Mga Artikulo

Ang mga Muslim ay naniniwala sa pag-iral ng mga anghel. Sa Islam ay mayroong anim na haligi ng pananampalataya; paniniwala sa Diyos, ang Nag-iisa at Natatangi, ang Tagapaglikha at Tagapagtustos sa lahat ng mga umiiral, paniniwala sa Kanyang mga anghel, sa Kanyang mga Aklat, sa Kanyang mga propeta, ang Huling Araw at ang banal na kahihinatnan.





Ang mga anghel ay kabilang sa mga nilalang na hindi nakikita, nguni’t ang mga Muslim ay naniniwala sa kanilang pag-iral nang may buong katiyakan sapagka’t ang Diyos at Kanyang sugo, na si Muhammad, ay nagbigay sa atin ng impormasyon patungkol sa kanila. Ang mga anghel ay nilikha ng Diyos upang sumamba at sumunod sa Kanya. Mababasa sa Quran: 





“Sila, (ang mga anghel) ay hindi sumusuway , sa mga Kautusang kanilang natatanggap mula sa Diyos, at ipinatutupad nila ang anumang ipinag-utos sa kanila.” (Quran 66:6)





Nilikha ng Diyos ang mga anghel mula sa liwanag. Ang Propeta Muhammad, nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos ay mapasakanya, ay nagsabi, “Ang mga anghel ay nilikha mula sa liwanag,”[1]  Wala tayong kaalaman kung kailan nilikha ang mga anghel, gayunpaman, ang alam natin na iyon ay bago pa ang paglalang sa sangkatauhan. Ipinaliliwanag sa Quran na ang Diyos ay nagsabi sa mga anghel ng Kanyang balak na lumikha ng tagapamahala sa mundo. (2:30)





Alam ng mga Muslim na ang mga anghel ay magagandang nilalang. Ayon sa Quran 53:6 inilalarawan ng Diyos ang mga anghel bilang dhoo mirrah, ito ay katagang Arabe na kung saan ang mga bantog na pantas ay binigyan-kahulugan bilang, matangkad at marikit sa anyo.  Inilalarawan din sa Quran (12:31) na ang Propetang si Yusuf (Joseph) bilang marikit, tulad ng isang marangal na anghel.





Ang mga anghel ay may mga pakpak, at marahil ito’y napakalaki. Walang anumang nakasulat alinman sa Quran, o sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad na nagpapahiwatig na ang mga anghel ay may pakpak na mga sanggol o anumang anyo ng kasarian.[3]  Ang alam lang natin magkagayunpaman, na ang mga anghel ay mayroong pakpak at ang iba ay talagang napakalaki. Mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad batid natin na ang laki ng sukat ng anghel na si Gabriel na napupunan “ang espasyo sa pagitan ng langit at lupa”[4]  at siya ay may anim na daang pakpak[5].





“...Ginawa Niya ang mga anghel, bilang mga sugong mayroong mga pakpak – dalawa, o tatlo, o apat (na pares)...” (Quran 35:1)





Mayroon ding pagkakaiba-iba ng katayuan ang mga anghel. Yaong mga anghel na naroroon sa unang digmaan, Ang Digmaan sa Badr, ay kinilala bilang mga “pinakamainam” na mga anghel.





“Ang anghel Gabriel ay nagtungo sa Propeta Muhammad at nagtanong, ‘Paano mo uuriin  ang mga taong kasama mo na kung saan ay kasalukuyang naroon sa Badr?’ Si Muhammad, nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos ay mapasakaniya, ay sumagot, ‘Sila ang mga pinakamainam sa mga Muslim,’ o iba pang katulad nito. Si Gabriel ay nagsabi: ‘Kung gayon sila ay kasama ng mga anghel na kasalukuyang naroon sa Badr.’”[6]





Naniniwala ang mga Muslim na ang mga anghel ay hindi nangangailangan ng pagkain o inumin. Ang kanilang panustos ay ang pagluluwalhati sa Diyos at paulit-ulit na mga salitang, walang ibang Diyos kundi si Allah. (Quran 21:20).





“. . . Yaong mga [mga anghel na] malalapit sa iyong Panginoon ay nagluluwalhati sa Kanya sa gabi at sa maghapon, at sila ay walang [anumang nararamadamang kapaguran].” (Quran 41:38)





Ang kuwento ng Propeta na si Abraham sa Quran ay nagpapahiwatig din na ang mga anghel ay walang pangangailangan sa pagkain at paginom. Noong ang mga anghel, ay nasa anyong mga kalalakihan, kanilang binisita ang Propeta Abraham upang dalhin sa kanya ang mabuting balita sa pagsilang ng anak na lalaki, siya’y naghandog para sa kanila ng isang guya sa kanilang karangalan. Sila’y tumanggi sa pagkain at siya ay nangilabot, nang isiniwalat nila ang kanilang sarili bilang mga anghel. (Quran 51:26-28)





Marami ang mga anghel, subali’t tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng eksaktong bilang. Noong kanyang pag-akyat sa langit, ang Propeta Muhammad ay dumalaw sa isang Bahay-Panalanginan na kilala bilang “Ang Bahay na Madalas Bisitahin”, o, sa wikang Arabe al Bayt al-Mamoor, ang makalangit na katumbas ng Kaaba.[7]





Pagkatapos ako ay iniangat patungo sa “Ang Bahay na Madalas Bisitahin”: araw-araw ay pitong libong mga anghel ang bumibisita dito at umaalis, hindi na muling bumabalik rito, at ibang (grupo) naman ang sumusunod pagkatapos nila.”[8]





Ang Propeta Muhammad ay nagbigay din impormasyon sa atin na sa Araw ng Paghuhukom, ang Impyerno ay dadalhin at ipakikita sa mga tao. Kanyang sinabi, “Ang Impyerno ay dadalhin sa araw na iyon sa pamamagitan ng pitong libong mga lubid, bawat isa nito’y hahatakin ng pitong libong mga anghel.”[9]





Ang mga anghel ay may taglay na matinding kapangayarihan. Mayroon silang kakayahan na gumanap ng iba’t ibang anyo. Sila’y nagpakita noon sa kanilang dalawa kina  Propeta Abraham at Propeta Lot bilang mga lalaki. Ang anghel na si Gabriel ay nagpakita noon kay Maria ang ina ni Hesus bilang isang lalaki, (Quran 19:17) at siya ay nagpakita noon sa Propeta Muhammad bilang isang lalaki, na kung saan ang damit ay may labis na  kaputian, at kung saan ang buhok ay labis ang kaitiman.[10]





Ang mga anghel ay malalakas. Apat na anghel ang nagdadala ng Trono ng Diyos, at sa Araw ng Paghuhukom ang kanilang bilang ay madadagdagan sa walo. Kabilang sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad ay ang pagsasalaysay sa paglalarawan ng isa sa mga anghel na nagdadala ng Trono ng Diyos.  “Ang distansya sa pagitan ng kanyang pingol ng tainga at ng kanyang mga balikat ay katumbas ng pitong-daang taon ng paglalakbay.”[11]





Ang mga anghel ay isinasakatuparan ang iba’t ibang mga tungkulin at mga responsibilidad. Ang iba ay responsable sa mga bagay ng sansinukob. Ang iba ay responsable sa mga karagatan, o sa mga bundok o ang hangin. Minsa’y, matapos ang pagbisita sa siyudad ng Ta’if, isang bayan na malapit sa Mecca, ang Propeta Muhammad ay pinaulanan ng mga bato. Ang anghel na si Gabriel at ang anghel ng kabundukan ay dumalaw sa kanya.





Ang anghel ng kabundukan nag-alok sa kanya upang puksain ang mga suwail na tao sa pamamagitan ng paglibing sa kanila sa ilalim ng bunton ng dalawang magkalapit na mga bundok. Tinanggihan ng Propeta Muhammad ang alok sa kanya sapagka’t siya’y naniniwala na kung sila ay may pagkakataon na huminahon at pagmasdan ang Islam, kanilang tatanggapin ang pagmamahal na ito sa Diyos.[12]





Ang mga anghel ay nagdadala ng mga utos ng Diyos nang walang pag-urong at pag-aalinlangan. Bawat anghel ay may tungkulin o gawain. Ang ilan sa mga anghel ay nagbabantay at kasama ng mga tao, ang iba ay mga mensahero. Sa ikalawang bahagi ating susuriin itong mga tungkulin at matututunan ang mga pangalan ng ilan sa mga anghel na nagsasagawa ng mga ito.


Ang mga anghel ay mga nilalang na nilikha ng Diyos, mula sa liwanag. Hindi nila kayang suwayin ang Diyos at isinasagawa nila ang mga tungkuling itinakda para sa kanila nang hindi nagdadalawang isip o nag-aatubili. Ang mga Muslim ay nakuha ang kanilang pang-unawa tungkol sa mga anghel mula sa Quran at sa tunay na mga tradisyon ni Propeta Muhammad. Sa unang bahagi ating pinagtibay na ang mga anghel ay magagandang nilalang na may pakpak, na may iba't-ibang laki at sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos, ay kayang baguhin ang kanilang mga anyo. Ang mga anghel ay may mga pangalan at tungkulin na kailangan nilang isagawa.





Ang pangalang lubos na pamilyar sa mga Muslim at mga di-Muslim ay kay Gabriel (Jibreel). Ang anghel na si Gabriel ay tinutukoy sa mga tradisyong Hudeo at Kristiyano bilang isang arkanghel at sugo ng Diyos, at siya[1] ay may malaking katayuan sa lahat ng tatlong monoteyismong relihiyon.





“Katotohanan, ito (ang Quran ay ipinararating ng) kagalang-galang na Sugo (Gabriel), mula sa Diyos para kay Propeta Muhammad. Na nagtataglay ng lakas, kapangyarihan, at mataas ang ranggo sa (Allah, nagmamay-ari ng Dakilang Trono). Siya ay sinusunod (ng mga anghel), na pinagkakatiwalaan sa kalangitan.” (Quran 81:19-21)





Dinala ni Gabriel ang mga salita ng Diyos – ang Quran – kay Propeta Muhammad.





“...Si Jibreel- siya ang nagpahayag nito [Quran] sa iyong puso sa kapahintulutan ni Allah, isang pagpapatunay ng anumang nauna rito at patnubay at magandang balita para sa mga naniniwala”. (Quran 2:97)





Si Michael (Mikaeel) ay ang anghel na responsable para sa ulan at si Israfeel ay ang anghel na iihip ng trumpeta sa Araw ng Paghuhukom. Ang tatlong ito ay mula sa pinakadakilang mga anghel ng dahil sa laki ng kahalagahan ng kanilang mga tungkulin. Bawat isa sa kanilang mga tungkulin ay may kaugnayan sa aspeto ng buhay. Si anghel Gabriel ang nagdala ng Quran mula sa Diyos patungo kay Propeta Muhammad, at ang Quran ang nagpapalakas sa puso at sa kaluluwa. Ang anghel na si Michael ay responsable para sa ulan, at nililinang nito ang lupa at gayon din ang ating mga pisikal na katawan, ang Anghel na si Israfeel ay responsable para sa pag-ihip ng trumpeta at ito ay senyales na simula na ng buhay na walang hanggan, alinman sa Paraiso o Impiyerno.





Kapag si Propeta Muhammad ay bumangon sa gabi upang manalangin, sinisimulan niya ang kanyang panalangin sa mga salitang, "O aking Diyos, na Panginoon ni Gabriel, Mikaeel at Israfeel, ang Maylalang ng langit at lupa, ang Ganap na Nakababatid sa mga hindi nakikita at nakikita. Ikaw ang Tagahatol sa mga bagay na ipinagkakaiba-iba ng Iyong mga alipin. Gabayan Mo ako hinggil sa Katotohanan sa pamamagitan ng Iyong kapahintulutan, sapagka't Iyong ginagabayan ang sinumang Iyong naisin sa Tuwid na Landas.”[2]





Alam din natin ang mga pangalan ng ilan pang mga anghel. Si Malik, ang anghel na kilala bilang bantay ng pintuang-daan ng Impiyerno. "Sila [ang mga tao sa Impiyerno] ay dadaing: ' O Malik! Maaari bang ang iyong Panginoon ay wakasan na ito para sa amin! . . ." (Quran 43:77) Sina Munkar at Nakeer ay ang mga anghel na responsable sa pagtatanong sa mga tao sa kanilang libingan. Kilala natin ang mga pangalang ito at nauunawaan natin na tayo ay tatanungin ng mga anghel sa libingan tulad ng binanggit sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad.





“Kapag ang pumanaw ay inilibing na, darating sa kaniya ang dalawang itim-bughaw na mga anghel, isa sa kanila ay tinatawag na Munkar at ang isa ay Nakeer. Sila 'y magtatanong sa kaniya, 'Ano ang iyong madalas sabihin tungkol sa lalaking ito? 'at kaniyang sasabihin kung ano ang madalas niyang sabihin: 'Siya ang alipin at sugo ng Diyos: Katotohanan ako ay sumasaksi na walang Diyos maliban kay Allah at si Muhammad ay alipin at sugo ng Diyos. Kanilang sasabihin, 'Sa simula palamang batid na namin na madalas mo na itong sabihin.' Pagkatapos ang kaniyang libingan ay paluluwagin para sa kanya sa sukat na pitumpung siko sa pitumpung siko at iyon ay magbibigay liwanag para sa kaniya. Pagkatapos ay kanilang sasabihin, 'Ika'y matulog.'  Kaniyang sasabihin, 'bumalik ka sa pamilya ko at sabihin mo sa kanila. 'Sasabihin nila sa kaniya, 'Ika'y matulog tulad ng isang bagong kasal na walang sinuman na gigising maliban sa kanyang pinakamamahal, 'hanggang sa siya ay ibabangon ng Diyos...”[3]





Sa Quran ating makikita ang kuwento tungkol sa dalawang anghel na nagngangalang Haroot at Maroot, na ipinadala sa Babilonia upang turuan ang mga tao ng mahika. Ang paggamit ng mahika ay ipinagbabawal sa Islam ngunit ang mga anghel na ito ay ipinadala bilang isang pagsubok para sa mga tao. Bago ang paghahayag o pagtuturo ng mahika sina Haroot at Maroot ay malinaw na nagbabala sa mga naninirahan sa Babilonia na sila ay ipinadala bilang isang pagsubok, at ang mga magsasagawa ng mahika ay walang bahagi sa kabilang buhay, i.e. sila'y mapupunta sa Impiyerno. (Quran 2:102)





Bagama't kung minsan ay ipinapalagay na ang Anghel ng Kamatayan ay pinangalanang Azraeel, walang anuman sa Quran o sa mapapanaligang mga tradisyon ni Propeta Muhammad ang nagpapahiwatig nito. Hindi natin alam ang pangalan ng Anghel ng Kamatayan ngunit alam natin ang kanyang tungkulin at siya ay may mga kawani.





“Sabihin: "Kayo ay kukunin ng Anghel ng Kamatayan, na itinalagang mangangasiwa sa inyo. Pagkaraan, kayo ay ibabalik sa inyong Panginoon.” (Quran 32:11)





Hanggang kapag ang kamatayan ay dumating sa isa sa inyo, siya ay kukunin ng Aming mga sugo at kanyang mga kawani [na anghel]. At kailanman sila ay hindi nagpapabaya [sa kanilang mga tungkulin]. Pagkaraan sila ay babalik kay Allah, ang kanilang Panginoon, ang Makatarungang Panginoon.” (Quran 6:61-62)





May isang grupo ng mga anghel na naglalakbay sa buong mundo, na hinahanap ang mga taong inaalala ang Diyos. Mula sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad alam natin na, "ang Diyos ay mayroong mga anghel na naglalakbay sa lansangang-bayan upang maghanap ng mga taong umaalala. Kapag nakakita sila ng mga tao na inaalala ang Diyos, tinatawag nila ang isa't isa, "Pumarito ka sa kung anong iyong inaasam!" at kanila silang babalutin nang kanilang mga pakpak, na nakaunat hanggang sa pinakamababang langit. Ang kanilang Panginoon ay magtatanong, at mas batid Niya ang mga ito kaysa sa kanila, "Ano ang sinasabi ng Aking mga alipin?" Kanilang sasabihin: "Sila ay nagluluwalhati, dumadakila, pumupuri at nagbubunyi sa Iyo." Tanong Niya, "nakita na ba nila Ako?" Kanilang sasabihin, "Hindi pa, sumpa man sa Diyos, Ikaw ay hindi pa nila nakita." Tanong niya, "at ano ang mangyayari kung Ako'y makikita nila?" Kanilang sasabihin, "Mas magsisigasig at mas magiging tapat sila sa kanilang papuri at pagsamba." Tanong Niya, "Ano ang hinihiling nila sa Akin?" Kanilang sinabi, "hinihiling nila sa Iyo ang Paraiso." Tanong Niya, "At nakita na ba nila iyon?" Kanilang sasabihin, "hindi, sumpa man sa Diyos, O Panginoon, hindi nila ito nakita." Tanong Niya, "at ano ang mangyayari kung ito'y kanilang makikita?"Kanilang sasabihin: "Sila'y lalo pang magiging masigasig para dito at lalo silang magsusumamo sa Iyo." Tanong Niya, "At ano naman ang hinahanap nila mula sa Aking proteksyon?" Kanilang sasabihin, "Mula sa Apoy ng Impiyerno." Tanong Niya, "Nakita na ba nila iyon?" Kanilang sasabihin, "Hindi, sumpa man sa Diyos, hindi pa nila ito nakita." Tanong Niya, "at ano ang mangyayari kung ito'y kanilang makikita?" Kanilang sasabihin: "Sila'y lalo pang matatakot at sabik na takasan ito." Sasabihin ng Diyos: "Kayo ang Aking mga saksi na  sila'y Aking pinatawad." Isa sa mga anghel ay magsasabi: "Si Ganoo't ganito ay talagang hindi isa sa kanila; dumating siya (sa pagtitipon) para sa iba pang dahilan. "Sasabihin ni Allah, "Lahat sila ay nasa pagtitipon, at kahit isa sa kanila ay hindi maibubukod (mula sa kapatawaran).”[4]





       Ang mga Muslim ay naniniwala na ang mga anghel ay may natatanging tungkulin na magsagawa ng nauukol sa mga tao. Kanila silang binabantayan at pinoprotektahan, at ang dalawang anghel ay sumusulat ng mabuti at masasamang gawa. Sumasaksi sila ng mga panalangin at pati ang isa sa kanila ay responsable sa mga sanggol sa loob ng bahay-bata. Sa ikatlong bahagi, ay mas maraming detalye at ilalarawan namin ang mga ugnayan ng anghel sa tao.


Ang mga Muslim ay naniniwala na ang mga anghel ay gumaganap bilang aktibong bahagi sa buhay ng tao. Ito ay nagsisimula agad pagkatapos ng paglilihi at magpapatuloy hanggang sa sandali ng kamatayan. Ang mga anghel at tao ay makikipag-ugnayan pa rin sa kabilang-buhay. Ang mga anghel ang maghahatid sa tao tungo sa Paraiso at nagbabantay sa pintuan ng Impiyerno. Ang paniniwala sa mga anghel ay isa sa mga pangunahing paniniwala ng Islam.





Mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad, ating nauunawaan na ilang buwan matapos ang paglilihi, ang buhay ay iniihip dito sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Diyos. Pagkatapos ay isusulat ng isang anghel ang sagot sa apat na tanong sa Aklat ng mga gawa ng taong ito. Ito ba ay lalaki o babae? Magiging masaya o malungkot ba ang taong ito? Gaano katagal ang kanyang buhay, at ang taong ito ba ay gagawa ng mabuti o masasamang gawa?[1]





May mga anghel na responsable sa pagbabantay sa mga tao sa buong buhay nila.





“Sa bawat (tao), ay mayroong mga anghel na nagsasalit-salitan sa pagmamatyag, mula sa kaniyang harapan at likuran. Siya'y kanilang binabantayan sa pamamagitan ng Pag-aatas ng Diyos.” (Quran 13:11)





Bawat tao ay binigyan ng dalawang nagtatalang mga anghel. Ang mga anghel na ito ay mga mararangal na eskriba at ang kanilang tungkulin ay isulat ang lahat ng mabubuti at masasamang gawa.





“. . . at Siya ay nagpadala ng mga tagapagbantay (mga anghel na nagbabantay at nagsusulat sa lahat nang gawaing mabuti at masama ng isang tao) sa iyo . . .” (Quran 6:61)





“O sila ba ay nag-aakala na hindi Namin naririnig ang kanilang mga lihim  at ang kanilang mga sariling usapan? (Tunay na Kami) at nang Aming mga Sugo (mga anghel na naatasan sa sangkatauhan) ay nasa kanila, upang magtala.” (Quran 43:80)





“(Alalahanin!) na ang dalawang tagatanggap (nagtatalang mga anghel) ay tumanggap (sa bawat tao pagkatapos niyang marating ang edad ng pagbibinata/pagdadalaga), ang isa ay nakaupo sa kanan at ang isa ay nakaupo sa kaliwa (upang isulat ang kaniyang mga gawain). Walang namumutawing isa mang salita mula sa kanya, subalit may isang nagmamatyag kasama nito na handang (magtala ng kaniyang mga gawa).” (Quran 50:17-18)





“Subali't katotohanan, itinilaga sa inyo (ang mga naatasang mga  anghel na nakatalaga sa sangkatuahan) upang kayo'y bantayan; Kiramaan (mararangal) kaatibeen  - isinusulat (ang inyong mga gawain) .” (Quran 82:10-11)





Ang mga anghel ay nagtatala sa isang marangal ngunit sa mahigpit na paraan. Wala kahit isang salita ang hindi naitatala. Gayunman, tulad ng dati, ang habag ng Diyos ay malinaw. Ang Propetang si Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay ipinaliwanag na ang Diyos ay naglarawan at nagbigay ng mga detalye tungkol sa pamamaraan ng pagtatala ng mabubuti at masasamang gawa.  “Sinuman ang gustong gumawa ng mabuting gawa, ngunit hindi ito ginawa, isinusulat ito para sa kanya bilang isang ganap na mabuting gawa. Kapag kanya talagang ginawa ang mabuting gawa kung gayon ito ay isusulat bilang sampung mabubuting gawa, o hanggang pitong daang beses o higit pa. Kung ang isang tao ay nilayon na gumawa ng masamang gawa, ngunit hindi ito ginawa, ito ay isinusulat bilang isang mabuting gawa, samantalang kapag ito'y sumagi sa kaniyang isipan at ito'y ginawa, ito ay isinusulat bilang isang masamang gawa.”[2]





Ang kilalang pantas ng Islam na si Ibn Kathir ay nagpaliwanag sa Quran 13:10-11 sa pagsasabing, "bawat tao ay may mga anghel na nagsasalitan sa pagbabantay sa kaniya sa gabi at araw, na nangangalaga sa kanya mula sa kasamaan at sa mga aksidente, tulad ng iba pang mga anghel na humahalili sa pagtatala ng kanyang mga gawa, mabuti at masama, sa gabi at sa araw."





“Dalawang anghel, sa kanan at sa kaliwa, ang nagtatala ng kanyang mga gawa. Ang nasa kanan ay itinatala ang mabubuting gawa at ang isa na nasa kaniyang kaliwa ay isinusulat ang masasamang gawa. Dalawa pang anghel ang nagbabantay sa kanya at pinangangalagaan siya, isa mula sa likuran, at isa mula sa harapan. Kaya mayroong apat na anghel sa araw at apat na iba pa sa gabi.”





Bukod sa apat na anghel na palaging kasama ng tao, na nagbabantay, at nagtatala, patuloy namang binibisita ng ibang mga anghel ang mga tao. Sa kanyang mga tradisyon, ipinaalala ng Propeta Muhammad sa kanyang mga kasamahan na lagi silang binibisita ng mga anghel. Kaniyang sinabi, "Dumarating sa inyo ang mga anghel sa paglipas ng gabi at araw at silang lahat ay magkakasama sa oras ng Fajr (madaling-araw) at Asr (hapon) na panalangin. Doon sa mga nadaanan ng gabing iyon (o nanatili sa inyo) ay umaakyat (sa Langit) at ang Diyos ay nagtatanong sa kanila, bagama't batid Niya ang lahat ng tungkol sa iyo, "Saang estado ninyo iniwan ang Aking mga alipin?" Sasagot ang mga anghel: "Nang iwanan namin sila ay nagdarasal at nang makarating kami sa kanila, sila'y nagdarasal.”[3]  Sila'y nagtitipon upang saksihan ang panalangin at makinig sa pagbigkas na mga talata ng Quran.





Samakatuwid ay ating mauunawaan na ang mga anghel ay lubhang sangkot sa buhay ng mga tao at ang pakikihalubilo na ito ay hindi magwawakas kapag inalis na ng anghel ng kamatayan ang kaluluwa, ni hindi ito magwawakas matapos tanungin ng mga anghel ang yumaong tao sa kanyang libingan [4]. Ang mga anghel ay ang tagapagbantay ng pintuan ng Paraiso.





“At yaong mga natatakot sa kanilang Panginoon ay dadalhin patungo sa Paraiso nang pangkat-pangkat, hanggang, kapag sila ay makarating dito at ang mga pinto nito ay magbubukas at ang mga tagapagbantay nito ay magsasabi sa kanila: Assalamu alaikum! (Ang kapayapaan ng Diyos ay mapasa inyo!).  Kayo ay naging dalisay, kaya magsipasok kayo rito upang kayo ay manatili [rito] nang walang hanggan.” (Quran 39:73)





“At ang mga anghel ay papasok sa kanila mula sa bawat pintuan na nagsasabing, "Assalamu Alaikum (Nawa ang kapayapaan ng Diyos ay sumainyo) sapagka't kayo ay naging matiyaga sa pagtitiis! Sadyang napakaganda ng huling tahanan!” (Quran 13:23-24)





Ang mga anghel ay tagapagbantay rin ng Impiyerno.





“At ano nga ba ang makapagpapaliwanag sa iyo kung ano ang Impiyernong-Apoy na ito?  Wala itong kinaliligtaan (na sinumang nagkasala), at walang iniiwan (na anumang bagay na hindi sinusunog)!  Sinusunog ang mga balat!  Naroroon ang labing siyam (na mga anghel bilang tagapangalaga at tagapagbantay ng Impiyerno).  At wala Kaming ginawang tagapagbantay ng Apoy maliban sa mga anghel, at Aming itinakda lamang ang kanilang dami bilang isang pagsubok sa mga di nananampalataya - nang sa gayon ang mga Angkan ng Kasulatan ay mapagtanto nila nang may katiyakan at upang magagdagan ang Paniniwala ng mga mananampalataya.” (Quran74:27-31)





Nilikha ng Diyos ang mga anghel mula sa liwanag. Hindi nila kayang suwayin ang Diyos at sinusunod nila ang Kanyang mga utos nang hindi nagdadalawang isip o nag-aatubili. Sinasamba ng mga anghel ang Diyos. Ito ang kanilang ikinabubuhay. Ang mararangal na nilalang na ito ay may mahalagang papel sa buhay ng mga tao. Sila ay nagbabantay at nagpoprotekta, nagtatala at nag-uulat, at nakikipagtipon sa mga taong umaalala sa Diyos. 





Sa unang bahagi ng seryeng 'Kaligtasan sa Islam', nalaman natin na ang kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng pagsamba sa Nag-Iisang Diyos. Siya lamang ang ating sinasamba at sinusunod natin ang Kanyang mga kautosan. Nalaman din natin sa Islam ay hindi kinikilala ang konsepto ng orihinal na kasalanan, bagkus ang mga Muslim ay naniniwala na ang lahat ng tao ay isinilang na walang kasalanan. Sa kasunod na artikulo ay tatalakayin natin ang konsepto ng pagbabayad-sala, iyon ay, ang mamatay si Hesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, at matutuklasan natin na ang konseptong ito ay lubos na tinatanggihan ng Islam. Ang Kaligtasan sa Islam ay sa pamamagitan ng tawheed, monoteyismo.





Ang Tawheed ay salitang Arabe na ang ibig sabihin ay kaisahan, at kapag pinag-uusapan natin ang tawheed na may kaugnayan sa Diyos ang ibig sabihin nito ay napagtatanto at pinagtitibay ang kaisahan ng Diyos. Ito ay paniniwala na ang Diyos ay isa, walang kapareha o katambal. Walang Diyos na karapat-dapat sambahin kundi si Allah, at ito ang pundasyon ng Islam. Sa pagpapahayag nang gayong paniniwala kasama ang paniniwala na si Muhammad ang Kanyang sugo ay ang siyang nagsasanhi sa isang tao para siya'y matawag na Muslim. Ang paniniwala sa tawheed na may katiyakan ay ang garantiya ng kaligtasan.





“Sabihin mo (O Muhammad): Siya si Allah (Diyos), (ang Natatangi) Nag-iisa. Si Allah, ang Walang Hanggan (Saligan). Hindi Siya nagka-anak, ni hindi Siya ipinanganak; at walang makahahalintulad sa Kanya.” (Quran 112)





“Katotohanan! Ako si Allah! Walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya't Ako'y sambahin...” (Quran 20:14)





“Siya ang Tagapagsimula ng mga kalangitan at kalupaan. Paano Siya nagkaroon ng mga anak gayong Siya ay walang asawa? Kaniyang nilikha ang lahat ng bagay at Siya ang Maalam sa lahat ng bagay. Iyan si Allah, ang inyong Panginoon! La ilaha illa Huwa (walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Tagapaglikha ng lahat nang bagay. Kaya sambahin Siya (nang Nag-iisa), Siya ang Tagapangasiwa, Namamalakad sa lahat ng bagay, Tagapag-Alaga, sa lahat ng bagay. Walang mga paningin ang makasasaklaw sa Kaniya, ngunit Kaniyang nasasaklawan ang lahat ng paningin. Siya ang Pinaka Dalubhasa at Pinaka Mabait, ang Lubos na Nakababatid sa lahat ng bagay.” (Quran 6:101-103)





Ang mga Muslim ay sumasamba sa Diyos nang walang anumang tagapamagitan, wala Siyang mga kasosyo, kasamahan, anak na lalaki, anak na babae, o mga katulong. Ang pagsamba ay nakatuon lamang sa Diyos, sapagkat Siya lamang ang Nag-iisang karapat-dapat na pag-alayan ng pagsamba. Wala nang mas makahihigit pa sa Diyos.





Ang paniniwala ng Kristiyano na si Jesus ang anak ng Diyos o siya mismo ang Diyos ay tuwirang sumasalungat sa tawheed. Ang konsepto ng Trinidad, Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay matatag ding tinanggihan ng Islam. Ang ideya ng pagtutubos ng kasalanan ni Hesus (o ang pagligtas sa ating mga kaluluwa) sa pamamagitan ng pagkamatay (sa krus)  ay isang konsepto ng ganap na kahangalan sa paniniwala ng Islam.





“O Angkan ng Kasulatan, huwag kayong gumawa ng kalabisan sa inyong relihiyon o magsabi ng anumang tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, anak ni Maria, ay isang sugo ni Allah at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang kaluluwa na nilikha sa pag-uutos mula sa Kanya. Kaya maniwala kayo kay Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag kayong magsabing: "Tatlo!" Magtigil kayo! Ito ay higit na makabubuti para sa inyo. Katotohanan si Allah ay tanging isang Diyos, Luwalhati sa Kanya Siya ay Kataas-taasan sadyang malayo sa pagkakaroon ng anak na lalaki. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan. At si Allah ay Sapat na bilang Tagapangasiwa para sa lahat ng mga pangyayari.” (Quran 4:171)





Ang ideya na si Hesus ay namatay sa krus ay ang sentro sa paniniwala ng mga Kristiyano. Kinakatawan nito ang paniniwala na si Hesus ay namatay para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa madaling salita ang mga kasalanan ng isang tao ay 'tinubos' na ni Hesus, at ang isa ay malaya ng gumawa ng anumang kanyang naisin, sapagkat sa huli nama'y magtatamo siya ng kaligtasan sa pamamagitan ng paniniwala kay Hesus. Ito ay ganap na tinatanggihan ng Islam.





Hindi na kailangan ng Diyos, o maging ng isa sa Propeta ng Diyos na isakripisyo ang kanyang sarili para sa mga kasalanan ng sangkatauhan upang makamit ang kapatawaran. Lahat ng pananaw na ito ay itinatanggi sa Islam. Ang pundasyon ng Islam ay nakasalalay sa kaalaman nang may katiyakan na walang karapat-dapat sambahin malibansa Diyos lamang. Ang Pagpapatawad ay ipinadarama mula sa isang tunay na Diyos; Kaya, kapag humingi ng tawad ang isang tao, kailangang bumaling siya sa Diyos ng may buong pagpapakumbaba kasama nang tunay na pagsisisi at paghingi ng kapatawaran, nangangako na hindi na uulitin ang kasalanan. Sa gayon lamang tayo mapapatawad ng Diyos na Maykapal.





Itinuturo ng Islam na hindi pumarito si Hesus upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan; sa halip, ang layunin niya ay muling pagtibayin ang mensahe ng mga Propetang nauna sa kanya.





“.. Walang karapat-dapat sambahin maliban sa Diyos, ang Natatangi at Nag-iisang Diyos Lamang…” (Quran 3:62)





Ang paniniwala ng Islam patungkol sa pagpako kay Hesus sa krus at kamatayan ay nilinaw. Hindi siya namatay upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan. May planong ipako sa krus si Hesus ngunit hindi ito nagtagumpay; hindi siya namatay kundi iniakyat sa Langit. Sa mga huling araw bago ang pagdating ng Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng paniniwala sa Kaisahan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Quran na sa Araw ng Paghuhukom ay itatanggi ni Hesus ang mga taong pilit na sumasamba sa kanya, o na siya ay kasama ng Diyos (Trinidad).





“At (inyong alalahanin) kapag si Allah ay magsasabi (sa Araw ng Pagkabuhay muli): "O Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa tao: 'ituring niyo ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod kay Allah?" Siya (si Hesus) ay magsasabi: "Luwalhati sa Iyo. Hindi marapat para sa akin ang magsabi ng anumang wala akong karapatan (na sabihin). Kung ito man ay aking nasabi, katiyakang ito ay Iyong mababatid. Batid Mo ang anumang nasa aking kalooban, samantalang hindi ko nababatid ang anumang nasa Iyong Kalooban. Katotohanan, Ikaw ang Maalam sa mga di-nakikitang [bagay o pangyayari]. Wala akong sinabi sa kanila maliban sa kung ano lamang ang Iyong ipinag-utos sa akin [na sabihin]: "Inyong sambahin si Allah, ang aking Panginoon. at ako ay naging saksi sa kanila habang ako ay nananatili sa kanila ngunit nang ako ay Iyong bawiin, [tanging] Ikaw ang Tagapagmasid sa kanila at [tanging] Ikaw ang Saksi sa lahat ng bagay." (Quran 5:116-117)





Sinasabi sa atin ng Diyos sa Quran na mayroon lamang isang kasalanan na walang kapatawaran, at iyon ay para sa isang tao na kapag ito ay namatay na may ini-uugnay sa Diyos at hindi nagbalik-loob mula rito bago siya bawian ng buhay.





“Katotohanan, si Allah ay hindi nagpapatawad [sa isang nagkasala] ng pagtatambal sa Kanya. Ngunit Kanyang pinatatawad ang anumang kasalanang mababa kaysa riyan sa sinumang Kanyang nais. At sinuman ang magtambal ng iba kay Allah, katiyakan, siya ay nakapaglubid ng isang napakalaking kasalanan.” (Quran 4:48)





     Sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad, sumakaniya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ipinaalam sa atin na sinabi ng Diyos, "Ako ay ang Makapag-iisa, hindi Ko na kinakailangang magkaroon pa ng katambal. Kaya kung sinuman ang gumagawa ng isang gawain para sa kapakanan ng ibang tao at para sa Akin ang gawaing iyon ay Aking inayawan dahil sa siya'y nagtambal sa Akin".[1]


Gayunpaman, maging ang kasalanang pag-uugnay ng katambal ng Diyos ay mapapatawad kung talagang tunay na magbalik-loob ang tao sa Diyos, ng tapat at lubos na nagsisisi.





“At katiyakan, Ako ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob, at siya ay naniniwala (sa Aking Kaisahan, at walang katambal sa pagsamba sa Akin) at gumagawa ng mga mabubuting gawa, at pagkatapos ay nananatiling palagian sa paggawa ng mga ito (hanggang sa kanyang kamatayan).” (Quran 20:82)





 “Sabihin mo sa mga di-naniniwala, na kung sila ay magsitigil (mula sa hindi paniniwala), ang anumang nangyari noon ay patatawarin para sa kanila.” (Quran 8:38)





       Bawat tao ay maaaring magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsamba sa Isang Diyos. Ang pananatiling may kaugnayan sa Diyos at pagsisisi mula sa mga pagkakamali at kasalanan ang daan tungo sa kaligtasan. Sa kasunod na artikulo, pag-uusapan natin ang mga kundisyon ng pagbabalik-loob.


Ang daan tungo sa kaligtasan ay sa pamamagitan ng tiyak na paniniwala na mayroon lamang Nag-iisang Diyos at Siya ay Laging Mapagpatawad at Maawain. Ang Islam ay nagsasaad nang walang-pasubali na wala talagang konsepto ng orihinal na kasalanan at ang Diyos ay hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng dugo upang patawarin ang sangkatauhan para sa kanilang mga kasalanan at mga paglabag.





“Sabihin: "O Aking mga alipin na nagmalabis laban sa kanilang mga sarili (sa paggawa ng mga kasalanan)! Huwag kayong mawalan ng Pag-asa mula sa Habag ng Diyos, katotohanan, pinatatawad ng Diyos ang lahat ng kasalanan. Katiyakan, Siya ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka Maawain.” (Quran 39:53)                           





Ang paggawa ng pagkakamali, ang pagkukulang sa ating pagsunod sa Diyos, pagkalimot, at paggawa ng mga kasalanan ay bahagi ng di-perpektong katangian ng sangkatauhan. Walang tao na malaya sa kasalanan, kahit gaano man kabuti ang makita sa atin sa panlabas sapagkat ang bawat tao ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nababatid ito nang kausapin niya ang kanyang mga kasamahan.





“Sa pamamagitan ng Nag-Iisa na Siyang may hawak sa aking kaluluwa, kung hindi kayo makagawa ng kasalanan ay aalisin kayo ng Diyos at magdadala ng mga taong makakagawa ng kasalanan kaya manalangin kayo para sa kapatawaran.”[1]





“Bawat angkan ni Adan ay nagkakasala at ang pinakamabuti sa mga nagkakasala ay yaong mga nagbabalik-loob.”[2]





Lahat tayo ay madaling matukso, lahat tayo ay nagkakasala, at lahat tayo ay nangangailangan ng kapatawaran. Tayo ay may likas na pangangailangan na mapalapit sa Diyos at ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay Kanyang ginawa na ang landas ng kapatawaran ay maging madali. Naranasan mismo ng Propeta Muhammad ang sobrang kagalakan na nagmumula sa pakiramdam na "totoo" sa kaniyang Panginoon. Kanyang sinabi, “Sumpa man, hinahangad ko ang kapatawaran ng Diyos at bumabaling ako sa Kanya sa pagsisisi nang mahigit pitumpung beses bawat araw.”[3]





Ang Diyos, na Taga-Paglikha ay sukdulang batid ang sangkatauhan, alam Niya ang ating mga kahinaan at pagkukulang, at kaya Niya inutos ang pagbabalik-loob para sa atin at hinayaan ang pintuan tungo sa pagbabalik-loob na bukas hanggang sa sumikat ang araw mula sa kanluran (kalapit sa Araw ng Paghuhukom).





“At magbalik-loob kayo [sa pagsisisi] at sumunod ng may tapat na Pananampalataya sa inyong Panginoon at tumalima kayo sa Kanya, bago dumating ang parusa sa inyo, [sapagkat] pagkaraan [niyan] kayo ay hindi na matutulungan.” (Quran 39:54)





“O kayong mga naniniwala! Magbalik-loob kayo sa Diyos nang may tapat na pagsisisi! Maaaring pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papapasukin sa mga hardin na sa ilalim nito ay may mga batis na umaagos (Paraiso)…”(Quran 66:8)





“At kayong lahat ay humingi sa Diyos ng kapatawaran para patawarin kayong lahat, O kayong mga naniniwala, upang sakali kayo ay magsipagtagumpay.” (Quran 24:31)





Ang pagbabalik-loob ay kasing dali ng pagbaling sa Diyos at paghingi ng Kanyang awa at kapatawaran. Sa pinakamadilim na oras o pinakamahabang gabi, hinihintay ng Diyos ang lahat ng humiling sa Kanya, at magbalik-loob sa Kanya.





“Ang Diyos ay iniaabot ang Kanyang kamay sa gabi upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa umaga, at Kanyang iniaabot ang Kanyang kamay sa araw upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa gabi, (at magpapatuloy ito) hanggang sa pagsikat ng araw mula sa kanluran.”[4]





Walang mga pagkakasalang napakaliit o kasalanang napakalaki na hindi magiging maawain ang Diyos sa taong nanambitan sa Kanya. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nagkuwento tungkol sa isang lalaki na ang mga kasalanan ay tila napakalaki para sa kanya upang magkaroon ng pag-asa sa awa, ngunit ang Diyos ay Pinaka Marunong at Palaging Nagpapatawad. Maging ang mga tao na ang buhay ay walang kasing-gulo at puno ng kadiliman dahil sa kasalanan, ay makakasumpong ng kapanatagan.





“Mayroon sa mga tao na naunang dumating sa inyo na isang lalaking pumaslang ng siyamnapu't siyam na tao. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa isang taong pinaka-maalam sa mundo, at siya ay itinuro sa isang ermitanyo, kaya pumunta siya sa kanya at sinabi na pumaslang siya ng siyamnapu't siyam na tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi sa kanya ng ermitanyo, 'Hindi,' kaya't pinaslang niya ito, sa gayon ito'y nakumpleto sa isang daan. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa may pinaka maalam na tao sa mundo at siya'y itinuro sa isang pantas. Sinabi niya sa kanya na pinaslang niya ang isang daang tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi ng pantas, 'Oo, ano paba ang posibleng humarang sa pagitan mo at ng pagbabalik-loob? Magtungo ka sa gayong bayan, sapagka't doon ay may mga taong sumasamba sa Diyos. Humayo ka at sumamba kasama nila, at huwag kang bumalik sa sarili mong bayan, sapagka't iyon ay isang masamang lugar." Kaya naman ang lalaki ay nag-umpisang maglakbay, subali't nang siya'y nangangalahati na patungo doon (sa kanyang pupuntahan), ay dumating sa kanya ang anghel ng kamatayan, at nagsimulang magtalo ang mga anghel ng awa at ang mga anghel ng poot sa kanya. Sinabi ng mga anghel ng awa: 'Siya ay nagbabalik-loob at naghahanap sa Diyos.' Sinabi ng mga anghel ng poot: 'Wala siyang ginawang anumang mabuting bagay.' Isang anghel na nasa anyo ng tao ang lumapit sa kanila, at hiniling nila na pagpasiyahan niya ang bagay na iyon. Kanyang sinabi, 'Sukatin niyo ang distansya sa pagitan ng dalawang lupain (ang kanyang bayan at ang bayan na kanyang patutunguhan), at alinman sa dalawa na siya ay pinakamalapit ay doon siya mapapabilang. 'Kaya't sinukat nila ang distansya, at natuklasan na siya ay malapit sa bayan kung saan siya ay patungo, kaya't dinala siya ng mga anghel ng awa.” [5]





Sa isa pang bersyon mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, sinasabi roon, na ang lalaki ay mas malapit sa matuwid na bayan ng isang dangkal, kaya't isinama siya sa mga tao nito.[6]





Ang pagbabalik-loob ay mahalaga sa isang tao upang maging daan sa mapayapang buhay. Ang gantimpala ng pagbabalik-loob ay maayos na pamumuhay na malapit sa Diyos at puno ng kapanatagan at kapayapaan ng isipan. Gayunman, may tatlong kundisyon sa pagbabalik-loob. Ang mga ito ay, talikuran ang kasalanan, pagsisihan habambuhay ang nagawang kasalanan at huwag nang bumalik sa kasalanan. Kung ang tatlong kundisyong ito ay natupad nang taos-puso, samakatwid ang Diyos ay magpapatawad. Kung ang kasalanan ay may kinalaman sa karapatan ng ibang tao kung gayon ay may ikaapat na kundisyon. Iyon ay dapat ibalik, kung posibleng maibalik, ang mga karapatang kinuha.





Ang habag at pagpapatawad ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat na Siya ay magpapatuloy sa pagpapatawad. Kung ang isang tao ay tapat, patatawarin siya ng Diyos kahit na sa sandaling ang kamatayan ay umabot na sa lalamunan.





Ang kilalang iskolar na si Ibn Kathir ay nagsabi, "Katiyakan, kapag ang pag-asa sa nabubuhay ay pakaunti na ang Anghel ng Kamatayan ay dumarating upang kunin ang kaluluwa. Kapag ang kaluluwa ay umabot na sa lalamunan, at ito ay unti-unting hinila, sa puntong iyon ay wala ng tatanggaping pagbabalik-loob.'[7]





Ang tunay na pagbabalik-loob ay tanda ng daan tungo sa kaligtasan. Ang Kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba sa Diyos. Walang Diyos kundi Siya, ang Pinaka Makapangyarihan, ang Pinaka Mahabagin, ang Lubos na Mapagpatawad.[8]


 



Kamakailang Mga Post

Ang Islām Relihiyon n ...

Ang Islām Relihiyon ng Naturalesa, Isip, at Kaligayahan

Sino ang lumikha ng S ...

Sino ang lumikha ng Sansinukob? Sino ang lumikha sa akin? Bakit?

Ang Islām ay Relihiyo ...

Ang Islām ay Relihiyon ng Panginoon ng mga nilalang

ANG ISLĀM AY RELIHIYO ...

ANG ISLĀM AY RELIHIYON NG PANGINOON NG MGA NILALANG