalima kay Allah).’” (Quran 3:64)
Sinabi ni Propeta Muhammad sa kanyang mga kasama, at sa gayon sa lahat ng sangkatauhan:
"Ako ang pinakamalapit sa lahat ng mga tao sa anak na lalaki ni Maria, at ang lahat ng mga Propeta ay magkakapatid at walang pagitan sa akin at sa kanya."
At saka:
"Kung ang isang tao ay naniniwala kay Hesus at pagkatapos ay naniniwala sa akin ay makakakuha siya ng dobleng gantimpala." (Saheeh Al-Bukhari)
Ang Islam ay isang relihiyon ng kapayapaan, paggalang at pagpapaubaya, at isinasagawa nito ang isang makatarungan at mahabagin na pakikitungo sa ibang mga relihiyon, lalo na sa paggalang sa Mga Tao ng Kasulatan.