Mga Artikulo

Maaaring mabigla ang maraming tao na malaman na si Maria ay isa sa pinaka pinapahalagahan at iginagalang na babae sa Islam at ang Quran ay nagbibigay ng malaking kahalagahan sa kanya. Si Maryam (Maria) ang pangalan ng kabanata 19 ng Quran, at ang Kabanata 3 ay si Al Imran, na ipinangalan sa kanyang pamilya. Pinapahalagahan ng Islam ang buong pamilya ni Imran. Sinasabi sa atin ng Quran na:





“Si Allah ang humirang kay Adan at Noah, sa pamilya ni Abraham, at sa pamilya ni Imran nang higit sa lahat ng sangkatauhan at mga jinn.” (Quran 3:33)





Pinili ng Diyos sina Adan at Noah nang paisa-isa, ngunit pinili Niya ang pamilya ni Abraham at ni Imran.  





“Mga supling, isa mula sa iba.” (Quran 3:34) 





Ang pamilya ni Imran ay mula sa mga inapo ni Abraham, ang pamilya ni Abraham ay nagmula sa mga inapo ni Noah at si Noah ay nagmula sa mga inapo ni Adan. Kasama rin sa pamilya ni Imran ang maraming tao na kilala at iginagalang sa mga tradisyong Kristiyano - Propeta Zacarias at John (kilala bilang Baptist), Propeta at Sugo na si Hesus at ang kanyang ina, si Maria.





Pinili ng Diyos si Maria higit sa lahat ng mga kababaihan sa mundo. Sinabi niya:





“At (gunitain) nang ang mga anghel ay magbadya: 'O Maria! Katotohanang si Allah ay humirang sa iyo, nagpadalisay sa iyo, at ikaw ay hinirang nang higit sa lahat ng mga babae ng Alamin (lahat ng mga nilalang).’” (Quran 3:42)





Sinabi ni Ali ibn Abu Talib:





“Narinig ko ang Propeta ng Diyos na nagsasabi tungkol kay Maria, ang anak na babae ni Imran ang pinakamainam sa lahat ng mga kababaihan.” (Saheeh Al-Bukhari)





  Sa wikang Arabe ang pangalang Maryam ay nangangahulugang lingkod ng Diyos, at tulad ng makikita natin, si Maria, ang ina ni Hesus, ay inilaan sa Diyos bago pa siya ipanganak.





Ang Kapanganakan ni Maria


Ang Bibliya ay hindi maaaring magbigay sa atin ng anumang  detalye ng pagsilang ni Maria; gayunpaman, ipinapabatid sa atin ng Quran na ang asawa ni Imran ay inialay ang kanyang hindi pa isinisilang na anak sa paglilingkod sa Diyos. Ang ina ni Maria, ang asawa ni Imran, ay si Hannah[1].  Siya ay kapatid ng asawa ni Propeta Zacarias. Naniniwala si Hannah at ang kanyang asawang si Imran na hindi sila magkakaroon ng mga anak, ngunit isang araw si Hannah ay gumawa ng isang taimtim at taos-pusong pagsusumamo sa Diyos at humiling ng isang bata, at nanumpa na ang kanyang mga anak ay maglilingkod sa Bahay ng Diyos sa Jerusalem. Narinig ng Diyos ang pagsusumamo ni Hannah at nabuntis siya. Nang mapagtanto ni Hannah ang maluwalhating balita ay bumaling siya sa Diyos at sinabi:





“(Gunitain) nang ang asawa ni Imran ay nagsabi: 'O aking Panginoon! Ako ay nangako sa Inyo, na ang aking nasa sinapupunan ay iaalay ko tungo sa paglilingkod sa Inyo (malaya sa lahat ng makamundong gawa; upang maglingkod sa Inyong Lugar ng Pagsamba), kaya’t tanggapin Ninyo (siya) mula sa akin. Katotohanan, Kayo ang Lubos na Nakakarinig, ang Ganap na Maalam.'” (Quran 3:35)





May mga aralin na matututunan mula sa panata ni Hannah sa Diyos, isa na rito ay ang pag-aalaga sa edukasyon sa relihiyon ng ating mga anak. Si Hannah ay hindi iniisip ang mga tuntunin ng mundong ito, sinisikap niyang matiyak na ang kanyang anak ay malapit sa Diyos at sa Kanyang paglilingkod. Ang napiling mga kaibigan ng Diyos, tulad ng pamilya ni Imran, ay ang mga magulang na dapat nating gawin bilang mga modelo natin. Maraming beses na sinasabi ng Diyos sa Quran na Siya ang Isa na nagbibigay ng biyaya sa atin, at binabalaan Niya tayo na iligtas ang ating sarili at ang ating pamilya mula sa mga apoy ng Impiyerno.





Sa kanyang panalangin, hiniling ni Hannah na gawin ang kanyang anak na malaya sa lahat ng makamundong gawain. Sa pamamagitan ng pangako na ang kanyang anak ay magiging alipin ng Diyos, sinisigurado ni Hannah ang kalayaan ng kanyang anak. Ang kalayaan ay isang kalidad ng buhay na sinisikap na makamit ng bawat tao, ngunit naintindihan ni Hannah na ang totoong kalayaan ay nagmumula sa kumpletong pagpapasakop sa Diyos. Ito ang nais niya para sa kanyang hindi pa ipinapanganak na bata. Nais ni Hannah na ang kanyang anak ay isang malayang tao, hindi alipin ng sino mang tao at pagnanasa, ngunit isang alipin lamang ng Diyos. Sa takdang oras, ipinanganak ni Hannah ang isang batang babae, muli siyang bumaling sa Diyos sa panalangin at sinabi:





“‘At nang kanyang maipanganak siya (ang batang si Maria), siya ay nagsabi: “O aking Panginoon! Ako ay nagsilang ng isang sanggol na babae, - at si Allah ang higit na nakakaalam kung ano ang kanyang ipinanganak, - at ang lalaki ay hindi katulad ng babae, at aking pinangalanan siya ng Maria (sa tuwirang kahulugan ay ‘babaeng tagapaglingkod ni Allah’), at ako ay humihingi ng pagkalinga (mula) sa Inyo para sa kanya at sa kanyang magiging anak (laban sa kasamaan) ni Satanas, ang itinakwil.” (Quran 3:36)





Pinangalanan ni Hannah ang kanyang anak na Maria. Kaugnay sa kanyang panata sa Diyos, nahaharap ngayon si Hannah sa isang problema. Ang paglilingkod sa Bahay ng Panalangin ay hindi katanggap-tanggap para sa mga kababaihan. Ang ama ni Maria, si Imran ay namatay bago siya isinilang, kaya lumapit si Hannah sa kanyang bayaw na lalaki, si Zacarias. Pinagaan niya ang kalooban ni Hannah at tinulungan siyang maunawaan na alam ng Diyos na naghatid siya ng isang batang babae. Ang batang anak na ito, si Maria, ay mula sa pinakamainam na paglikha. Nabanggit ni Propeta Mohammad[2]  na sa tuwing ipinapanganak ang isang bata ay tinutusok (gamit ang daliri) siya ni Satanas at dahil dito ang bata ay umiiyak ng malakas. Ito ay tanda ng malaking pagkapoot sa pagitan ng sangkatauhan at ni Satanas; gayunpaman mayroong dalawang pagbubukod sa panuntunang ito. Hindi tinusok ni Satanas si Maria o ang kanyang anak na si Hesus[3], dahil sa panalangin ng ina ni Maria.





Nang dumating ang oras na si Maria ay papasok na sa Bahay ng Panalangin, lahat ay nagnanais na alagaan ang maka-diyos na anak na ito ni Imran. Tulad ng kagawian noon, nagpalabunutan ang kalalakihan para sa pribelihiyong ito, at siniguro ng Diyos na ang kanyang tagapag-alaga ay si Propeta Zacarias. 





“Kaya’t ang kanyang Panginoon (Allah) ay tumanggap sa kanya (Maria) ng may mabuting pagtanggap. Hinayaan Niya na siya ay lumaki sa kagandahang asal at siya ay itinagubilin sa ilalim ng pangangalaga ni Zakarias.” (Quran 3:37)





Si Propeta Zacarias ay naglingkod sa Bahay ng Diyos at isang matalino at may kaalaman na nakatuon sa pagtuturo. Mayroon siyang isang pribadong silid na itinayo para kay Maria upang siya ay makapagsamba sa Diyos at magsagawa ng pribadong tungkulin sa kanyang pang-araw-araw. Bilang kanyang tagapag-alaga, binibisita ni Propeta Zacarias si Maria araw-araw, at isang araw ay nagulat siya nang makita ang sariwang prutas sa kanyang silid. Sinasabing sa taglamig ay nagkakaroon siya ng mga sariwang prutas ng tag-init at sa tag-init ay nagkakaroon siya ng mga sariwang prutas ng taglamig.[4]  Nagtanong si Propeta Zacarias tungkol sa kung paano nakarating doon ang prutas, kung saan sumagot si Maria, ito ay katunayan galing sa Diyos ang nagbibigay ng panustos kanya. Sabi niya:





“Mula sa Diyos.” Katotohanang ang Diyos ay nagkakaloob ng ikabubuhay sa sinumang Kanyang maibigan ng walang pagbibilang (pasubali)” (Quran 3:37)





Ang debosyon ni Maria sa Diyos sa mga panahon na iyon ay walang kaparis, ngunit ang kanyang pananampalataya ay susubukin.


Pinahahalagahan at minamahal ng lahat ng mga Muslim at kilala bilang isang relihiyosa at taimtim na babae, si Maria, ang ina ni Hesus na pinili sa lahat ng iba pang kababaihan. Tinatanggihan ng Islam ang ideya ng Kristiyano na si Hesus ay bahagi ng trinidad na siyang Diyos, at mariing itinatanggi na alinman kay Hesus o ang kaniyang inang si Maria, na sila’y karapat-dapat na sambahin. Isinasaad sa banal na Quran na katiyakang walang ibang Diyos maliban kay Allah.





“Iyan si Allah, ang inyong Panginoon! Walang ibang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Kaniya, ang Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Kaya, sambahin Siya ...” (Quran 6:102)





Gayunman, kinakailangan na ang mga Muslim ay maniwala at mahalin ang lahat ng mga propeta, kabilang na ang propetang si Hesus, na may pinanghahawakang katangi-tanging katayuan sa doktrina ng Islam. Ang kaniyang ina, na si Maria, ay mayroong marangal na ginagampanan. Noong siya ay dalaga pa, si Maria ay nagpupunta sa Bahay-Panalanginan sa Herusalem, ang buong buhay niya ay kaniyang iniaalay sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos.





Nadinig ni Maria ang Balita Tungkol kay Hesus


Habang siya ay nakabukod mula sa mga tao, isang lalaki ang nagpakita sa harapan ni Maria. Sinabi ng Diyos:





“Pagkaraan siya ay naglagay ng isang tabing mula sa kanila [upang siya ay mapag-isa]; Kami ay nagpadala sa kaniya ng Aming Banal na Espiritu, {Ang Anghel na si Gabriel}, at ito ay nagpakita sa kaniya sa anyo ng isang ganap na lalaki.” (Quran 19:17)





Natakot si Maria at nagtangkang tumakas. Nagsumamo siya sa Diyos na kaniyang sinabi:





“Katotohanan! Ako ay nagpapakupkop sa Pinaka Mahabaging (Diyos) mula sa iyo, kung ikaw ay tunay na may takot sa Diyos. Ang anghel ay nagsabi: “Ako ay isang sugo lamang ng iyong Panginoon na napag-utusan upang igawad sa iyo ang magandang balita ng isang pinagkakapuring anak na lalaki.” (Quran 19:18-19)





Si Maria ay namangha at napaisip sa mga salitang ito. Wala pa siyang asawa, sa halip ay isang birhen na pinangangalagaan ang puri. Siya ay nagtanong ng may pag-aalinlangan:





“‘O Aking Panginoon! Paano po ako magkakaroon ng anak gayong wala namang lalaking sumaling sa akin?' Kaniyang sinabi, “Ito’y (mangyayari nga): sapagkat si Allah ay lumilikha ng anumang Kaniyang maibigan: Kapag Kaniyang itinakda ang isang pangyayari, Kaniyang sasabihin lamang dito: 'Maging' - at mangyayari nga.” (Quran 3:47)





Nilikha ng Diyos si Adan mula sa alabok ng mundo, nang walang ina o ama. Nilikha Niya si Eba mula sa tadyang ni Adan; at si Hesus, siya ay nilikha na walang ama, subali’t mayroong ina, ang relihiyosa na si Birheng Maria. Ang Diyos, na magsasabi lamang na 'Maging' sa isang bagay upang ito ay umiral,, ay inihip ang Espiritu ni Hesus kay Maria sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel.





“At siya ay Aming inihipan dito[1] mula sa Aming Espiritu [sa pamamagitan ng Anghel na si Gabriel], at siya ay nagpatotoo sa katotohanan ng mga Salita ng Kaniyang Panginoon ...” (Quran 66:12)





Bagama't maraming pagkakapareho na aspeto ang mga kuwento tungkol kay Maria mula sa Quran at sa Biblia, ang pananaw na si Maria ay ipinagkatipan o ikinasal ay lubos na tinanggihan ng Islam. Lumipas ang panahon, at si Maria ay nagkaroon ng pangamba sa sasabihin ng mga tao sa kaniyang paligid. Inisip niya kung paano sila maaaring maniwala na walang taong gumalaw sa kanya. Ang karamihan ng mga pantas ng Islam ay sumasang-ayon na ang itinagal ng pagbubuntis ni Maria ay normal.[2] At, nang oras na para siya ay manganak, nagpasiya si Maria na lisanin ang Herusalem, at naglakbay patungo sa lungsod ng Betlehem. Kahit na naalala ni Maria ang mga salita ng Diyos, kahit malakas at di-natitinag ng kaniyang pananampalataya, nababagabag at balisa pa din ang dalagang ito. Ngunit tiniyak sa kanya ng anghel na si Gabriel:





“O Maria, katotohanan ang Diyos ay nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang salita mula sa Kaniya na ang kaniyang pangalan ay Mesiyas, si Hesus, ang anak ni Maria. At siya ay pararangalan sa mundong ito at sa kabilang buhay at siya ay mabibilang sa mga malalapit sa Diyos.” (Quran 3:45)





Si Hesus ay Isinilang


Ang sakit ng panganganak ang nagtulak sa kaniya upang mapakapit sa katawan ng isang puno ng palmera at siya ay sumigaw sa hapis:





“Sana ako ay namatay na bago pa man dumating ang pangyayaring ito at ako ay nabaon sa limot!” (Quran 19:23)





Isinilang ni Maria ang kaniyang sanggol doon mismo, sa paanan ng isang puno ng datiles. Siya’y latang-lata matapos na manganak, at puno ng pagkabalisa at takot, ngunit gayon paman nakarinig siya ng tinig na tumatawag sa kanya.





Huwag kang malungkot! Sa katunayan, ang iyong Panginoon ay gumawa ng isang umaagos na bukal ng tubig sa bahaging ibaba ng iyong paanan; at yugyugin mo ang puno ng datiles papunta sa iyo; ihuhulog nito sa iyo ang hinog na sariwang bunga ng-datiles, kaya ikaw ay kumain at uminom at masiyahan...” (Quran 19:24)





Ang Diyos ay nagbigay ng tubig kay Maria, dahil may biglang lumitaw na isang sapa sa ilalim ng lugar na kaniyang kinauupuan. Siya rin ay nagbigay sa kaniya ng pagkain; ang kailangan lamang niyang gawin ay yugyugin ang puno ng datiles. Si Maria ay takot at nangingilabot; sobra nanghihina, nang dahil sa kaniyang panganganak, kaya’t paano niya makakayananng yugyugin ang malaking katawan ng puno ng datiles? Subali’t ang Diyos ay patuloy na nagbigay kay Maria ng panustos.





Ang sumunod na kaganapan ay talaga namang isa pang himala, at bilang mga tao malaki ang matututunan nating aral mula dito. Hindi na kinailangang yugyugin ni Maria ang puno ng datiles, na kung saan ito ay imposible; Kinailangan lang niyang gumawa ng konting pagsisikap. Habang sinusubukan niyang sundin ang kautusan ng Diyos, ang mga sariwa at hinog na datiles ay nahulog mula sa puno at sinabi ng Diyos kay Maria: "...kumain, uminom at masiyahan.” (Quran 19:26)





Ngayon ay kailangan ng kunin at dalhin ni Maria ang kaniyang bagong silang na sanggol at bumalik upang harapin ang kaniyang pamilya. Siyempre siya ay takot, at ito’y batid din ng Diyos. Kaya't inutusan Niya itong huwag magsalita. Hindi magiging posible para kay Maria na ipaliwanag kung paano siya biglang naging ina ng isang bagong silang na bata. Sapagkat wala nga siyang asawa, hindi maniniwala ang kaniyang mga kasamahan sa kaniyang paliwanag. Sinabi ng Diyos:





“At kung ikaw ay makakita ng sinumang tao, ito ang iyong sabihin: 'Katotohanan! Ako ay nagpanata ng isang pag-aayuno [bilang pagsunod] sa Pinaka Mahabagin (Diyos) kaya ako ay hindi makikipag-usap sa sinumang tao sa araw na ito.’” (Quran 19:26)





Dumating si Maria sa kaniyang mga kasamahan na dala-dala ang bata, at agad nila siyang pinaratangan; bulalas nila "Ano ang nagawa mo? Ikaw ay mula sa isang mabuting pamilya, at ang iyong mga magulang ay relihiyoso."





Tulad ng utos ng Diyos sa kaniya, hindi nagsalita si Maria, itinuro lang niya ang sanggol sa kaniyang mga bisig. At si Hesus, na anak ni Maria, ay nagsalita. Bilang bagong silang na sanggol, si Hesus, ang propeta ng Diyos ay isinagawa ang kaniyang unang himala. Sa kapahintulutan ng Diyos Kaniyang sinabi:





“Katotohanan! Ako ay alipin ng Diyos. Kaniyang ipinagkaloob sa akin ang banal na Kasulatan at ako ay Kaniyang ginawang isang Propeta; at ako ay Kaniyang pinagpala saan man ako naroroon, at itinagubilin sa akin ang pagdarasal, at kawanggawa, habang ako ay nabubuhay, at ako ay ginawang masunurin sa aking ina at ako ay hindi Niya ginawang malupit, hindi lapastangan. At ang kapayapaan ay mapasaakin sa araw na ako ay ipinanganak. At sa araw na ako ay mamamatay at sa araw na ako ay muling bubuhayin!” (Quran 19:30-34)





Si Maria ay tinukoy sa Quran (5:75) bilang isang siddqa (isang makatotohanan) nguni’t ang salitang Arabe na siddiqa ay nagpapahiwatig ng higit pa sa pagsasalita lamang ng katotohanan. Nangangahulugan ito na ang isang tao ay nagtamo ng napakataas na antas ng kabutihan. Ang ibig sabihin nito ay totoo ang isang tao, hindi lamang sa kanilang sarili at sa mga nakapaligid sa kanila, kundi maging sa Diyos. Si Maria ay isang babae na tumupad sa kaniyang kasunduan sa Diyos, na kaniyang sinasamba na may lubos na pagpapasakop. Siya ay relihiyosa, dalisay, at taimtim; ang babaeng pinili sa lahat ng iba pang kababaihan na maging ina ni Hesus ay si Maria, ang anak na babae ni Imran.



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG